You are on page 1of 11

Kabanata 4

Mga Pamamaraan
sa Pagtalakay sa
Akdang
Pampanitikan
Layunin:
Inaasahan na sa pagtatapos sa pag-aaral ng Modyul na ito na:

1. Nababatid ang iba’t ibang pamamaraan sa pagbasa at pagtalakay sa


akdang pampanitikan
2. Napapahalagahan ang iba’t pamamaraan sa pagbasa at pagtalakay
sa akdang pampanitkan sa pamamagitan ng mga halimbawang
teksto
3. Nakalilikha ng panimulang pagtalakay ng akdang pampanitikan sa
tulong ng kombinasyon ng mga pamamaraan.

Panimula

Paano nga ba "basahin" o talakayin ang isang akdang pampanitikan? Sabihin pa,
paano ba binabasa o tinatalakay ng mambabasa ang akdang nabasa niya?
Para kay Rosario Torres-Yu (2011), isang iskolar at propesor sa Panitikan ng
bansa, sa kanyang mahabang karanasan sa pagtuturo, napuna niyang maaaring may
karaniwan o aral/kritikal ang pa tipo ng pagbasa.

Karaniwan, kapag pinag-uusapan o tinatalakay natin ang isang akdang


pampanitikan na nabasa, ibinibigay natin ang naramdaman at naging impresyon dito;
kung ano ang "dating" nito sa atin.
Maaaring natawa, naluha, natakot, naantig, kinilig, nalibang, nagandahan o
napangitan at kombinasyon ng mga ito ang isang mambabasa. Na sa paghahalintulad
ni Yu ay parang yaong mga sagot ng mga tao sa labas ng sinehan sa mga interview
hinggil sa karanasan nila sa panonood ng isang pelikula.
Ito ay sa panig ng karaniwang pagbabasa.
Samantala, ang pagbasang aral o kritikal ay hindi lamang bunga o hango sa
damdaming bumukal sa mambabasa sa buong proseso ng pagbabasa. Mas
nanggagaling sa lawak ng kaalamang pampanitikan ng kritikal o mag-aaral na
mambabasa ang kanyang nasasabi.
Ang ganitong pagbasa ay nagaganap madalas bilang bahagi ng pag-aaral ng
mga kursong pampanitikan sa kolehiyo. Nagtala si Yu ng ilang estratehiya sa
pagbabasang ito na patuloy na nagaganap sa mga silid-aralan:
• paghahanap ng aral
• pag-uugnay ng akda: sa buhay ng manunulat, sa kasaysayan, sa lipunan, sa sariling
karanasan o buhay
• pag-alam sa kahulugan ng mga salitang ginamit
• pag-alam sa tema/mensahe

• pag-alam sa anyo ng akda sa pamamagitan ng masusing pagtingin sa kaligiran,


banghay, istilo, tauhan, tema at iba pang pormal na salik.

Makikita sa mga estratehiyang tinala ni Yu ang ilang pangunahing dulog o


pamamaraan sa pagbasa na siyang tuntungan sa pagtalakay ng mambabasa/kritiko sa
isang akdang pampanitikan. Maaaring (1) moralistiko, (2) idealistiko, (3) historikal at
sosyolohikal, (4) repleksibo, at (5) formalistiko.

Bukod sa mga nabanggit, ang teorya o pananalig pampanitikan din ay


nagsisilbing tuntungan din sa pagbasa at pagtalakay sa isang akda. Di nga kasi, ang
akda, kapag ipinabasa na sa lipunang binubuo ng mga indibidwal na may kani-kaniyang
pinanggagalingang uri, paniniwalan, pananaw-mundo, ideolohiya, ay nababasa sa kung
paanong "anggulo" o perspektiba nakikita ng sinomang mambabasa-mag-aaral.
(Balikan ang Modyul 3 para sa muling sulyap sa iba't ibang teoryang pampanitikan).
Nahuhusgahan ang isang akda batay na rin sa antas ng kakayahan at kaalamang
pampanitikan ng mambabasa. Sa ganito nagkakaroon ng iba't ibang "pagbasa" at
"pagtalakay" sa isang akda.
Ang mga pamamaraang ito sa pagbasa ay maaaring magamit din nang
kombinasyon batay na rin sa pamilyaridad ng mambabasa-mag-aaral sa mga
pamamaraan, ibig sabihin, maaaring mangyaring naglalapat ang mga pamamaraan sa
pagbasa at pamamaraang sinasaligan ng akda. Hindi nangangahulugan na mahigpit na
nakasalig sa iisang estratehiyang nabanggit ang pagbasa sa akda.
Halimbawa, maaari lang bang talakayin at bigyang halaga ang anyo ng "Pag-Ibig
sa Tinubuang Lupa" bilang "awit" ni Gat Andres Bonifacio at iisantabi na ang mga
kaisipan maging ang pinanggagalingang kasaysayan at kalagayang panlipunan na
nagtulak sa produksyon ng tula? Gayundin ang "Florante at Laura" ni Balagtas na ang
anyo bilang "korido" at kanyang "romantisismong" tia mula sa isang taal na Europeo
ngunit binasa ni Rizal bilang akdang makabayan din? O sapat na nga rin kayang
papurihan ang napakalinaw (vivid) na paglalarawan at pagbibigay buhay ni Rizal sa
mga tagpo at tauhan sa kanyang "Noli" at "El Fili" nang hindi ito pinahahalagan at
tinatalakay ang pagiging sosyo-realistang tagapaglarawan sa kondisyon ng Pilipinas sa
ilalim ng kolonyalismong Kastila (na dahilan nga ng kanyang pagkamartir)? Tutuon na
lamang ba ang mambabasa sa dulas, indayog, at ritmo ng "Kung Tuyo na ang Luha Mo,
Aking Bayan" ni Ka Amado nang hindi pahahalagahan ang pagiging tugon nito sa
pamamayagpag ng Imperyalismong Amerikano sa ating bansa?
Sagutin ang mga sumusunod na katanungan:

Sa mga estratehiyang ibinigay ni Torres-Yu, ano/-ano ang pinakamadalas mong gamitin


sa pagbabasa at pagtatalakay ng isang akda? Ano ang mga hindi mo pa nasusubukang
estratehiya? Bakit?

Mga Piling Pamamaraan sa Pagtalakay ng Akdang Pampanitikan

Nagtala si Rolando Tolentino (2000) ng ilang pamamaraan sa pagbasa at


pagtalakay ng akdang pampanitikan:

Historikal at Sosyolohikal

• Sa pamamaraang ito, tinatalakay ang isang akda bilang produkto o arti-fact ng


isang partikular na kasaysayan, at mga pormasyon sa lipunan. May dalawa itong
pamamaraan na nakabata sa paglulugar ng panahon. Maaaring nakatuon ang
pagtalakay sa (1) panahong isinisiwala ng akda (pinanggagalingang kasaysayan ng
akda) at (2) panahong binabasa ang akda (relevance ng akda sa kasalukuyan). Sa
pamamaraang ito, mahalagang may kaalaman at kamalayan sa sosyo-politikal,
ekonomiya, at kultura sa aspekto sa dalawang tinutukoy na panahon at lipunan.
Masasalamin sa pamamaraang ito ang antas ng kamalayan ng mambabasa sa mga
isyung panlipunan na naganap at nagaganap pa rin sa kasalukuyan

Gawain:

Pumunta sa www.plumaatpapel.wordpress.com, hanapin at basahin ang tulang "Sa


Bayan Ni Juan." Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

Sa iyong palagay, kailan ito naisulat? Ano-anong mga pahiwatig na nagsasabi sa


panahon ng pagkakasulat ng akda?

Ano-anong mga isyung panlipunan ang ipinakita sa tula?

Napapanahon pa rin ba ang tula? Patunayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng


halimbawa.
Kultural

• Ang pamamaraan namang ito ay sumusuri sa iba't ibang kultural na salik ng


ating pagkataon. Kung ang historikal at sosyolohikal na pamamaraa'y sinisipat ang
pagkataong nakalugar sa bayan, rehiyon, o bansa; sa pamamaraang kultural naman ay
kinikilatis ang iba't ibang salik na bumubuo ng mga identidad. Sa konsiderasyon ng
bawat salik ay mas lalong nagbibigay ng laman, porma, lalim ang sinisipat na pagkatao.

• Bawat salik ay nahahati sa dalawang kaantasan: ang pribilihiyado o naisantabi.


Sinisikap ng pamamaraang ito na bigyang-paliwanag ang kaangkupan ng mga piniling
detalye, aksyon, at pagpapahiwatig sa akda. Ano ang relasyon pangkapangyarihan
(power-relations) isinasaad sa akda? Ano ang ugnay ng ganitong relasyon sa labas ng
akda? May ibinigay na salik si Tolentino:

a) Uri (class) -- nakabatay ito sa yaman; sino ang mayroon at wala? Sa


konteksto ng bansa, mahalagang katergorya ito dahil hindi lingid sa atin ang
realidad na kakaunting bahagi ng ating populasyon ang nagkokontrol sa ating
yaman bilang bansa sa kabila nito ay mayorya ang hindi nakatatamasa ng
batayan man lang na pangangailangan. Tinitingnan ng salik na ito ang
relasyon ng dalawang panig, at kung paano ito inuugat, pinauunlad,
nireresolba sa akda. Bakit kumilos at nag-isip ang mga tauhan (sa kaso ng
kuwento o nobela, halimbawa) o persona (sa panig ng tula o awit) nang
ganoon? Paano naapektuhan ng pagkakaroon at kasalatan ng yaman ang
kanilang kamalayan at aksyon? Paano ito nag-iiba batay sa kung sino ang
mayroon at wala sa lipunan at panahon ng akda? Maaari ding iugnay ito sa
lipunan at kasaysayn sa labas ng kuwento.

Gawain: Pumunta sa www.plumaatpapel.wordpress.com, hanapin at basahin ang


kuwentong "Dugo ni Juan Lazaro" Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

Anong uring pinanggagalingan ng mga tauhan? Ano-ano ang kanilang suliranin?

Sang-ayon ka ba sa ideolohiya/paniniwala ng mga tauhan na siyang nagtutulak sa


kanilang pagkilos sa kuwento?

b) Lahi at Etnisidad--tinutukoy ng lahi ang relasyon ng mga mamamayan ng


mahirap at mayamang bansa o anumang formasyong panlipunan, batay sa
kulay ng kanilang balat. Tinutukoy nan ang etnisidad ang iba't ibang etnikong
pangkat na bumubuo sa isang bansa. Nakatuon naman ang pamamaraan na
ito sa relasyon ng lahi at etnisidad sa iba pa. Maganda ang pamamaraang ito
sa konteksto ng ating bansa dahil sa realidad ng urbansentrikong
pagpapaunlad dito. Paano naghahalubilo ang mga tagaloob/sentro (i.e, taga-
Maynila) sa mga tagalabas (i.e taga-Probinsya). Paano inuunawa ng mga
tagalabas ang kanilang pagiging marginalized?

Gawain: Basahin ang maikling kuwentong "Lugmok Na Ang Nayon" ni Edgardo


M. Reyes. At sagutin ang mga sumusunod:

Ano-ano ang mga katangian ng mga taga-lungsod at taga-nayon ang ipinakita sa akda?

Paano ituring/tinitingnan ng taga-lungsod at taga-nayon ang isa't isa?

Masasabi mo bang sa kasalukuyan ay umiiral pa rin ang ganitong relasyon ng taga-


lungsod at taga-nayon?

c) Seksuwalidad at Kasarian--tumutukoy ang seksuwalidad sa seksuwalisasyon


ng isang indibidwal: paano nagiging sexual na nilalang ang tao? Tinitignan
nitong salik na heterosexualidad ang naging pribilihiyadong seksuwalidad sa
kasaysayan at lipunan at naisantabi pa ang iba pang seksuwalidad, tulad ng
homoseksuwalidad, biseksuwalidad, o queer. Ang kasarian naman ay
umuukol sa panlipunang pananaw ukol sa pagkalalake't pagkababae.
Halimbawa, ang lalaki ay pinipigilang umiyak dahil hindi ito ang ideal na
katangian ng isang matapang na lalake; ang babae ay pinipigilang maging
magaslaw o malikot dahil hindi ito ang katangian ng isang mahinhing babae.

Gawain: Basahin ang tulang "Ang Maging Babae" ni Ruth Elynia Mabanglo at
saguting ang mga sumusunod:

Paano inilarawan ng persona ng tula ang pagiging babae sa mata ng patriyarkal na


lipunan?

Sangayon ka ba sa "pagkababaeng" idinidikta ng patriyarkal na lipunan sa


kasalukuyan?

Nilabanan ba ng persona ang mga iginigiit na dapat gawi ng babae ng patriyarkal na


lipunang ito? Paano?
Hulwarang Teksto-Interteksto-Konteksto sa Pagtalakay ng Akdang Pampanitikan
(Torres-Yu, 2011)

Dahil nga ang pagbasa ay hindi lamang linear na gawain, maaaring hindi lamang
natin basahin at talakayin ang isang akdang pampanitikan sa isang tiyak na
pamamaraan lamang. Sa katotohanan kasi, napakasalimuot din ng proseso ng
produksyon ng anumang akdang pampanitikan. Hindi lamang nagsasarili ang
manunulat sa kanyang pag-akda: ang kanyang akda ay bunga ang kanyang kamalayan
at interaksyon sa lipunang hinubog, hinuhubog, nagbabago, at napupuno rin ng iba't iba
pang interaskyon ng mga uri/pangkat/antas panlipunan na kinabibilangan niya at ng
kanyang mamababasa. Sabihin pa, ang akda ay maaaring salamin na nagpapakita ng
kalagayan ng lipunan, o karosel na humihilo sa mga tao (eskapismo) o di kaya naman,
"masong maghuhugis sa kaayusang panlipunan." Ano't ano man sa mga oryentasyong
nabanggit, malinaw na hindi kayang tugunan ng isang lapit o pamamaraan lamang sa
pagbasa at pagtalakay sa isang akda upang masapol ang kompleksidad ng realidad na
ipinepresenta nito (kung mayroon man).

Nagmungkahi si Torres-Yu ng mungkahing hulwaran sa pagbasa at paglakay sa


akdang pampanitikan: ang Teksto-Interteksto-Konteksto. Aniya, maaaring magsimula at
magtapos sa anuman sa tatlong kombinasyong ito ang kabuuang pagtalakay sa akda.
Pero sa karaniwan ay nag-uumpisa muna sa teksto.

Teksto

•Sa bahagi ng Teksto, kinikilala ang porma na aspekto ng akda.


Halimbawa, kung tula: persona punto de bista, gamit ng wika, talinghaga,
metapora, at iba pang kilates sa anyo. Kung katha (fiction), kinikilates naman ang
banghay, karakterisasyon, tunggalian, pamamaraang nararibo, at iba pa. Sa
pagkikala sa anyo ng pumapasok ang pormalistang pagbasa, ngunit hindi
nagtatapos dito. Malaking tulong sa pagkilala sa antas na ito ang kaalaman sa
mga tradisyong pampanitikan sapagkat nailulugar ang panunuri sa karanasan ng
panitikang kinabibilangan nito.

Interteksto

• Tumutukoy ito sa mga anyo ng panitikang pinagsumundan o di kaya ay


kapanabayna akda, gayundin ang iba pang mga teksto sa labas ng panitikan.
Halimbawa, ang isang kuwenring nailathala sa kasalukiyan ay maaaring
itabi/iugnay sa komiks, sa nobela, sa panitikang bayan, at maging sa sinaunang
katha, sa layuning higit na maunawaan ang ilang katangian ng kasalukiyang
kuwentong binabasa. Nakatuntong ang ganitong pagkonekta sa kaisipang ang
isang akda ay hindi lubos na bago, manapa ay humahango sa anyo at kahulugan
ng ibang tekstong ang kuwento ay naikuwento na ay muling ikinukuwento o ang
simbolong nagamit at muling ginagamit, ang katwiran/usapin ay naisulong na at
mulint binubuhay. Maaari din namang lumilihis at binabago ng akda ang mga
pinasumundan. Sa pinakamababaw na pagtingin, ang ganitong pagbasa ay
nakatutulong sa mag-aaral na matutuhan ang mga kumbensyon sa pag-akda sa
sariling panitikan, sa paraang kongkreto at di nakayayamot. Sa madaling salita,
ipinapikita sa bahaging ito ang mga akdang maaaring kasabayan o sinusundan
ng isang akda: saang aspekto nakasusunod o tumataliwas ang akda sa nauna at
kasabay nilant akda? Halimbawa, ang "Tata Selo" ni Rogelio Sicat ay maaaring
iugnay sa kabanatang "Kabesang Tales" sa "Noli" ni Rizal, na maaari ding iugnay
pa sa tulang-epiko ni "Bayang Malaya" ni Amado V. Hernandez, na kapwa
tumatalakay sa kaapihan ng mga magsasaka.

Konteksto

• Hango sa salitang Latin, ang panlaping "con" ay nangangahulugang "ang


nakapaligid." Sa panitikan, tumutukoy ito sa mga pangyayari, sa realidad na
pinaglinangan ng akda/panitikan na maaari din namang tinalaban ng akda. Ang
konteksto ay maaaring ang kasaysayan, ang lipunang kasaysayan, at kultura.
Halimbawa, mauugnay ba sa isyu ng EJK, redtagging, pangangamkam ng
lupain, militarisasyon sa kasalukuyan ang awiting "Tatsulok?" Ano-anong mga
isyu sa kasalukuyan ang nasasapol ng awiting "Magdalena?"

Mga Gabay sa Teksto-Interteksto-Kontekstong Pagtalakay sa Akda

Nagbigay ng mga gabay na tanong si Torres-Yu hinggil sa kung paano


masasakatuparang ang pagtalakay sa isang akda sa pamamagitan ng hulwarang
Teksto-Interteksto-Konteksto:

Hinggil sa Anyo ng Teksto

1. Sabihin at ilarawan ang dating sa iyo ng kuwento. Ipaliwanag kung bakit.

2. Sino-sino ang mga tauhan? Ano-ano ang relasyon nila sa isa't isa? Ano'ng problems
ng tauhan/mga tauhan? Alam ba ng tauhan ang problema niya? Paaniya ito
naintindihan? Paano niya iton hinarap? Bakit? Bakit hindi niya ito naintindihan? Kung
may ginawa siya sa problema, ano ang naging epekto nito sa kaniya? Sa kanyang
relasyon sa ibang tauhan?

3. Mabisa ba o hindi ang paraan ng pagkukuwento sa pagbubuo ng karakter? Ng


paglalahad ng problema/tunggalian sa kuwento? Ipaliwanag.

4. Epektibo ba ang paggamit ng mga detalye sa paglikha ng kaligirang pandamdaming


makakaapekto sa mga tauhan at sa kanilang kilo/pag-iisip/pagpapasiya? Ipaliwanag.
5. Ano ang epekto ng mga aksyon at pangyayari sa pagsususlong ng kuwento? Sa
paglalahad ng problema o tunggalian, sa resolusyon, kung mayroon, ng problema?

6. Nakatulong ba ang banghay, ang estratehiya ng pagkukuwento sa iyong nabasang


kahulugan ng kuwento?

Interteksto

1. Ano ang pananaw ng teksto tungkol sa---(kung ano ang paksang tinukoy ng
mambabasa). Ano naman ang pananaw sa--- (sa teksto)? Ipaliwanag ang
pagkakapareho at pagkakaiba.

2. Sa anong paraan sa kasalukuyang kuwentong binabasa lumilihas/umiiba ito sa


tradisyon ng pagkatha? Ano naman ang epekto ng paglihis na ito sa nabuo mong
kahulugan at pagpapahalaga?

3. Kapag itinabi sa ibang katha ang kasalukuyang binabasa, masasabi mo ba kung


aling posisyon/paninindigan tungkol sa usapin/isyu (halimbawa kung ang usapin sa
binabasa ay tungkol sa lahi) ang sa palagay mo ay tatanggapin mong tama? Ipaliwanag

4. Nakatutulong ba ang mga teksto sa lalong ikauunawa ng mambabasa sa


kasalukuyan, sa pag-alam kung bakit nagpapatuloy ang interes ng manunulat sa usapin
sa akda? Ipaliwanag

Konteksto

1. Anong halagahan (values) ang pinagtitibay ng akda? Ang nilalabag? Ang


ipinanunukala? Sang-ayon ka ba dito? Ipaliwanag.

2. Makatotohanan ba o hindi ang paglalarawan sa katha ng kondisyon ng buhay ng


____________ (hal., manggagawa, mga Filipino sa panahong tinukoy, mga
kababaihan, mga manggagawang nandarayuhan (OFW), atbp). Ano ang relasyon ng
makatotohanang paglalarawan sa iyong pag-unawa sa usapin sa panahon ng aksyon
sa kuwento?

3. Kaugnay ng naunang tanong, kung ganoon, ano ang posisyon ng may-akda sa


umiiral na tunggalian? Sang-ayon ka ba dito? Bakit?

4. Sa iyong sariling palagay, makatarungan ba o hindi ang paglaban/pananahimik ng


aping tauhan sa kuwento? Ipaliwanag.

5. Nakatulong ba ang kuwento sa kaalaman mo tungkol sa kalagayan ng buhay sa


siyudad? Sa kanayunan? Sa mga komunidad na etniko (at iba pang komunidad na
paksa sa binasa)? Sa paanong paraan?
6. Nabago ba o hindi ng pagbasa mo ng katha ang dati mong intindi sa usapin ng
__________ (kung anong usapin ang tinutukoy sa akda)? Panoo? Kung hindi, bakit

7. Sang-ayon sa alam mo sa ugaling Pilipino, ang mga kinikilos ba ng mga tauhan


kaugnay suliraning danas nila sa kuwento ay ang matatanggap ng kanilang pamilya?
Ng kanilang simbahang kinabibilangan? Ng kanilang samahang kinabibilangan? Ng
kanilang pinagtatrabahuhan? Ng kanilang paaralan? Ng kanilang pamahalaan? (at iba
pang institusyong kaugnay)? Bakit? Bakit hindi? Ano ang sarili mong palagay tungkol
dito?

8. Ano ang kondisyon ng paglalathala sa panahong naisulat ang kuwento? Paano ito
tinanggap ng mambabasa? (Paano nakarating sa mambabasa).

Mga Halimbawa Ng Pagtalakay Sa Akdang Pampanitikan

"Mula Balagtasan hanggang Diyalektika: Si Ka Amado at Paglaya." (2000) Lumbera,


Bienvenido. sa "Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa." University of the Philippines
Press. Pp 191-195

Desaparesidos: Ang Pagtalunton ni Lualhati Bautista sa Bakas ng mga


Rebolusyonaryong Ina (2017) Camba, Arlan.

"Ang Tao sa Isang Dimensyon ng Espasyo at Panahon, Ayon sa Saklaw ng Sining ni


Edgardo M. Reyes." (nd) Ricarte, Pedro sa Mga Agos sa Disyerto ikaapat na edisyon.

"Mga Nota sa Aking Talaarawan (O Kung Bakit Ako Nagsusulat)," (2010) Mabanglo,
Ruth Elynia S. sa "Essays on Philippine Language and Literature." Mabanglo, R. E &
Galang, Rosita, ed. Anvil. Manila. Pp. 62-67
Pangwakas na Gawain

Pumunta sa www.plumaatpapel.wordpress.com at basahin ang maikling kuwentong


“Inuud na Bisig sa Tiyan ng Buwaya” at gawan ng panimulang pagtalakay sang-ayon sa
hulwarang Teksto-Interteksto-Konteksto ni Torres-Yu. Isaalang-alang ang mga gabay
na tanong sa bawat bahagi. Isulat ito sa anyong pasanaysay. Maaaring gamitin ang
mga sumusunod na pormat:

I. Pamagat ng Papel
II. Teksto (Makabubuting gawan din ng subtitle)
III. Interteksto (Makabubuting gawan din ng subtitle)
IV. Konteksto (Makabubuting gawan din ng subtitle)
V. Kongklusyon

Gumamit ng Book Antiqua, 12, para sa font at 1.15 para sa spacing.

Sanggunian:

Lumbera, Bienvenido. “Paano Magbasa ng Panitikang Filipino (Mga Babasahing


Pangkolehiyo).” (UP Diliman Press, Quezon City 2000) p 255 – 265

Torres-Yu, Rosario, "Ang Pagbasa ng Panitikan sa Sipat ng Araling Kultural."


Alinagnag: Sanaysay ng mga Panlipunang Panunuri sa Panitikan. (2011) University of
Santo Tomas Publishing House. Pp. 264-275.

You might also like