You are on page 1of 2

ANG PANGIT NA BIBE

Bawat isa sa atin ay isinilang na may kanya kanyang natatanging pisikal na katangian,
pagkakakilanlan, paniniwala, at kultura. Nabuo ito sa pamamagitan ng pagsunod sa iba’t ibang
daan at nakagawa ng iba’t ibang kaugalian, paniniwala at pagpapahalaga na ating kinagisnan at
kinamulatan. Gayunpaman, talamak pa rin ang panghuhusga at hindi pagkakaunawan dahil sa
kaisipang ang kulturang kanilang kinalakihan ang pinakamahusay at hindi maaring magsama ng
mapayapa ang mga taong magkakaiba ang kultura. Paano babaguhin ang kaisipang nakasasama
ang pagkakaiba ng kultura?

Simulan natin ang pagbabago sa ating sarili. Dapat nating ibukas ang ating isipan sa mga
ideya at paniniwala ng mga taong iba ang kultura para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Huwag nating limitahan ang ating sarili sa iisang klase ng paniniwala at kaugalian. Malaya
nating ipahayag ang mga aspeto ng ating sarili, makihalubilo tayo ng mas maigi sa ibang tao at
mamuhay ng masagana at mapayapa sa isang mas malaking daigdig. Nararapat din nating alamin
ang ang iba’t ibang kasaysayan ng iba’t ibang bansa at ang konteksto ng kanilang buhay at
kultura upang maiwasan ang panghuhusga. Makatutulong ito sa ating pag-unlad bilang isang tao
dahil lalawak ang pagtingin natin sa mundo sa bawat impormasyong ating nakukuha.
Magbubukas ito ng isang bagong mundo para sa atin at lalawak ang ating pananaw sa buhay at
makakadiskubre ng mga kakayahang magagamit upang pagyamahin ang ating katauhan at
personalidad. Dahil sa pagtingin natin sa mundo sa mata ng mga taong may ibang kaugalian at
paniniwala kaysa sa atin, lalabas ang ating mga nakatagong galing. Bilang karagdagan,
makakatulong ang kaalamang natamo sa ibang kultura upang mapabuti ang pakikipag-ugnayan
natin sa ibang tao. Sa pamamagitan nito, nakikilala natin ang ating sarili at nahuhubog ang ating
pagkatao upang lalong maging matalino, mabuti, at magalang. Dapat matuto rin tayong
tanggapin, respetuhin at bigyang halaga ang kultura ng iba at bigyan ang isa’t isa ng sapat na
puwang upang mamuhay sa ating kagustuhan. Kapag may kalayaang isagawa ng mga miyembro
ang kani-kanilang kaalaman at kahusayan, nagiging mas maunlad at mapayapa ang ating
komunidad. Napupunan nila ang kakulangan sa kaalaman at kasanayan ng ibang miyembro
upang mas maging produktibo at maunlad. Kung ipagpapatuloy natin ang pagsuporta sa kanila
na makilahok sa mga gawain ng komunidad, maraming buhay ang mababago at mababago rin
ang pag-iisip na nakasasama ang pagkakaiba sa kultura. Hindi dapat panggalingan ng alitan ang
mga pagkakaiba sa kultura, bagkus dapat maging sanhi ito ng pagkakaisa dahil walang isang
kultura ang mas mahusay o mas magaling kaysa iba; sadyang magkakaiba lamang tayo ng
nakagisnang kultura.

Samakatuwid, huwag nating isiping sagabal sa ating pag-unlad ang ating pagkakaiba-iba sa
halip ito ay magiging daan natin sa pagkakaunawaan at pagkakaiisa. Ang pagtanggap ng
maluwag sa kalooban sa kultura ng iba ay magiging tulay sa atin upang makita ang maraming
benepisyo ng pagkakaroon ng pagkakaiba sa kultura at mababago ang ating isipan na maaaring
mamuhay na magkasama ang mga taong may iba’t ibang kultura sa isang komunidad. Dahil dito,
wala ng tao o pangkat ang maiiwan. Maihahambing ang pagkakaiba ng kultura sa kwentong
pambata na “Ang pangit na bibe”. Ang mga kulturang iba sa ating nakagisnan ay hindi pangit o
nakabababa; talagang iba lang ang kanilang kultura sa atin at may taglay na sariling
pagpapahalaga, pagkilos, paniniwala, at kagandahan. Ipagdiwang natin ang kagandahan ng iba’t
ibang kultura at ang kapayapaan na dulot nito sa ating lipunan

You might also like