Professional Documents
Culture Documents
“KABATAAN AT
REBOLUSYONG
PANGKAISIPAN NI JOSE RIZAL”
KABATAAN AT REBOLUSYONG PANGKAISIPAN NI RIZAL
Pambungad na Salita
Ang modyul na ito ay naglalayong matutugunan ang pangangailangan ng isang babasahing tagalog
tungkol sa pagsilang, pamilya, kabataan, pagkamulat at karanasan sa pag-ibig ni Jose Rizal. Nakapaloob
din sa modyul na ito ang naratibo na nauukol sa mahahalagang pangyayari sa buhay ng dakilang bayani,
na hindi pa gaanong nababatid ng karamihan,upang makaganyak ng maraming pang Pilipino lalu na ang
kabataan na matularan din nila at malaunan ay makita din nila ang oportunidad na tinagin ang kanilang
mga sarili na mapaiba din sa karaniwang Pilipino kahalintulad din ng naiwang halimbawa o inspirasyon ni
Jose Rizal. Sabi nga, ang buhay ni Rizal ay maihahalintulad sa isang balon na habang sinasalukan ay lalo
naming sumasarap ang tubig na idinudulot sa isang mauhawin sa magagandang aral.
Mga Paksa
a. Pagsilang,pamilya at kamusmusan
b. Kabataan at unang edukasyon
c. Mataas na edukasyon
d. Paghahambing sa pamamaraan ng pagtuturo sa Ateneo at Santo Tomas
e. Pagsibol ng pag-ibig: Si Rizal bilang isang Dakilang Mangingibig
Pagsilang at pamilya
Isinilang si Jose Rizal noong ika-l9 ng Hunyo, 1861. Isinilang siya sa Calamba sa lalawigan ng
Laguna. Ang bayang ito ay napapagitnaan ng Lawa ng Laguna at Batangas.Si Jose Rizal ang ika-pito sa
labing –isang anak nina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonso Realonda. Siya ay biniyagan noong
ika-22 ng Hunyo,1861 ni Pari Rufino Collantes, kura paroko ng Calamba. Ang kanyang ninong ay si
Pedro Casañas.
Ang Ama ng bayani, si Francisco (1818-1898) ay isinilang sa Binan, Laguna, noong Mayo
11,1818. Nag-aral siya ng Latin at Pilosopiya sa Kolehiyo ng San Jose sa Maynila. Noong bata pa,
pagkaraan mamatay ng mga magulang, lumipat siya sa Calamba at naging kasamang magsasaka sa
asyendang pag-aari ng mga Dominiko. Masipag siya, bihirang magsalita, ngunit mas maraming
nagagawa, malakas ang pangangatawan, at maayos ang pag-iisip. Namatay siya sa Maynila noong
Enero 5,1898 sa edad na 80. Sa tala ng kanyang buhay, tinawag ni Rizal ang kanyang ama na
"Huwarang Ama".
Si Donya Teodora (1826-1911), ang ina ng bayani, ay isinilang sa Maynila noong Nobyembre 8,1826, at
nakapag-aral sa Kolehiyo ng Santa Rosa, isang kilalang kolehiyo para sa kababaihan sa lungsod.
Kahanga-hanga siyang babae, mabini kung kumilos, may talino sa panitikan, negosyo, at taglay niya
ang kahalintulad na katatagan ng isang babaing Sparta. Masuyo siyang inilarawan ni Rizal: "Ang aking
Nanay at katangi-tangi; maalam siya sa panitikan at mahusay mag Espanyol kaysa sa akin. Siya ang
nagwawasto ng aking mga tula at binibigyan niya ako ng magagandang payo nang nag-aaral ako ng
retorika. Siya ay mahusay sa matematika at maraming aklat na nabasa. Namatay si Donya Teodora sa
Maynila noong Agosto 16,1911 sa edad na 85.
Kabataan at Edukasyon
Ang unang naging guro ni Jose ay ang kanyang ina, tinuturuan na siyang magbasa sa edad na tatlong
taong gulang.Kaya bata palang si Jose ay mahilig na siya sa pagbabasa ng mga aklat.Naturuan siya ng
kanyang ina na magbasa sa aklat na “Amigo de los Niños” (kaibigan ng mga bata) kung saan nakalimbag
ang kwento ng gamu-gamo na naging huwaran niya sa kanyang paglaki. Sa tulong ng kanyang kapatid na
si Saturnina ay natutunan niya ang abakada.Sa gulang na limang taon ay nabasa niya ang banal na
kasulatan sa kanilang tahanan. Noong tatlong taong gulang si Jose ay namatay ang kanyang kapatid na
si Concha.Iyon ang kauna unahan niyang pagluha dahil sa pagmamahal sa kapatid at pagdaramdam sa
kanyang pagkawala.
Nung siya ay pitong taong gulang kanyang naisulat ang isang dula na itinanghal sa pista ng bayan.Binili
ng gobernadorcillo ng Paete, Laguna ang manuskrito sa halagang dalawang piso. Nahilig din siya sa
pagsusulat ng tula, kaya sa edad na walo ay naisulat niya ang tulang tagalog na “Sa aking mga Kabata”,
ito ay tungkol sa kahalagahan at pag-ibig sa wika. Habang lumalaki si Jose, kinuha siya ng mga
pribadong tagapag-turo sa kanilang tahanan. Ang una ay si Maestro Celestino, ang pangalawa ay si
Maestro Lucas Padua. At ang huli ay isang matandang lalaki, na si Leon Monroy na dating kaklase ng
kanyang ama, naging guro ni Rizal sa Latin. Sa kasamaang-palad, hindi nagtagal ang kanyang buhay.
Namatay siya pagkaraan ng limang buwan.
Pagkamatay ng kanyang gurong si G, Leon Monroy, nagpasiya ang mga magulang niya na
ipadala siya sa isang pribadong paaralan sa Biñan.
Noong Hunyo, 1870, hinatid ni Paciano ni Rizal sa Biñan. Ang magkapatid ay sumakay ng
Karomata, at narating ang Biñan pagkaraan ng isa’t kalahating oras. Kinahapunan ng una niyang araw
sa paaralan, habang ang guro ay nagsisiyesta. Nagalit siya kay Pedro dahil pinagkatuwaan
siya.Hinamon ni Jose si Pedro ng suntukan. Hindi naman nagdalawang isip si Pedro at tinanggap ang
hamon. Marahil ay naisip nito na madali niyang matatalo ang taga –Calamba na mas bata at mas maliit
sa kanya.
Nagsuntukan ang dalawang bata sa silid-aralan, na ikinatuwa ng kanilang mga kaklase. Si Jose,
na tinuruan ng kanyang Tiyo Manuel ng sining ng pakikipaglaban, ang siyang tumalo sa mas malaking
bata. Dahil dito, naging popular na siya sa kanyang mga kaklase.
Pagkatapos ng klase sa hapon, isa pang kamag-aral, si Andres Salandanan, ang humamon sa
kanya ng bunong braso. Dahil mahina ang braso ni Rizal, natalo si Rizal at nang mag-away ay muntik
nang mabasag ang kanyang ulo sa bangketa.
Sa mga araling pang-akademiko, tinalo ni Jose ang lahat ng mga kaklaseng taga Biñan.
Naunahan niya ang lahat sa Espanyol, Latin, at iba pang asignatura. Dito niya nakabisado ang
multiplication table.May ilang kaklase ang naiinggit sa kanyang talino.Lagi nilang isinusumbong si Rizal
sa guro tuwing nakikipag-away siya. Kung anu-ano ring kasinungalingan tungkol kay Rizal ang sinasabi
nila sa guro. Kaya napipilitan ang guro na parusahan si Jose. Kaya nasabi ni Rizal na "kahit mabait na
bata ang reputasyon ko, bibihira ang araw na hindi ako nabibigyan ng lima o anim na palo ng aking
guro”.
Bago mag-pasko noong 1870, nakatanggap si Jose ng liham mula sa kapatid niyang si Saturnina,
at ipinaalam sa kanya ang pagdating ng barkong Talim sa Biñan na siyang mag-uuwi sa kanya sa
Calamba. Nang mabasa niya ang sulat nagkaroon siya ng premonisyong di na siya babalik sa Biñan
kaya naging malungkot siya. Nagdasal siya sa simbahan, nangolekta ng mga bato sa ilog bilang alaala,
at nagpaalam sa kanyang guro at mga kaklase.
Umalis siya ng Biñan ng Sabado ng Hapon ng Disyembre 7,1871, pagkaraan ng isa’t kalahating
taon ng pag-aaral sa bayang iyon. Tuwang-tuwang lumulan sa barkong Talim, dahil ito ang kauna-
unahang pagkakataon niyang makasakay sa isang barko.
Ateneo De Municipal
Dahilan sa ipinamalas na kahusayan sa larangang pang-akademya, naging mataas ang pangarap ng
kanyang pamilya para sa kanya kaya naman kapwa ninais ni Don Francisco, ang kanyang ama, at ni
Paciano, kanyang nakatatandang kapatid, na makipagkarera siya sa isang paaralan sa Maynila.Ang
orihinal na plano ng ama ay sa San Juan de Letran mag-aaral si Rizal ngunit mas nagustuhan niya ang
turo sa Ateneo kaya doon siya nakipag eksamen. Sa panahong yaon ang paaralan ay nasa ilalim ng
pamamahala ng mga paring Heswita. Sa umpisa ay hindi tinanggap si Rizal dito dahil nahuli siya sa
pagpapatala at napakaliit niya para sa kanyang gulang.Sa tulong ni G. Manuel Xeres pamangkin ni Padre
Burgos, ay natanggap si Jose sa Ateneo.Sa kanyang pagpapatala ay ginamit niya ang apelyidong “Rizal”.
Unang Taon sa Ateneo (1872– 1873)-sa unang buwan pa lang ng pag-aaral ni Rizal sa Ateneo ay
nakapagmalas na siya ng kakayahan.Siya ang tinanghal na pinakamahusay sa klase at tinawag siyang
“Emperador”.Si Padre Jose Bech - ang guro ni Rizal sa unang taon niya sa Ateneo.Noon ay hindi pa
siya gaanong matatas sa pagsasalita ng wikang kastila kaya tuwing rises nila ay nagpupunta siya s
Colegio de Santa Isabel upang mag-aral ng kastila.
Malungkot si Rizal sa unang taon niya sa Ateneo sa dahilang ang kanyang ina ay nasa
bilangguan.Napagbintangan na nilalason ni Donya Teodora ang kanyang hipag.Nung nung siya ay
magbakasyon lihim siyang pumunta sa Santa Cruz para dalawin ang kanyang ina at kinuwentuhan ang
ina ukol sa kanyang pag-aaral.
Pangalawang Taon (1873 –1874). Masaya si Rizal dahil dumating sa Ateneo ang ilan sa mga dati
niyang kamag –aral sa Biñan. Sa taong 1874 nakalaya si Donya Teodora at ito ay nagdulot ng di
matawarang kasiyahan kay Rizal .Napamalas ang kasiyahan ni Rizal sa pagkakaroon ng mabubuting
marka at pagbabalik ng pagkahilig sa pagsusulat.Dito niya naisulat ang unang kastilang tula na may
pamagat na Mi Primera Inspiracion (ang aking unang Salamisim)na inialay niya sa kaarawan ng
kanyang ina.. Nahilig din siya sa pagbabasa ng mga nobela ng pag –ibig. Ang unang nobelang nahiligan
niya ay ang The Count of Monte Cristo ni Alexander Dumas.Ipinabili niya sa kanyang ama ang Universal
History ni Cesar Cantu na nakatulong ng malaki sa kanyang pag-aaral. Binasa rin niya ang Travels in
the Philippines ni Dr. Feodore Jagor.
Ikatlong taon (1874-1875). Isa sa mga naging guro ni Rizal ay si Padre Francisco de Paula
Sanchez, inilarawan niya bilang isang modelo ng katuwiran at pagsisikap para sa pag – unlad ng
kanyang mga mag –aaral. Humanga ang mga paring Heswita sa galling ni Rizal sa paglililok kaya
hiningan siya ni Padre Lleonart na ililok siya para sa Sagrado Corazon de Jesus. Ang guro niya rito ay si
Romualdo de Jesus.
Ikaapat na Taon (1875-1876) Ipinagpatuloy ni Rizal ang pagsulat ng mga tula at naisulat niya sa
panahong ito ang Felicitacion (pagbati) bilang tugon sa kahilingan ng kanyang kapatid na si Narcisa
para sa kanyang asawa na si Antonio Lopez. Marami rin siyang naisulat na tulang pangrelihiyon.
Huling Taon (1876 – 1877) Nag – aral si Rizal ng Pilosopiya, Physics, Chemistry at Natural
History. Hinikayat siya ni Padre Jose Villaclara na itigil ang pagsusulat at iwanan na niya ang grupong
Musa (Muses) subalit hindi ito sinunod ni Rizal.Tuloy-tuloy ang pagpapamalas ni Rizal ng kanyang
katalinuhan. Nalinang ng husto ang kanyang kakayahan sa paglikha ng mga sining-biswal at iba pang
anyo sa gabay ng kanyang paboritong guro na si Padre Francisco de Paula Sanchez.
Sa kanyang pagtatapos nakamit ni Rizal ang Bachiller en Artes noong Marso 23,1877 at limang
medalya.
Si Julia
Si Julia ang puppy love ni Dr. Rizal. Nakilala niya si Julia noong isang araw ng Abril 1877 habang nasa
dalampasigan ng ilog ng Dampit, Los Baños, Laguna upang maligo. Narinig niya na tinawag ang dilag ng
kanyang lola sa pangalang Julia kaya’t kanyang nalaman ang pangalan nito.
Nabighani siya habang pinagmamasdan ang dalagita. Nakita niya itong nanghuhuli ng paru-paro at para
makilala niya ito ay humuli din siya ng dalawang paru-paro at ibinigay niya ito kay Julia. Ito ang naging
daan upang sila ay magkakilala. Naging magkaibigan ang dalawa at kanyang masuyong inihahatid ang
maglola sa Los Baños. Siya rin ang tinuturing na Minang ni Dr. Rizal sa kanyang alaala.
Segunda Katigbak
Si Segunda ang unang pag-ibig ni Rizal.Siya ay labing apat (14) na taong gulang na dalagita na kapatid
ng kaklase at kaibigan ni Pepe na si Mariano Katigbak. Kolehiyo ng La Concordia ang kanyang paaralang
pinasukan kung saan rin nag-aral ang kapatid ni Rizal na si Olympia.
Ayon sa iba, nagkita ang dalawa sa Trozo, Manila kung saan binisita ni Rizal ang kanyang lola na nakatira
mismo sa nasabing lugar. May mga nagsasabi rin na nagkita sila sa Lipa, Batangas kung saan nanggaling
ang pamilya Katigbak. Malimit na pumunta noon si Pepe sa Kolehiyo ng La Concordia hindi lang para
dalawin ang kanyang kapatid kundi upang masulyapan ang dalagita. Ngunit hindi nagtagal ang panliligaw
ni Rizal dahil nakatakda ang pagpapakasal ni Segunda sa isang taga-Lipa rin na si Manuel Luz.
Leonor Valenzuela
Si Leonor na kilala sa palayaw na “Orang”. Siya ay katorse anyos at si Rizal ay labing walong taon (18)
magkapitbahay ang dalawa sa Intramuros nang minsang mag-aral ito sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Matangkad ang dalaga, at tiga Pagsanjan Laguna.
Sa kadahilanang magkapitbahay lamang ang dalawa, madalas makitang nakaistambay si Pepe kasama si
Orang. Madalas din ang pagsusulat ni Rizal ng liham pag-ibig sa dalaga sa pamamagitan ng paggamit
tintang hindi nakikita.
May espesyal na pagtingin ang batang Rizal kay Orang, subalit maaaring hindi parehas ang
nararamdaman nila para sa isa’t isa sa pagtanggap niya ng ibang manliligaw. Naudlot ang kanilang
magandang pagtitinginan.
Leonor Rivera
Si Leonor ay anak ng kanyang amain na si Antonio Rivera na siyang pinsan ng kanyang amang si
Francisco. Sa madaling sabi, naging katipan niya ang kanyang pinsan noong siya ay nag-aaral sa Santo
Tomas. Siya ang inspirasyon ni Rizal sa paglikha ng karakter na si Maria Clara sa Noli Me Tangere at El
Filibusterismo.
Nagkakilala ang dalawa noong 13 taong gulang pa lamang si Leonor. Hindi naputol ang koneksyon ng
dalawa kahit nangibang-bayan ni Rizal matapos ang dalawang taon upang magpakadalubhasa. Sa unang
taon ay patuloy ang sulatan ng dalawa. Gumamit ng sagisag na Taimis si Leonor sa kanilang sulatan. Sa
katunayan, nagtagal ng 11 taon ang kanilang relasyon at sa mga panahong yaon naging inspirasyon ang
dalaga sa kanyang pag-aaral. Ngunit tutol ang ina ni Leonor sa pag-iibigan nila. Sa halip na kay Rizal,
gusto nito na maipakasal ang dalaga kay Henry Charles Kipping, isang Ingles na inhinyero. Ayaw ni
Leonor sa Ingles na ito, subalit pilit siyang kinumbinsi ng matigas niyang ina rito. Nagawa pa nitong itago
ang mga sulat mula kay Pepe at sabihan ang dalaga na ikakasal na diumano si Rizal sa anak ni
Ferdinand Blumentritt. Sa kalaunan ay napaniwala si Leonor sa kasinungalingang ito at napilitang
magpakasal kay Kipping.
O Sei-San
Ang tunay na pangalan ni O sei –san ay Seiko Usui, isang anak ng Samurai. Nagtatrabaho ang dalaga sa
legasyon ng Espanyol sa Tokyo. Noong Pebrero 1888, nagtrabaho si Pepe sa legasyon ng Espanyol sa
bansang Hapon at doon nakilala ni Rizal si O sei-San. May kakayahang magsalita ng wikang Ingles at
Pranses ang Hapones, kaya madaling nakapagbuo ng relasyon ang dalawa. Tinuruan rin ng dalaga si
Rizal ng wikang Hapon. Mababasa sa kanyang talaarawan ang sulat niya para kay Seiko na nagsasabing,
Gertrude Beckett
Si Gertrude ay isa sa anim na anak ni Charles Beckett. Si Charles ay ang Ingles na nagmamay-ari ng 37
Chalcot Cresent, isang paupahang bahay sa London, England kung saan namalagi noon si Rizal noong
Mayo taong 1888.
Nangupahan si Rizal sa bahay ng mga Beckett, nakilala niya si Gertrude na tinawag niyang Gettie. Hindi
naglaon ay nagkagusto na ang dalaga kay Pepe. Pinagluluto siya ng masasarap na pagkain at
tinutulungan niya si Rizal sa kanyang mga gawang sining. Kabilang dito ay ang Prometheus Bound, The
Triump of Science over Death at The Triump of Death over Life.
Bago pumunta ng Paris noong Marso 1889, ibinigay niya ang eskultura ng magkakapatid na
Beckett na mismong kanyang nililok. Umiwas si Rizal sa lalo pang lumalalim na pagtingin ni Gettie.
Suzane Jacoby
Dahil mahal ang gastusin sa Paris, naisipan niyang iwan ang lugar para pumunta sa Brussels at doon
mamalagi. Dito niya nakilala si Suzane. Si Suzane ay ang pamangkin ng may-ari ng paupahang bahay na
tinirhan ni Rizal sa Brussels noong Pebrero taong 1890.Anim na buwan rin ng sila ay nagkasama.
Nilisan ni Rizal ang Brussels nagpunta ng Madrid. Ganun pa man inialay ang kanyang mga akdang
Filipinas Dentro de Cien Anos (Ang Pilipinas sa Loob ng Isang Siglo) at ang Sobre de la Indolencia de los
Filipinos (Ang Katamaran ng mga Pilipino)sa dalaga.
Pastora Necesario
Si pastora ay isang tagahabi ng Dapitan.Kilala siya sa tawag na Torak.Naging magkaibigan ang
dalawa noong nakatira si Rizal sa Dapitan.Madalas siyang dumadalaw sa tahanan ni Torak at
pinapanuod ang paghahabi niya sa silong ng kanilang tahanan.Hanggang sa naging malapit ang lobb
nila sa isa’t-isa dahil sa madalas na pagkikita.Niregaluhan niya si Pastora ng estatwang luwad at
ginawan ng mga tula sa wikang kastila.Nahinto ang kanilang pagkikita ng naging abala na si Rizal sa
mga gawain niya sa kanyang klinika sa Dapitan.
Josephine Bracken
Si Josephine ang maituturing na legal na asawa ni Rizal. Ang kanyang mga magulang ay
parehong Irish, ngunit siya ay isinilang sa Hong Kong. Dulce extranjera ang bansag ni Pepe sa kanya.
Noon ay 18 anyos lamang si Josephine, naglayag papuntang Dapitan upang samahan ang kanyang ama-
amahan na si George Taufer na magpatingin ng mata kay Rizal. Nabighani si Pepe sa alindog ng dalaga.
Hindi nagtagal ay nagkamabutihan ang dalawa at namuhay sa Dapitan bilang mag-asawa.
Dahil si Josephine ay alaga ng mga Prayleng dominikano hindi boto ang mga kapatid na babae ni
Rizal sa kanya para sa kanila ay espiya siya. Gayunpaman, hindi natinag ang relasyon ng dalawa. Nang
makabalik si Josephine sa Dapitan mula sa pamamalagi niya sa pamilya Rizal sa Maynila, inareglo ni
Pepe ang kanilang pagpapakasal. Nakipag-usap siya kay Padre Antonio Obach ng Dapitan ngunit ayon
sa paring ito, ikakasal lamang niya ang dalawa kapalit ng retraksyon ni Rizal. Sa kabila nito, itinuloy ng
dalawa ang kanilang pagpapakasal kahit walang basbas ng simbahan. Nagkaroon ng anak si Pepe kay
Bracken, subalit patay ang bata pagkasilang. Pinangalan ni Rizal ang kanyang anak na ito na Francisco.
Pagkamatay ni Rizal si Josephine ay sumapi sa katipunan at namundok.Pagkaraan ng isang taon
siya ay bumalik ng Hong Kong sa kanyang ama. Napangasawa niya si Vicente Abad noong taong 1900.
Nagkaroon siya ng anak dito at pinangalanang Dolores.Noong 1902 namatay si Josephine sa sakit na
tuberkulosis sa edad na dawampu’t lima.
Maraming babae ang dumaan sa buhay ni Rizal, ang mga ito ay nagdulot ng ligaya at sakit.Ngunit
sa pananaw ni Rizal ang mga ito ay dumating sa buhay niya ng may dalang dahilan, ang mga ito ay
nagbigay kulay at naghatid ng inspirasyon sa kanyang buhay.
Iba’t-ibang babae man ang nakadaupang palad niya ay hindi maikakailang siya’y isang maginoo
sa pag-ibig sapagkat hindi niya hinayaang mahulog ang loob niya sa isang babae habang may pinag-
aalayan na siya ng pagmamahal.. Subali’t ang pagmamahal na ito ay wagas at hindi napaparam. Ito ay
ang pag-ibig niya sa kanyang bayang tinubuan..Sa kanya inalay ni Rizal ang kanyang buhay upang
maging dahilan ng pagkagising ng damdamin ng mga Pilipino. Dahil dito maituturing na dakilang
mangingibig si Rizal sa Inang bayan!