You are on page 1of 2

Edukasyon: Isang regalo? o Isang banta sa pambansang identidad?

Naghihingalo ang Pilipinas bago pumasok sa sistema ang mga Amerikano, ibinigay na
pampalubag-loob ang edukasyon na ipinagkait sa panahon ng pananakop ng Espanyol upang
kumalma ang bansa mula sa trahedyang sinapit noong huling kolonisador. Unti-unting nakamit
ang nais at karapatan bilang Pilipino lalong-lalo na sa aspektong pang-edukasyon na binigyang-
tuon at halga ng mga Amerikano ngunit ito na nga ba ang pagkakataon upang makapag-suri ag
makabuo ng maka-Pilipinong ideolohiya o pananaw na tutugo sa pagpapayabong ng sariling
kultura, ekonomiya, nasyonalismo at huhulma ng mga Pilipinong intelektuwal? Maganda ang
imahen ng Amerikano sa mata ng lipunan noon dahil sa pagturing nila bilang isang bayani na
yumakap at nagligtas sa Inang bayan mula sa pang-gagahasa’t pang-aapi ng rehimeng kastila.
Ngunit, ano ang kanilang tunay na pakay sa Pilipinas? Ang mahalin upang makabangon at
makalaya sa daang taong pagkakabilanggo o ang mahalin upang gamitin sa pansarili nilang
interes? Ang Amerikano na nga ang magiging daluyan ng pagkakabuo ng sariling kaakuhan at
sariling kaalaman na nakabakas sa kultural at identidad ng bansa? Ano ang bitbit ng edukasyon sa
buong plebyo? Ito ba ay huhulma ng mga maka-Pilipino o maka-Amerikanong panig?

Ang edukasyon ay instrumento upang makalikha ng mga mapanuri at radikal na tao na tunay na
kikilala at mayroong malawak na pang-unawa sa suliranin at may agarang makakapaglahad ng
solusyon na magreresulta ng mabilis na kaunlaran at pagbabago sa sistema ng bansa. Ngunit sa
pagpasok ng Amerikano sa lahat ng larangan ng bansa, namutawi ang marka ng mananakop at
napag-iwanan ang tunay na pagkakakilanlan ng Pilipinas na bumago sa pananaw ng mga Pilipino.
Isang patunay ang pagtangkilik sa maka-kanlurang bagay na unti-unting nilalamon ang Pilipino sa
buhay-Amerikano at ang pananamantala ng mga Amerikano sa kalakalan na walang binabayad na
buwis sa pagpasok ng bansa. Nagsawalang-kibo na lamang ang Pilipinas dahil itunuro at tinatatak
sa isipan ng mga Pilipino na agrikultural lamang ang bansa at hindi ipinapakita ang tunay na
kalagayan ng kahirapan sa bukirin at ibang suliranin. Sa pagkakabihag ng kaisipan ng tao gamit
ang edukasyon na naging pangunahing sandata ng Amerikano sa pagsakop sa bansa nang sa
panahong iyon ay bumabangon pa lamang sa kalugmukang sinapit sa Espanya. Niyakap ng
Amerika ang bansa gamit ang mga mabulaklak na pangako ngunit sa likod nito ay mayroong
patalim na itatarak na magdudulot ng pagkawasak ng pambansang identidad.
Binigyan ng pribilehiyong makapag-aral ang lahat sa antas ng elementarya’t sekundarya, hindi
dahil sa layuning mapunlahan ng kaalamang maka-bansa at maka-kultura ang mga Pilipino na
wawasak sa daang taong pagka-ignoransya at kamangmangan bagkus sa layuning mapalawak ang
sakop at kontrol ng Estados Unidos sa bansa at nang masanay ang nasasakupan bilang kolonya.
Nagtuturo ng wikang Ingles sa binuo nilang paaralan dahil sa paniniwalang nakabakas ang
paggamit nito ang tunay na kahusayan at kaalaman, sa halip na wikang katutubo ang pagyamin.
Maraming nagsulong na marapat na pagyabungin ang wikang katutubo dahil ito’y hindi hadlang
sa pagkatuto at pag-iisip ng mga Pilipino sa paghahayag ng kanilang saloobin o damdamin ngunit
nagsawalang-kibo lamang ang naghaharing-uri dahil taliwas ito sa layunin at mithiin na
maipakalat ang Ingles bilang lunduyan ng lahat ng kaalaman. Kaya’t nanatili ang Ingles sa sistema
bilang wika sa komunikasyon at panturo, nasaan ang saysay ng sariling wika ng panahong ito?
Bukod sa wika, natutuhan din sa loob ng paaralan ang kulturang kanluranin na hindi naman
nakaugat at nakatangan sa kulturang Pilipino. Mahihinuha na ang mamamayan ng bayan ay
natuto ngunit hindi sa maka-Pilipinong pamamaraan kundi bilang isang natatanging kolonya ng
imperyalistang bansa. Hindi isang edukasyon na maituturing ang bitbit ng Amerika dahil ito ay
isang pwersahang pagkatuto sa kanilang konteksto na hindi angkop sa identidad ng Pilipinas at
hindi ito kakikikitaan ng mga pagsangguni sa katutubong kaalaman at tunay na pangangailangan
ng Pilipinas na kikilala sa pagkakilanlan ng bansa. Kung kaya’t ang edukasyong kanilang regalo ay
hindi maituturing na isang edukasyong maka-Pilipino at wala ring maituturing na mga Pilipinong
intekletuwalisado dahil sa kalabisang pagsandig sa dayuhang kaisipan na nagdadala ng mga
maling edukasyon at persepsyon na hindi nakabatay sa konseptong Pilipino.

Sa pagbabalangkas ng isang edukasyon, ito’y marapat na iugat sa Pilipinong kaisipan dahil ito ang
magbubukas ng malawak na pang-unawa at paghubog sa intektuwalisadong Pilipino bilang isang
tao na may malasakit at pag-ibig sa bayan. Ang unang magiging hakbang ay pagyamin ang sariling
wika dahil ito ang gamit ng lahat sa pagpapahayag at pakikisangkot ng mga tao sa isyung
panlipunan at makakapagbukas ng lahat ng kaalamang maka-bansa. Isang malaking hamon sa
mga Pilipino ang pagwasak sa impluwensiya ng Amerika dahil sa lahat ng aspekto ng bansa ay
makikita ang kanilang kasaysayan at sa pagkabilog ng kaisipan ng mga Pilipino bilang kanilang
kauri. Binigay nga ba nila ang karapatan ng Pilipinas na nagnanais makamit ang kasarinlan?
Maituturing bang gamot na pampakalma ang edukasyong kanilang bitbit sa may kapansang Inang
bayan? Tunay nga bang lumaya ang Pilipinas o alipin pa rin ang bansa ng kanilang impluwensiya?

You might also like