You are on page 1of 17

1

Theme: Patuloy ang Misyon Sa Gitna ng Pandemya

Missions Month 2021 Sermon No. 1 - First Sunday (October 3, 2021)


Paksa: Paano ako makikibahagi sa misyon gayon hindi nga ako makalalabas ng bahay?
Text: Genesis 1 - 11
PANIMULA
Noong nagsimula ang COVID Pandemic, inisip natin na panadalian lang ito . Lilipas din ito
kaagad at magbabalik muli sa normal ang lahat. Ngunit magdadalawang taon na at tila
lumalakas pa ang banta ng virus na hindi man lang nagpapatinag sa mga bakuna! Patuloy na
naaapektuhan ang ating mga buhay, ang ating mga pagkilos at hanapbuhay! Ginulo ng Covid
ang ating mga plano, mga programa at mga pangarap sa kinabukasan.
( Mga Kasalukuyang Usapin na magbubukas sa Sermon.
Pumili lamang ng isa na tatalakayin.)
1. Pag-usapan ang huling balita hinggil sa COVID 19 Pandemic
a. Bagong uri o variants ng virus
b. Mga mayayaman at kilalang personalidad na naging biktima ng virus
c. Mga personal na kakilala na tinamaan ng virus at pumanaw na.
2. Usapin Hinggil sa Vaccine o Bakuna:
a. Mga tao na may pagtatalo sa kabutihan at kasamaan na dulot ng
pagpapabakuna
b. Ang mga kinatatakutang epekto ng bakuna sa mahabang panahon
3. Epekto ng quarantine sa kabuhayan:
a. Ang matinding epekto sa kinikita ng pamilya
b. Ang mga nawalan ng trabaho, mga nagsara ng negosyo at mga kabuhayan
c. Ang mga naantalang plano ng pag-aasawa, mga byahe sa ibang at mga career sa
buhay
TRANSITIONAL QUESTIONS
1. Bakit may pag-uusap patungkol sa Misyon gayon may mga bagay sa kasalukuyan na
higit dapat na pag-usapan?
2

Halimbawa:
a. Patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay
b. Limitadong income at limitadong (pangangailangan tulad ng) pagkain
c. Ilang mga kaibigan at mahal sa buhay ay tinamaan na at ang ilan nga ay pumanaw na.
d. Wala ng kakayanan ang Medical Care System. Wala ng mapaglagyan sa mga hospital at
kulang na ang supply ng oxygen
2. Bakit makikilahok sa Misyon gayon hindi nga ako makalalabas ng bahay?
Apektado tayong lahat COVID Pandemic!
TRANSITIONAL PARAGRAPHS
Ang panawagan ng Dios sa “ Dakilang Sugo” ay walang pagbabago. Naniniwala ako na higit
kailan man, ngayon ang panahon na higit na kailangan na dalhin ang Mabuting Balita sa mga
naliligaw at nawawala; sa mga tao na mahirap maabot sa paraan na dapat ilagay sa emergency
level.
1 Corinto 10:13 Ang Salita ng Diyos
13 Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay
matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng
pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang
pagsubok.
Sinasabi sa Bibliya na pangkaraniwan na ang bawat pagsubok at kahirapan na ating
kinakaharap sa ngayon. Ang mga ito ay naranasan din ng mga tao na nauna na sa atin; lalo’t
higit sa mga tao na nakatala sa Bibliya na naging matagumpay na malampasan ang mga ito .
Tapat ang Diyos sa Kanyang pangako. May salita at pangako ang Diyos sa bawat suliranin na
ating kinakaharap. Makaaasa tayo na tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako.
TATLONG BATAYAN SA BIBLIYA KUNG BAKIT DAPAT MAGING MASIDHI ANG ATING
PAKIKILAHOK SA MISYON SA GITNA NG PANDAIGDIGAN KAHIRAPAN
I. PINAKA-PANIMULANG LAYON NG DIYOS NA MAIBALIK ANG TAO NA NAGKASALA AT
ANG NILIKHA NA NASIRA . ITO ANG NASA PUSO NG DIYOS AT KAILAN MAN AY HINDI
NAGBAGO.
A. Nilikha ng Diyos na ganap o perpekto ang sansinukob.
Ipinahayag Niya na mabuti ang lahat ng Kanyang nilikha. Genesis 1 – 2
B. Sa pasimula, may perpekto at matalik na ugnayan ang tao sa Diyos.
3

Sa Hardin ng Eden, magkasama ang Diyos at ang tao sa ugnayan na bukas at walang hadlang.
May awtoridad at kapangyarihan ang tao; walang maliw ang kanyang layon. Genesis 2
C. ANG PAGKAHULOG NG TAO
Ninais ng tao na maging kawangis ng Diyos, sa labas ng panukala ng Diyos sa kanya. Nilikha ng
Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis; ngunit labag sa plano ng Diyos na pagnasaan ng tao na
magkaroon ng maka-diyos na kapangyarihan na malaman ang mabuti at masama. Sinalansang
nila ang utos ng Diyos na huwag kumain ng bunga ng kahoy ng kaalaman ng mabuti at masama.
Kaya dumating ang kasalanan at kamatayan sa mundo. Sinira nito ang ganap o perpektong
plano ng Diyos sa Tao. Genesis 3: 1 – 3
D. INILATAG NG DIYOS ANG KANYANG PLANO NG PAGTUBOS
Sa Genesis 3: 15, agad na inihayag ng Diyos ang Kanyang plano na tubusin ang tao mula sa
pagkasira sa kasalanan at kamatayan. Isang araw, sa Kanyang wastong panahon( sa ganap na
panahon) ang binhi / sanggol ng isang babae ( si Jesu-Cristo) ang dudurog sa ulo ng ulupong
( Satanas, kasalanan, kamatayan) ngunit tutuklawin din nito ang Kanyang sakong ( kamatayan
ni Jesus sa krus).
Makikita natin sa talatang ito ang panimula ng Diyos sa Kanyang plano na pagtubos sa
sankatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Mula sa talatang ito at sa kabuuan ng Lumang
Tipan, makikita natin ang paggawa ng Diyos sa mga krisis at sa mga suliranin ng tao upang
matupad ang Kanyang plano na pagtubos.
PRINSIPYO NA MAILALAPAT SA AKING BUHAY: Hindi ko man lubos na maunawaan ang aking
kalagayan sa kasalukuyan ngunit alam ko na may mabuti at ganap na plano ang Diyos para
sa aking buhay.
II. IPINAGPAPATULOY NG DIYOS ANG PLANO NA PAGTUBOS SA GITNA NG
MASALIMUOT, MAHIRAP AT MASAKIT NA MGA PANGYAYARI
A. Pinili ng Diyos si Noe na ipagpatuloy ang Kanyang plano na pagtubos sa gitna ng
kasamaan ng tao na nagdulot ng malagim na sakuna sa buong mundo.
Kapag walang gabay ng ugnayan sa Diyos ang tao, siya ay masasadlak sa kasamaan at
kasalanan.
Sa gitna ng kasamaan ng tao, pinili ng Diyos si Noe upang maipagpatuloy ang Kanyang plano na
pagtubos. Genesis 5
B. Ginamit ng Diyos ang pagkalito sa wika bilang paraan ng Kanyang plano na pagtubos.
Ilang lahi ang lumipas, matapos na linisin ng Diyos ang lupain gamit ang tubig, minsan pang
sinuway ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng tore na magiging munomento na
magpapakita ng kalayaan ng tao na hindi aasa sa Diyos.
4

Genesis 11: 8 Kaya pinangalat sila ng Panginoon sa buong mundo dahil hindi na sila
magkaintindihan, at nahinto ang pagtatayo nila ng lungsod.
Gamit ng tao ang iisang wika, maipapakita nila ang pagtitiwala sa isa at isa sa halip na
magtiwala sa Diyos. Ipinakikita ng tore ang kanilang achievement and invincibility o ang
kanilang kayang gawin at ang hindi nila pagkatalo!
Genesis 11:4, Ngayon, sinabi ng mga tao, “Magtayo tayo ng isang lungsod na may tore na
aabot sa langit, para maging tanyag tayo at hindi mangalat sa buong mundo.” Kaya gumawa
sila ng mga tisa,[a] at pinainitan nila ito nang mabuti para tumigas nang husto. Tisa ang
ginamit nila sa halip na bato. At aspalto ang ginamit nila bilang semento.
Tulad ng pagkakamali na nagawa nina Adan at Eba sa Hardin, ninais nila ang pagpapala ng
awtoridada at kapangyarihan sa labas ng kalooban at plano ng Diyos.
Genesis 11: 9, Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon
ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat Niya sila sa buong mundo.
Niloob ng Diyos na malito ang mga tao sa kanilang wika at ipinangalat Niya sila sa buong
mundo.
PRINSIPYO NA MAILALAPAT SA AKING BUHAY: May mga pangyayari man na nagbago sa
aking buhay sa kasalukuyan ngunit ang panawagan ng Diyos at ng Kanyang plano sa aking
buhay ay hindi nagbabago kailan man!
Sa ating henerasyon, baguhin man ng 9/11 terror attack, ng Digmaan ng Iran, Digmaan ng
Afghanistan, ng SARS at ng COVID ang mga pangyayari sa ating buhay NGUNIT ang
panawagan ng Diyos sa pagsasamba, sa paglilingkod, sa pagdidisipulo ng mga bansa at sa pag-
abot sa mga hindi pa naaabot ay nagpapatuloy!
III. ANG DIYOS ANG NAGKAKALOOB NG KAPARAANAN, NG KAKAYANAN AT NG
MAPAGKUKUNAN SA IKATUTUPAD NG KANYANG MISYON AT LAYON
A. Sa pagpapatuloy ng panawagan at layon sa buhay nina Adan at Eba, kapalit ng
kaluwalhatian ng Diyos, nagkaloob Siya ng saplot ng balat upang matakpan ang kanilang
kawalan. Ito ay simbolo ng Diyos na nagkakaloob sa tao ng kanyang pangangailangan.
Ipinakikila nito ang pagsasakripisyo ng isang walang sala para sa isang makasalanan.
Genesis 3: 21.
Ipinagkaloob din sa kanila si Seth nang mawala sina Cain at Abel sa kasalanan upang
maipagpatuloy ang Kanyang plano na pagtubos. Genesis 4: 25 - 26
B. Nang hinatulan ng Diyos ng pagbaha ang mundo at nang pinili Niya si Noe na
ipagpatuloy ang lahi ng sangkatauhan, nagkaloob Siya ng arka. Ipinagkaloob Niya ang arka
upang maligtas ni Noe at ang kanyang sambahayan sa ikatutupad ng Kanyang plano na
pangtubos. Genesis 6 - 8
5

PRINSIPYO NA MAILALAPAT SA AKING BUHAY: Ang mga kaloob ng Diyos ay sapat sa ating
mga pangangailangan at akma kung kailan natn ito kailangan.
Hindi tayo bibigyan ng Diyos ng kalahati para sa ating pangangailangan. Magkakaloob Siya ng
sapat para sa ating pangangailangan, sa wastong kapanahunan (at kaparaanan).
Kadalasan, hindi natin nakikita ang paggawa ng Diyos, ang Kanyang pagkakaloob sa ating mga
buhay at sa ating mga ministeryo dahil hindi dumarating ito ayon sa ating mga iniisip na
kaparaanan at ayon sa kapanahunan na ating inaasahan.
Malaking balakid ang ating mga preconceived ideas o mga kaisipan na nabuo na sa ating sarili
kung ano ang dapat gawin ng Diyos, kung paano Niya dapat ipagkaloob ang ating mga
pangangailangan at kung kailan Niya dapat ipagkaloob ang mga ito. Hindi ito ang nangyayari!
Ang Panginoon Diyos ang nagmamay-ari ng gawaing-misyon; hindi ito sa atin. Tanging Siya ang
nakaaalam kung ano ang pinakamabuti! Siya ang magkakaloob ng mga wastong kinakailangan,
sa wastong panahon na kailangan at sa wastong kaparaanan natin ito kailangan.
Magtiwala sa Kanyang pagkakaloob!
James Hudson Taylor:
“Walang kakulangan sa gawain ng Diyos na ginagawa sa Kanyang kaparaanan.”

PAGTATAPOS
Ito ang mga katanungan sa ating pagtatapos:

 Ano ang ating kinakaharap pagkatapos nitong pandemya?


 Paano nito babaguhin ang ating mga buhay?
 Paano nito babaguhin ang ating mga iglesya?
 Paano nito babaguhin ang kinabukasan ng ating mga anak?
Sa ngayon, walang makapagsasabi kung ano ang buhay pagkatapos ng COVID 19 Pandemic.
Nakahanda ba ang ating mga sarili, ang ating mga pamilya, ang ating iglesya sa mapanghamon
na panahon ng ating henerasyon?
Nakahanda ba tayo na tumugon sa pinagagawa ng Diyos sa atin at kung saan Niya tayo
dadalhin sa kasalukuyan nating panahon?
6

Mga Katanungan na Pagbubulayan at Tatalakayin sa SMALL GROUPS


1. Magbanggit ng 2-3 mga gawaing-paglilingkod o ministries o misyon na iyong
kinasangkutan magmula nang ipinatupad ang mga COVID quarantines or lockdowns. Bakit at
paano mo naipagpapatuloy ang iyong pagtulong?
2. Sa iyong palagay, may kaugnayan ba ang COVID 10, ang masidhing paggamit ng
internet at mga gadget at ang misyon? Sa paanong paraan magiging bahagi ang mga ito sa
plano o panukala ng Diyos sa ating henerasyon ngayon?
3. Magbahagi ng isang talata( mula sa Bibliya) o isang pahayag ng katotohanan mula sa
mensahe na iyong narinig sa nagdaan Linggo, na naging pinakamakahulugan sa iyo.
7

THEME: Patuloy ang Misyon Sa Gitna ng Pandemya

Missions Month 2021 Sermon No. 2 - Second Sunday (October 10, 2021)
Paksa: Bakit may kaugnayan ang Misyon sa ating pamilya sa kasalukuyang panahon ng Covid?
Pinagpala upang maging pagpapala!
Text: Genesis 12:1-3

12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-
anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita Ko sa
iyo.
2 Gagawin Kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
Pagpapalain Kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
3 Pagpapalain Ko ang magmamagandang loob sa iyo.
Pero isusumpa Ko naman ang susumpa sa iyo.
Sa pamamagitan mo, pagpapalain Ko ang lahat ng tao sa mundo.”
Panimula:
Labing apat na buwan ang nakaraan, wala sa ating guni-guni ang mga pangyayari patungkol sa
Covid-19, sa pandaigdigang lockdown at sa bagong salita na pandemic.
Nawindang ang ekonomiya, nagkaroon ng kaguluhan sa ating mga pamayanan dulot ng
pagsabog ng mga bulkan at pagyanig na dulot ng lindol, nagkaroon ng mataas na bilang ng
mga namamatay at nagkaroon ng masidhing paghahanap ng bakuna. Idagdag pa nito ang pag-
ragasa ng mga baha at ang pananalasa ng mga bagyo!
Humahaba pa ang talaan. Sa nakalipas na labing apat na buwan, tila gumagapang tayong lahat
sa isang minefield na naka-piring ang mga mata.Hindi pa ito nagtatapos at wala pang
nakaaalam kung ano ang dala ng bukas.
Sa halip na magdagdag ng sariling haka-haka sa hinaharap; kung magiging zombies nga ba tayo
pagkalipas ng dalawang taon, mas nais kong pagtuunan ang isang mahalagang tanong:
Bakit may kaugnayan sa atin ang misyon sa kasalukuyang panahon?
1. Dahil tayo ay tinawag upang maging pagpapala
Mahirap na utos ang ibinigay kay Abram.Mahalaga na mabigyan ng diin na hindi dito
nagtatapos ang pakipag-usap ng Diyos sa kanya. Sa totoo lang, sa simula pa lamang ng
talatang 2, makikita na natin na kaugnay sa mahirap na utos ng Diyos, naroon ang
kamangha-manghang tipan- ang kamangha-manghang pagpapala na laan kay Abrahan,
sakaling siya ay magtiwala at sumunod:
Gagawin Kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
Pagpapalain Kita at
8

magiging tanyag ang iyong pangalan.


Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
Ngayon, ipagpalagay natin na tayo ay nasa katayuan ni Abram na maaring hindi pa narinig ang
mga pangako ng Diyos. Marahil, pagkarinig pa lamang ng talatang 1, naging aligaga na tayo sa
pag-iisip ng mga counterproposal o mga pagdadahilan at ng mga palusot o excuses na hindi na
tuloy natin marinig ang kasunod na sasabihin ng Panginoon.
Iba si Abram, hindi siya tumigil sa pakikinig sa sinabi ng Diyos sa talatang 1. Kung sakaling
tumigil siya, malamang- hindi siya sumunod; dahil ang pagsunod sa Panginoon ay
umuusbong sa pagtitiwala sa Kanya!
Sa ibang pagkasabi, sinusunod natin ang Panginoon dahil nananalig tayo na alam
Niya ang makabubuti sa atin. Kung kaya, laging may nakakabit na pangako ang
karamihan mga utos sa Bibliya upang matulungan tayo na makita na may gantimpala ang
tapat na sumusunod sa Panginoon at may pagpapala na laan sa pagsunod.

Ano ang nais ipakahulugan ng Diyos sa Kanyang sinabi, “…Sa pamamagitan mo, marami
ang pagpapalain”?
Batay sa nailatag ng Lumang Tipan, nasimulaan nating maunawaan na sa pamamagitan ng mga
Judeo, ang lahi ni Abram, ipadadala ng Diyos ang Tagapagligtas na “magwiwisik ng dugo sa
lahat ng mga bansa” (Isa. 52:15 ABTAG1978).
Sa pagpapatuloy natin sa Bagong Tipan, ating makikita na sa pamamagitan ni Jesus na mula sa
lahi ni Abram, “ang maraming tao…mula sa bawat bansa, bawat lipi at bawat wika” (Pahayag
7:9) ay Kaynyang tutubusin at maging pag-aari muli ng Diyos.

2. Kapag pinagpala natin ang iba, ang Diyos ang magkakaloob ng ating mga pangangailangan
Wala ng tanung-tanong! Wala ng Plan B! Tumayo si Abram, niligpit ang mga ari-arian at nilisan
at kinaroroonan “ ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya”.
Sa puntong ito, si Abram ang napakabuting larawan ng tao na lumalakad na kasama ang Diyos.
Dahil ang Diyos ang nangusap at dahil si Abram ay nagtitiwala sa pangako ng Diyos na siya ay
pagpapalain, siya ay buong puso na sumunod.
Ngayon, itanong natin sa ating mga sarili:
Paano naman ako? Buong-puso ba akong sumusunod sa Diyos? May mga utos ba Siya sa akin
na hindi ko pa nagagawa? Bantulot ba ako sa pagsunod dahil hindi ko tiyak na
mapagkakatiwalaan ang Diyos na makagagawa ng makabubuti sa akin?
9

Isa sa dalawang dahilan ng hindi natin pagsunod: Maaaring hindi natin alintana ang inuutos sa
atin ng Diyos ( dahil hindi natin Siya Panginoon) o kaya, hindi tayo naniniwala sa Kanyang
sinasabi (dahil wala tayong pagtitiwala sa Kanya.)
Sa ating mga Kristiano, tayo na nakakilala na sa Panginoon, may kinalaman sa pananalig ang
suliranin. Nahihirapan tayong sumunod dahil nahihirapan tayo na panaligan o pagtiwalaan na
higit sa ikabubuti natin ang mga kaparaanan ng Dios.
Maging katulad nawa tayo kay Abram, kailangan nating makinig at magtiwala sa mga pangako
ng Diyos!
“Kaya umalis si Abram …ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya” dahil naniniwala siya na
gagawin ng Diyos ang sinasabi Niya na siya ay pagpapalain, siya ay pangangalagaan at hindi siya
hahayaan na maligaw sa ilang at totoong dadalhin siya “sa lupain na ipapakita sa kanya.”
Nabigyan rin ni Abram ang kanyang pamangkin na si Lot ng bahagi sa naging pagpapala na
kanyang natanggap. (Kab. 13)
Nakapagpakita si Abram ng kahanga-hangang kabutihan kay Lot (Kab. 14), kahit ang huli ay
nagpamalas ng kasakiman. Alam na alam ni Abram na Diyos ang may hawak ng kanyang mga
tinatangkilik at ng kanyang kinabukasan.
Nagagawa ni Abram ang wasto at mabuti dahil sa kanyang payak na pananalig sa Diyos na nasa
kanyang buhay at sa kanya ay nagkakaloob ng mga mabubuting bagay.
Matuto tayo kay Abram. Ang Diyos ay hindi maramot! Hindi Niya tayo iiwanan sa ilang kung
susunod tayo sa Kanyang tagubilin. Dinala Niya si Abram sa lupain ipinangako. Tutuparin din
Niya sa atin ang Kanyang mga pangako kung tayo ay magtiwala at sumunod sa Kanya na ating
Panginoon Diyos!
3. Sa higit na pagpapala ng Diyos sa atin, inaasahan Niya na higit rin nating pagpalain ang iba
Ikaw at ako, dinala na ng Diyos sa marami at iba’t ibang karanasan upang matulungan natin ang
kapwa na dumaranas rin ng ating mga nalampasan. Pinagpala na tayo ng Panginoon. Inaasahan
Niya na pagpalain din natin ang iba.
Ano ang nais ng Diyos na ating gawin?
Paglalapat:
1. Abutin sila ( mga tao na hindi pa naaabot)
Gawin lahat ang ating makakayang gawin na abutin ang lahat para kay Jesus. Kapag ginagawa
natin ang ipinagagawa ni Jesus sa atin, mapapalapit ang mga taong ito sa atin. Hindi natin
hahayaan na maging maliit na club lamang ang ating mga iglesya. Nabubuhay tayo para sa iba
dahil ito ang nais ni Jesus na ating gawin. Huwag nawa tayong maging komportable hangan
ang lahat ay makakilala at magmahal kay Jesus.
10

2. Bigyan sila ng babala.


Kapag naabot na ang mga tao, ang kagandahang-loob ng Diyos ang mag-uudyok sa kanila na
magsisi sa kanilang mga kasalanan. Kaya mayroon tayong mga small groups ministries. Dito
tayo magkaroon ng pagkakataon na mahasa ang bawat isa. Dito tayo may pagkakataon na
makapagpahayag ng mga saloobin, “ Mayroon akong suliranin”, “Please, maipanalangin mo ba
ako”.
3. Turuan sila.
Layunin natin na ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal ( Efe. 4:12). Gamitin ang ating mga
indibidwal at pinagsama-samang kaloob at kakayahan upang ganap na lalago sa mga
espirituwal na bagay, i-angat at magkaroon ng kakayahan ang bawat isa ng maglingkod sa
iglesya.
4. Tulungan sila na maabot ang kanilang full potential o kakayanan na hindi pa nagagamit
Bawat tao ay may natatanging kakayanan na hindi pa nagagamit. Kahit may mga naabot na sila,
o kaya , ano man ang mga kabiguan naranasan nila, ano mang ang taong-gulang , mayroon at
mayroon pang silang kakayanan na hindi pa nagagamit. Ito ang dapat nilang matuklasan sa
tulong ng Panginoon, para sa kapurihan ng Panginoon!
Mga Tanong na Pagbubulay-bulayan at Talakayin sa SMALL GROUPS

1. Layon ng Diyos na pagpalain ang buong mundo sa pamamagitan ng sambahayan o lahi


ni Abram. Sa iyong palagay, bakit ito ang paraan na ginamit ng Diyos?

2. Kung ang pagpapala na inaasahan ay para sa lahat ng tao sa mundo, na matatanggap sa


pamamagitan ni Abram, bakit mahirap sa iglesya na maging pagpapala sa lahat?

3. Paano mo naranasan ang pagmamahal ng Diyos nang ikaw ay Kanyang inabot?


Paano ka Niya natagpuan?
11

THEME: PATULOY ANG MISYON SA GITNA NG PANDEMYA

Missions Month 2021 Sermon No. 3 - Third Sunday (October 17, 2021)
Paksa: Paano manatiling tapat sa Dakilang Utos sa Ganitong Panahon ng Krisis
Text: Mateo 9:35-38; mga piling talata mula sa Ebanghelyo

Panimula:

Pangunahing paksa sa Bibliya ang misyon ng Diyos. Sa Lumang Tipan, makikita ito sa lahat ng
panahon at mga pangyayari na kinasangkutan ng bayan ng Diyos. Laging namamayani ang
panukala ng Diyos sa pagliligtas. Nanatili at walang pagbabago ang misyon ng Diyos.

Wala ng kapagyarihang-pulitikal ang bansang Israel nang isilang si Cristo. Ang Palestina at ang
mga karatig - pook sa panahon na ito ay nasa ilalim ng Emperyong Romano.
Matinding hamon sa mga Judeo ang panahon ito. Subalit, pinili ng Diyos ang bahaging ito ng
kasaysayan bilang perpektong panahon upang ipadala si Jesus sa mundo bilang kaganapan sa
Kanyang panukala o plano na pagtubos sa sangkatauhan.

Sa pagharap din natin sa mapanghamon na panahon ngayon, habang ang buong daigdig ay
nasasadlak sa pandemya, pakatandaan natin na ang misyon ng Diyos ay walang pagbabago.
Nanatili pa rin ang Dakilang Utos.

Paano natin patuloy na masunod ang Dakilang Utos sa panahon na may Covid? Paano natin
mai-balanse ang tugon sa kasalukuyan krisis at ang tugon sa pangangailangan sa misyon?

Ating tunghayan ang halimbawa ng Panginoong Jesu-Cristo upang mayroon tayong matutunan.

Mateo 9:35-38
35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng lungsod at nayon. Siya ay nagtuturo sa kanilang mga sinagoga
at nangangaral ng ebanghelyo ng paghahari. Siya ay nagpagaling ng lahat ng uri ng mga sakit .
36 Nang makita Niya ang napakaraming tao, nahabag Siya sa kanila sapagkat nanlulupaypay
sila at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol.
37 Nang magkagayon, sinabi Niya sa kaniyang mga alagad: Totoong marami ang aanihin
ngunit kakaunti ang manggagawa.
38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala Siya ng mga manggagawa sa
kaniyang anihan.

A. Magkaroon ng Wastong Pananaw (t.35)

May wastong pananaw si Jesus. Batid Niya ang Kanyang layon. Batid Niya ang Kanyang misyon.
Ipinangaral Niya ang Kanyang mensahe na “malapit na ang paghahari ng Diyos” (Marcos 1:15).
12

— Nakatitiyak at walang pag-aalinlangan si Jesus sa Kanyang pagkakakilanlan ( Identity)


(Mateo 3:16-17) Sa pagpapabawtismo ni Jesus, ipinahayag at pinatunayan ng Diyos Ama at ng
Banal na Espirito ang pagkakakilanlan ni Jesus. Matibay na tinayuan ni Jesus sa Kanyang
pagmiministeryo ang Kanyang pagkakakilanlan o identity bilang Anak ng Diyos at puspos ng
Banal na Espirito.Ipinakita Niya ito sa Kanyang mga kapahayagan na “ Ako… ang tinapay ng
buhay, …ang daan, ang katotohanan at ang buhay…ang ilaw ng sanlibutan,…ang mabuting
pastol” at marami pa.

— Sa ganitong panahon na mapanghamon at may krisis, mahalaga na mayroon din tayong


wastong pagkakilala sa ating sarili: Mga anak tayo ng Diyos. Banal na Espirito ang nagbibigay-
kapangyarihan sa atin at Siya ang kasama natin sa mga kahirapan na ating pinagdadaanan.Hindi
tayo mga biktima! Tayo ay mga nagwagi o matagumpay kay Cristo. Tayo ang Kanyang mga
sugo, mga daluyan ng pagpapala para sa mundo na ating kinaroroonan!

— Nanatiling tunay si Jesus sa Kanyang Layon — Gumawa Siya upang tupdin ang Kanyang
layon at misyon- “Nilibot ni Jesus ang lahat ng lungsod at nayon. Siya ay nagtuturo sa kanilang
mga sinagoga at nangangaral ng ebanghelyo ng paghahari. Siya ay nagpagaling ng lahat ng uri
ng mga sakit .” (t. 35) (Juan 4:34 “Ang Aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa
Akin at tapusin ang Kaniyang gawain”.
Hindi itinuring ni Jesus na kaguluhan ang mga pangangailangan, ang mga kahirapan at mga
hamon na kinakaharap ng mga tao sa panahon iyon . Sa pagtugon Niya sa kanilang mga
pangangailangan, ipinahahayag Niya ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Hindi rin naging sagabal kay Jesus ang Kanyang katanyagan. Sinasadya Niya na lumayo sa
karamihan ng tao upang magkaroon ng panahon na makaniig ang Diyos nang sarilinan. (Marcos
1:35). Hindi nagpabuyo si Jesus nang ninais ng mga tao na gawin Siya na kanilang
hari.Hindi Siya binulag ng maka-mundong korona; pinili Niya na pasanin ang krus.Nanatiling
nakatuon si Jesus sa Kanyang layunin na “…hanapin at iligtas ang nawala.” (Lucas 19:10)

— Nakatuon si Jesus sa malaking LARAWAN — Oo nga at ang Emperyong Romano ang nasa
kapangyarihan ngunit higit na makapangyarihan ang Kaharian ng Diyos. Sa pagdating ni Jesus,
nagsimulang salakayin ng Kaharian ng Langit ang mga kaharian ng mundo. Ipinahayag ni Jesus
na “…malapit na ang paghahari ng Diyos…” (Marcos 1:14,15)

Hindi naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang katangian ng Kanyang Kaharian. Inisip nila na
gagawa siya ng isang rebolusyong-pulitikal, pabagsakin ang kanilang pamahalaan na walang
kinikilalang diyos, at magtatag ng kaharian ng Israel sa panahon na iyon. Kaya buong tiyaga
silang tinuruan ni Jesus patungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 5, Ang Pangangaral sa Bundok,
Talinghaga ng Kaharian) .
13

May nakikita si Jesus sa mga tao, na higit pa kaysa kawalan ng hustisya, mga karamdaman, mga
pangangailangan materyal, mga pang-aapi ng demonyo at ng kamatayan. Higit Niyang nakita
ang mas malalim na suliranin ng kasalanan. Nakita Niya ang pangangailangan nila ng
Tagapagligtas.
“ …nanlulupaypay sila at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol.”

Hindi nililimot ni Jesus na Siya ay pumarito upang iligtas ang mga nawala at pasimunuan ang
pagsisimula ng paghahari ng Diyos sa mundo, sa buhay ng mga mananalig sa Kanya para sa
kaligtasan.

Sa panahon na ito ng pandemya na may napakaraming hamon at krisis, mahalaga sa atin ang
magkaroon ng wastong pananaw, hindi lamang sa ating pagkakakilanlan, ganon din sa ating
mga layon. Mga anak tayo ng Diyos, naligtas sa biyaya. Tayo ay sinugo at binigyan ng
kapangyarihan na gawing mga alagad ang mga bansa. Tayo ang mga kasangkapan sa
pagpapalaganap ng Kanyang kaharian para sa Kanyang kaluwalhatian!

Sa pagharap natin sa kaguluhan, huwag natin kaligtaan na tutukan ng ating paningin ang
malaking larawan. Ang Covid ay pandaigdigan krisis na nagdudulot ng matinding karamdaman
at kamatayan; ngunit ang kasalanan ay mas matagal nang pandaigdigang krisis na nagdudulot
ng pagkawasak ng mga buhay at nagdudulot ng walang hanggan kamatayan. Ang pandemya ay
pansamantala. Ang Kaharian ng Dios ay pang walang hanggan!

B. ABUTIN ANG MGA TAO (t.36)

Ang pakikipag-ugnayan sa tao o ang abutin sila ang ministeryo ng Panginoong Jesus. Hindi
gumawa si Jesus ng mga programa, hindi Siya nagpatayo ng mga gusaling-simbahan at hindi
Siya nagtatag ng mga samahan o denominasyon. Gumawa Siya ng mga alagad. Tinawag Niya
ang mga tao na sumunod sa Kanya. Sa anong layunin? Gawin silang mamalakaya ng tao!
(Mateo 4:19)

Mahabagin sa mga tao ang puso ni Jesus. Pag-ibig ng Diyos ang ipinakikita Niya sa mga
tao.Naglalaan Siya ng panahon sa kanila. Inaabot Niya sila at pinaglilingkuran. Malawak ang
Kanyang pakikiramay sa kanila at walang pili. Para kay Jesus, walang “outcasts o second-class
citizens”.

Hinawakan niya ang ketongin. Pinatawad niya ang babaing nangalunya. Kaibigan siya ng mga
makasalanan. Pinagaling Niya ang mga may karamdaman. Pinakain Niya ang mga nagugutom.
Pinalaya Niya ang mga inalihan ng demonyo. Binuhay Niya ang patay. Pinagpala Niya ang mga
bata. Lahat-lahat ng mga gawa Niya ay pagmamahal sa mga tao.
14

Tinawid ni Jesus ang mga harang o hadlang, maabot lamang ang mga tao
Tinawid ni Jesus ang mga harang na pangkultura, sosyal at moral noong nakipag-usap Siya sa
Samaritana. (Juan.4). Tinawid rin Niya ang mga pook upang pagalingin ang isang lalaki na
inalihan ng demonyo, sa lalawigan ng Decapolis na ang mga nanirahan doon ay gumagamit ng
wikang Griego. (Marcos 5:1-20)

Nagdulot man ng krisis ang pandemyang ito, nagbukas naman ng maraming pagkakataon sa
atin upang maging sugo ni Cristo sa mundo na lubhang nangangailangan sa Kanya.

Habang ang ating bansa at ang buong mundo ay nakikipagbaka sa pandemya, higit kailan man,
ang mga tao ay nangangailangan na makakilala sa pag-ibig at kahabagan ng Panginoong Jesus.
Sa ganitong panahon na talamak ang takot, kailangan ng mga tao ang kapayapaan na tanging
kay Jesus lamang matatagpuan. Sa ganitong panahon na marami ang nasasadlak sa kawalan ng
pag-asa, kailangan ng mga tao na makilala si Jesus na magbibigay ng pag asa.

Hilingin natin sa Diyos na punuin Niya ang ating mga puso ng pagmamahal sa mga tao. Tulad ni
Jesus, abutin din natin ang mga tao at paglingkuran sila sa kanilang mga pangangailangan.
Tawirin natin ang lahat ng mga nakaharang at dalhin natin ang pag-ibig ni Jesus sa kanila.

C. I-AYOS ANG MGA PRAYORIDAD ( Priority-pagiging una ayon sa kahalagahan)


36 Nang makita Niya ang napakaraming tao, nahabag Siya sa kanila sapagkat nanlulupaypay
sila at nangalat katulad ng mga tupang walang pastol.
37Nang magkagayon, sinabi Niya sa kaniyang mga alagad: Totoong marami ang aanihin
ngunit kakaunti ang manggagawa.
38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala Siya ng mga manggagawa sa
kaniyang anihan.

Nahabag si Jesus sa napakaraming tao sapagkat “nanlulupaypay sila at nangalat katulad ng


mga tupa ng walang pastol.” Higit pa kaysa nakikita ng mga mata ang nakita ni Jesus. Nakita
Niya ang tunay nilang mga pangangailangan, ang higit na malalim na pangangailangan, ang
kanilang pang-walang hanggan na pangangailangan. Nakita ni Jesus ang tunay na kalagayan ng
kanilang mga puso, ang kanilang kawalan ng tulong at ang pangangailangan ng kaligtasan.
Mayroong pangangailangan na dapat agarang matugunan nang sinabi ni Jesus na,
“Totoong marami ang aanihin ngunit kakaunti ang manggagawa.”

Mahalagang gawain ang pag-aani. Mahalagang gawain ang pagpapadala ng manggagawa.


Mahahalagang gawain na nangangailangan ng dibdibang panalangin. Sa ganitong panahon na
pinaghihigpitan ang mga paglalakbay sa mga bansa at rehiyon, ang aanihin ay lalo pang
dumarami; ang mga manggagawa naman ay nagiging kaunti. Ang pangangailangan ng
panalangin ay lalong umiigting!
15

Napakahalaga ang panalangin sa misyon. Magagawa ng lahat ang panalangin; lahat ay maaring
manalangin; bata, PWD, super senior citizen man ay makapanalangin. Hindi man gagastos ng
isang sentimo sa isang panalangin ngunit kaya nitong abutin ang mga pook na hindi kayang
maabot ng mga misyonero. Maituturing na isang payak na gawain ang pananalangin ngunit
may mga kamangha-manghan bagay itong nagagawa sa larangan espirituwal na hindi
magagawa ng tao sa kanyang kakayahan lamang.

Sa talinghaga ng nawalang tupa (Lucas 15), iniwan ng Pastol ang 99 na tupa upang hanapin
ang isang tupa na nawala. Mahalaga sa Pastol na makita nang agaran ang isang tupa na
nawala.
Sa panahon ng pandemya, mahalaga sa Panginoon ang makita nang agaran ang isang nawala.
Priority* pa rin ang misyon. (* Nasa una sa talaan ng mahahalagang gawin).

Isang katanungan ang ginamit ni Jesus bilang buod, “Ano ang mapapakinabangan ng isang tao
kung makamtan man niya ang buong sanlibutan at mawala ang kaniyang kaluluwa? (Mark
8:36)
“Ano ang mapapakinabangan ng isang tao kung malampasan man niya ang Covid ngunit
mawala ang kaniyang kaluluwa?

Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi. (2 Peter 3:9b)

Sa buhay at ministeryo ni Jesus, makikita natin na una sa talaan ng mga bagay na dapat gawin
ang pagtupad sa layunin ng Ama sa Kanyang buhay dito sa lupa. (Juan 3:16,17, Fil. 2:6-11)

Kumusta naman tayo? Ano ang ating panawagan?

Sinabi Niya sa lahat, “Kung ang sinuman magnanais na sumunod sa Akin, tanggihan niya ang
kaniyang sarili. Pasanin niya araw-araw ang kaniyang krus at sumunod sa Akin”. (Lucas 9:23).

18 At lumapit si Jesus at nagsalita sa kanila, na sinasabi: Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay sa


akin sa langit at sa lupa. 19 Humayo nga kayo. Gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa,
inyong bawtismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan
ninyo sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na aking iniutos sa inyo. At narito, ako ay
kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito. Siya nawa!
(Mateo 28:18-20)

Nasa isang kamay natin ang pandaigdigang krisis; nasa isang kamay naman ang Dakilang Utos.
Isang hamon ito sa atin, tayo na nagpapakilala na alagad ni Jesus.
16

Upang manatili na sumusunod sa utos ni Cristo sa panahon ng covid, i-ayos natin ang ating mga
priorities na maging akma sa Kanyang mga priorities. Makilahok tayo sa mga gawain na
ikatutupad ng Dakilang Utos.

Mateo 24:14 (signs of the end of the age. Focus on verse 14)
Ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos ay ipapangaral muna sa buong daigdig upang
maging patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating na ang wakas.

Conclusion
Hindi na maitatanggi na tayo ay nasa mga huling panahon na. Isang palatandaan ang
kasalukuyang pandemya. Huwag mawalan ng pokus, huwag natin hayaan na maligaw ang ating
mga paningin. Manatili tayong tapat sa ating gawain at tuparin natin ang Dakilang Utos.
Magkaroon tayo ng wastong pananaw, abutin natin ang mga tao, isaayos natin ang ating mga
priorities at gawin nating ang lahat ng pakikilahok sa gawain na abutin ang hindi pa naabot (ng
Mabuting Balita). Pagkatapos ay darating na ang wakas.

———————

Mga Tanong na Pagbubulaybulayan at Talakayin sa SMALL GROUPS

- Anong talata, kataga o pahayag mula sa mensahe ang nagkaroon ng impact o matinding tama
sa iyo?
- Pagbulay-bulayan ang main point: “Paano manatiling tapat sa Dakilang Utos sa panahon ng
krisis?”:
1. Magkaroon ng wastong pananaw — anong mga pananaw ang gamit mo sa
kasalukuyan?
2. Abutin ang mga tao — Sa paanong paraan mo maaabot ang mga tao?
3. Isa-ayos ang mga priorities-Gaano ka-akma ang mga priorities mo sa priorities ng
Panginoon?

- Alin sa 3, ang kinakailangan mong lumago?


17

- Paano mo mailalapat ang mga ito sa iyong buhay at sa iyong kinaroroonan?


- Anong mga praktika na hakbang ang magagawa mo upang manatiling tapat sa pagsunod sa
Dakilang Utos?

Isinalin sa Filipino
Ni Bing ( Hazel) Pastera Abela
September 25, 2021

You might also like