You are on page 1of 4

Nakakita ka na ba ng pagong?

Nwoong unang panahon, ang mga pagong ay


maliliksi at mabilis kumilos, kaya nilang umakyat ng mga puno sa tulong ng kanilang
mga kuko at wala pang mga guhit na disenyo ang kanilang likod. Ngunit bakit kaya
nagbago ang kanilang anyo at kilos? Narito ang isang maikling kwento tungkol sa kung
bakit makupad kumilos ang mga pagong at may mga linya sa kanilang likod.

Ang Kwento ni Yong


Written by
Jazzele C. Longno

Sa mga bulubundukin ng Irawan, sa kalagitnaan ng kagubatan ng Iratag, ay nakatira si


Yong.
Si Yong ay isang pagong na nakatira sa tabing ilog sa gitna ng kagubatan ng Sitio
Iratag kasama ang ibang mga hayop. Wala siyang kaibigan dahil may ugali siya na
ayaw ng lahat. Si Yong ay mayabang at madamot. Kung kaya iniiwasan siya ng lahat
ng hayop sa gubat.
Ang tahanan ni Yong ay nasa ilalim ng malaking puno ng Kaimito at marami itong
bunga. Ayaw na ayaw niya na ibinabahagi sa ibang hayop ang bunga. Isang araw, may
napadpad na mag inang Talual sa kangyang bakuran. Nakita nyang dumapo ito sa
kanyang puno ng Kaimito.
“Sinong nagbigay sa inyo ng pahintulot para dumapo sa aking puno!?” pagalit na
tanong ni Yong.
“Magandang araw sa iyo, paumanhin, napansin kasi naming ng ang punong ito ang
may pinaka masaganang bunga dito sa kagubatan. Maari ba akong makahingi ng isang
bunga ng Kaimito?” pakiusap ng inang Talual.
“Aba! Nagpapatawa ka ba? Hindi maari! Para sa akin lamang ang mga bunga ng
punong ito! Umalis na kayo!” galit nyang itinaboy ang mag ina. Walang magawa ang
mag-inang Talual kundi lumipad palayo.
Dahil sa pangyayaring yun, naisipan ni Yong na ilipat ang bahay nya sa taas ng puno
upang wala na muling ibon na makakadapo. Dumaan ang maraming araw at marami ng
hinog na bunga ng kaimito ang nalalaglag sa lupa mula sa puno. Isang hapon, habang
natutulog, naalimpungatan si Yong sa ingay na narinig niya mula sa ibaba.
“Ang dami naman nito!” natutuwang sabi ni Pantot.
“Oo nga, sayang naman” nanghihinayang na sagot ni Bayawak.
“Tara, pulutin natin at ibahagi sa iba nating kaibigan! Tiyak na matutuwa sila!”
nagagalak na sabi ni Balintong.
Isa-isa nilang pinupulot ang mga bunga ng kaimito na nahulog sa labas ng bakuran ni
Yong.
Dumungaw siya sa bintana at nakita nya si Pantot, Bayawak, at Balintong na
namumulot ng mga nahulog na bunga ng puno. Agad na nagalit si Yong at hinagisan
sila ng mga buto ng kaimito.
“Sinong may sabi na pwede nyong kunin ang mga yan! Umalis na kayo at iwan ang
mga bungang iyan! Para sa akin lamang ang mga bunga ng punong ito!” galit na galit si
Yong ng makita sila na dinadampot ang mga nahulog na bunga.
Kumalat sa buong kagubatan ang pangyayaring yun. Simula noon lalo ng iniwasan si
Yong at wala ng nangangahas na lumapit sa kanyang bakuran, lalo na sa puno ng
Kaimito.
Dumaan pa ang maraming buwan at masayang namumuhay mag-isa sa puno ng
Kaimito si Yong.
“Napakasaya ng buhay, sino ang nagsabing kailangan ko ng kaibigan para maging
masaya?” masayang sambit nya habang kumakain ng Kaimito.
“Nasa-akin na ang lahat ng bagay para mabuhay, masaganang puno at matibay na
tirahan sa tabi ng ilog” pagmamayabang nyang papuri sa sarili.
Isang araw, may narinig na balita si Yong.
“May parating na bagyo! Kailangang lumikas at pumunta sa mas mataas na bahagi ng
gubat!” Nababahalang anunsyo ni Agila. Paulit-ulit nya itong sinasabi habang lumilipad
para ikalat ang balita sa mga hayop sa kagubatan.
Nakita si Yong ni Agila at agad siyang nilapitan.
“Kailangan mo ng lumikas Yong, may parating na malakas na bagyo, hindi ligtas ang
tahanan mo lalo pa at sa tabi ito ng ilog” nag-aalalang payo ni Agila.
“Hindi ko kailangang lumikas, Malaki at matibay ang punong ito. Kahit ilang bagyo pa
ang dumating, hinding hindi ito matitinag” pagmamayabang niyang sagot.
Umalis na lamang si Agila dahil alam niyang sarado na ang isip ni Yong. Sabay-sabay
na lumikas ang mga hayop sa gubat at naghanap ng mataas na parte ng gubat, meron
silang nakitang kweba at dun sila nagtago.
Dumating ang gabi at unti-unti ng lumalakas ang hangin, kasabay ng malalakas na
kulog na may kasamang kidlat. Walang masilayan na kahit isang bituin sa kalangitan at
hindi masilip ang liwanag ng buwan.
Sa loob ng tahanan ni Yong sa taas ng puno, nararamdaman niya na ang mas
lumalakas na ihip ng hangin. Nararamdaman nya ang pag-sayaw ng puno ng Kaimito
na sumasabay sa lakas ng hangin.
“Inay ko po!” natatakot na sambit ni Yong habang yakap ang basket na may lamang
mga bunga ng kaimito.
Bumuhos ang malakas na ulan at lalong lumakas ang hangin na may kasamang
pagkulog at pagkidlat. Nagsimulang masira ang bahay ni Yong sa lakas ng ihip ng
hangin at lakas ng ulan. Sa takot ni Yong ay nagpasya na siyang iwan ang kanyang
mahal na puno ng kaimito. Dali-dali siyang tumungo sa pintuan, at sa kanyang
pagbukas siya ay nanlumo, tila huli na ang lahat. Mataas na ang tubig sa ilog at
maraming ng natumbang puno.
“Oh hindi maari ito, akala ko ay kaya akong protektahan ng punong ito sa ganito
kalakas na bagyo”, nanlulumong sambit niya sa sarili. Kumapit siya sa puno gamit ang
kanyang mga kuko. Ngunit napalakas ng bagyo at nilipad siya ng hangin papunta sa
ilog.
Sa lakas ng agos ng ilog, nagpa-ikot ikot sa tubig si Yong kasama ang mga natumbang
puno. Ihinahampas siya ng ilog sa mga bato at unti-unting nasisira ang kanyang likod.
“Naku po, katapusan ko na ba talga?” Huwag naman po sana”, natatakot at naiiyak na
pagsamo ni Yong habang patuloy na paikot-ikot na inaagos ng ilog.
Dahil sa takot pinilit niyang kumapit sa mga nadadaanang bato hanggang sa mapudpod
ang kanyang mga kuko. Isang malakas na agos ang tumilapon sa kanya sa isang
malaking bato. Nagdilim ang kanyang paligid at hindi nya na alam ang mga sumunod
na pangyayari.
Sumapit ang umaga at tumila na ang bagyo. Ngunit marami ang nasira sa kagubatan.
Bumalik ang mga hayop at tulong tulong sila sa pag ayos sa mga nasira.
Sa paglilinis sa tabing ilog, nakita ni Palaka si Yong na walang malay.
“Tulong, nandito si Yong!” pasaklolong samo ni Palaka.
Agad namang lumapit ang ibang mga hayop. Nakita nila ang kalagayan ni Yong.
Basag-basag ang likod nito at pudpod ang mga kuko. Naawa sila sa kanyang
kalagayan, kaya kahit pinagdadamutan niya sila. Nagdesisyon parin sila na tulunga si
Yong.
Gumawa sila ng higaan ni Yong. Nilagyan rin nila ng benda ang kanyang mga kamay at
paa. Hinanap nila ang mga piraso ng kanyang likod at isa-isang dinikit muli. Dumaan
ang mga araw at muli ng bumuti ang kanyang pakiramdam. Mas pinili ni Yong na
kumilos ng mabagal dahil natatakot siyang mawala sa pagkakadikit at mabasag ulit ang
kanyang likod. Ang mga pinagdikitdikit sa kanyang likod ay naging permanente ang
mga guhit.
“Maraming salamat sa tulong ninyong lahat, kahit na pinagdadamutan ko kayo ay mas
pinili nyo parin na suklian ako ng kabutihan” naiiyak na pasasalamat sa lahat ni Yong.
“Walang anuman iyon Yong. Lahat tayo dito sa kagubatan ay magkakaibigan”
natutuwang sabi ni Pilandok.
“Hindi kailangang gantihan ng hindi magandang gawain kapag ginawaan ka ng hindi
maganda ng kapwa. Maari mo itong suklian ng kabutihan, dahil ito ang tama at mas
mananaig lagi ang kabutihan.” Nagagalak na sambit ni Bayawak.
“Simula ngayon magbabago na ako, hindi na ako magdadamot at magyayabang, lahat
kayo at sino mang nagugutom ay maari ng pumitas ano mang oras sa puno ng kaimito”
naiiyak at nagagalak na sinabi ni Yong.
Masaya ang lahat dahil ligtas ang lahat ng hayop sa gubat at kaibigan na ng lahat si
Yong.

1. Sino-sino ang mga tauhan sa kwento?


2. Saan ang tagpuan ng kwento?
3. Ano-anong mga emosyon ang ipinakita ng mga tauhan?
4. Bakit walang kaibigan si Yong?
5. Bakit napahamak si Yong?
6. Ano ang aral na iyong napulot sa kwento?
7. Bakit mahalaga ang pagbabahagi ng tulong sa kapwa?
8. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na gumawa ng sariling wakas sa kwento ni
Yong, paano mo ito bibigyan ng wakas?
9. Marami ka bang kaibigan? Ano ang mga magagandang katangian ng iyong mga
kaibigan?
10. Naranasan mo narin bang mapagdamutan ng iba? Ano ang iyong naramdaman
at ano ang iyong ginawa?

You might also like