You are on page 1of 3

Hating-Semestreng Pagsusulit sa Dulaang Filipino

Jeremy A. Pronto | 4 – BSE Filipino | 10-07-22

A. Matandang Panahon
Mahalaga bilang medyor ang panahon ng katutubo o matandang panahon sa larang
ng Dulang Tagalog/Filipino sapagkat ito’y nagsisilbing ugat ng pinagmulan ng ating
sariling panitikan at pagkakakilanlan. Narito ang limang mahahalagang dapat
matandaan sa panahon ng katutubo o matandang panahon.
Una, ang buhay ng mga unang nanirahan sa Filipinas ay umiinog sa mga ritwal,
sayaw, at awit. Ikalawa, likas ang hilig ng mga katutubo sa awit, sayaw, at tulang pinag-
ugatan ng unang anyo ng dula. Ikatlo, ang listahan ng uri ng mga awiting-bayan. Narito
ang mga awiting-bayan: Soliranin, Talindaw, Diona, Uyayi, Dalit, Kumintang,
Sambotani, Kundiman, Halohoo, Umbay, Umiguing, Ombayi at sambitan, at Tagulaylay.
Ikaapat, ang listahan ng mga katutubong sayaw na naglalarawan o nagsasalaysay ng
kanilang pamumuhay. Ito naman ay pinag-ugatan ng mga tradisyonal na anyo ng dula
sa Filipinas. Narito ang mga katutubong sayaw: Balitaw, Tiklos, Pondang-Pondang,
Sayaw sa Palay at Sayaw sa Salakot, Tinikling, Kinnotan, Diwata, Karatong Suyaw,
Kaligaun, Binua-bua, Kadsagayan a Pakat, at Pangalay. Panghuli, ang mga ritwal ng
mga katutubo na makikitaan ng mimesis o pinakakaluluwa ng drama. Kadalasan sa
mga ritwal na may kinalaman sa pananampalataya ay isinasadula.
Nararapat lamang itong matadaan bilang isang medyor dahil una; Dito nag-ugat ang
sarili nating kalakaran o sistema ng dula. Lubhang mahalaga ang pagkilala ng
pinagmulan ng sariling atin dahil isang malaking sandata ang pagkakaroon ng
kaalamang mayroon tayong sariling atin. Ikalawa, mahalagang matuklasan o
maitampok ang bawat uri ng awiting-bayan, sayaw, at mga ritwal sapagkat bawat uri
nito’y naglalaman ng mayamang kultura, estilo, kaalaman, at pamumuhay ng ating mga
katutubo. Panghuli, isa itong paksang matatalakay kapag kami na ang nagtuturo,
marapat lamang na saulo naming ang mahahalagang detalye sa panahon ito.

B. Panahon ng Español
Mahalaga bilang medyor ang panahon ng Español sa larang ng Dulang
Tagalog/Filipino sapagkat dito nagsimula ang unti-unting pagkawala ng ilang sariling
dula at pagpasok ng impluwensiyang dula. Narito ang limang mahahalagang dapat
matandaan sa panahon ng Español.
Una, ang dulang sekular. Ito’y bahagi ng isang pagdiriwang sa pistang bayan.
Ikalawa, ang dulang panrelihiyon. Ito’y makulay na paglalarawan ng mahalagang
kapistahan at panahon sa liturhiya ng simbahang Katoliko. Ikatlo, ang mga dula sa
panahon ng Español. Narito ang iba’t ibang uri ng dula sa panahon ng Español: Moro-
moro, Senakulo, Karagatan, Duplo, Salubong, Karilyo, Puteje, Juego De Prenda,
Bulaklakan, Dalit/Alay, Pananapatan, Mariones, Pangangaluluwa, Panunuluyan, Tibag,
at Rapuri/Putong. Ikaapat, ang Santakrusan bilang pamalit sa tibag. Panghuli, ang
Sinakulo bilang pundasyon ng paniniwalang ibinahagi ng mga Español.
Nararapat lamang itong matadaan bilang isang medyor dahil una; bagamat isang uri
ito ng paglapastangan sa ating sariling dula. Naging parte pa rin ito ng kultura ng mga
Filipino na tinangkilik at tinanggap kaya’t nararapat lamang na ito’y matuklasan bilang
pagtanggap bilang dulang atin. Ikalawa, tungkol sa relihiyon paniniwala ang tema ng
dula, subalit may iba’t ibang kuwento ang dula na dapat matuklasan dahil may iba’t
ibang mensahe rin itong tinataglay. Panghuli, bilang medyor, ang pagkakabisa nito ay
isang pangangailangan sapagkat kung hindi wika ang aming ituturo, literatura naman
ang kapalit. Kaya’t marapat lamang na isaulo ang mga ito sapagkat isa itong kagamitan
sa panghinaharap na pagtuturo.

C. Panahon ng Americano
Mahalaga bilang medyor ang panahon ng Americano sa larang ng Dulang
Tagalog/Filipino sapagkat may panibagong sistema, kalarakaran, at anyo ng dulang
matutuklasan sa panahong ito. Narito ang limang mahahalagang dapat matandaan sa
panahon ng Americano.
Una, ang panahong ito ang pumukaw sa Filipino sa pekeng tagapagtanggol sa
kasaysayan ng Filipinas. Ikalawa, nakilala na ang dulaan sa Filipinas at sa ibang
bansa. Ikatlo, mga uri ng dulang tanyag sa panahon ng Americao tulad ng Sarsuwela,
Bodabil, at Opera. Ikaapat, mga litaw na paksa tulad ng nasyonalismo, pagmamahal sa
bayan, at pagsulat sa wikang Filipino. Panghuli, Mga tanyag na tao tulad ni Atang de la
Rama at marami pang iba.
Nararapat lamang itong matadaan bilang isang medyor dahil una; bagama’t sa
paningin ng mga Americano ay may dala silang uri ng dula. Hindi pa rin maikakaila na
may sarili tayong dula na hindi nalalayo sa estilo ng kanilang dula na dapat ay mahusay
naming natutukoy kung ano ang pagkakaiba at pagkakapareho. Ikalawa, sa pabago-
bago ng temang nalilikha sa bawat panahon, marapat lamang na alam ng medyor kung
bakit ganoon ang temang nabuo sa panahon ito. Panghuli, ang pagkilala sa mga
manunulat sa panahong ito ay nararapat lamang bigyang pansin sapagkat kapuri-puri
ang kanilang talento sa pag-sulat ng iskrip.

D. Panahon ng Japon
Mahalaga bilang medyor ang panahon ng Japon sa larang ng Dulang
Tagalog/Filipino sapagkat ito’y umunlad ng hindi inaasahan sa tatlong taong
pananakop. Narito ang limang mahahalagang dapat matandaan sa panahon ng Japon.
Una, ipinagbawal ang dulaang pampelikula at pantelebisyon sa panahong ito.
Ikalawa, humigit-kumulang 48 pagsasadula ang naganap sa panahong ito. Ikatlo, ang
pagsilang Dramatic Philippines noong 1943 at ang mga nagtatag nito na sina Francisco
Soc Rodrigo, Alberto Concio, at Narciso Pimentel. Ikaapat, ang dulang pantelebisyon at
pantanghalan na Pugo at Tugo nina Mariano Contreras bilang Pugo at Andres Solomon
bilang Tugo. Panghuli, mga kilalang artista bilang pangunahing aktor sa dulaang
pantanghalan.
Nararapat lamang itong matadaan bilang isang medyor dahil una; Ituturo namin ito
sa hinaharap kaya’t nararapat lamang na alam namin ang bawat detalye at pasikot-sikot
sa panahon ng Japon tungkol sa Dulang Tagalog/Filipino. Ikalawa, magagamit namin
ang mga mahahalagang impormasyong ito sa mga markahang pagsusulit at higit sa
lahat sa BLEPT. Panghuli, bilang isang Filipino, nararapat lamang na maitampok ang
mga ito sapagkat ang pagkilala sa ating nakaraan particular sa panahon ng Japon ay
isa ring paraan upang makilala natin ang ating sarili.
E. Kontemporaneong Panahon
Mahalaga bilang medyor ang kontemporaneong panahon sa larang ng Dulang
Tagalog/Filipino sapagkat dito na muling nagsimula ang malayang dulaan ng mga
Filipino. Narito ang limang mahahalagang dapat matandaan sa kontemporaneong
panahon.
Una, ang kontemporaneong kalagayan ng dulang panradyo. Ikalawa, ang
kontemporaneong kalagayan ng dulang pantelebisyon. Ikatlo, ang kontemporaneong
kalagayan ng dulang pantanghalan. Ikaapat, mga Samahan ng mga mandudula.
Panghuli, mga tanyag na tao sa larang ng dulang panradyo, pantelebisyon, at
pantanghalan.
Nararapat lamang itong matadaan bilang isang medyor dahil una; makita ang
kalagayan ng dulang panradyo, pantelebisyon, at pantanghalan mulang unang araw ng
kalayaang hanggang kasalukuyan sapagkat sa maikling panahong nagdaan, sobrang
bilis ng mga tao makalikha ng dula at higit sa lahat, tumataas ang lebel at kalidad nito.
Ikalawa, nararapat lamang na makilala ang mga tanyag na samahan ng mga
mandudula dahil sa kanilang husay na ipinapakita upang maiangat ang ating kultura at
panitikan. Panghuli, dapat lamang maitampok ang mga mahahalagang aktor at direktor
sapagkat sa patuloy na pagbabago ng at pag-arangkada ng teknolohiya ay
nakakasabay sila na mas nakakapagbigay aliw at mensahe sa mga tagapakinig at
manonood.

You might also like