You are on page 1of 3

Edukasyon sa

Pilipinas noong
panahon ng mga
Amerikano
Dekreto ng edukasyon noong panahon ng
mga Amerikano

Maaaring naglalaman ang artikulo o seksiyong ito ng orihinal na pagsasaliksik o kaya hindi pa natitiyak na mga
pag-aangkin.
Umalam pa

Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946), ang pamahalaan ng


Estados Unidos ang namamahala sa pagbibigay ng edukasyon sa Pilipinas.

Makikita at mararamdaman ang epekto ng pananakop ng mga Amerikano sa Sistema ng


pampublikong edukasyon na itinayo nito sa bansa. Matapos mapasakamay ng mga Amerikano
ang Maynila noong Mayo 1898, sinimulan na ang pagtatatag ng mga pampublikong paaralan sa
Pilipinas. Sa simula, mga sundalong Amerikano muna ang nagsilbing unang guro na kalaunan ay
napalitan ng mga gurong galing sa America. Ang pinakamalaking pangkat ng mga guro ay
dumating sa Pilipinas noong 1901 lulan ng barkong Thomas. Itinalaga sa Maynila at mga
lalawigan ang mga gurong ito na binansagang Thomasites.

Sa ilalim ng Batas bilang 74, itinatag ang Kagawaran ng Pampublikong Instruksiyon (Department
of Public Instruction). Sa pamamagitan din ng batas na ito ay nabigyang-daan ang pagkakaroon
sa bansa ng mga normal school at trade school tulad ng Philippine Normal School/University at
ang Philippine School of Arts and Trades na kilala ngayon bilang Technological University of the
Philippines.

Noong 1906 nagpadala ng mga Pilipinong iskolar ang pamahalaang kolonyal sa America.
Tinawag silang mga pensionado dahil tinutustusan ng pamahalaan ang kanilang pag-aaral.
Marami sa kanila ang nag-aaral ng edukasyon, abogasya, medisina at inhinyeriya. Pagbalik ng
mga ito sa Pilipinas, sila ang mga naging guro at propesor o kaya ay tagapaglingkod sa iba’t-
ibang sangay ng pamahalaan.

Noong 1907, pinalabas ng Asamblea ng Pilipinas ang Batas Gabaldon na isinulat ng


mambabatas na si Isauro Gabaldon ng Nueva Ecija. Sa pamamagitan ng batas na ito,
nabigyang-bisa ang pagtatayo ng dalawang pampublikong paaralan sa bawat lalawigan.
Maraming estudyante ang nakapasok sa mga pampublikong paaralan dahil ito ay sapilitan.
Ingles ang ginamit bilang wikang panturo.

Bagama’t hindi na bago sa Pilipinas ang libre at sapilitang pagpapaaral dahil naisagawa na ito
noong panahon ng mga Espanyol, mas malakas naman ang naging epekto ng programa ng mga
Amerikano dahil naging mas malawak ang saklaw nito. Bukod sa matrikula, libre rin ang mga
aklat, lapis at papel. Kaugnay pa nito, nagpalabas din ang mga Amerikano ng kautusan na
maaring ikulong ang mga magulang na hindi pinapapasok ang kanilang mga anak sa paaralan.
Dahil sa patakarang ito, lumaki ang bahagdan ng mga mamamayan na natutong bumasa at
sumulat at ang wikang Ingles ay agad na naging pangunahing wika ng edukasyon at
pamamahayag. Naging daan din ang edukasyon sa pagsalin ng mga kaalamang Kanluranin ukol
sa pag-aalaga ng kalusugan at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa sakit.

Sa panahon din ng mga Amerikano, naitatag sa bansa ang mga pamantasan tulad ng
Unibersidad ng Pilipinas noong 1908. Ito ang naging sentro ng edukasyong sekular na hindi
katulad ng mga pamantasang pinatatakbo ng mga Kongregasyong Katoliko.

Bukod sa simbahang Katoliko, binigyang-laya rin ng mga Amerikano ang ibang sekta ng relihiyon
na makapagtatag ng mga institusyong pang-akademya. Ang halimbawa nito ay ang mga
Protestante na nagtatag ng Silliman University sa Dumaguete sa isla ng Negros noong 1901.
Nakapagtatag din ang mga sekular na pribadong mga pamantasan tulad ng Far Eastern
University at University of Manila.

Nabigyan din ng pagkakataon ang pagtatatag ng mga unibersidad para sa kababaihan tulad ng
Escuela de las Señoritas na ngayon ay kilala bilang Centro Escolar University at Philippine
Women’s University. Nagbibigay-daan ito sa pag-usbong ng mga babaeng propesyonal sa
larangan ng medisina, abogasya at edukasyon.

Kinuha sa "https://tl.wikipedia.org/w/index.php?
title=Edukasyon_sa_Pilipinas_noong_panahon_ng_
mga_Amerikano&oldid=1846277"


Last edited 9 months ago by WayKurat

Wikipedia

You might also like