Professional Documents
Culture Documents
Lumaki akong naniniwala na ang pamilya ang unang makakadamay natin sa pag-abot ng mga
mithiin sa buhay. Ngunit nagbago ang aking interpretasyon sa buhay nang napanood ko ang
istoryang ito. Mula Butuan City ay naglakbay ang dalawang magkapatid na sina Rustie at
Poypoy sa Cagayan de Oro upang lumisan palayo sa mapang-aping ama at sa tahanang
walang bahid ng pagmamahalan. Si Rustie ay mas nakababatang kapatid ni Poypoy. Bilang
mas nakakatanda si Poypoy, nagpasiya siyang lumisan kasama ang kapatid at magkaroon ng
malayang pamumuhay katuwang ang mga batang-lansangan. Lansangan ang nagsilbing
tirahan ng mga kapatid at dito ang lunan ng istorya ng kanilang buhay. Dito rin silang
natutong kumapit sa patalim upang magkaroon ng laman ang kanilang mga tiyan. Unti-unting
nabulag sa reyalidad ng mundo si Rusty nang sumama siya sa pagnanakaw ng kaniyang
kapatid at kaibigang-lansangan na sina Edwin, Dukot at Bulantoy. Naging suki rin siya ng
DSWD sapagkat bilang menor de edad ay hindi pa siya maaaring makulong dahil sa
pagnanakaw. Dahil dito, nagkahiwalay silang magkapatid at nakilala niya ang isang volunteer
na si Miss Norma na may busilak na puso. Sa tuwing dinadala si Rusty sa DSWD ay
paulit-ulit niyang pinaaalahanan ang bata na manatili na lamang upang makapag-aral siya at
walang mabuting maidudulot ang paninirahan sa lansangan. Siya ang isa sa naging
instrumento sa paggising ni Rustie sa katotohanan. Sa isang pangyayari, nagkaroon ng degue
si Rustie na naging daan upang magkita mula silang magkapatid matapos ang ilang taon. Ito
rin ang ginawang daan ng magkapatid upang muling magkasama sa tinutuluyan ni Poypoy
kasama ang kaniyang kinakasama. Sinama ulit ni Poypoy ang kaniyang kapatid sa isang
grupo ng sindikato na pinamumunuan ni Salazar na gumagamit ng droga at naghahasa ng
kanilang kasanayan sa pagnanakaw, pag-aakyat ng bahay at maging runner at gumamit ng
droga at deadly weapons. Napagpasiyahan ni Rustie na mawalay sa kaniyang kapatid
sapagkat halos lahat na nangyayari sa kaniyang buhay ay masama. Tinulungan siya ng
kaniyang kapatid, bilang kapalit sa kasalanang nagawa niya, sa pamamagitan ng
pagpapanggap na papatayin niya ang kapatid upang muling mahuli ng mga pulis at muling
makabalik sa foundation. Ngunit siya ay sinampahan ng iba't ibang kaso at inamin na siya ay
isang drug pusher. Matapos ito, si Rustie ay dinala sa Regional Rehabilitation Center for the
Youth sa Hinoog City upang maipagpatuloy ang kaniyang kahusayan sa sining.
Pinanghahawakan ni Rustie ang winika noon ni Miss Norma na “Lahat ay posible kung
gugustuhin mo.” Siya ay pinapunta sa Korte upang harapin ang 36 na kasong kaniyang
ginawa. Binigyan siya ng pagkakataon ng Judge upang magbagong buhay sapagkat
naramdaman niya ang katatagan at katapatan ng bata. Hindi lamang pagkakataon ang
ibinigay sa kaniya, pati na ang blangkong papel bilang panimula sa bago niyang buhay.
Naging miyembro siya ng Dream Arts Cagayan, pumasok sa iba't ibang makataong trabaho,
pumasok sa Alternative Learning System na nirekomenda ng kanyang guro, at nakatanggap
ng highschool diploma. Nagbunga ang lahat ng ito nang makatanggap siya ng Scholarship at
Sponsorship mula sa Henry Howard Scholarship Program. Sa lansangan, muling bumisita si
Rustie sa kaniyang mga kaibigan at muling nagkatagpo sila ng kaniyang Kuya Poypoy.
Tuwang-tuwa si Poypoy sa mga tagumpay ni Rustie at napagpasiyahan nilang umuwi sa
kanilang pamilya. Nagkaroon ng mga kapatawaran at pagmamahal sa mga puso ng pamilya.
Muli, si Rustie ay nakatanggap ng I Am a Changemaker award mula sa British council dahil
sa pagtuturo niya sa mga batang-lansangan. At kasabay nito, nakapagtapos siya ng
Developmental Communication sa Jesuit-run Xavier University.
Mala-telenobela ang kaniyang buhay dahil sa pagtatagumpay niya sa mga hinarap niyang
hamon ng buhay. Mula sa pamagat na “Sketch Pad”, ayon aking obserbasyon ay isang
ordinaryong istorya lamang ngunit nang matapos kong panoorin ito ay biglang nagkaroon ng
repleksyon ang mga pangyayari sa aking buhay. Halimbawa na ang mapayapang pamumuhay
ko ay maaaring maging isang trahedya kinabukasan sapagkat walang kasiguraduhan sa
mundo. Mula sa kaniyang determinasyon at masidhing pangarap, hinubog siya nito upang
magising sa katotohanan na ang hawak niya ang manibela ng kaniyang buhay. Kahit mundo
na ang kaniyang kalaban, nananatili siyang matapang at mapagbigay sa karunungan sa mga
batang nakapaligid sa kaniya. Nais kong irekomenda ang palabas na ito sa aking pamilya at
kaibigan sapagkat tumatalakay rin ito sa pagpapatawad sa isang taong sumira ng kaniyang
pahanon ng masayang kabataan. “Pero sana po, tignan niyo po ako na parang blankong
papel” ay ang linyang tumatak sa aking isipan mula sa palabas na mas nagpaantig sa aking
puso sapagkat nais niyang magbago para sa kabutihan at sa kaniyang pangarap.