Pagsusuri sa tulang “Kabayanihan” ni Lope K. Santos I. Pamagat ng tula Kabayanihan ni Lope K. Santos Pagkilala sa sumulat ng tula Si Lope K. Santos ay isinilang noong ika-25 ng Setyembre 1879 sa Pasig, Rizal. Siya ay isang tanyag na manunulat sa wikang Tagalog noong kaniyang kapanahunan. Hindi lamang siya manunulat, isa rin siyang abogado, kritiko, lider obrero, at itinuturing na “Ama ng Balarilang Tagalog.” Ipinanganak si Santos sa Pasig, Rizal bilang Lope C. Santos, ang kanyang mga magulang ay ang mag-asawang Ladislao Santos at Victoria Canseco, na kapwa mga katutubo sa Rizal. Mas inibig gamitin ni Santos ang titik na K bilang kapalit ng C para sa kaniyang panggitnang pangalan. Si Santos ay nagtapos na pag-aaral sa Escuela Normal Superior de Maestros (Mataas na Paaralang Normal para sa mga Guro) at sa Escuela de Derecho (Paaralan ng Batas). Siya ay naging dalubhasa sa dupluhan, isang paligsahan ng mga manunula na maihahambing sa larangan ng balagtasan. Noong taong 1900, siya ang ay naging patnugot para sa mga lathalaing nasa wikang Tagalog, katulad ng Muling Pagsilang at Sampaguita. Sa pamamagitan ng dating pangulong si Manuel L. Quezon, naging punong- tagapangasiwa si Santos ng Surian ng Wikang Pambansa. Si Lope K. Santos ay tinaguriang “Paham ng Wika,” “Ama ng Balarilang Pilipino,” “Haligi ng Panitikang Pilipino,” subalit mas tanyag pa rin siya sa karaniwang palayaw na Mang Openg. Ilan sa mga tanyag na akda ni Santos ay ang nobelang “Banaag at Sikat” at ang tulang “Kabayanihan.” Layunin ng may akda sa pagsulat Sa tulang “Kabayanihan” namumutawi ang pagpapahalaga ni Lope K. Santos sa mga bayani ng ating bayan. Marahin ang kanyang layunin sa pagsulat ng tulang ito ay pagbibigay pugay sa mga bayanin nagbuwis ng buhay para sa ating inang bayan. Dugo, pawis, buhay, at marami pang sakripisyo ang ibinuwis ng mga bayani para lamang makamtam ang ating kalayaan sa kasalukuyang panahon. Ang layunin ni Santos ay pahalagahan ang sakripisyo ng mga bayani at pagbatikos sa mga taong nalilimot ang mga hirap ng mga bayaning ito. II. Pagsusuri sa istruktura ng tula A. Elemento ng Tula 1. Mga Saknong Ang tulang “Kabayanihan” ay binubuo ng limang saknong na may tig-aapat na taludtod bawat isa. 2. Sukat Ang tulang ito ay lalabindalawahin, ibig sabihin ang bawat taludtod ay binubuo ng labingdalawang pantig. 3. Tugma Ang makata ay gumamit ng tugmaang katinig sa unang tatlong saknong. Sa huling dalawang saknong naman ay gumamit ng tugmaang patinig ang makata. Makikita ang halimbawa ng tugmaan sa ikatlong saknong sa mga huling salita na buhay - iniaalalay, at kailipinan - bayan. 4. Sensura ng tula Mayroong sensura ang tula sa tuwing bibigkasin ito. Ang sensura ng tula ang tawag sa saglit na tigil sa kalagitnaan ng bawat taludtod. 5. Tono Ang tono ng tulang “Kabayanihan” ay nagbibigay indayog sa tuwing bibigkasin ang tulang ito. 6. Mga Simbolo sa tula Ang mga simbolismo ay lubhang napakahalaga sa paglikha ng isang tula dahil dito ilalahad o itatago ng makata ang mga pangyayaring nasa likod ng kanyang akda. Sa tulang “Kabayanihan” ni Lope K. Santos, ito ang mga simbolismong kanyang ginamit: Pananim - ginamit ito ng makata upang ipakahulugan sa mga sakripisyo ng mga bayani na iba ang umangkin. Natatalastas mong sa iyong pananim Iba ang aani’t iba ang kakain; Paupa - ibig ipahiwatig ng makata sa salitang ito ang paggawa ng kabutihan ng mga bayani nang walang hinihintay na kapalit o gantimpala. Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod Na walang paupa sa hirap at pagod; Diyos - ibig ipahayag ng makata dito na ang pag-ibig o pagtulong sa kapwa ay parating dapat ipagkaloob ano man ang mangyari. Minsan sa anyaya, minsang kusang-loob, Pag-ibig sa kapwa ang lagi mong Diyos. Kamatayan - ito ang sumisimbolo sa katapangan ng mga bayaning handang ibuwis ang kanilang mga buhay para sa buhay ng marami. Ang kamatayan mo ay buhay ng madla. 7. Mga Tayutay na ginamit at uriin Ang paggamit ng mga tayutay ay nagsisilbing mga palamuti sa tula at mas nagpapayabong sa kagandahan at kariktan nito. Sa tulang “Kabayanihan” gumamit ang makata ng mga sumusunod na tayutay: Pagwawangis 1. Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod Na walang paupa sa hirap at pagod; 2. Pag-ibig sa kapwa ang lagi mong Diyos. 3. Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha 4. Ang kamatayan mo ay buhay ng madla. Pagpapalit-saklaw 1. Ang kamatayan mo ay buhay ng madla. 8. Kaisipan – paksa, tema, mensahe Ang tulang ito ay tumatalakay sa sa kabayanihan ng mga Pilipino. Mahihinuha sa tula ang pagsasakripisyo ng mga bayaning ito ng kanilang mga buhay para sa bansa. Tinalakay din sa tula ang pagtataksil at pagkalimot ng mga tao sa bayaning ito ng mga tao lalo na sa panahon ngayon. Ang ipinahahatid na mensahe sa tula ay ang pagkilala at hindi paglimot sa kabayanihan ng ating mga bayani. Huwag sana nating talikdan ang mga paghihirap at sakripisyo nila na nagbunga ng kabutihan at kalayaan sa ating bansa. Hindi nila inisip kung bibigyan ba sila ng parangal sa kanilang kabayanihan, ang tanging inisip ng mga bayaning ito ay kapakanan ng mamamayan at kanilang bayan. Ang kanilang pagiging bayani ay hindi biro, kaya’t huwag sana natin silang kalimutan. Kilalanin natin sila at araw-araw na ipagmalaki. Huwag nating kalimutan na kung wala sila, ang kalayaan, ligaya’t aliw ay hindi natin matatamasa ngayon. II. Teorang Pampanitikan Ang tulang ito ay gumamit ng teoryang realismo dahil ang tula ay hango sa mga makatotohanang pangyayaring naganap sa ating bayan at lipunan. Ang tula ay batay sa karanasan mismo ng makata at sa mga Pilipinong nakaranas ng kaapihan dulot ng pananakop ng mga banyaga. Ang tula ay batay sa mga totoong naganap sa mga bayaning Pilipino, mula sa kanilang paghihirap, tagumpay, at sa tuluyang paglimot sa kanila ng madla. III. Pauhan o Paningin ng tula Ang makata ay gumamit ng ikalawang panauhan sa paglikha sa tula. Mahihinuha na tila ba kinakausap ng may-akda ang bayaning kanyang pinatutungkulan. Maaaring si Lope K. Santos mismo ang nagsasalita o kumakausap sa isang bayani na pinatutungkulan ng tulaa. IV. Bisang Pampanitikan A. Bisang Pandamdamin Ang tulang ito ay pumukaw sa aking damdamin lalo na sa kalagayan ng ating mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay subalit limot na ng sa ating lipunan. Nakalulungkot isipin na sa laki ng kanilang sakripisyo, tila ba nawawalan ito ng saysay dahil hindi sila kilala lalo na ng mga kabataan. B. Bisang Pangkaisipan Nakita ko sa tulang ito na ang mga bayani ay hindi lamang mga taong namatay noong panahon ng pananakop. Sila ay mga taong inialay ang mga buhay para lamang makamit ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon. C. Bisang Pangkaasalan Nabatid ko sa tulang ito na, maaari pa ring mabuhay ang mga kabayanihan sa kasalukuyang panahon. Parati nating tatandaan na kung kaya nating tumulong, tumulong tayo sa nangangailangan. Huwag nating ipagkait ang tulong lalo na kung kaya naman natin ito. Ito ang isa sa magandang asal na natutuhan ko sa tula. D. Bisang Panlipunan Napagtanto ko sa tulang ito ang kahalagahan ng pagtuturo ng kasaysayan lalo na sa ating kasalukuyang lipunan. Mainam na pag-aralan ang kabayanihan ng ating mga bayani upang hindi malimot ang kanilang legasiyang iniwan. V. Pagpapahalaga / Repleksyon sa ginawa Sa pagsusuri ng tulang “Kabayanihan” ni Lope K. Santos, nasaksihan ko ang ganda ng ating panitikan. Mahusay ang estilong ginamit ni Santos na talaga namang pumukaw sa aking damdamin na lalo pang pahalagahan ang ating panitikan lalo na ang panulaan. Natutuhan ko sa tulang ito ang kahalagahan ng pag-alala sa ating mga bayani. Huwag sana nating talikdan ang ating kasaysayan. Nagbuwis sila ng kanilang mga buhay nang walang hnihintay na kapalit para lamang makamit ang ating kalayaan. Nagbigay din ng paalala ang tula na gaya ng ating mga bayani, parati tayong tumulong sa kapwa. Ito ang isa sa aral na tumatak sa akin mula sa tula. Gayahin natin ang ating mga bayani na bukal sa loob ang pagtulong. Hindi natin kailangang magpabaril sa Luneta upang maging bayani, simpleng pagtulong lamang sa kapwa ay sapat na.