You are on page 1of 3

PYESA NG PAGKUKWENTO:

Ang Lorong si Sookie


ni Cristina I. Angeles
( hango sa tekstong ibinihagi ni Ptr. Fortunato Paez ng IDCJ )

May isang karinderya sa eskwelahan na bukod-tanging dinudumog ng mga estudyante


dahil sa masarap nitong mga putahe na ibinibenta lamang sa murang halaga. Ito ang
karinderya ni Aling Ebeng. Totoong masarap siyang magluto subalit ang isa pang binabalik-
balikan ng mga estudyante sa kanyang karinderya ay ang nakaaaliw nitong alagang loro.
Nagsasalita kasi ang loro. Madalas na marinig sa kanya ang linyang “ Suki,kain na!” Ito raw
kasi ang palagi nang pambungad ni Aling Ebeng sa kanyang mga kostumer. Talaga namang
tuwang-tuwa sila sa loro na nang lumaon ay tinawag na nilang Sookie.
Subalit isang araw ay nagulat ang mga suki ni Aling Ebeng sapagkat sarado ang
tindahan nito. Umabot ito nang tatlong araw. Diumano ay may kailangan itong asikasuhin sa
ibang bayan. Nananabik sila sa mga ulam na mura na ay masarap pa at higit lalo kay Sookie.
Nang muling magbukas ng karinderya si Aling Ebeng ay tila ba may kulang at agad
iyong napansin ng mga suki niyang estudyante. Wala sa kanyang hawla si Sookie! Walang
makulit na loro na bumabati sa kanila! Hindi naiwasang magtaka at magtanong ng mga
kumakaing estudyante.
“Asan po si Sookie?” “Kamusta na po si Sookie?” “Kailan po namin ulit makikita si
Sookie?”. Ilan lamang iyan sa mga tanong kay Aling Ebeng kaya napilitan na siyang
magkwento.
Mahal na mahal daw niya ang alagang loro subalit may nagawa itong kasalanan sa
kanya kaya kailangan niyang parusahan. Bagamat isang malaking kaaliwan daw para sa
kanya si Sookie dahil kaya nitong gayahin ang ilan sa kanyang mga palagiang
sinasabi,nagkaroon daw kasi siya ng utang dahil dito.
Kinailangan daw niyang isara ang karinderya sa loob ng tatlong araw dahil nagkasakit
ang kanyang ama,namalagi ito nang ilang araw sa ospital kaya malaki ang kanyang naging
bayarin. Halos maubos diumano ang ipon niya. Bukod pa rito, nang siya ay magbalik sa
kanyang karinderya ay sinisingil siya ng taga-deliber ng gasul para raw sa tatlong gasul na di
umano ay inorder niya. Dahil dito ay nagkaroon pa siya ng pakikipagtalo sa taga-deliber ng
gasul. Ipinipilit niya na sarado ang kanyang karinderya ng tatlong araw kaya paano
mangyayari iyon. Dahil doon ay nag-isip-isip si Aling Ebeng at napagtanto niya kung sino ang
may kasalanan.
“Si Sookie, tama, siya ang may kasalanan!”
Bukod pala sa linyang “Suki,kain na!” ay may isang linya pang kayang sabihin si Sookie
kapag silang dalawa lang ni Aling Ebeng ang magkaharap.Tuwang-tuwa si Aling Ebeng kapag
naririnig niya ang linya niya kay Sookie na, “Hello,padeliber ng gasul!” Pero ayon pa rin sa
kanya, madalang na madalang lamang sabihin iyon ni Sookie.
Dahil sa pangyayaring iyon ay agad niyang dinakma sa hawla si Sookie at iginapos niya
ito nang padipa. Dinala niya ito sa kanyang kwarto at nagkunwaring ipinid ang pinto. Subalit
pinanatili niya ang kaunting awang nito upang obserbahan ang alagang loro. Habang nakadipa
si Sookie ay hindi umano nito itinataas ang ulo. Tila sising-sisi ito sa nagawang kasalanan.
Dahil dito ay nagdadalawang-isip na diumano si Aling Ebeng kung kakalagin na ba niya ang
pagkakagapos nito. Subalit maya-maya’y narinig niya si Sookie, tila kinakausap ang imaheng
nakadipa na nakalagay sa kanyang altar. Ang narinig niyang sinabi nito sa imahen : “Bro,nag-
order ka rin ba ng gasul?”.

PYESA NG TALUMPATI:

Karera
ni Naomi Ruth Z. Irabagon

Makikitang handa na ang lahat. Bawat isa ay kasisinagan ng sigla at lakas.Masisilayan


ang mga ngiti sa labi at ningning ng mga mata sa pag-abot sa tinatanaw na tagumpay.

Bang!

Hudyat na simula na ng karera.

Tiyak ang hakbang ng nagtutumuling mga paa subalit sa kalagitnaan ng pagtakbo ay


iba-ibang senaryo ang maaari nating makita. May mga atleta na nang mapagod ay huminto at
nagpahinga. Mayroon ding nadapa dahil ang atensyon ay inagaw ng iba. Ang ilan ay natapilok
sa batong hindi nakita. May iba namang sinadya na lamang magpatiiwan sapagkat di kinaya
ang pagod na nararamdaman. May mga nasubasob din subalit sinikap na makabangong muli
at ipinagpatuloy ang takbuhin.

Tayong mga mag-aaral ay gaya rin ng mga atleta. Marami at iba-iba ang mga pagsubok
na ating kinakaharap habang tayo ay nag-aaral. Nariyan ang mga asignaturang kahit anong
pilit ay hindi natin maintindihan. Idagdag pa ang mga gurong terror na hindi mangiti at
kaligayahan nang magbigay ng bagsak na marka. Ang mga proyekto’t pananaliksik na luha’t
pawis ang kailangang itigis bago makamit ang markang ninanais. Maging ang kalansing ng
barya ay di na batid dahil butas ang bulsa o sadyang walang pera. Tinitiis ang kalam ng tiyan
na madalas ay pinakakalma na lamang ng instant noodles na inutang sa tindahan.

May maaari ring umagaw ng ating atensyon. Nariyan ang mapanuksong on-line games
gaya ng DoTA, kaway ng sugal, alak at sigarilyo (kung magkaminsan pa nga ay ilegal na
droga), maging ang impluwensya ng barkada at hatak ng makabagong teknolohiya.

Sa loob ng tahanan, kung tahanan nga itong matatawag ay batbat din ng problema.
May mga tahanang lumamlam kundi man ay tuluyang napundi ang ilaw. Mayroon din namang
haligi na hindi masasandalan. Walang kang ibang aasahan kundi ang sarili mo lang.

May mag-aabot sa iyo ng kamay at mangangakong susungkitin ang mga bituin at


aabutin ang buwan pati ang araw. Subalit ang inaakala mong sa iyo ay magpapasaya ay iiwan
ka lang nang mag-isa at luhaan.

Sa lahat ng mga ito, ipagpapatuloy mo pa ba ang iyong pagtakbo?


Tayong mga kabataang nabigyan ng pagkakataong makapag-aral ay mapapalad
sapagkat nasa atin ang lahat ng panahon at lahat ng pagkakataong mabigyang katuparan ang
ating mga pangarap. Totoong mahirap tahakin ang landas na ito dahil sa bawat bahagi ng
daan ay posibleng may maging sagabal. Mga sagabal na nagsisilbing pagsubok lang sa atin.
Mga sagabal na dapat ay lalong magpatatag sa atin. Mga sagabal na dapat ay lakas-loob
nating harapin. Buong-sikap nating bakahin ang hirap at hawanin ang lahat ng nakasasagabal
sa daan.

Ngunit hindi natin itong kayang gawin at harapin nang mag-isa. Kailangan natin ng
kasama.Kailangan natin ng tulong Niya. Nakatanaw Siya sa atin sa simula pa lamang ng ating
pagtakbo. Sa bawat pagkadapa natin ay itinatayo Niya tayo. Ang bawat sugat natin ay
Kanyang pinaghihilom. Lumakad tayong kasama Siya hanggang sa hangganan at doo’y
ipagkakaloob Niya sa atin ang medalya ng tagumpay.

At sumilay ang ngiti nang walang kapantay na kaligayahan kasabay ng pagtugtog ng


martsa ng pagtatapos.

You might also like