You are on page 1of 10

Multo ng Isang Trahedya

Maikling Kuwento ni: Arlan M. Camba


---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

“Coed, HINOLDAP… PATAY!”

GUMIMBAL sa buong kampus ang masamang balitang ito. Naging laman ng


maraming pahayagan ang krimen at naging usap-usapan ang brutal na kinasapitan ng
naturang estudyante sa kamay ng mga holdaper.

Isang working student, patungong eskwelahan galing sa pinapasukang trabaho


ang naturang biktima. Sumakay ito ng FX taxi at bumagtas sa kahabaan ng Ortigas
Extension. Hindi pa nakakalayo ang sasakyan ay sumakay ang tatlong kalalakihan. Isa
sa harapan, katabi ng drayber, isa sa panggitnang upuan at ang isa ay sa hulihan. Mag-
aalasais na ng gabi ang mga oras na ‘yon. Manaka-nakang binabalutan na ng dilim ang
buong kalangitan. Hindi pa man kumakanan ang FX taxi patungong Imelda Avenue ay
nagdeklara na ng holdap ang mga salarin. Agad-agad na nilimas ng mga holdaper ang
mga pera, relo at cellphone ng mga biktima. Mabilis na tumakas ang mga salarin ngunit
bago lubusang makaalis, nagpakawala ang mga ito ng isang putok mula sa isang 9 mm
kalibre ng baril. Tumama ang bala sa katawan ng biktima. Tinamaan ang atay na
naglagos hanggang sa kanyang baga. Dinala ito sa pinakamalapit na ospital ngunit
hindi pinalad na maisalba pa ang kanyang buhay.

Binalot ng pagkabigla, lungkot at panghihinayang ang iniwan ng naturang


trahedya. Pagkabigla, sa walang saysay na pagkamatay ng biktima; lungkot, sa
napakaaga at walang katuturang pagkitil sa kanyang buhay at panghihinayang,
sapagkat ang kanyang kasawian ay nangangahulugan din ng kamatayan ng kanyang
mga pangarap.

Nang pumasok ako ng araw na iyon ay nagimbal ako sa katahimikan sa loob ng
silid-aralan. Bakas sa mukha ng aking mga estudyante ang matinding pagdadalamhati.

1
Ang iba ay kababakasan ng matinding kalungkutan, ang ilan ay hindi mapigilan ang
maiyak at maluha sa pagkawala ng isang kaklase na itinuring na rin nilang kaibigan,
kaharutan at kakulitan sa mga panahong sila ay magkakasama.

“Sir, patay na po si Shiela… hinoldap po at saka binaril!”

“Sino…?” Tanong kong may halong pagkabigla.

“Sir, si Shiela… si Shiela Buenafe… ‘yung klasmeyt naming laging late sa klase
natin…”

May kung anong bumara sa aking lalamunan. Hindi ko magawang magsalita.


Nakapanlalambot ng pakiramdam. Sandali akong lumabas ng silid para makalanghap
ng hangin. Mabigat ang hakbang ng aking paa papalabas. Lumilipad ang aking isip,
patda at halos hindi makapaniwala.

Paisa-isang nagsingit-singit sa sulok-sulok ng aking gunita ang malinaw na


larawang iyon. Hindi kataasang babae, hindi kaputian at hindi rin kahabaan ng buhok;
ngunit kapansin-pansin sa kanya ang mga matang punong-puno ng pag-asa at
pangarap; kababanaagan ng kasiglahan, pagpupursige at determinasyon.

Estudyante ko siya sa panggabing iskedyul sa dalawang Major Subject ng


kursong Edukasyon. At dahil ng isang working student, madalas siyang ma-late.
Kung kailan nasa kalagitnaan ako ng paglelektyur ay saka siya papasok ng silid na
hindi lang miminsang nagiging dahilan ng pagkaantala ng aming liksyon.

“Ms. Buenafe… late ka na naman..!” Ang madalas kong paninita sa kanya.


Pamumulahan siya ng mukha. Waring nahihiya at ang tanging itutugon niya sa akin
ay isang matipid na ngiti kasabay ng sabing; “sir, hindi na po mauulit…”

Ngunit ang mga pangako ay hindi lang tatlo o ilang beses pa na napako. Naging
kalakaran na sa loob ng klase ang pagiging late ni Ms. Buenafe. Kung baga, nasanay na
kami. Minsan, inaantabayanan pa namin ang kanyang pagdating. At madalas, ang
kanyang pagiging late ang nagiging sentro ng katatawanan. Siya ang aming nagiging
object of laughter. Kapag nararamdaman naming paparating na siya at papasok na ng
silid, papalakpak nang malakas ang buong klase. Magugulat at mabibigla si Ms.
Buenafe. Para siyang isang artistang binigyan ng standing ovation matapos ang isang
matinding performance. Pero sa kanya, wala lang… deadma lang… kakaway lang ang
ale at saka magba-bow…!

Ngunit kahit anong tindi ng pagiging late ni Shiela, kailanman ay hindi siya um-
absent. Kahit 15 minutes na lang before the bell, papasok pa rin siya at ako ay kakausapin.

“Sir, pasensya na, late na naman ako.”

2
“Oo nga eh, dapat dropped ka na!”

“Wag naman sir. Hindi po ako makakapag-aral kung hindi po ako


magtatrabaho… sir please…!”

“Aba’y dapat matuto kang mag-prioritized…! Ano bang mas uunahin mo, ang
mag-aral o ang magtrabaho? Hindi pwedeng laging ganyan! Lagi mo na lang
sinasakripisyo ang subject ko… ano ang tingin mo sa klase natin, bakasyunan?!” Ang
mariin ngunit mahinahon kong sabi sa kanya.

Ewan, pero kailanman ay hindi ako nakaramdam ng galit sa kanya. Siguro ay


dahil may bahagi sa kanya na nakikita ko ang aking sarili o marahil ay dahil sa angkin
nitong likas na talino at abilidad. Hindi man siya nakakapasok ng tamang oras sa klase
ko, sinisigurado naman ni Shiela na nagagawa niya ang lahat ng assignments at
requirements sa aking subject. Nagagawa niyang maipasa ang mga quizzes at exams.
Nakakasagot sa mga graded recitations; bagaman pumapalya sa ilang group work at class
discussion; dama mo ang kanyang pagpupursige, makikita mo ang kanyang
determinasyon. Sa kanyang maliit na paraan pinagsusumikapan niyang punan ang
kanyang mga pagkukulang. At sa kabila ng pagbabanat ng buto upang makapag-aral,
tiyak kong isa siyang taong punung-puno ng pangarap.

GABI, nagpasya akong sadyain ang kinaroroonan ng lamayan. Matarik ang


lugar na aking tinalunton. Malayo pa lang ay nakikita ko na ang kulumpon ng mga
taong naglalamay. Nasa dulo ng putol na daan ang kinaroroonan ng lugar.
Nagtutumpukan ang mga tao. Kanya-kanyang umpukan sa bawat mesa habang abala
sa paglalaro, panonood at “pagmimiron” sa mga nagsusugal. Sa isang panig ay
makikita ang ilang grupo ng mga kabataang nagkakatuwaan at nagkakantahan.
Ngunit ang mas nakakatawag pansin ay ang manaka-nakang bulung-bulungan at
alingasngas ng mga makakati ang dilang pinagpipiyestahan ang tunay na kinasapitan
ng kaawa-awang biktima.

Dahop ang lugar, walang rangyang maipagmamalaki. Sabihin pa ngang ito nga
ay isang iskwater. Ang mga nakatira dito ay umaasa sa awa ng gobyernong ipagkaloob
sa kanila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng kanilang tirahan. Ang kabuuan ng
lamayan ay niyuyungyungan ng malaking tolda na sadyang inilagay upang
pananggalang sa init ng araw at kung sakaling bumuhos ang makas na ulan. Salamat
sa kapitan ng baranggay (na ang pangalan ay nakasulat pa sa malapad na tolda) na
matatakbuhan at mahihingan ng tulong sa mga pagkakataong katulad nito.

Pasintabi akong pumasok ng bahay. Nabungaran ko ang isang babaeng


namumugto ang mata at halos napabayaan ang sarili simula nang mangyari ang
trahedya. Tantiya kong siya ang ina. Humigit-kumulang sa apatnapu at limang taon
ang edad na lalo pang pinatanda ng mga gatlang makikita sa kanyang mukha.

3
Kapansin-pansin ang nanunuyo at nangunguluntoy na balat, ang naghuhumindig na
ugat sa bisig at kamay na tanda nang matagal-tagal na ring pakikipagbuno sa mga
labada. Sinalubong niya ako ng isang “pilit na ngiti” kasabay ng mahinang anas na
“tuloy po kayo,” pinaupo niya ako at pagkatapos ay inalok ng biskwit at malabnaw na
kape.

Hindi ko maiwasang igala ang paningin sa loob ng kabahayan. Sa harap ay


naroroon ang puting kabaong. Kapansin-pansin ang tatlong sisiw na nanginginain sa
ibabaw nito. Sinasabi at pinaniniwalaang ito daw ang uusig sa mga budhi ng sinumang
responsable sa krimen. Umaasa na makonsensya at sumuko sa batas upang mapanagot
sa ginawang kawalanghiyaan. Sa magkabilang dulo ng ataul ay nakatambad ang ilang
piraso ng bombilyang nagbibigay ng liwanag at tila mga gwardyang nagbabantay sa
katawang nakahimlay sa loob ng ataul. Mayayabong at makukulay ang mga “korona.”
Koronang hindi ipinuputong sa mga hari at reyna kundi koronong nakalaan lamang
para sa mga patay.

Sa gitnang bahagi ng ataul ay nakapatong ang isang larawan. Kuha ito sa


kanyang pagtatapos sa hayskul. Litaw na litaw ang kanyang ganda sa suot niyang
puting-puting toga. Ngunit ang nakakatawag pansin ay ang kanyang matipid na ngiti
na pinaningning ng kanyang matang punung-puno ng pag-asa at pangarap ngunit
ngayon ay dinupilas ng malagim na karahasan.

Tumambad sa may pintuan ang isang lalake. Matangkad ngunit may kapayatan.
Nakasumbrero ito. Nangungupas ang suot na polo. Nagnanasnas ang kupasing
maong na pilit binagayan ng de-gomang sapatos. At ang braso’y nangingintab sa
pawis na tinatamaan nang malamlam na sinag buhat sa liwanag ng bombilya. Humpak
ang pisngi na ang mukha’y pinagiging barumbado ng makapal na tubo ng balbas at
bigote. Ang mga mata’y tigib ng malalim na damdamin. Panatag ang kaanyuan ngunit
naroon ang tinitimping galit na anumang oras ay maaaring magsilakbo, maaaring
kumulo at sumambulat.

Agad nitong binungaran ang bangkay ng anak. Hinimas-himas pa ang puting


kabaong. Animo’y kinakausap at inaalo ang nakahimlay na katawan ng anak. Maya-
maya’y naulinigan ko ang hikbi at hibik ng pinipigilang damdamin; hanggang ang
damdami’y kumawala sa pagpalahaw. Bumulanghit sa pagnguyngoy ang amang
ninakawan ng pag-asa, ang anak na katuparan ng kanyang mga pangarap, ang anak na
kahulugan ng kanyang buhay at ang sumatutal nang lahat-lahat niyang pagsisikap.
Humahagulgol ang ama sa kapaitang sinapit ng walang kalaban-labang anak sa mga
kamay ng mga buhong na kriminal. Anong klaseng damdamin ang umaalimpuyos sa
kanyang pagkatao?

Ang kakarampot na kinikita mula sa pag-eekstra bilang tagahalo ng semento sa


isang konstruksyon at ang araw-araw na pagtanggap ng mga labada ng kanyang
maybahay ay kanilang tinitiis at binabata upang igapang ito sa pag-aaral, upang

4
maging bahagi sila ng pagsasakatuparan ng mga pangarap ng anak, upang kahit
papaano’y makapagtapos ito; magkaroon ng pag-asa at mabigyan ng kahit kaunting
dangal ang kanilang pagkabusabos at paghihirap. Ngunit ngayo’y nagsaklob ang
langit at lupa. Walang nang natira ni katiting na pag-asa, wala nang nalabi kundi
karahasan at pagdurusa.

Matagal-tagal din bago napahupa ang eksenang iyon. Dama ang lungkot at
paghihinagpis ng isang pamilyang naghahanap ng katarungan sa tinamong trahedya.

Nagpasya na akong umuwi; ngunit bago tuluyang magpaalam, makailang ulit


ko pang sinilip ang bangkay ng aking estudyante. Wala na ang mga tingin, wala na rin
ang mga ngiti at ang naroon ay ang kalunus-lunos na kaanyuan ng isang biktimang
hindi matanggap ang tinamong napakaagang kamatayan. Waring naghahanap ng
hustisya sa walang saysay at walang kapararakang pagkamatay. At naitanong ko sa
aking sarili; “may kahulugan pa ba ang budhi at konsensya sa katuturan ng buhay
kung ang pumatay ang magiging kasagutan sa nararamdamang kagutuman?”

Umalis akong halos nagugulumihanan. Sa daan papauwi, nagsusumiksik pa rin


sa utak ang katanungang iyon. Sa sulok ng isip ay naroroon ang agam-agam at
pagkatakot. Nangangamba na wala nang kaligtasan ang mga oras at sandali ng pag-
iisa. Walang pinipiling oras ang karahasan. Ang masamang elemento ay naririyan
lamang; naghahanap ng tamang pagkakataon upang sumalakay, sumila ng
mabibiktima at isakatuparan ang masamang balakin hanggang magwakas sa
nakapanlulumong trahedya.

HINDI ako nakatulog ng gabing ‘yon. Pabiling-biling ako sa higaan. Maging sa


pagtulog ay naroon ang takot na baka bukas ay hindi na magising. Bumangon ako sa
pagkakahiga. Ayaw akong dalawin ng antok. Kinuha ko mula sa ibabaw ng tokador
ang aking cellphone. Binuksan iyon sa pag-aakalang baka may matanggap ng message.
Pagkatapos ay binuksan ko ang phonebook; ini-scroll ito pababa. Hindi nakaligtas sa
aking paningin ang pangalang SHIELA B., nakarehistro rin ang numero ng kanyang
cellphone. Hindi ako maaaring magkamali, ito ang cellphone number ni Shiela Buenafe;
ang aking estudyante, ang walang iba kundi ang isa sa mga biktima ng madugong
holdapan. Naalala kong ibinigay niya sa akin ang kanyang numero isang buwan bago
maganap ang nasabing insidente; at ang sim card kung saan nakarehistro ang numerong
iyon ay kasama sa mga cellphone na nilimas ng mga holdaper.

May kung anong bagay na pumasok sa aking isip. Hindi ko namalayan ang
pagpindot ng mga daliri sa cellphone patungong create message. Nag-text ako ng mensahe
at isinend sa numero ni Shiela. Bahala na kung may mag-reply, hindi ako umaasa. Ang
mahalaga ay nasabi ko ang mensaheng gusto kong sabihin. Ngunit sa isang saglit lang
ay nag-ring ang cellphone. Binuksan ko ito at nag-appear ang pangalan ni SHIELA B.
May bahagyang takot akong naramdaman. Pinindot kong muli ang cellphone; binasa
ang message at agad akong nag-reply. Hindi ko inaasahang ang sasagot sa akin ay ang

5
mismong mga holdaper na may tangan sa cellphone ni Shiela. Ilang beses pa kaming
nagpalitan ng mensahe. Maiksi ngunit malaman ang kabuuang takbo ng aming pag-
uusap…

AKO: d’re bkt nman ganun? hinoldap mo n nga, bkt nman pinatay mo pa?!!!

HOLDAPER: SORI N LANG BAY… GNUN TLGA ANG BUHAY… WG KNG


MG-ALA2… IKW NMAN ANG ISU2NOD KO!

AKO: ikw ang bhla… syang lng tlga ung bata, estudyante un! mraming pngarap
tpos pinatay mo lang!

HOLDAPER: BAGAY LNG UN SA KANYA… IKW, PNAPHANAP N KTA…


KW N ANG ISU2NOD KO…!

AKO: gnun b? nsa syo yn, cguro nman may konsensya kp… pro bago un gusto
kong mgpkila2 syo… ako nga pla si SHIELA BUENAFE… ung hinoldap at pnatay mo
nung isang araw!!!

Wala akong alam kung anong klaseng takbo ng pag-iisip meron ang katulad
nilang mga kriminal. Iniisip ko tuloy kung meron pa bang takot na natitira sa kanilang
katawan o may sumbat pa ba ang kanilang budhi o talagang wala na silang konsensya.
Ngunit nang magpakilala akong ako si Sheila Buenafe na hinoldap nila at pinatay, hindi
na sila nagtangkang sumagot o mag-reply man lang!

MATAPOS ang pangyayaring iyon ay pinilit kong maging normal ang lahat.
Maging sa loob ng ekwelahang pinapasukan ay minabuti ko at ng aking mga
estudyante na iwasang pag-usapan ang mga bagay na patungkol sa naturang trahedya.
Ngunit ang ilang linggo lamang ang nakalipas, nakatanggap ako ng balita na isa sa
tatlong suspek ang nasukol sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba.

Magandang balita ito para sa lahat sapagkat magkakaroon na rin ng hustisya ang
pagkamatay ni Sheila. At ang pagkadakip sa naturang salarin ang magiging daan sa
tiyak na pagkahuli sa dalawa pang natitirang suspek.

Masaya ako sa tinatakbo ng kaso ngunit mayroong bagay na nagpapabagabag sa


akin. At ang pagkabagabag na ito ay naramdaman ko simula ng madakip ang
pangunahing suspek na kinilala lamang sa alyas na Bong Baho.

ANG alyas na Bong Baho ay hindi na naiiba sa akin. Ito ang alyas ng isang
kababata at kakilala na kapanabayang nagtutulak ng kariton sa pagdyadyaryo at
pagbobote. Noon ay laman kami ng mga kalsada. Magkakasama kaming naghahanap
ng mga tumpok ng basura na aming kakalkalin upang mamulot ng plastik, bakal, bote,
garapa, karton at tanso na aming ipagbibili sa junk shop ni Tambong. Libot namin ang

6
kalsada ng buong Rosario, De Castro, St. Joseph, Junction, Manggahan, Santolan,
Ugong at ilang kalye sa Marikina. Laman kami ng mga subdibisyon ng mga lugar na
ito sa pag-aakalang makaka-jackpot ng “mina” sa basura na kadalasang ang kinauuwian
ay ang pakikipaghabulan sa mga gwardya at kung minsan ay pinapahabol kami sa
naglalakihang mga aso. Nakita ko pa nga kung paano sagpangin ng police dog ang binti
ni Bong habang palundag na umaakyat ng pader. Sa halip na bigyan ng paunang lunas
ang tinamong pinsala ng mga gwardyang nakahuli sa kanya; pinagsusuntok pa nila ito
at pinaggugulpi.

Naging tampulan ng tukso kay Bong ang karanasang iyon. Malimit na ito ang
dahilan ng kanyang pakikipagbabag at pakikipag-away sa pang-aalaska at pang-aasar
ng kanyang mga kababata. Simula noon ay naging palaiwas si Bong. Hindi na siya
sumasama sa amin at madalas ay gumagawa siya ng sariling “diskarte” sa pamumulot
ng basura.

May kakatuwang ugali itong si Bong; sa tuwing hapon bago ibenta sa junk shop
ang mga napulot na plastic at bote ay ugali niya na maligo at sumisid sa mabaho at
kulay itim na tubig ng Manggahan Floodway saka didiretso sa junk shop ni Tambong na
basang-basa at nakakapit sa katawan ang mabaho at masangsang na amoy ng
pinagpaliguan. “Bong Baho” ang naging palasak na tawag sa kanya simula noon.

Naging mahigpit hanggang sa ipagbawal na sa mga magbobote ang pumasok sa


loob ng mga subdibisyon. Naging todo-bantay ang mga gwardya dahil sa mga
napabalitang nakawan kung katanghaliang tapat at patay ang oras at ang mga
kasambahay ay kasalukuyang nagpapahinga. Hindi naman kalakihan at mamahalin
ang mga nawawala at ninanakaw ng mga bagay; ‘ika nga ay small time lang.
Kakatuwang isipin na ang mga butas na kaldero, kaserola, kawali, sandok at takure ang
pinagdidiskitahang “pitikin” at “umitin” ng sinasabing magnanakaw.

Hanggang isang araw, naging usap-usapan sa junk shop ni Tambong ang


pagkakahuli kay Bong Baho habang papatalon sa isang pader ng niloobang bahay bitbit
ang isang sandok at takip ng kaldero. Sa mga gwardya pa lang ng subdibisyon ay
katakut-takot na na panggugulpi at pambubugbog ang kanyang naranasan. Hanggang
sa baranggay hall ay pilit pinaamin kay Bong Baho na siya ang responsable sa iba pang
nangyaring nakawan. Hindi naman niya itinanggi ang gayung mga akusasyon. At
nang tanungin kung bakit niya ginagawa ang gayung bagay; walang kagatul-gatol na
sinabi niyang kailangan niya ng pera. Ang bawat kilo ng napagbentahang aluminum
na kaldero, kaserola, kawali, sandok at takure ay malaking tulong para ipanustos sa
gamut ng inang may tuberkulosis.

Batay sa pagsisiyasat ng mga nag-imbestiga, hindi nagawang ibenta ni Bong


Baho ang lahat ng mga ninakaw na bagay. Ang mga ito ay kanyang itinago at tinipon.
Isinilid sa mga sako na nakatali sa kung tawagin ay mga “taeng-bakal” (palasak na

7
tawag sa namuong pinagtunawan ng bakal) na nasa ilalim ng mabaho at maitim na
tubig ng Manggahan Floodway.

Pinagdusahan ni Bong Baho ang krimeng iyon. Isang linggo matapos makalaya,
namatay ang kanyang ina sanhi ng maraming komplikasyon. Magmula noon ay hindi
na siya napagkakakita sa ming lugar. Hindi na rin siya naglalabas ng kariton sa
pagbobote. Hanggang lisanin ko ang lugar na iyon, lumipat ng matitirhan at
makapagturo; wala na kong balita sa kanya na naging kababata at kakilala.

BATBAT pa rin ng pagkabagabag ang aking nararamdaman. Mabilis ang tibok


ng aking puso. Nagsala-salabat ang mga katanungang naghahanap ng kasagutan. May
gustong maapuhap sa buong pagkatao ng naturang suspek. Binabagabag ako ng
kasalukuyan. Gusto kong bumalik sa nakaraan nang sa gayu’y ‘wag akong sumbatan
ng aking hinaharap.

Dali-dali akong nagtungo sa istasyon ng pulis. Sa may information desk, nag-usisa


ako sa kalagayan ng suspek. Ipinabasa sa akin ang isang log book na naglalaman ng
impormasyon ng naturang kriminal: DOGOMEO BAUI Y BAUTISTA aka “BONG
BAHO”: CASE # 4283030, ROBBERY, HOLDAP W/ HOMICIDE. Lalo akong
kinabahan. Parang binabayo nang makailang ulit ang aking dibdib. May kung anong
damdamin ang lumulukso sa aking pagkatao. Agad itinuro sa akin ang kinaroroonan
ng selda. Sinamahan ako ng isang unipormadong pulis. Parang may tumutulak sa
akin ngunit mabigat ang mga paa sa paghakbang.

Patuloy ang pagkabog ng dibdib. Habang papalapit ay nakaramdam ako ng


pagkaalinsangan. Namumutil-mutil ang aking pawis. Sumasalubong ang masangsang
na amoy mula sa selda. Kumakapit sa ilong ang amoy ng pawisang katawang
nakukulob sa maalinsangang kulungan. Sa tantya ko ay may isa’t kalahating metro ang
lapad nito na may habang lima hanggang anim na metro. Mga dalawampung preso
ang nagsisiksikan sa loob ng kulungan. Ang iba ay nakahiga, ang iba ay nakatayo at
ang karamihan ay nakasalagmak sa sahig habang hubad ang damit pantaas.
Pinagtitiyagaan ang hanging pumapasok sa siwang ng tarangkahan ng selda.

“Bong Baho, may dalaw ka!”

Pabulyaw ang pagkakasabi ng pulis. Ang mga preso ay parang mga dagang
nagpulasan kasabay nang pagbaling ng tingin sa pulis na hindi naman katabaan ngunit
nakausli ang malaking tiyan.

Sandali ko munang ikinubli ang sarili sa gilid ng pader. Kahit paano ay may
tensyon akong nararamdaman. May namumuong takot sa dibdib na ang haharapin ay
isang mamamatay tao; isang magnanakaw, isang kriminal. Ngunit ang kadahupan sa
sagot sa mga tanong ng nakaraan ay tila mga barenang nagpaparindi sa aking sintido.

8
Bumabaon sa isip ang mga larawang iyon. Nakapagpapangilo ang eksenang
nagpapaalala ng aking nakaraan.

Huminga ako ng malalim. Humugot ng lakas ng loob. Humakbang akong


paharap sa selda. Nabungaran ang isang lalakeng nakayuko; hawak sa magkabilang
kamay ang rehas na bakal. May kapayatan ngunit namimintog ang mga masel.
Kapansin-pansin ang mga tattoo na nakaguhit sa braso, binti at sa hubad na katawan.
May mahabang peklat sa kaliwang bahagi ng tagiliran. Bagaman nakayuko, aninag ang
bukol at pasa sa kanyang kanang pisngi. May sariwang sugat siya sa ibabaw ng
kaliwang kilay.

Iniangat niya ang kanyang ulo. Nagtama ang aming paningin. Hindi ito
nagbitaw. Nagtatanong ang aking mata. Nag-uusisa. Hinahanap sa kanyang tingin
ang kasagutan. Walang pagdadamot na nagpaubaya siya ng mga ganting titig.
Malalim at matalim ang kanyang mga titig; at hindi ko man lamang siya kinakitaan ng
pagkabigla. Walang katinag-tinag. Nananatili siyang kalmado. Ngunit sa kanyang
balintataw ay masasalamin ang matinding poot na ikinikimkim. Nag-aapoy ang
kanyang mga mata. Nag-aalab. Naglalagablab ang damdaming ikinukubli nang
matagal na panahon. Napapaso ako sa kanyang tingin. At bago tuluyang matupok ng
kanyang mga titig; ako na ang bumasag ng katahimikan.

“Kamusta Bong?” Ang halos pabulong at banayad na tanong ko sa kanya.

Patuloy pa rin ang pagkabog ng aking dibdib. Nag-aabang ng maaari niyang


isagot. Sumandaling katahimikan. Bahagya siyang yumuko. Iniwas ang mga mata sa
akin. At ang inaasahang tugon sa ipinukol kong tanong ay sinagot nang marahan
ngunit pikit-matang pag-iling. Nagngangalit ang kanyang panga. Nagtitiim ang
kanyang bagang. Muli niya akong tinitigan. Mata sa mata. Sabay hagod nang
mapanukat na tingin sa aking kabuuan; “mula ulo hanggang paa, mula paa hanggang
ulo.” Umatras siyang papalayo sa selda. Bumitaw ang dalawang kamay sa
pagkakahawak sa rehas na bakal. At sa ikalawang pagkakataon ay muli niya akong
hinagod ng tingin ngunit ngayon ay mas mapang-usig; “mula paa hanggang ulo, mula
ulo hanggang paa…!”

“Boss Tsip… hindi ko kilala ‘yan… pwde n’yo na ‘yang pauwiin!”

Matigas ang kanyang pagtanggi. Nakakarindi sa pandinig na lalo pang


nagpabilis sa pintig ng aking puso. Bumaling ako ng tingin sa pulis; kapwa kami
nabigla. Muli kong itinapon ang tingin kay Bong. Ngayon ay mapanudyo ang
kanyang ngiti… hindi ngiti kundi ngisi ng isang taong nanunukso, nanunuya, nang-
aasar. Tumalikod siyang tinalunton ang dulo ng selda at hindi na muling lumingon pa.
Halos patakbo akong napakapit sa selda. Dalawang kamay na napahawak sa rehas na
bakal. Gusto ko siyang pigilan ngunit naumid ang aking labi. Hindi ako nakapagsalita.
May kung anong bagay na humarang sa aking lalamuan. Nakaramdam ako ng

9
matinding kahihiyan sa buong pagkatao. At habang sinusundan ko ng tingin ang
papalayong kababata’t kakilala ay nakita ko ang sariling ibinilanggo sa mga sumbat ng
mga multo ng isang trahedya.

wakas

10

You might also like