Ang Aking Bansang Malaysia

You might also like

You are on page 1of 2

Ang Aking Bansang Malaysia

Ang aking bansang Malaysia ay matiwasay na bansa. Kilala ito sa kanyang taglay na
natatanging yaman at pamanang pangkultura. May masidhing paniniwala ang mamamayan nito
sa kultura at relihiyon. Pinagpala ang Malaysia ng maraming iba't ibang etnikong grupo.
Kinabibilangan ang mga etnikong grupo ng mga Malay, Tsino, at Indian. At dahil sa
pagkakaroon ng maraming etnikong grupo rito, iba't ibang lahi at kultura ang iyong
makakasalamuha. May kalayaang panrelihiyon na nasa ilalim at pinangangalagaan ng batas.
May paggalang sa bawat isa at walang poot o hidwaan na makakasira sa pagkakaiba-iba ng
mga tao sa Malaysia. Kilala ang mga Malaysian sa kanilang pagiging palakaibigan at mainit na
pagtanggap sa bisita. Kaming mga Malaysian ay namumuhay nang sama-sama at mapayapa.
Nakatira ako sa Taman Puspa Kencana. Lahat ng mga kapitbahay ko ay mababait. Mabuti ang
aming pakikitungo sa bawat isa. Namumuhay kami na parang isang pamilya. May mga
katangian kaming nakakapagambag sa matiwasay naming pamumuhay. Iginagalang namin ang
isa't isa na hindi inaalintana ang lahi, relihiyon, at kulturang kinabibilangan. Nagsasalita kami
nang mahinahon at kumikilos nang may paggalang. Hindi kami nagsasabi ng mga salitang
makakasakit sa damdamin ng aming kapwa. Kung may pagpupulong ang magkakapitbahay,
marunong kaming makinig sa opinyon ng ibang tao kahit ano pa ang pinagmulang lahi,
relihiyon, maging ang kultura nito. Sa aking pamayanan, lagi kaming nagbibigayan at
nagtutulungan. Minsan, kailangan naming magbigay daan sa ibang tao. Sama-sama kaming
nagtatrabaho para sa tagumpay nang hindi isinasaalang-alang ang pagkakaiba ng mga lahi,
relihiyon, at kultura. Bumubuo kami ng batayan sa pag-unlad ng aming pamayanan. Sa palagay
ko, ang ganitong pag-uugali na samasamang pagtutulungan ay kailangang maging huwaran ng
mga tao sa Malaysia. Gayundin naman, malaya ito sa anumang digmaan, kaguluhan, at
pagdanak ng dugo. Lagi kaming mabuti at mabait sa isa't isa. Tinutulungan namin ang bawat isa
sa mga panahon ng kagipitan at pangangailangan. Tulad ng kasabihang “Ang tunay na
kaibigan, maaasahan sa panahon ng kagipitan.” Karaniwan na sa aming pamayanan na
mag-organisa ng gotong royong. (Ang "gotong royong" ay isang sosyal na pagtitipon kung saan
nagtutulungan at may kooperasyon ang buong komunidad sa pagtatamo ng isang adhikain. Ito
ay nagmula sa pilosopiyang Indonesian na ginagawa rin ng bansang Malaysia.) Bukod sa
pagkakaisa na lumikha ng malinis na kapaligiran, naghahatid din ito sa mas malalim na
relasyon sa pagitan ng magkakapitbahay. Kahit kailan, hindi kami napagod na mag-organisa ng
gotong royong dahil lahat kami ay samasamang nagtatrabaho. Ang pinakamahalagang aspekto
ng pagkakaroon namin ng isang lipunan na binubuo ng maraming lahi ay ang mga pistang
ipinagdiriwang ng lahat sa aming pamayanan sa buong taon. Idinaraos ng mga Malay ang Hari
Raya Puasa. Ang Hari Raya Puasa ay salitang Malay para sa kapistahan ng Eid Al-Fitr.
Itinuturing itong pinakamahalagang pagdiriwang ng mga Muslim bilang tanda ng pagtatapos ng
buwan ng pag-aayuno o Ramadan at bilang pasasalamat kay Allah. Samantala, ang mga Tsino
naman ay may Chinese New Year at ang mga Indian ay ang pagdiriwang ng Deepavali o Diwali
na kilala rin bilang Pista ng llaw. Isa itong masayang pagtitipon sa pagbibigay halaga sa
pagtatagumpay ng liwanag laban sa kadiliman na tumatagal ng limang araw. Sa pamayanan ng
mga Malay, karaniwan nang ginaganap ang pagbubukas ng tahanan sa lahat, nagbibigay
naman ang mga Tsino ng "ang pao." Ito ay tinatawag din hongbao, isang kulay pulang sobre na
naglalaman ng perang ibinibigay na regalo sa kasal, binyag, o anumang okasyon. Ang kulay
pula ay simbolo ng pampaswerte o pampaalis ng masamang espiritu. Ang mga Indian naman
ay gumagawa ng kolam, isang uri ng sining o guhit gamit ang harina, pulbos ng tisa o puting
bato na karaniwang may kulay. Madalas itong ginagawa ng mga babae sa pamilyang Hindu sa
labas ng kanilang tahanan sa mga natatanging okasyon. Pinaniniwalaan nilang nakapaghahatid
ito ng kaunlaran sa kanilang pamilya. Sa aming pamayanan, nagkakaisa kaming mamuhay
nang mapayapa. Ito ang aming magkaugnay na paggalang at pag-unawa sa isa't isa. Tinatahak
nito ang pag-unlad ng minamahal kong bayan. Sana ang bansang ito ay patuloy na makaranas
ng kapayapaan at pag-unlad sa mga darating pang taon. Sa kabuuan, nagagalak ako at
ipinagmamalaki kong isa akong Malaysian dahil namumuhay kami sa katiwasayan at
kasaganaan.

You might also like