You are on page 1of 4

Mga Akda ni Emilio Jacinto

ANG LIWANAG AT DILIM


Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira sa paningin.
Ang liwanag ay kinakailangan ng mata upang mapagwari ang buong katunayan ng
mga bagay-bagay.
Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy na sikat ng araw ay nagniningning,
ngunit sumusugat sa kamay ng nagaganyak na dumampot.
Ang ningning ay maraya.
Ating hanapin ang liwanag, tayo'y huag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng
masamang kaugalian;nagdaraan ang isang carruajeng maningning na hinihila ng
kabayong matutulin. Tayo'y magpupugay at ang sinasaloob ay mahal na tao ang
nakalulan. Datapwa'y maaari namang isang magnanakaw, marahil sa ilalim ng
kaniyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang
isang pusong sukaban.
Magdaraan ang isang maralitang nagkakanghihirap sa pinapasan. Tayo'y
napapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa'y maliwanag nating
nakikita sa pawis ng kaniyang noo at sa hapo ng kaniyang katawan na siya'y
nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.
Ay! Sa ating nangungugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at
pagtakwil sa liwanag.
Ito na nga ang dahilang isa pa na kung kaya ang tao at ang bayan ay namumuhay
sa hinagpis at dalita.
Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob ng inaakay ng kapalaluan at ng
kasakiman ay nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalung-lalo na nga ang mga
hari at mga pinuno na pinagkakatiwalaan na sa ikagiginhawa ng kanilang mga
kampon at walang ibang nasa kung di ang mamalagi sa kapangyarihan sukdang
ikainis at ikamatay ng Bayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang ito.
Tayo'y mapagsampalataya sa maningning, huag nating pagtakhan na ang ibig
mabuhay sa dugo ng ating mga ugat ay nagbalat-kayo ng maningning.
Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahayinan ng puspos na galang ay ang
maliwanag at magandang asal at matapat na loob, ang kahit sino ay walang
magpapaningning pagkat di natin pahahalagahan, at ang mga isip at adhikaing
ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na landas ng katwiran.
Ang kaliluhan at ang katampalasan ay humahanap ng ningning upang huag
mapagmalas ng mga matang tumatanghal ng kanilang kapangitan; ngunit ang
kagalingan at ang pag-ibig na dalisay ay hubad, mahinhin, at maliwanag na
napatatanaw sa paningin.
Ang lumipas na pinapanginoon ng tagalog ay labis na nagpapatunay ng
Ay! Ang Anak ng Bayan, ang Kapatid ko, ay matuto kaya na kumuhang halimbawa
at lakas sa pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?

PAHAYAG
Ngayong pinasisimulan namin ng buong kasayahan ang ikalawang panahon ng
aming pagsasakit, mula sa mga kabundukang ito, na kailan may siyang nag-aalay
ng na pananalig sa aming kalayaan, at paghiwalay sa España, ay aming ipinupukol
ang hiyaw ng aming mga pagtawag sa lahat ng mga nakararamdam sa kanilang
dibdib, na ang tumitibok ay matitinag sa puso, sa lahat ng taong may bait at puri,
may dangal at lupang tinubuan.
Hindi kami natanging mga lahi: tinatawagan namin ang lahat ng may ining puri at
pamahalaan ng isang may paglingap sa kanilang bayan; gayon ang Katagalugan
para ng taga Asia, Amerika, o Europa; tayong lahat ay nagdurusa at lahat ng
nagsisipagdusa, ay aming inaanyayahang ibangon ang isang bayang inilugmok,
pinasakitan, isang Ynang bayan minunglay at itinulak sa putik ng kaalipustaan.
Hindi namin inililisan ang sino man kahimat Kastila, sapagkat may mararangal na
Kastilang nakikihanay sa aming hukbo, na walang mga ligalig ang mga kalooban, at
sukat sa kanilang pagkamagalang sa katuiran ay ipinagtatangkilik ang aming
karaingan, karaingang damayan baga ng mga may kaya at wagas na kamahalan.
Mangagsipanandata kayo! mararangal na puso mangagsipanandata kayo! Siana
ang manga pagtitiis! Ang katagalugan ay hinila sa kaalipinan. Ang Ynang Bayan ay
tinatangisan ang pagkapalungi ng kaniyang mga anak.
Masdan ninyo ang ating mga sambahang dinungisan ng mga kahalili ni
Jesucristo na ang mga lalong kagalang-galang na kasangkapan ay guinawa lamang
masisibang sisidlan ng kanilang gawang pangangalakal sa ngalan ng Dios. Walang
bahala sa kanilang pinanumpang karalitaan, kagandahang ugali at sa kalinisan ng
lahat, ang mga Frayle ay salapi lamang ang tinitingnan, ng makapagbinyag,
makapagkasal at makapaglibing sa mga bulaan na di nananalig sa isang Dios na
tunay; ngunit laghasain o lamunin ng mga uwak ang mga tagalog na walang pilak.
Sukat ang mayayaman lamang ang pinagbibiyayaan ng dalangin at katawan ni
Jesucristo.
Masdan ninyo ang ating mga tahanan. Ang kanilang mga haliguing bato at
lupang dinilig ng pawis ng ating mga magulang ay pinagagawan lamang niyang
mga Frayle na ualang kinikilalang kautusan kung di ang kapangyarihan ng kanilang
kalooban at mga matatapang na magnanakaw ng mga bunga ng ating kapagalan,
samantalang isinisigaw nila ang kanilang pantang pagpapakarukha at pag-iingat ng
katauhan laban sa kahalayan.
Ay! ng isang manganak na may itinagong ano mang yaman! Ay! ng Inang may
alagang isang bulaklak na may kagandahan! Karaka-raka nganing ikaguiguingsanhi
ng mga luha ng pagkapahamak ng puri at pagkatapon ng mga ualang salang
magulang at kapatid. Tingnan ninyo ang katuiran ng yinuyurakan at guinagawa
munang kaguilaguilalas na pangdaya, baog sa ikapagtatanggol ng katagalugan,
saan-saan may ang pagbabala at ang pagpapasuhol. Ang mga pinuno sa bayan ay
hinamak at niwalang halaga. Ang pangangalaga sa bayan at ang mga kayamanan
ay sinila ng kalupitang asal, at kasakiman ng tubo't tubong pangangalakal. Sa
pamahalaan at sa mga ganapan ng katungkulan ng mga matataas na pinuno na
doo'y hinahalay lamang ang mga tagalog ay naghahari ang kasauian at
pinapagbubuhat at katibayan ng tao hindi sa talagang katuiran kung di sa ualang
saguting kalooban ng alin man sa manga pinuno ang lisia at kabulaanan ang
itinuturo sa kalahatan; sa mga bahay aralan at taga kalat balita sa araw araw ay
ang lubos na kasukaban; saan saan ma'y ang kamangmangan, ang kadustaan, ang
gawing masama at ang kasiraan.
MGA ARAL NG KATIPUNAN NG MGA ANAK NG BAYAN
1. Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang dakila at banal na kadahilanan ay
kahoy na walang lilim, kung di man damong makamandag.
2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang
nasang gawin ng kagalingan, ay di kabaitan.
3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at
ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katwiran.
4. Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay;
mangyayaring ang siya'y higitan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di
mahihigitan sa pagkatao.
5. Dangal at hindi ang pagnanasang makasarili ang inuuna ng may dakilang
kalooban; pagnanasang makasarili at hindi dangal ang inuuna ng may hamak na
puso; sa taong may hiya, ang salita'y panunumpa.
6. Huwag mong sayangin ang panahon, ang yamang nawala'y mangyayaring
magbalik ngunit ang panahong nagdaan na'y di na magbabalik.
7. Ang mga taong matalino ay may pag-iingat sa bawat sabihin, at maglihim ng
dapat ipaglihim.
8. Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ang siyang patnugot ng asawa't mga
anak; kung ang umaakbay ay tungo sa kasamaan, ang patutunguhan ng inaakay ay
kasamaan din.
9. Ang babae ay huwag mong ituturing na isang bagay na libangan lamang
kundi isang katulong at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitin mo
nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang
pinagbuhata't nag-iwi sa iyong kasanggulan.
10. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin
sa asawa, anak at kapatid ng iba.

You might also like