You are on page 1of 13

FILIPINO

Unang Markahan
Unang Linggo
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

MGA LAYUNIN

Pagkatapos ng modyul na ito, kayo ay inaasahang:

• Nahihinuha ang iba’t ibang uri ng karunungang-bayan.


• Nasusuri ang mga halimbawang nagtataglay ng malalalim na pagpapakahulugan.
• Nakapagbibigay ng sariling halimbawa ng karunungang-bayan.
• Nakasusulat ng sariling halimbawa ng karunungang-bayan na angkop sa kasalukuyang panahon.

Mga Tala sa Kurso

▪ Aralin 1: Karunungang-bayan
Ang mga karunungang-bayan ay isang sangay ng panitikan na
nagpapahayag ng mga kaisipan at paniniwala. Ito ay sumasalamin
sa iba’t ibang karanasan ng mga tao na nasa iisang kultura.
Ginagamitan ito ng malalalim at matatalinghagang salita upang
mapatalas ang kaisipan. Sadyang matatalino ang ating mga ninuno
kung saan naipamamalas nila ito sa pamamagitan ng mga
karungang-bayan n a nakikita naman natin hanggang sa
kasalukuyan. Ang karunungang-bayan ay hango rin sa karanasan
ng mga matatanda at nagbibigay ng payo tungkol sa kagandahang
asal at mga paalala. Ito ay isang hudyat na ang mga Pilipino noon pa man ay may mataas na
pagpapahalaga sa paglinang sa kaugalian at paghasa sa kinagisnang kultura. May iba’t ibang uri ang
karunungang-bayan na makatutulong sa pagtukoy ng dangal ng ating lahing pinagmulan gayundin sa
pagwawasto ng sariling pag-uugali at kilos. Ang mga ito ay ang salawikain, sawikain, kasabihan, at
bugtong. Halina’t ating unawain ang mga uri ng karunungang-bayan sa modyul na ito.
Salawikain
Ang salawikain ay mga pahayag na sinasabing pinag-ugatan ng panulaang Pilipino. Kadalasang
nagtataglay ito ng sukat at tugma. Ito ang mga butil ng karunungan na nagsilbing batas o tuntunin ng
kagandahang-asal ng ating mga ninuno. Karaniwang hango ito sa karanasan ng matatanda, patalinghaga,
at nangangailangan ng malalim na pagmumuni bago tuluyang maunawaan. Nagpapaalala ito sa mga
kabataan tungkol sa angkop na pagkilos, wastong pag-uugali, mabuting pakikitungo sa kapwa, at nang
tahimik at masayang pamumuhay.
Halimbawa:
1. Kung walang tiyaga, walang nilaga.
2. Sa paghahangad ng kagitna, isang salop ang nawala.
3. Kaya matibay ang walis, palibhasa’y nagbibigkis.
4. Aanhin ang bahay na bato kung ang nakatira ay kuwago, buti pa ang kubo na ang nakatira ay tao.

Page 2 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

5. Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim. Ang lumalakad nang mabagal kung matinik ay
mababaw.
6. Ang mabuting halimbawa ay higit na mabisa kaysa pahayag na dakila.

Kasabihan o Kawikaan
Ang kasabihan o kawikaan ay kauri ng salawikain. Ang salawikain ay nagpapahiwatig ng malalim na
kahulugan samantalang ang kasabihan o kawikaan ay tahasan at payak ang pagpapakahulugan. Hindi ito
gumagamit ng mga talinghaga. Ang kilos, ugali, at gawi sa buhay ng isang tao ay masasalamin sa mga
kawikaan o kasabihan. Nagtataglay rin ito ng aral sa buhay.
Halimbawa:
1. Sa panahon ng kagipitan, nakikita ang kaibigan.
2. Ang magalang na sagot ay nakapapawi ng poot.
3. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
4. Ang katamaran ay kapatid ng kagutuman.
5. Ang kapalaran hindi man hanapin, dudulog, lalapit kung talagang akin.

Sawikain
Ang sawikain ay ang mga salitang eupemistiko, patayutay o idyomatiko na ginagamit upang maging
maganda ang paraan ng pagpapahayag. Karaniwang binubuo ito ng salita o parirala na nagbibigay ng
malalim na kahulugan. Patalinghaga at nangangailangan ng matayog na pag-iisip upang lubusang
maunawaan. Ito rin ay nagpapahayag ng kaisipan o magandang mensahe. Ang kaibahan lang nito, ito ay
tiyak at madaling matukoy ang mensaheng nais nitong tukuyin.
Halimbawa:
1. Kapilas ng buhay – asawa 11. Ikrus sa noo – tandaan
2. Ilaw ng tahanan – ina 12. Amoy pinipig – mabango
3. Busilak ang puso – malinis na kalooban 13. Nagsusunog ng kilay – masipag mag-aral
4. Bukal sa loob – taos puso/ tapat 14. Pag-iisang dibdib – kasal
5. Naniningalang-pugad – nanliligaw 15. abot-tanaw – naaabot ng tingin
6. Makapal ang palad – masipag 16. Ibaon sa hukay – kalimutan
7. Matalas ang ulo – matalino 17. Basag ang pula – luko-luko
8. Malawak ang isip – madaling umunawa 18. Nagbibilang ng poste – walang trabaho
9. Parang kidlat – napakabilis 19. Balik-harap – mabuti sa harap, taksil sa
likod
10. Maaliwalas ang mukha – masayahin
20. Itim na tupa – masamang anak

Page 3 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

Bugtong
Ang bugtong ay isang uri ng palaisipang nasa anyong patula. Ang mga bugtong ay kadalasang kaisipang
patungkol sa pag-uugali, pang-araw-araw na buhay, at katutubong paligid ng mga Pilipino.
Halimbawa:
1. Kung kailan mo pinatay, saka pa humaba ang buhay (kandila).
2. Baboy ko sa pulo, ang balahibo’y pako (langka).
3. Nang sumipot sa maliwanag, kulubot na ang balat (ampalaya).
4. Isang butil ng palay, sakop ang buong buhay (ilaw).
5. Ako ay may kaibigan, kasama ko kahit saan (anino).
6. Mataas kung nakaupo, mababa kung nakatayo (aso).
7. Balong malalim, puno ng patalim (baba)
8. Maliit pa si kumpare, nakaakyat na sa tore (langgam)
9. Isang bundok, hindi makita ang tuktok (noo)
10. Dalawang katawan, tagusan ang tadyang (hagdan).

ALAMIN PA NATIN

Ang mga matatalinghagang pahayag ay naiibang paraan ng paglalarawan ng kondisyon o kalagayan, at


pagpapahayag ng saloobin. Isa ito sa katangian na ikinagaganda ng ating wika. Itinatago nito ang tunay na
kahulugan. Taglay ng matatalinghagang pahayag ang kinis at sining ng ating wika. Masasalamin sa mga
pahayag ang paniniwala, pamumuhay ng mga tao, ang pagpapahalagang-pangkatauhan, kalagayang
pangkapaligiran o panlipunan sa iba’t ibang karanasan.
Halimbawa nito ay mga sumusunod:
Magdilang-anghel
• Ang Diyos ay nagsugo ng anghel upang maghatid ng mensahe sa kaniyang mga propeta o alagad.
Ang anghel ay nagsasabi ng pawang katotohanan at sadyang ang sinabi ay nagaganap o
mangyayari kaya’t kapag sinabi sa isang tao ang siya’y magdilang-anghel, magkatotoo ang kanyang
winika.
Di-mag-aso ang kalan
• Kung magluluto sa kalan, na noon ay ginagamitan ng kahoy, ito ay nag-aaso o umuusok. Kung
mahirap ang buhay ng isang tao, walang mailulutong pagkain kaya angkop ang pahayag dito na di-
mag-aso ang kalan.

Page 4 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

Buwaya sa katihan
• Ang buwaya ay isang malaki at mapanganib na hayop na maaaring kumain ng tao o hayop. Kapag
ito’y ginamit upang ilarawan ang isang tao, nangangahulugang siya’y ganid, sakim, matakaw sa
salapi, at kahit na ang kapwa-tao’y nagigipit ay malaki pa rin ang hinihinging patubo sa pautang.
Dahil sa wala ang taong ito sa tubig, angkop ang siya’y tawaging buwaya sa katihan.
Eupemismo
Eupemismo ang tawag sa mga mahihinay na salita o pahayag na ipinapalit upang maiwasan ang
makasakit ng damdamin. Ginagamit ang mga ekspresyong ito upang hindi tuwirang banggitin ang mga
salitang hindi magandang pakinggan, nakabibigla o maaaring magdulot ng kahihiyan. Ang orihinal na
katawagan ay pinapagaan sa kahulugan, sa pagpapalit ng katawagan upang di maging mabigat sa
pandinig o damdamin ng iba ang sitwasyon.
Eupemistikong Pagpapahayag
1. Nauuri ang wika batay sa antas nito ayon sa:
a. paksa ng usapan;
b. taong sangkot sa usapan;
c. lugar
2. Mataas ang pandama o sensitibo sa mga pahayag na nagpapahiwatig lamang.
3. Gumagamit ng talinghaga para hindi tuwirang tukuyin ang nais ipahayag na nakatutulong upang lalong
mag-isip ang nagsasalita at kinakausap.
Halimbawa:
Sumakabilang buhay na siya.
Kapiling na siya ng Panginoon.
Iniwan na niya tayo.
Tapos na ang kaniyang paghihirap.
Maligaya na siya sa kabilang buhay.

4. Para maging mas malambot o mas magaan ang dating ng sasabihin:


Pahayag 1: Gutom na gutom na ako.
Mas magaan: Hindi ba kayo nagugutom?
Pahayag 2: Kumain na ba kayo ng almusal?
Mas magaan: Kumain muna tayo.

5. Para mas mainam pakinggan gamitin ang sumusunod:


bulag/duling – walang paningin
bingi – mahina ang pandinig
pilay – nahihirapang lumakad
mataba – medyo malusog
pandak – may kaliitan
pangit – di-gaanong maganda

Page 5 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

▪ Aralin 2: Paghahambing
Alam mo ba?
Sa pagsulat at pagbuo ng mga karunungang bayan, pangunahing binibigyang tuon ang paggamit ng
talinghaga. Sa pamamagitan nito, hindi tuwirang nailalahad ang kahulugan ng mga pahayag at
nahahamon ang kaisipang unawain ang mensaheng nakapaloob dito. Sa pamamaraang ito, isinasaalang-
alang ang paggamit ng paghahambing bilang paglalarawan at pag-uugnay. Ang paghahambing ay isang
paraan ng paglalarawan ng dalawa o higit pang katangian at/o kalagayan. Isa rin itong pamamaraan sa
pag-uugnay nang maaaring magkaiba o magkatulad na katangian at/o kalagayan.
Paano nga ba gamitin ang paghahambing sa pagbuo ng alinman sa mga karunungang-bayan?
May dalawang uri ng kaantasan ang paghahambing:
1. Paghahambing na Magkatulad: Ginagamit ito kung ang dalawang pinaghahambing ay may patas o
pantay na katangian. Ginagamitan ito ng mga panlaping kasing-, sing-, magsing-, magkasing-, o kaya ay
mga salitang gaya, katulad, paris, kapwa at pareho.
Magka- nangangahulugan din ng kaisahan o pagkakatulad
Halimbawa: Magkakutis porselana ang kambal na sina Ana at Ena.
Sing (sim-/sin-) nagagamit sa lahat ng uri ng paghahambing na magkatulad.
Halimbawa: Simbilis ng kidlat tumakbo ang mga manlalaro.
Ang maramihang sing- ay naipapakita sa pag-uulit ng unang pantig ng salitang-ugat.
Kasing (kasin-/kasim-) ang paggamit at kahulugan ay katulad din ng sing, (sin/sim). Pansinin na kapag
ginamit sa pangungusap, ganito ang huwaran ng pagkabuo: kasing + salitang ugat + ng/ni + pangngalan +
si/ang + pangngalan.
Halimbawa: Kasintalino ni ate si kuya.
Magsing (magkasing-/magkasim) ang pinagtutulad ay napipisan sa paksa ng pangungusap.
Halimbawa: Ang dalawang basketbolista ay magkasintangkad.
Ga (gangga-) nangangahulugan ng gaya, tulad, paris.
Halimbawa: Ganggamunggo ang pawis na tumulo sa kaniyang mga noo.
2. Paghahambing na Di-magkatulad
a. Pasahol. Pasahol ang pang-uri kung ang inihahambing ay may mas maliit o mas mababang katangian.
Gumagamit ito ng mga salitang tulad ng di-gaaano, di-totoo, di-lubha o di-gasino.
Lalo – nangangahulugan ng pagdaragdag o pagpapahigit sa kulang na katangian. Sinusundan ito ng
katuwang na panghambing na kaysa kay - kung ngalang tao ang pinaghahambing, /kaysa/ kaysa sa –
kung ngalang bagay/ pangyayari.
Halimbawa: Lalong nakatatakot ang mga pangyayari sa paligid ngayon kaysa noon.

Page 6 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

Di-gasino – tulad ng ginagamit sa paghahambing ng uri o katangian ng mga tao. Sinusundan ito ng
alinman sa mga katagang naghahambing kabilang ang gaya, tulad, para o paris na sinusundan ng
panandang ni.
Halimbawa: Di-gasinong malawak ang pang-unawa ng mama gaya ng ale.
Di-gaano – tulad ng di-gasino subalit sa mga hambingang bagay lamang ginagamit.
Halimbawa: Di-gaanong mabilis ang takbo ng dyip na nasakyan ko kahapon kaysa kaninang umaga.
Di-totoo – nangangahulugan ng pagtawad o pagbabawas sa karaniwang uri. Nagagamit itong pamalit sa
di-gasino at-di-gaano.
Halimbawa: Di-totoong wala nang taong nagmamalasakit sa kapwa sa panahon ngayon kaysa noong
unang panahon.
b. Palamang. Ginagamit ang pahambing na palamang kung ang ikinukumpara ay may mas mataas o
nakahihigit na katangian. Gumagamit ito ng mga salitang higit, lalo, mas, labis, at di-hamak.
Lalo – Ang diwa ng paghahambing ay magiging kalamangan at hindi kasahulan kung ang sinasamahang
pang-uri ay nagpapahayag ng kalakhan, kataasan, kalabisan o kahigtan. Muli, katuwang nito ang
kaysa/kaysa sa/kay.
Halimbawa: Lalong nakamamangha ang ganda ng tanawin sa aming bayan kaysa sa bayang ito.
Higit/mas…kaysa/kaysa sa/kay: sa sarili nagsasaad ng kalamangan kung ginagamit ito sa
paghahambing.
Halimbawa: Higit na kapuri-puri ang pagdaraos ng SEA games ngayong 2019 sa ating bansang Pilipinas
kaysa sa nagdaang edisyon ng pagdaraos nito dito.
Labis – tulad din ng higit o mas
Halimbawa – Labis na kahanga-hanga ang ipinamalas na kabutihang ipinamalas ng Pinoy surfer na si
Roger Casugay sa pagsagip sa katunggaling Singaporean surfer kaysa sa iba pang mga manlalaro.
Di-hamak – kung ginagamit ay karaniwang isinusunod sa pang-uri.
Halimbawa: Di-hamak ang positibong pagtanggap kay Lea Salonga bilang Kim sa Miss Saigon sa kaniyang
iniisip na pagtanggap sa kaniya.

Page 7 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

PAGLALAGOM

• Ang mga karunungang-bayan ay isang sangay ng panitikan na nagpapahayag ng mga kaisipan at


paniniwala. Ito ay sumasalamin sa iba’t ibang karanasan ng mga tao na nasa iisang kultura.
• Ang karunungang-bayan ay hango rin sa karanasan ng mga matatanda at nagbibigay ng payo
tungkol sa kagandahang asal at mga paalala.
• May iba’t ibang uri ang karunungang-bayan na makatutulong sa pagtukoy ng dangal ng ating
lahing pinagmulan gayundin sa pagwawasto ng sariling pag-uugali at kilos. Ang mga ito ay ang
salawikain, sawikain, kasabihan, at bugtong.
• Ang mga matatalinghagang pahayag ay naiibang paraan ng paglalarawan ng kondisyon o
kalagayan, at pagpapahayag ng saloobin.
• Eupemismo ang tawag sa mga mahihinay na salita o pahayag na ipinapalit upang maiwasan ang
makasakit ng damdamin. Ginagamit ang mga ekspresyong ito upang hindi tuwirang banggitin ang
mga salitang hindi magandang pakinggan, nakabibigla o maaaring magdulot ng kahihiyan.
• Ang paghahambing ay isang paraan ng paglalarawan ng dalawa o higit pang katangian at/o
kalagayan. Isa rin itong pamamaraan sa pag-uugnay nang maaaring magkaiba o magkatulad na
katangian at/o kalagayan.

KARAGDAGANG PANUORIN

1. Karunungang-bayan- https://www.youtube.com/watch?v=44B1git1F-4

Page 8 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022
Pangalan:________________________________________________
Antas:____________________________________________________
Asignatura/ Modyul #: _______________________________

Pagsusuri
▪ Gawain 1: Pag-uugnay sa Tunay na Buhay
A. Naiuugnay ang mahahalagang kaisipang nakapaloob sa mga karunungang-bayan sa mga
pangyayari sa tunay na buhay sa kasalukuyan
Iugnay ang kahulugan ng mga sumusunod na pahayag sa mga pangyayari sa kasalukuyan. Isulat ang letra
ng tamang sagot sa patlang bago ang bilang. (2 puntos bawat bilang)
a. Nalaman ni Maria na may problema sa marka ni Donna sa asignaturang Matematika. Sinabi niya ito
kay Joy na katabi niya. Hindi pa siya nakontento, kinalat niya ito sa buong klase.
b. Hindi totoo ang kaniyang pagdadalamhati nang mamatay ang kaniyang kaibigan.
c. Magaling magbalatkayo ang aming mayamang kapitbahay.
d. Sa panahon ngayon ng pandemya, humina ang tindahan ni Jose kaya kaunti lang ang kita niya araw-
araw. Pinagsisikapan na lamang niyang mabuti na mapagkasya ito sa kanilang pangangailangan.
e. Sa panahon ng pandemya, ang mga Pilipinong frontliners ay hindi nanghihina bagkus lalo pa silang
lumalaban at naging mas matapang pa.

____ 1. Luha ng buwaya


____ 2. Aanhin mo ang palasyo, kung nakatira ay kuwago.
____ 3. Ang bayaning nasugatan, nag-iibayo ang tapang.
____ 4. Sanga-sangang dila
____ 5. Matutong mamaluktot habang maikli ang kumot.
B. Basahin ang mga sitwasyong nasa ibaba na nangyayari sa totoong buhay sa kasalukuyan. Mula
rito piliin ang pinakaangkop na kasabihan, salawikain o sawikain batay sa sitwasyon. Bilugan ang
titik ng tamang sagot. (2 puntos bawat bilang)
1. Madalas kang tuksuhin ng iyong kamag-aral dahil salat ka sa pangangailangan pero puno ka naman sa
pagmamahal ng iyong mga magulang. Ang pangyayaring ito sa iyong buhay ang iyong naging inspirasyon
upang mag-aral nang mabuti. Mabilis na dumaan ang panahon at ikaw ay nakapagtapos ng pag-aaral. Ang
dating tinutukso noon ay umunlad at nagkaroon na ng magandang buhay.
a. Kapag may tiyaga, may nilaga.
b. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
c. Huwag mong gawin sa iba, ang ayaw mong gawin ng iba sa iyo.
d. Bago mo linisin ang dungis ng iba, linisin mo muna ang putik sa iyong mukha.

Page 9 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

2. Hiniling ng matalik mong kaibigan na magsinungaling ka at sabihing kayo ang magkasama sa kaniyang
panonood ng sine. Hindi ka pumayag kaya nagalit siya. Hindi ka niya kinibo nang mahabang panahon.
Ipinagkibit-balikat mo na lang ang kaniyang ginawa. Dumating ang araw humingi siya ng tawad sa
kaniyang ginawa at naibalik ang inyong magandang pagkakaibigan.

a. Ang tunay na kaibigan karamay kainlanman.


b. Ang tunay na kaibigan, nasusubok sa kagipitan.
c. Ang tunay na kaibigan ay karamay sa kasinungalingan.
d. Ang mga hangal ay nagsisinungaling, ang mga matatalino ay nanatili sa katotohanan.

3. Ang mga frontliners sa panahon ng pandemyang COVID-19 ay taos pusong naglilingkod sa ating bansa.

a. Bukal sa loob
b. Matalas ang ulo
c. Makitid mag-isip
d. Malawak ang isip

4. Sa kinahaharap nating iba’t ibang isyu sa ating lipunan, hindi maaaring magbingi-bingihan lamang tayo
sa mga pangyayaring ito. Kailangan nating kumilos.

a. taingang kawali
b. mahina ang loob
c. bahag ang buntot
d. matalas ang pandinig

5. Nag-apply sa trabaho si Arnel. Masyadong mahigpit ang pagtanggap ng bagong empleyado kaya
nilapitan ni Arnel ang kakilala niyang tagamahala ng kompanya. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari,
hiningan siya nito ng halaga upang maipasok siya sa trabaho. Hindi tumugon si Arnel sa nais ng kakilala
sa halip pumila sa hanay ng mga aplikante. Ipinagmamalaki niyang natanggap siya sa trabaho na dumaan
sa tamang proseso.

a. Matalas ang ulo


b. Mataas ang noo
c. Malawak ang isip
d. Bahag ang buntot

C. Ibigay ang kahulugan ng matatalinghagang pahayag na ginamit sa bawat pangungusap. (2


puntos bawat bilang)
1. Mahirap ang maging anak-dalita.

2. Mabuting kasama ang taong marunong tumanaw ng utang na loob.

Page 10 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

3. Malayo sa gulo ang may malawak na isip.

4. May mga anak na hanggang tumanda ay pasang-krus ng magulang.

5. Mahirap pigilan ang taong buo ang loob.

D. Ang nasa Hanay A ay mga eupimistikong pahayag. Suriin ang kahulugan at hanapin ang
kasalungat nito sa hanay B. Isulat ang titik ng tamang sagot sa patlang bago ang bilang. (2 puntos
bawat bilang)
A B
____ 1. Sumakabilang bahay a. Nakakita, hindi bulag
____ 2. Walang ilaw ang mata b. Malumanay magsalita
____ 3. Matalim ang dila c. Masunurin
____ 4. Matigas ang ulo d. Busog
____ 5. Kumukulo ang tiyan e. Tapat sa asawa
f. Madaldal

▪ Gawain 2: Pagbuo ng Karunungang-bayan


A. Bumuo ng alinman sa salawikain, sawikain, kasabihan, o bugtong gamit ang sumusunod na
salitang nagpapahayag ng paghahambing. (5 puntos kada kolum)
Salitang Karunungang-bayan
naghahambing
1. lalo

2. di-hamak

3. higit

4. di-gaano

Page 11 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

5. labis

Isulat Mo!
B. Batay sa kasalukuyang kinahaharap ng mundo kaugnay ng pandemya, sumulat ng alinman sa
salawikain, sawikain, kasabihan, o bugtong na magbibigay aral sa mga kapwa mo Pilipino at iba
pang mga lahi sa daigdig. Sumulat lamang ng lima sa alinman sa mga nabanggit. Gamitin ang
natutuhang paghahambing. (5 puntos bawat bilang)
Halimbawa: Sa huli, ang pagsuway ay gaya ng nilalamay na hindi humahaba ang buhay.
1._________________________________________________________________________________________________
2._________________________________________________________________________________________________
3._________________________________________________________________________________________________
4._________________________________________________________________________________________________
5._________________________________________________________________________________________________

Page 12 of 13
MARIA ASSUMPTA SEMINARY | S.Y. 2021 - 2022

Mga Sanggunian
Mga Aklat

Enrijo,Willita A., Bola, Asuncion B., 2013. Panitikang Pilipino-Ikawalong Baitang. Book Media
Press, Inc. and Printwell, Inc. Unang Edisyon.
Infantado, Remedios, Correa, Ramilito, 2015. Baybayin; Paglalayag sa Wika at Panitikan Baitang 8.
Rex Printing Company, Inc. Infantado, Remedios, Correa, Ramilito, 2015. Baybayin, Paglalayag sa
Wika at Panitikan Baitang 8. Gabay sa Pagtuturo. Rex Printing Company, Inc.
Samenian, Ria Mae A. 2018. Yugto.Pinagsanib na Wika at Panitikan.The Library Publishing House,
Inc.
Samenian, Ria Mae A. 2018. Yugto.Pinagsanib na Wika at Panitikan.Gabay sa Pagtuturo.The
Library Publishing House, Inc.
Infantado, Remedios, Correa, Ramilito, 2015. Baybayin,Paglalayag sa Wika at Panitikan.Batayang
at Sanayang Aklat at Filipino, Rex Printing Company, Inc.

Pinagkuhanan: DepEd Modyul

Inihanda ni:

Rey Son P. Fresco, LPT


Guro sa Filipino 8

Page 13 of 13

You might also like