You are on page 1of 6

Kung noong bungad ng siglo 20 ay naging malaki ang papel ng mga pribadong publikasyon at palimbagan

sa paglalathala ng mga tula at katha sa mga pahayagan, magasin, at kauri, malaki naman ang papel ng
internet ngayon sa pagpapasigla ng mga tula mula sa hanay ng mga kabataan at tigulang na mahilig
bumerso-berso. Pinalaya ng internet ang mga Filipino sa dating kulob na sirkulo na gaya
ng Liwayway, Mabuhay Extra,  at Sinag-Tala  na pawang mahirap paglathalaan ng baguhang
manunulat.  Hindi na kailangang magpadala ng mga tula ang isang makata ngayon sa editor ng kung
sinong magasin o pahayagan, at mailalathala agad niya nang mabilis ang kaniyang obra sa kaniyang blog
o websayt anumang oras naisin.

May dalawang matingkad na pangyayari ang naging bunga nito. Kung noon ay nagagabayan ng editor
ang isang makata, sa pamamagitan ng pagpapaabot ng payo o mungkahi, ang mga makata ngayon ay
umaasa na lamang sa direktang puna na magmumula sa kanilang mambabasang maaaring naligaw sa
kaniyang blog sa kung anong dahilan. Dati, hindi makalulusot basta-basta sa editor ang may maling
tugma at sukat o lihis ang pananalinghaga. Ngayon, lumalakas ang loob ng mga makata dahil sa bilis ng
pagpapalathala sa internet, gayong maituturing kung minsan na sampay-bakod ang kanilang akda.
Maihahalimbawa ang http://tagalog-poems.webnode.com/tagalog-poems/ na nagtatampok ng mga
tinaguriang tulang Tagalog na sinulat yata ng mga estudyanteng nasa mataas na paaralan at pawang
sawi sa pag-ibig.

Mahalaga kung gayon ang komentaryo sa tula mula sa madlang mambabasa dahil ang nasabing puna
ang magiging panukatan ng kasiningan. Ang dami ng puna ay magpaparami ng hit sa isang blog o
websayt, at katumbas nito ang pagkakataong kumita kahit paano mula sa mga anunsiyante sa internet.
Gayunman, ang tula ay nakakaligtaang suriin alinsunod sa epektibong lente ng pagbasa, at ipinapalagay
na lamang na ang madlang mambabasa ay nagtataglay ng matalim na isip sa pag-unawa ng teksto.

Maihahalimbawa ang tulang “Aquilone Blu” na nagwagi sa kauna-unahang Saranggola Blog Awards
noong 2009.[i] Tampok sa naturang tula ang pag-uusap ng mag-amang saranggola. Pinapayuhan ng ama
si Aquilone Blu hinggil sa dapat mabatid sa unang paglipad, at kung bakit tuparin ang tungkulin nitong
“lumipad ng [sic] matayog at magdala ng tuwa” para sa Maylikha nito. Sa unang malas ay maganda ang
tula, ngunit kung wawariin nang maigi’y hindi makalilipad nang mag-isa ang saranggola kung wala ritong
magpapalipad. Ibig sabihin, nakasalalay ang kapalaran ng saranggola sa mayhawak nito, at kaugnay ng
hihip ng hangin at timpla ng panahon na nagpapahiwatig ng kaligiran. Kaya ang payo ng ama na,

lipad anak ko
baunin mo ang basbas ng Maylikha
ang tulad nating mga aquilone
ay nilikha upang lumipad
para ipakita sa madla
na kahit anong pangarap kayang kamtin
kung ang bawat lipad
baon ang tunay na mithiin.

ay maituturing na palsipikado dahil sapilitan ang representasyon ng saranggola sa tao na may sariling
isip, bait, at lakas upang gampanan ang anumang mithi nito sa buhay. Ang ganitong uri ng kritika ay
maaaring sipatin sa anggulo ng awtor, na ang batayan ng pagsusuri ay pangunahing hulagway ng mag-
ama. Sa kabilang dako, masisipat din ang tula sa anggulo ng mambabasa, na may kakayahang magkarga
ng pahiwatig sa tula batay sa reperensiyang magmumula sa labas ng tula, i.e.,  lipunan. Kaya kahit kapuri-
puri ang tula sa anggulo ng mga mambabasa, na ipinapalagay na may sapat na kakayahan sa pag-unawa
ng teksto, ang tula ay maaari pa ring maging marupok sa pananaw ng awtor kung ang magiging batayan
ay pagkasangkapan halimbawa sa persona, tinig, himig, balangkas, talinghaga, at iba pang aspekto ng
tula.

Lumaya sa kumbensiyon ng limitadong espasyo ng magasin at diyaryo ang pagsulat ng tula ngayon, gaya
ng mababasa sa emanilapoetry.com at filipinowriter.com. Nailalathala ang mahahabang tula ng gaya ni
E. San Juan Jr. na naggigiit ng pampolitika’t pang-ideolohiyang kiling.[ii] Ang tula ay nilalapatan pa kung
minsan ng musika at video, gaya ng ginawa ni Fermin Salvador, kaya ang tula ay hindi na lamang
maituturing na saklaw ng papel na pahina. Ang ibang makata ay sinusubok kahit ang hanggahan ng
kompiyuter iskrin, at ang eksperimentasyon sa pananaludtod ay nakabatay sa kayang lamanin ng blog.
Maihahalimbawa ang piyesang ito ni Rowan Canlas Velonta:

Nang lumabas ako isang umaga

Ang             lawak             na

. . . . ng

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mundo

at               hindi               na

mahagilap        itong           isa’t-

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .isa.

( Hindi tulad dati’y


tayong dalawa
ang lahat-lahat nitong nakikita: ikaw at ako
itong mundo—
ang ibabaw
ang ilalim
ang nasa pagitan nito;
ang taas,
ang hanggahan ng ulap
ay tanging tayo. )[iii]

REPORT THIS AD

Gayunman, ang sinumang hindi bihasa sa teknolohiya at nangangapa sa lengguwahe ng kompiyuter ay


maaaring hindi magawa ang nasa sa isip na disenyo na mailalatag at matutunghayan nang malinaw sa
papel. Nakagugulat na may sinusunod pa ring padron ang ilang makata, gaya ng sa tugma at sukat,
subalit kung minsan ay wala nang pakialam pagdating sa indensiyon ng mga taludtod.

Maihahalimbawa ang haiku sa Filipino, na sinulat ni RJ Santos, na mahihinuhang naiba ang indensiyon
pagsapit sa kompiyuter iskrin.[iv]
Nababaliw

Ang iyong tinig


Lagi kong naririnig
Kahit mag-isa

Alaala

Hanging dumaan
Ika’y pinaalala
Ang baho naman

Masiste ang dalawang tula, at sumusunod sa padron ng haiku na ang unang dalawang taludtod na
bumubuo ng isang diwain at imahen ay ikinakabit sa bukod na diwaing matatagpuan sa ikatlong
taludtod. Napalilitaw ng mga tula ang paglalaro kahit sa sintaks ng tula, at pagtitimpla ng tugmaan.
Mapapansin lamang ang medyo linsad na pagkakabuo ng ikalawang taludtod ng “Alaala,” na nawaglit
ang kudlit “pinaalala” upang isaad ang nawawalang titik na “i.” Maimumungkahi ang taludtod na
“Ipinaalala ka” at ang pagsasaad ng kolon upang maging hudyat ng bagong imahen sa ikatlong taludtod.

May ibang makata na higit na mapagmuni, maitim at malikot mag-isip, at kahit magaspang kung minsan
ang pananaludtod ay kakikitahan ng talim ng pagmumuni. Pansinin ang tulang ito ni Shin
sa Quarantine[v]

Umaahon

Ngayong gabi,
ang buwan ay nasa tubig
at ang tubig ay nasa langit.
Nangangatal ang mga dahong
niyayapos ng umaalumigmig na hangin.
O kay kinang ng mga bituing kinikislot
ng marahang alon—
isdang humahalik sa ibabaw ng tubig
nilulunok ang kaba sa dumaraang lantsa.

Malikot ding mag-isip ang makatang Marchiesal Bustamante, at maihahalimbawa ang piyesang ito na
nalathala sa kaniyang blog na pinamagatang Ataraxia.[vi]

Pain

May kuneho sa batok ng tulog na pusa.


Nakatingin sa malayo. Malayo kung saan ako
nakatingin. Lalong lumalayo ang tingin ng kuneho
habang nilalapitan ko ng tingin ang pinaka-
lokasyon ng kaniyang mga paa. Humahalo
ang mga kuko ng kuneho sa balahibo
ng pusa. Buo ang balahibo.
Tulad ng dati kong pagtingin, purong balahibo
ang pusa pag tulog. Maghapong tulog
ang paligid. Maghapon na rin akong nakatingin sa malayo
at hindi ako makalingon sa dapat kong lingunin
pagkat tiyak na may mawawala, magigising.

Itim ang balahibo ng pusa:


itim at puti.

Ipinapamalas ng tulang ito ang pambihirang pagtanaw, at kung iuugnay sa pamagat na puwedeng
basahin sa Filipino [pá·in] at Ingles [pain], ay magluluwal ng kakatwang pahiwatig ng persona ng
nakakikita ng mga bagay na hindi karaniwang nakikita ng marami. At ang maganda, ang representasyon
ng realidad ay hindi isa-sa-isang tumbasan, bagkus umaabot hanggang pilosopikong pagtanaw. Ang
kuneho ay waring kimera na unang ginamit na hulagway ni Charles Baudelaire, ngunit ang pagkakaiba
lamang ay hindi ito bagahe ng tulog na pusa bagkus bagahe ng personang may kung anong
pinagbubulayan sa batok ng pusa.

Sa ibang pangkat ng mga makata, gaya ng KM 64, ang tula ay lumalampas sa teritoryo ng sining at
magagamit na kasangkapan sa politikang adhikain. Saad nga ng pangkat,

Sa aming mga makata ng Kilometer 64, malinaw na ang sagot. Ang tulang Pilipino’y nararapat na ilaan,
una sa lahat, sa sambayanang Pilipino. Hindi biro ang magiging kapakinabangan nito sa ating pagtitindig
ng kasarinlan, kalayaan, katarungan, mabuting pamamahala, at tunay na demokrasya sa ating bansa.[vii]

Nakapaglathala ng mga aklat ng tula ang pangkat, at lumilikha ng kilapsaw sa internet, lalo sa mga tulang
may kaugnayan halimbawa sa kahirapan, repormang agraryo, karahasang politikal, at iba pang kaugnay
na bagay. Mabalasik ang banat ng mga kasaping makata sa katiwalian sa pamahalaan, at
maihahalimbawa ang dalít na ito na sinulat ni Alexander Martin Remollino:

Di bubukol kung di ukol.


Pero ang mga komisyon
Sa kontrata’y bumubukol
Sa bulsa ng mga baboy.[viii]

Nagiging makapangyarihan ang sinaunang kawikaan kung naiuugnay sa bagong pangyayari o hulagway.
Nagkakaroon ng sangang pahiwatig ang salitang “bukol,” na hindi na lamang katumbas ng “umbok” o
“pamamaga” bagkus bulaklak ng dila ukol sa suhol o korupsiyon. Samantala, ang baboy ay matitingnan
na hindi na lamang ordinaryong hayop, bagkus representasyon ng katangian ng sinumang tiwali sa
pribado man o publikong sektor.

Masigasig maglathala ng mga tula ang highchair.com.ph, isang magasin online na pinangungunahan nina


Allan Popa at Marc Gaba. Dalawang beses kada taon ang labas ng kanilang lathalain, at nag-aanyaya sa
iba’t ibang makatang maglathala ng kanilang piyesa. Ilan sa namumukod na tulang nalathala mulang
2003 hanggang 2010 ang salungatang disenyo at diskurso ng sinauna at modernidad ng  “Biokompyuter”
at “Kawayan” ni Bomen Guillermo; ang mala-bibliko’t diyalektikong usapan ng “Ubasan” ni Rosmon
Tuazon; ang reperensiya ng realidad sa “Salamin” ni Allan Popa, at ang mala-pantastikong bikas ng
“Lungsod ng Abo” ni Kristoffer Berse.

Pinakamasipag sa lahat ang pangkat ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) dahil sa
paglalathala nito ng serye ng mga chapbook, bukod sa makapal-kapal na antolohiya ng mga tulang
gumugunita sa ikadalawampu’t limang anibersaryo ng pagkakatatag nito. Namumukod na bagong hanay
ng LIRA sina Mikael Gallego, Noel Fortun, at Jenny Orillos, na ang mga tula’y kabilang sa
koleksiyong Rurok (2010) na pinamatnugan ni Enrico Torralba. Naiiba ang LIRA dahil masigasig ang
eksperimentasyon nito sa pagtula, na hinihigit ang sining sa malawak na posibilidad at umiiwas
magpakahon sa politika o ideolohiya. Nakapanghihinayang at hindi ko matatalakay ang ilang piling tula
ng matitinik nitong makata, kaya inaanyayahan ko na lamang kayo na bumili ng kanilang pinakabagong
aklat na ilulunsad sa Disyembre ng taong ito.

Problematiko ang pagbasa ng tula dahil ang pakahulugan ng tula ay patuloy na nagbabago. Ang tula ay
hindi na lamang “bersong may sukat at tugma” bagkus kumakatawan na rin sa malayang taludturan at
tulang tuluyan. Kabilang din sa tula ang mala-epikong salaysay, at humahamon kahit sa lunang dating
sakop lamang ng nobela at sanaysay. At maibibilang din sa tula ang paglalaro ng mga taludtod, na
matatawag ding inanyuang berso, na ang mismong hubog at anyo ay nagtataglay ng pahiwatig ng tula.

Kung malawak ang pakahulugan ng tula, ang pagbasa rito ay nangangailangan din ng masusing pag-
urirat na ginagamitan ng mga kasangkapan sa pag-unawa ng teksto. Maipapalagay na walang isang
tumpak na lente ng pagbasa. Ang tula ay hindi na lamang paghahanap ng “esensiya ng tula” gaya ng
winika ni Alejandro G. Abadilla. Hindi rin ito katumbas ng pag-alam sa lirisismo ng saknong o taludtod,
gaya ng winika ni Ruben Vega. At lalong hindi ito nakasalalay sa apat na sangkap na gaya ng tugma,
sukat, kariktan, at talinghaga (o kaisipan), gaya ng panukala nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda,
at Iñigo Ed. Regalado. Ang pagbasa ng tula ay pagkilala sa isang realidad, at ang realidad na ito ay
maaaring makapagsarili kung hindi man bukod sa realidad na dinaranas ng mga tao.

Hindi rito nagtatapos ang lahat, bagkus simula pa lamang ng mga dapat tuklasin sa larangan ng
panulaang Filipinas.

Dulong Tala

[i] Basahin ang http://blurosebluguy.wordpress.com/2009/07/11/aquilone-blu/ na hinango noong 18


Nobyembre 2010 at sinulat ng blogistang nagkukubli sa pangalang Bluguy. Nakalathala roon ang buong
tula na may iba’t ibang kulay ang mga saknong, at doble-espasyo ang pagkakatipa ng teksto.

[ii] Maihahalimbawa ang tulang “Kundimang Handog sa Armadong Paraluman” na nalathala


sa http://www.emanilapoetry.com/writersgroup/index.php/kundimang-handog-sa-armadong-
paraluman/ at hinango noong 18 Nobyembre 2010.  Nasa anyo ng awit ang tula ni E. San Juan Jr., na ang
persona’y kinakausap ang sintang pumalaot sa armadong pakikibaka.

[iii] Nalathala sa Rowan Canlas Velonta: Transient Thoughts, http://rowanvelonta.com/2009/11/nang-


lumabas-ako-isang-umaga/#comments at hinango noong 18 Nobyembre 2010.

[iv] Hango sa http://www.filipinowriter.com/haiku-in-tagalog-2#comment noong 17 Nobyembre 2010,


at sinulat ng nagngangalang RJ Santos.

[v] Basahin ang http://llawlatnem.blogspot.com/2008/01/back-to-water-feet.html na nagtatampok ng


mga tulang hindi karaniwang mababasa sa mga tradisyonal na lathalain na gaya ng Liwayway Magasin.
[vi] Basahin ang http://pulikat.blogspot.com/search/label/tula ni Marchiesal Bustamante, na madilim
kung mag-isip at pambihira ang sensibilidad sa pagtula. Sinuri ko na ang dalawa niyang tula na mababasa
sa http://alimbukad.com/2009/08/27/bangin-ng-alinlangan-ni-marchiesal-bustamante/.

[vii] Basahin ang http://kilometer64.multiply.com/ na hinango noong 18 Nobyembre 2010, at


nagpapaliwanag ng simulain ng pangkat hinggil sa pagtula. Mapapansing linyado kahit ang pagkilala ng
pangkat sa mga makata, gaya nina Romulo Sandoval at Gelacio Guillermo, na kumakaligta sa ambag ng
iba pang makatang hindi kabilang sa politika o ideolohiya ng pangkat.

[viii] Nalathala sa http://kilometer64.multiply.com/tag/poetry?
&=&tag=poetry&item_id=46&page_start=40 at nagwagi sa timpalak ng Filipinas Institute of Translation
(FIT) na pinamagatang “Katext mo sa katotohanan,” noong 7-14 Marso 2008.

https://dakilapinoy.com/2010/11/21/sulyap-sa-panulaang-filipino-sa-panahon-ng-internet/

You might also like