You are on page 1of 1

Mga Elemento ng Parabula

Isang maikli ngunit kapaki-pakinabang na akda ang isang parabula na nagtataglay ng mga pandaigdigang
katotohanan o universal truths. Isa itong panitikang may layuning maglahad ng isang komplikadong moral na
katotohanan sa paraang mas madali itong maunawaan at mailalapit sa buhay ng mga mambabasa.
Narito ang mga elemento sa pagsulat ng parabula. Mahalagang ito ay matandaan upang makasulat nang
magandang parabula.
1. Suliranin - Karaniwang nagsisimula ang isang parabula sa moral na suliranin ng tauhan. Dito ay nakagagawa
siya ng isang maling pasya o gawaing maghahatid sa kaniya sa hindi mabuting kalagayan.
2. Kinahinatnan - Ipinakikita sa bahaging ito ang kinahinatnan ng maling pasya o gawain ng tauhan. Hindi
man tuwirang inilalahad nito ang bunga ng pasya o pagkilos ng tauhan, inilalarawan sa pamamagitan ng mga
pangyayaring tiyak na magpapakita ng paghihirap o hindi naman kaya ay pagharap sa resulta ng ginawang
pagpapasya.
3. Matalinghagang Pahayag - Isa itong instrumento upang maging madali at mabisa ang pagtalakay sa
mahihirap o komplikadong mga ideyang nais bigyang-pansin sa parabula.
4. Nakatagong teksto - Ito ang natatanging katangiang nagmumungkahi kung papaano dapat kumilos ang
pangunahing tauhan, at ano ang karapat-dapat nitong asal at paniniwalang taglayin. Ito ang nagsisilbing gabay o
mungkahi sa tamang paraan ng pamumuhay ng mga mambabasa.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Parabula
Mula sa mga elementong ito, maaaring simulan ang proseso ng pagsulat ng isang parabula. Maaaring sundin
ang sumusunod na mga hakbang:

● Tukuyin ang pangkalahatang kaisipang nais ibahagi. Pag-isipan kung ano ang simulaing moral na nais
ibahagi sa mambabasa. Kinakailangang maiugnay ito sa mambabasa at magdulot sa kanila ng malaking
pagbabago. Maaaring isa itong pangkaraniwang konsepto o kaisipan na ilalahad sa kakaibang pamamaraan na
magiging dahilan upang pag-isipan ng mga mambabasa at suriin ang kanilang paraan ng pamumuhay.

● Maglista ng mas tiyak na kaisipang maaaring matutuhan upang matamo ang lubusang pag-unawa sa
parabula. Ito ang mga aral na maghahatid sa mga mambabasa na maunawaan ang pangkalahatang kaisipang
tinutukoy ng parabula. Maipakikita ang mga ito sa mga tiyak na pangyayari o karanasan ng tauhan sa parabula
bago pa man ang wakas ng akda.

● Pag-isipan ang maaaring mga kahinatnan ng maling desisyon o gawain ng tauhan. Ito ang resulta ng
pagkilos ng tauhan sa parabula. Kinakailangan na magkaroon din ng kahinatnan ang mga tiyak na kaisipan sa
akda upang higit itong tumimo sa mambabasa.

● Isulat ang parabula sa daloy nitong may simula, gitna, at wakas. Matapos matukoy ang mahahalagang
konsepto na ibabahagi ng parabula, maaari nang simulan ang aktuwal na pagsulat nito.

Mga Bahagi ng Parabula


Ang bawat bahagi ng parabula ay maaaring isulat sa pamamagitan ng sumusunod na konsepto:
● Sa simula, sisimulang hubugin ang mga katangian ng mga tauhan habang unti-unti ring ipinakikita ang mga
suliraning kahaharapin nito na magdudulot ng pagkaunawa sa kaisipan ng akda. Mahalagang mabigyang-tuon
sa bahaging ito ang kahihinatnan ng kaisipang nais ibahagi ng akda. Maaari itong tumugon sa tanong na,
“Paano nagsimulang mabigo ang tauhan?”
● Sa gitna naman, makikita ang resulta ng mga maling desisyon o gawi ng tauhan na maghahatid sa kaniya sa
iba pang mga suliranin. Maaaring sa bahaging ito ay magkaroon ng pagbabago sa kapaligiran o kalikasan ng
pamumuhay ng tauhan, o hindi naman kaya ay may makikilala siyang magtuturo sa kaniya ng mga bagay na
kailangan niyang matutuhan bago maunawaan ang pangkalahatang kaisipan ng parabula.

● Sa wakas, kasabay ng tauhan, mauunawaan ng mga mambabasa ang tamang kaisipang dapat taglayin sa mga
tiyak na sitwasyong inilahad sa akda. Maaaring ipakita rito ang pagsisisi at pagkatuto sa bahagi ng tauhan,
ngunit dapat ding isaisip na mag-iwan ng bahagi para sa mga mambabasa upang magnilay sa kaisipan ng
akda sa kanilang buhay.

You might also like