You are on page 1of 4

Yunit 1

Aralin 1: Ang Konsepto ng Panitikan


“Ang panitikan ay hindi sarili ng iilang tao lamang; yao’y pag-aari ng sinomang may tapat na pagnanasang maghain ng kanyang
puso, diwa’t kaluluwa alang-alang sa ikaluwalhati ng sangkatauhang kinabibilangan niya.
- Teodoro Agoncillo

MGA LAYUNIN:
1. Naipapaliwanag ang kahulugan ng panitikan.
2. Nakabubuo ng isang poster ukol sa epekto ng panitikan sa buhay.
3. Nakasusulat ng isang akda batay sa ibinigay na mga detalye.

Ang modyul na ito ay magsisimula sa muling pagtanaw natin sa


kung ano nga ba ang katuturan ng panitikan. Pag-uusapan sa bahaging
ito ang mga mahahalagang termino na maaaring maiugnay sa panitikan.
Aasahan na pagkatapos ng araling ito ay magkakaroon ka na ng
kasanayan at kaalaman ukol sa kaligirang kasaysayan ng panitikan. Handa
ka na ba? Handa ka na bang simulan ang modyul na ito? Kung ganoon ay
maghanda at tayo ay magsisimula.

Ang Natutunan ko na ay….


Sa mga nakaraang taong pag-aaral mo ng panitikan ng Pilipinas, sigurado akong marami
ka nang alam tungkol dito. Marami na ring mga panitikan o akda na nabasa. Kaya sa bahaging ito
ay ilahad mo sa puwang na ibibigay na nasa ibaba ang sarili mong pagpapakahulugan ng salitang
panitikan. Ito ay ayon sa kung paano mo ito natutunan noong ikaw ay nasa elementarya at hayskul
pa. Kaya, handa ka na ba? Simulan mo na.
Ang panitikan para sa akin ay ……
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________.
Kagamitan Sa Pagkatuto….
Narito ang iilan sa mga kahulugan ng panitikan ayon sa iba’t ibang manunulat at dalubhasa.
Ang panitikan ay buhay, buhay-buhay ng tao. Inilalarawan nito ang mga ugali, asal, gawi
at paraan ng pamumuhay ng mga tao sa kani-kanilang kapanahunan. Kung ano ang saloobin, naiisip
at nadarama at mga nagaganap sa kanilang kapanahunan ay naipahahayag ng mga makata at
manunulat ng panitikan. Dahil dito, kaya nga’t masasabing ang panitikan ay ang ekpresyon ng tao
(San Juan et al., 2005).
Ayon kay Ponciano B.P. Pineda, ang panitikan ay katipunan ng magaganda, mararangal,
masisining at madamdaming kaisipang nagpapahayag ng mga karanasan at lunggati ng isang lahi.
Maliwanag na di isinasali ni Pineda sa katipunan ng panitikan ang mga nasusulat na kulang sa
ganda, sining at damdamin. Hindi rin maituturing na panitikan ang mga sulating nagpaparumi ng
isipan at damdamin (San Juan et al., 2005).
Ayon kay Arrogante (1983), talaan ng buhay ang panitikan sapagkat dito naisisiwalat ng
tao sa malikhaing paraan ang kulay ng kanyang buhay, ang buhay ng kanyang daigdig, ang daigdig
na kanyang kinabibilangan at pinapangarap (Villafuerte et al., 2009).
Ayon naman kina Salazar (1995:2), ang panitikan ay siyang lakas na nagpapakilos sa
alinmang uri ng lipunan. Maalalang nagsilbing titis sa mga Amerikanong may kulay ang
pagkakabasa nila sa Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe upang kanilang ipakipaglaban
ang kanilang pantay na karapatan sa mata ng batas at katarungan na humantong sa kanilang
tagumpay sa Digmaang Sibil sa Amerika. Pinukaw naman ni Jean Jacques Russeau sa kanyang
Social Contract ang isipan ng mga Pranses, Sa pamamagitan ng akda ni Russeau, nabatid nilang
sila’y biniyayaan din ng Diyos ng karapatan at katarungan at natutunan nilang ito’y kanilang
ipakipaglaban. Nang patuloy iyong ipagkait sa mga Pranses, ang pakikipaglaban nila sa katarungan
at karapatan ay humantong sa isang himagsikan sa Pransya. Dito sa Pilipinas man ay makakatukoy
ng napakaraming katibayan kung paano pinakilos ng panitikan ang lipunan. Nagsilbing inspirasyon
sa mga katipunero ang mga akda ni Rizal upang maglunsad ng isang himagsikan laban sa mga
Kastila. Ang mgha mapanghimagsik na dulang itinanghal noong panahon ng mga Amerikano ay
ikinapiit ng mga may-akda niyon at lalong nagpagalit sa maraming Pilipino. Sinikil ng dating
Pangulong Marcos ang laya sa pamamahayag ngunit hindi niya napigilan ang paglaganap ng mga
akdang naglalarawan sa pagmamalabis ng kanyang administrasyon. Iyon ang isa sa maraming
dahilan ng pagwawakas ng kanyang pamumuno noong 1986 sa EDSA.
Ayon naman kay Webster (1947), ang panitikan ay katipunan ng mga akdang nasusulat na
makikilala sa pamamagitan ng malikhaing pagpapahayag, aestetikong anyo, pandaigdigang
kaisipan at kawalang-maliw. Kung ang panitikan ay katipunan ng mga akdang nasusulat,
maituturing bang panitikan ang mnga tula, kasabihan, awit at iba pang pasalin-salin sa bibig ng tao
lalo na noong panahong bago dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan? Ang sagot ay oo,
panitikan din ang mga iyon. Kailangang bigyang-diin na ang kahulugan ni Webster ay modernong
pagpapakahulugan sa panitikan sa panahong ang tao ay marunong nang sumulat at sa panahong
ang panitikang pasalin-dila ay naisalin na sa anyong pasulat.
Kung tutuusin, maging ang palabuuan ng salitang panitikan ay nagbibigay-diin sa pasulat na
katangian nito. Ang salitang panitikan ay nanggaling sa salitang-ugat na titik, kung gayon, naisatitik
o nasusulat. Ngunit lahat ban g nasusulat ay maituturing nang panitikan? Ang sagot naman sa
tanong na ito ay hindi. Kung babalikan natin ang kahulugang ibinigay ni Webster, matutukoy
natin ang iba pang pangangailangan upang ang isang bagay na nasusulat ay maituturing na
panitikan ---- malikhaing pagpapahayag, aestetikong anyo, pandaigdigang kaisipan at kawalang-
maliw.

Kung gayon, ano ang tunay na panitikan? Ang tunay na panitikan ay pagpapahayag ng kaisipan,
damdamin, karanasan at panaginip ng sangkatauhan na nasusulat sa masining o malikhaing paraan,
sa pamamagitan ng isang aestetikong anyo at kinapapalooban ng pandaigdigang kaisipan at dahil
nasusulat ang panitikan, natitiyak ang kawalang-maliw nito.
Halaw mula sa :
Villafuerte, Patrocino V. et al., 2009. Panitikan ng pilipinas: historical at antolohikal na Pagtatalakay. Malabon City: Mutya Publishing, Inc.
IBA PANG MAARING PAGBATAYAN:
http://panitikankarunungangbayan.blogspot.com/2015/04/ano-ang-panitikan-ang-panitikan-ay.html
Sagutin Natin….
Sagutan ang mga sumusunod na katanungan:
1. Alin sa mga nabasa mong akda ang tumutugon sa depinisyong ibinigay ni Pineda? Patunayan.

2. Alin sa mga nabasa mong akda ang tumutugon sa depinisyon ni Arrogante? Patunayan.

3. Ihalintulad ang panitikan sa isang kapatid na babae ng kasaysayan o kung walang kapatid, ina
na lamang. Magbigay ng malawak na paghahambing sa pamamagitan ng mga halimbawa.

Batay sa ibinigay na mga kahulugan ng panitikan sa itaas, ay masasabi kong marami ka ng


natutunan tungkol sa panitikan. Ngayon, ay oras na para iyong isapuso ang kahulugan ng panitikan
sa iyong buhay. Gamit ang kalahati ng isang bondpaper, gumawa ng isang slogan ukol sa kung
paano nakaaapekto ang panitikan sa iyong buhay. Isaalang-alang ang mga krayteryang ito sa iyong
paggawa sa gawaing ito.
Krayterya:
Orihinalidad ng Slogan – 10
Kabuuang kalidad ng Slogan – 10
Handa ka na ba? Sige, gawin mo na!

Pagninilay at Unawain….
Binabati kita sa iyong magandang nagawang slogan! Nakasisiguro ako na iyo na talagang
nauunawaan ang aralin. Subalit nais kong subukin pa ang iyong kakayahan. Sa pagkakataong ito
ay nais kong malaman ang iyong saloobin ukol sa iyong nagawang slogan. Kaya, isulat sa ibaba,
ang iyong dahilan kung bakit mo naiguhit ang iyong slogan. Ano ang kwentong nakatago sa iyong
napakagandang slogan? Ito ba ay may bahid ng mga karanasan na iyong napagdaanan sa buhay?
Pakisulat sa ibaba.
Ito ang nagawa kong slogan dahil
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
______________________________________________________________________________
_____________________________________________________________________________.
Masubok Nga….
Tingnan natin kung talagang iyo ng nakuha ang katuturan ng panitikan sa kabuuan. Kaya
sa puntong ito ay susubukan natin ang iyong natutunan. Gamit ang isang buong papel o bondpaper
ay gumawa ng isang kwento na ukol sa mga ibinigay kong mga detalye sa ibaba. Kailangan na ang
mga detalyeng ito ay magamit at makita ko sa iyong gawa. Ikaw na ang bahalang buuin ito gamit
ang iyong imahinasyon upang makagawa ng isang magandang likha. Handa ka na ba? Narito ang
mga detalye:

Gawin mo na ang gawain!

You might also like