You are on page 1of 23

EL FILIBUSTERISMO

Kabanata 1: Sa Ibabaw Ng Kubyerta (Buod)


Naglalayag ang Bapor Tabo sa may Ilog Pasig, isang umaga ng Disyembre at patungong Laguna.
Nasa ibabaw ng kubyerta ang mga makakapangyarihan na tao tulad nina Don Custodio, Donya
Victorina, Kapitan Heneral, Padre Salvi, Padre Irene, Ben Zayb, Donya Victorina, at Simoun.
Napapasama si Simoun sa mga mayayaman dahil kilala nila ito bilang isang maimpluwensiyang
alahero. Kilala siya sa buong Maynila dahil naiimpluwensiyahan ito ng Kapitan Heneral.
Upang mapawi ang pagkainip sa mahaba at mabagal na biyahe, napag-usapan nila ang
pagpapalalim ng Ilog Pasig. Iminungkahi ni Don Custodio na mag-alaga ng itik. Sinambit naman
ni Simoun na kailagang gumawa nang tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng lawa ng Laguna
at sa Maynila.
Sandaling nagkainitan sina Don Custodio at ang ilang prayle dahil sa magkaiba nilang suhestiyon
at mithiing ipatupad. Ayaw naman ni Donya Victorina na makapag-alaga ng pato sa kanilang
lugar dahil darami raw ang balut na pinandidirihan niya.
Aral – Kabanata 1
Ang buhay kung minsan ay isang Bapor Tabo. Nasa itaas ang may kapangyarihan. Ngunit hindi
ito nangangahulugan na ligtas na sila sa mga suliranin dahil sila mismong nasa taas ay ang
gumagawa ng kanilang mga intindihin.

Kabanata 2: Sa Ilalim Ng Kubyerta (Buod)


Nagtungo si Simoun sa ilalim ng kubyerta. Masikip at siksikan doon dahil may mga pasahero at
naroon din ang mga bagahe at kargamenrto.
Naroon si Basilio na isang mag-aaral ng medisina at si Isagani na isang makata mula sa Ateneo.
Kausap nila si Kapitan Basilio. Napag-usapan nila ang balak ng mga mag-aaral tungkol sa
pagtuturo ng wikang Kastila na hindi naging matagumpay.
Napag-usapan din ng dalawa ang nobya ni Isagani na si Paulita Gomez, pamangkin ni Donya
Victorina de Espadaña.
Maya-maya pa ay lumapit si Simoun kina Basilio at Isagani. Ipinakilala ni Basilio si Simoun kay
Isagani. Nagwika si Simoun na hindi siya nadadalaw sa lalawigan nina Basilio at Isagani dahil
mahirap ang lugar at walang bibili ng alahas.
Nagpatuloy ang usapan ng tatlo hanggang sa inalok ni Simoun ng serbesa ang dalawa. Tumanggi
sila at sinabi ni Simoun na ayon daw kay Padre Camorra, kaya mahirap at tamad ang mga tao sa
kanilang lugar ay panay tubig ang iniinom at di alak.
Aral – Kabanata 2
Sinisimbolo ng ilalim ng Kubyerta ang diskriminasyon ng lipunan, na ang mahihirap ay laging
nasa ilalim. Ang hindi nila batid ay walang pinipiling katayuan sa buhay ang pagiging mahusay at
kapakipakinabang.

Kabanata 3: Alamat (Buod)


Nauwi ang usapan sa ibabaw ng kubyerta sa mga alamat. Nagsimulang ikuwento ng Kapitan ang
alamat ng Malapad-na-Bato. Ayon sa alamat, itinuturing daw na banal ng mga katutubo ang
lugar at tahanan ng mga espiritu.
Ngunit nang manirahan daw dito ng mga kriminal ay nawala ang pangamba sa mga kaluluwang
naroon. Sa mga tulisan na natakot ang mga tao.
Si Padre Florentino naman ang nagsalaysay ng alamat ni Donya Geronima. Nagkaroon dawn g
kasintahan ang Donya ngunit naging arsobispo ito sa Maynila. Sinundan daw ng babae ang
katipan at kinulit sa alok na kasal. Upang makapagtago, nanahan ang dalawa sa isang yungib
malapit sa Ilog Pasig.
Nakuwento din ang alamat ni San Nicolas na nagligtas sa Intsik na muntik nang patayin ng isang
buwaya. Naging bato daw ang buwaya nang dasalan ng Intsik ang santo.
Nabling naman ang usapan sa lugar kung saan namatay si Ibarra. Ipinaturo ni Ben Zayb kung
saan iyon banda sa Ilog Pasig. Natahimik at namutla naman si Simoun.
Aral – Kabanata 3
Mahilig ang mga Pilipino sa mga alamat. Sa mga kuwentong ganito ay nababatid ang malikhaing
dahilan ng pagkakabuo ng isang bagay na lubhang nakaaaliw at kapupulutan din ng aral.

Kabanata 4: Kabesang Tales (Buod)


Anak ni Tandang Selo si Kabesang Tales. May tatlong anak naman ang Kabesa na sina Lucia,
Tano, at Juli. Pumanaw si Lucia dahil sa malaria.
Naging marangya ang buhay nila dahil sa sipag ni Tales. Magbubukid siya at umasenso sa
kaniyang tubuhan.
Ninais niyang pag-aralin si Juli ng kolehiyo upang makapantay ang kasintahang si Basilio.
Gayunman, tinaasan sila ng buwis sa tubuhan hanggang sa inangkin ng mga prayle. Dinala ito sa
korte ngunit natalo siya.
Nakulong naman si Tales nang magdala ito ng patalim at may nakitang pera sa kaniya.
Pinatutubos naman siya sa halagang 500. Upang may pantubos sa ama, isinanla niya ang laket
na bigay ng kasintahan na noong ay pagmamay-ari ni Maria Clara.
Ngunit di ito sapat kaya namasukan siyang katulong kay Hermana Penchang noong bisperas ng
Pasko. Dahil sa masalimuot na nangyari sa kanilang pamilya ay hindi na nakapag-aral pa si Juli
na pangarap ng kaniyang ama para sa dalaga.
Aral – Kabanata 4
May mga buhay na nasisira ang pagiging ganid at mapanglamang sa kapuwa. Katulad ng
kuwento ni Kabesang Tales na nagsusumikap ngunit pinabagsak ng makasariling interes ng mga
prayle.

Kabanata 5: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero (Buod)


Gabi na nang makarating si Basilio sa kanilang bayan. Nasabay pa siya sa prusisyong pang-
Noche Buena. Naabala pa sila dahil binubugbog ang isang kutserong si Sinong na nalimutan ang
kaniyang sedula.
Matapos ay napag-usapan nila ang rebulto ni Metusalem, ang pinakamatandang taong
namalagi sa daigdig. Idinaan naman ang rebulto ng tatlong Haring Mago na nakapagpaalala kay
Sinng kay Haring Melchor.
Itinanong naman ng kutsero kay Basilio kung nakaligtas na ang kanang paa ng bayaning si
Bernardo Carpio na naipit umano sa bundok sa San Mateo. Pinaniniwalaan kasing hari ng mga
Pilipino si Carpio na makapagpapalaya sa kanila.
Nahuli muli si Sinong dahil namatay ang ilaw ng kaniyang kalesa. Dinala na siya sa presinto at si
Basilio ay naglakad na lamang.
Sa paglalakad niya ay napansin niyang wala man lang parol at tahimik ang bayan kahit Pasko na.
Dumalaw si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiago at naisalaysay ang pangyayari kay Kabesang Tales
at Juli.
Aral – Kabanata 5
Malaki ang pag-asa sa ilang nilalang kahit tila puro pasakit na ang kanilang nararanasan. Likas sa
mga Pilipino na maniwalang darating din ang liwanag sa kabila ng tinatahak nilang malubak at
madilim na landas.
Kabanata 6: Si Basilio (Buod)
Umalis si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiago, madaling araw pa lamang. Nagtungo siya sa libingan
ng mga Ibarra sapagkat anibersaryo ng pagyao ng kaniyang ina.
Nag-alay siya ng isang panalangin para sa ina. Matapos iyon ay lumisan na rin si Basilio at
bumalik na sa Maynila.
Muntik nang magpatiwakal si Basilio noon dahil sa mga suliraning hinaharap. Nakita lamang siya
nina Tiya Isabel at Kapitan Tiago at kinupkop at pinag-aral ito sa Letran. Hirap noong unang taon
sa eskwela si Basilio at tanging “adsum” o “narito” ang kaniyang nababanggit.Nakukutya rin siya
dahil sa kaniyang lumang kasuotan. Gayunman, walang nakapigil kay Basilio na mag-aral.
Nagkaroon ng guro si Basilio na tinangka siyang lituhin sa isang aralin. Ngunit nasagot ni Basilio
nang ilang beses ang tangka ng guro.
Dahil dito ay nagkaroon sila ng alitan at nagkaroon pa ng laban sa sable at baston. Naging
sobresaliente din siya o may may pinakamataas na marka.
Hinikayat naman siya ni Tiago na mag-aral sa Ateneo Municipal kung saan siya kumuha ng
medisina.
Aral – Kabanata 6
Wala sa katayuan sa buhay o anyo ang pagiging mahusay. Sabi nga, huwag husgahan ang aklat
ayon lamang sa pabalat. Minsan ang kagalingan ay ikinukubli lamang at inilalabas sa tamang
pagkakataon.

Kabanata 7: Si Simoun (Buod)


Sa kabanatang ito masisilayan ang talas ng kaisipan ng dalawang tauhan na sina Simoun at
Basilio.
Pagkatapos ng labing-tatlong taon ay muling nakita ni Basilio ang misteryosong lalaki na
tumulong sa paglilibing sa kanyang inang si Sisa. Ito ay ang nagbabalat-kayong mag-aalahas na
si Simoun.
Si Basilio ang unang nakatuklas ng lihim ni Simoun. Bukod sa kanyang huwad na katauhan ay
batid din ng binata ang binabalak ni Simoun na himagsikan laban sa mga mapang-aping kasapi
ng pamahalaan.
Inalok siya ni Simoun na makiisa sa kanyang layunin, ngunit ito ay kanyang tinanggihan. Ang
pangarap ni Simoun ay makatapos ng medisina at matubos sa pagiging alila ang kanyang
kasintahan na si Huli.
Ang mga layunin na ito ay pinagtawanan at kinutya ni Simoun. Sinabihan niya ang binata na
walang kabuluhan ang buhay na hindi inuukol sa dakilang layon. Ayon sa kanya ay dapat na
maging malaya muna sila sa mga mang-aalipin para makamit nila ang mapayapang buhay.
Hindi naging sapat ang mga pangaral ni Simoun upang tuluyan niyang makumbinsi ang binatang
si Basilio.
Aral – Kabanata 7
Ang bawat tao sa mundo ay mayroong kanya-kanyang pamamaran kung paano nila makamtam
ang mga layunin at adhikain nila sa buhay.

Kabanata 8: Maligayang Pasko (Buod)


Si Huli ay larawan ng isang babae na pilit nagpapakatatag na balang araw ang kanyang mga
panalangin ay masasagot ng isang himala.
Kagaya ng nakagawian ni Huli siya ay gumising ng maaga at buong pusong umaasa na sana ay
hindi na sisikat ang araw. Tinignan niya ang ilalim ng larawan ng Birhen sa pagbabasakaling
nagkaroon na ng himala.
Huminga nang malalim ang dalagang si Huli at namulat na lamang bigla na mali pala ang mga
sapantaha niya tungkol sa milagro. Pinagtawanan na lamang niya ang kanyang sarili habang siya
ay abalang nag-gagayak.
Nagmadali siyang nagbihis upang pumunta sa bahay ng bago niyang panginoon, si Hermana
Pencahang. Bago siya umalis kinausap at binilin niya ang kanyang lelong. Nang mapansin iniya
ang nangingilid na luha ng matanda ay dali-dali siyang umalis.
Sa bahay ni Tandang Selo ay dumating ang kanyang mga kamag-anak upang mamasko.
Sinalubong niya ang mga ito, ngunit nagulat siya dahil anumang gawin niyang magsalita o
sumigaw ay walang boses na lumalabas sa kanyang bibig.
Aral – Kabanata 8
Ang buhay ay parang isang gulong. Ang mga pangarap sa buhay ang gawing inspirasyon upang
mabilis ang pag-ikot ng mga gulong tungo sa tagumpay.

Kabanata 9: Ang Mga Pilato (Buod)


Sa kabanata na ito ipinakita ni Rizal ang pamamayani ng kasakiman at pagiging tuso ng mga
prayle.
Ang nakakalunos na sinapit ni Kabesang Tales ay nakarating sa bayan. Ang ilan ay naawa sa
matanda, samantala ang mga guwardiya sibil at mga prayle ay nagkibit lamang ng balikat.
Si Padre Clemente na siyang tagapangasiwa ng hasyenda ay mabilis na naghugas kamay sa
narinig na balita. Sinisi pa niya si Kabesang Tales dahil sa pagsuway ng huli sa utos ng
korporasyon. Idiniin pa niya ang matanda na nagtatago ng mga armas.
Pinagsabihan ni Hermana Penchang ang alipin na si Huli na magdasal sa wikang Kastila. Ito daw
ang dahilan kung bakit napipi at naghihirap ang kanyang ama. Hindi daw sila marunong
manalangin sa langit.
Buong galak na nagdiwang ang mga pari dahil sa pananalo nila sa usapin tungkol sa hasyenda.
Sinamantala nila ang pagkakataon upang ipamigay ang mga lupain ni Kabesang Tales. Maging
ang matanda ay bibigyan ng kautusan ng tinyente na lisanin ang kanyang sariling tahanan.
Aral – Kabanata 9
Ang mga kasawian at pagsubok sa buhay ay hindi dapat inilalagay sa puso at isipan. Labanan ito
at huwag hayaang maging lason na sisira sa iyong pagkatao.

Kabanata 10: Kayamanan At Karalitaan (Buod)


Si Simoun ay tumuloy sa bahay ni Kabesang Tales. Siya ay may dalang pagkain at ang kanyang
ibang kailangan, at dalawang kaban ng mga alahas.
Nagsidatingan na ang mga mamimili ng alahas ni Simoun na sina Kapitan Basilio at ang kanyang
anak na si Sinang at kanyang asawa, at si Hermana Penchang na kung saan may balak bumili ng
isang singsing na may brilyante para sa birhen ng Antipolo.
Lahat sila ay galak na galak sa dala dalang alahas ni Simoun, sapagkat si Kabesang Tales naman
ay napaisip sa kayamanang dala dala ni Simoun.
Inilabas ni Simoun ang kanyang mga bagong hiyas. Dito naman pumili si Sinang at iba pa. Tinuro
ni Sinang ang isang kuwintas at pinabibili ito sa ama niyang si Kabesang Tales.
Ang kuwintas na pinili ni Sinang ay ang kuwintas ng kanyang naging kasintahan na pumasok sa
pagmomongha. Ito ay may halagang limang daang piso.
Aral – Kabanata 10
Maging makatao sa iyong mga kakilala at kababayan. Nasa taong namamahala ang isinasama ng
mga mamayanan. Ugali din ng Pilipino ang magbuwi buhay alang-alang sa kanilang karapatan.

Kabanata 11: Los Banos (Buod)


Noo’y ika-31 ng Disyembre. Ang Kapitan Heneral kasama si Padre Sibilya at Padre Irene ay
naglalaro ng tresilyo sa bahay-aliwan sa Los Banos.
Nagpatalo ang dalawang kura dahil ang nais lamang nila na mangyari sa panahon na iyon ay
kausapin si Kapitan tungkol sa paaralan ng Kastilang balak ng kabataan. Ngunit maraming iniisip
an Kapitan, kagaya ng papeles ng pamamahala, pagbibigay biyaya, pagpapatapon, at iba pa.
Ang paaralan ay hindi ganoon ka-importante sa Kapitan. Nagalit naman si Padre Camorra dahil
sa sinadyang pagkatalo ni Padre Irene, at hinayaang manalo si Kapitan.
Pinalitan naman ni Simoun si Padre Camorra. Biniro naman ni Padre Irene ang binata na ipusta
ang kanyang mga brilyante. Pumayag naman ito sapagkat wala namang maipupusta ang kura.
Subalit sinabi ni Simoun na kapag siya ang nanalo, bibigyan nila siya ng pangako.
Sa kakaibiang kondisyon ng binata ay lumapit si Don Custodio, Padre Fernandez, at Mataas na
Kawani. Tinanong nila ang binata kung para saan ang kanyang mga hiling. Sinagot naman ng
binata ay para ito sa kalinisan at kapayapaan ng bayan.
Aral – Kabanata 11
Pinapakita sa kabanatang ito ang kaugaliang Pilipino na nasusunod ang lahat ng utos at gusto ng
isang makapangyarihang tao at dapat natin respetuhin at suyuin ang taong iyon.

Kabanata 12: Placido Penitente (Buod)


Si Placido Penitente ay nag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas at nasa ikaapat na taon na siya
ng kolehiyo. Ngunit, malungkot ang binata at nais na niyang tumigil sa pag-aaral.
Pinakiusapan siya ng kanyang ina na kahit tapusin nalang ang natitira niyang taon sa
eskwelahan. Ang ideyang tumigil sa pag-aaral ay naisipan ni Penitente dahil sa mga kasamahan
niya sa Tanawan. Siya ang pinakamatalinong studyante at bantog sa paaralan ni Padre Valerio
noon.
Isang araw nagulat si Penitente nang tinapik siya ni Juanito Paelez, isang anak ng mayamang
mestizong Kastila.
Kinamusta siya ni Paelez sa bakasyon nito kasama si Padre Camorra at saka kinuwento naman
ito ng binata.
Tinanong din ni Paelez si Penitente tungkol sa kanilang leksyon dahil noong araw lamang na
iyon ang unang pagpasok ni Paelez. Niyaya naman ni Paelez si Penitente na maglakwatsa,
ngunit tumutol naman ito.
Aral – Kabanata 12
Ang pamahaalan ay minsang abusado at sakim sa kapangyarihan dahil sa pagtuttol nila ang
pagtututo ng mga tao.

Kabanata 13: Ang Klase Sa Pisika (Buod)


Ang silid sa pisika ay maluwag at parihaba ang sukat. Malalaki rin ang mga bintana na mayroong
rehas na bakal. Sa magkabilang panig ng kuwarto ay mayroong upuang kahoy na aabot sa
tatlong baitang ang taas. Doon umuupo ang mga mag-aaral na nakaayos batay sa titik ng
kanilang apelyido.
Kahit malaki ang silid, makikita namang wala itong anumang palamuti. May mga kagamitan at
instrumento para sa pag-aaral sa pisika ngunit nakasalansan naman sa isang aparador na
nakakandado.
Si Padre Millon ang maestro sa Pisika na tanyag sa paaralan ng San Juan de Letran. Isa-isa
niyang tinatawag ang mga mag-aaral upang tanungin ng aralin. Ang magkaibigang Pelaez at
Placido ay nagsesenyasan na magturuan. Inapakan ni Pelaez ang paa ng kaibigan bilang hudyat
ngunit napasigaw si Placido.
Siya tuloy ang napagbalingan ng inis ng guro at tinanong. Utal-utal siyang sumagot at nagalit
ang pari at binigyan siya ng mababang marka habang nakatanggap pa ng lait at mura mula sa
pari. Nainis si Placido at biglang umalis sa klase na ikinagulat ng lahat.
Aral – Kabanata 13
Kung minsan ay lumalabis na sa pagdidisiplina ang iba. Kahit maganda ang intension, kung hindi
maganda ang pamamaraan ay wala rin itong bisa.

Kabanata 14: Sa Bahay Ng Mga Mag-aaral (Buod)


Pag-aari ni Makaraig ang bahay na tinutuluyan ng mga mag-aaral. Marangya ang pamumuhay
niya at nag-aaral ng abogasya. Siya rin ang pinuno ng mga mag-aaral na may kilusan para sa nais
nilang Akademya sa wikang Kastila.
Inanyayahan niya sina Sandoval, Pecson, Pelaez, at Isagani sa isang pagpupulong. Positibo ang
pananaw nina Isagani at Sandoval na papayagan ang kanilang panukala. Habang si Pecson
naman ay duda kaya nagkaroon sila ng pagtatalo.
Ibinunyag ni Makaraig na ipinagtatanggol daw sila ni Padre Irene sa kanilang plano. Kailangan
na lamang daw nilang mapapayag si Don Custodio, isa sa mga bahagi ng lipon ng paaralan, sa
pamamagitan nina Ginoong Pasta na isang manananggol at si Pepay na isa namang taga-aliw.
Malalapit daw kasi ang mga ito sa pari.
Napagkasunduan ng mga mag-aaral na kay Ginoong Pasta sila hihingi ng tulong dahil marangal
itong tao at tiyak na magiging maayos ang paraan at proseso ng pagkumbinsi sa prayle.
Aral – Kabanata 14
Isang magandang gawi ang pagpaplano ang pag-uusap tungkol sa mga adhikain. Kung kikilos
nang sabay-sabay at iisa ang pangkat, tiyak na makakamit ang mithiin.

Kabanata 15: Si Ginoong Pasta (Buod)


Bilang pagtupad sa kanilang misyon, tinungo ni Isagani ang tanggapan ni Ginoong Pasta. Kilala si
Ginoong Pasta sa talas ng kaniyang isip at angking katalinuhan. Sa kaniya lumalapit ang mga
pari upang manghingi ng payo kung nasa isang gipit na sitwasyon.
Nakipag-usap si Isagani sa Ginoo tungkol sa kanilang balak. Nais niyang kausapin ni Ginoong
Pasta si Don Custodio at mapasang-ayon ito.
Naisalaysay ni Isagani kay Ginoong Pasta ang misyon ng kanilang kilusan. Nakinig naman ang
Ginoo ngunit akala mo ay walang alam at walang pakialam sa kilusan ng mga mag-aaral.
Nakiramdam naman si Isagani kung naging mabisa ba ang mga salita niya sa Ginoo.
Pagkatapos ng ilang sandali, sinabi ng Ginoo ang kaniyang pasya. Ayaw niya raw makialam sa
plano ng mga mag-aaral dahil maselan daw ang usapin at mas makabubuti raw na ang
pamahalaan na lamang ang kumilos hinggil dito. Malungkot naman si Isagani sa naging pasya ng
Ginoo.
Aral – Kabanata 15
Ang talas ng isip ng tao ay nagagamit sa kabutihan ngunit kung minsan ay pinipili na lamang
ding manahimik upang hindi masangkot sa mga gulo.

Kabanata 16: Ang Kasawian Ng Isang Intsik (Buod)


Isang negosyanteng Intsik si Quiroga. Sa kabila ng hinaharap na pagkalugi ng kaniyang negosyo
ay nagawa pa nitong magpatawag ng isang hapunan. Pakay niya na magkaroon ng konsulado
ang Tsina sa bansa. Inimbitahan niya ang mga military, kawani ng gobyerno, mga prayle, at
kapuwa negosyante.
Naroon din si Simoun. Hindi lamang pagsama sa hapunan ang pakay ng alahero kung hindi
maging ang paniningil sa utang ni Quiroga. Gayunman, dahil nga sa pagkalugi ng kaniyang
negosyo, hindi siya makababayad kay Simoun ng limang libong piso.
Inalok naman siya ni Simoun na maaari niyang bawasan ng dalawang libong piso ang
pagkakaurang ng Intsik kung papaya itong maitago ang mga armas sa kaniyang bodega.
Ipinaliwanag ni Simoun na wala raw dapat ikatakot ang negosyante sapagkat unti-unti rin
umanong ililipat ang mga ito sa ibang lagakan. Walang nagawa ang Instik kung hindi pumayag
sa alok ni Simoun.
Nag-uusap naman sina Don Custodio tungkol sa ipadadala sa bansang India upang matutong
gumawa ng sapatos para sa sandatahan.
Aral – Kabanata 16
Sa oras ng kagipitan, kahit hindi pabor ay napapasang-ayon ang isang tao. Kahit mayroong
pangambang nararamdaman, basta para sa ikaluluwag ng sitwasyon, ay aayon ito.

Kabanata 17: Ang Perya Sa Quiapo (Buod)


Umalis na sa bahay ni Quiroga ang labindalawang bisita niya. Ngayon naman ay pupunta sila sa
isang peryahan sa Quiapo at sa bahay ni Mr. Leeds.
Aliw na aliw ang pari na si Padre Camora sa mga babaeng nakikita niya sa peryahan. Kilala kasi
bilang makamundo ang prayleng iyon. Lalong nadagdagan ang kaniyang tuwa nang
makasalubong si Paulita Gomez. Kasama nito ang kaniyang tiyahin na si Donya Victorina. Iyon
lang, kasama din nila si Isagani na katipan ni Paulita.
Nakarating sila sa isang tindahan ng mga rebultong kahoy. Doon ay nagsabihan ng mga kahawig
ng estatwa ang mga kasama ni Mr. Leeds. Sabi ng isa na ang estatwa ay kahawig ni Ben Zayb
habang ang isa naman daw ay kahawig ni Camora dahil maraming likha ang mga kahawig ng
pari.
Mayroon silang nakitang larawan na kahawig ni Simoun. Wala sa paligid ang alahero kaya
napag-usapan nila ito. Nagwika naman si Ben Zayb na baka natatakot lamang si Simoun na
mabunyag ang lihim ng kaibigan si Mr. Leeds.
Aral – Kabanata 17
Ang pagnanasa at makamundong gawain ay walang pinipiling anyo o antas sa buhay. Basta
hindi bukas sa pagbabago, iikot sa mga masasamang pagnanasa ang isang tao.

Kabanata 18: Ang Mga Kadayaan (Buod)


Sa kabanatang ito makikita ang malaking pagkakahawig ng dalawang karakter na sina Simoun at
Mr. Leeds.
Bago mag-umpisa ang pagtatanghal ni Mr. Leeds ay siniyasat muna ni Ben Zayb ang buong
bulwagan. Maging ang mga gamit ng Amerikano ay hindi rin niya pinalampas.
Pilit siyang naghahanap ng salamin, isang bagay na karaniwang ginagamit sa pandaraya sa mga
tanghalan. Wala siyang natagpuan kaya inumpisahan na ang palabas.
Naglabas ng maitim at luma na kaha si Mr.Leeds. Sinabi niya na natagpuan niya ito sa isang
lumang libingan. Pagkatapos niyang sumigaw ng mga salitang banyaga ay kusang nabuksan ang
kaha.
Dito ay tumambad ang isang ulong anyong bangkay na mayroong mahaba at makapal na buhok.
Mula sa kadiliman ay mayroong nagsalita na parang tumatangis at humihingi ng tulong.
Ang kuwento ng misteryosong boses ay tungkol sa mga mapang-aping prayle at saserdote
noong panahon ni Amasis (isang pinuno sa Ehipto). Dahil sa mga narinig ay kinilabutan at
hinimatay si Padre Salvi.
Aral – Kabanata 18
Ang mga taong mababaw ang pag-iisip at pang-unawa ang siyang kadalasang nagiging biktima
ng mga mapaglinlang. Maging mapagmatiyag at mapanuri sa lahat ng oras.

Kabanata 19: Ang Mitsa (Buod)


Si Placido ay larawan ng isang karaniwang kabataan. Siya ay mapusok, nagkamali ngunit sa
bandang huli ay nahanap din ang tamang daan tungo sa magandang kinabukasan.
Labis ang hinagpis ni Kabesang Tales dahil sa desisyon ni Placido hinggil sa kanyang pag-aaral.
Kinausap niya ang kanyang anak na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral hanggang sa makatapos
ng abogasya.
Dahil dito ay lalong nagpuyos ang kalooban ng binata at iniwan ang kanyang ina. Sa kanyang
paglalakad sa bayan ay nakita niya si Simoun. Lumapit siya dito at isinalaysay ang nangyari sa
kanya.
Sinadya ni Simoun na isama si Placido sa pagawaan ng pulbura. Nasaksihan ng binata ang hirap
ng kalagayan ng mga mangagawa ni Simoun. Sunod nilang pinuntahan ang bahay ng mag-
aalahas.
Dito niya nakita ang isang bata na kasing edad niya ngunit malayong matanda ang itsura
kumpara sa kanya. Ipinaliwanag ni Simoun na ito ay sanhi ng mabibigat na gawain na naiatang
sa kanya. Dahil sa mga nasaksihan ay namulat ang isip at kalooban ni Placido.
Aral – Kabanata 19
Hanggang mayroong pagkakataon samantalahin ito upang makapagtapos sa pag-aaral. Ang oras
kapag lumipas ay hindi na maibabalik pa.
Kabanata 20: Si Don Custodio (Buod)
Si Don Custodio Salazar ay isang Katolikong mapaglinlang. Hindi siya naniniwala sa
pangungumpisal, sa milagro ng mga santo at ang pagiging banal ng papa.
Bata pa si Don Custodio nang dumating siya sa Maynila. Dahil sa kanyang mataas na
katungkulan ay nakapangasawa siya ng isang mayamang taga-lunsod. Ginamit niya ang pera ng
kanyang asawa sa pangangalakal. Siya ay naging tanyag at napabilang sa mga kinikilalang tao sa
lipunanan.
Mahigit na dalawang linggo na sa poder ni Don Custodio ang usapin tungkol sa paggamit ng
wikang Kastila sa loob ng akademya. Siya ang naatasan na gumawa ng pag-aaral at magbigay ng
pasya kung ang paggamit ba ng mga estudyante ay naayon o hindi.
Ang pag-iisip ni Don Custudio ay mahirap mawari. Minsan ay kakampi at pinagtatabggol niya
ang mga Indiyo. Samantalang kung minsan ay hiinahamak niya ang pagkatao ng mga ito.
Sa kanyang pagbibigay ng pasyatungkol sa usapin, isa lang ang gusto niyang mangyari, ang
mapasaya ang mga prayle lalo na si Padre Irene.
Aral – Kabanata 20
Inyong pakatatandaan na walang saysay ang mataas na katungkulan kung hindi ito nagagamit
sa isang magandang layunin. Gamitin niyo ang inyong kapangyarihan upang makatulong sa
kapwa.

Kabanata 21: Mga Anyo Ng Taga-Maynila (Buod)


Ang pagtatanghal sa Dulaang Variadades ay nagdulot ng salungat na opinyon. Ang grupo nina
Padre Salvi ay tutol sa pagtatanghal ng dulaan, habang ang mga kawani, hukbong dagat at
taong lipunan ay nasasabik na sa nalalapit na pagtatanghal ng nasabing palabas
Maaga pa ang gabi ay ubos na ang mga bilyete. Nagsimula na ring dumating ang mga panuhin
at mga manonood, isa na rito si Camaroncocido.Siya ay buhat sa isang kilalang angkan ng
Kastila ngunit nabubuhay na tila hampas-lupa dahil sa kanyang pananamit.
Dumating din si Tiyo Kiko, ang kayumangging matanda na hinahangaan sa kanyang maayos na
bihis mula ulo hanggang paa. Sila ni Camaroncocido ay parehong nabubuhay sa pagbabalita at
pagdirikit ng mga kartel ng mga dulaan.
Ang katotohanan ay labag sa kalooban ng mga prayle ang pagtatanghal dahil sa isyu ng
moralidad at kalaswaan na paksa ng dula. Ngunit sa huli ay pumayag din sila dahil sa
panghihinayang sa perang malilikom mula sa bentahan ng bilyete.
Aral – Kabanata 21
Hindi balakid ang kahirapan sa buhay upang maging maayos, malinis at katangi-tangi ang
kaanyuan. Hindi masama ang magbihis at gumalaw na mistulang mayaman basta kaya itong
dalhin at panindigan.

Kabanata 22: Ang Palabas (Buod)


Marami sa mga nanood ng palabas ay hindi nasiyahan dahil sa hindi mawaring kahulugan ng
wikang Pranses.
Maatagal na naantala ang pagsisimula ng dula dahil sa matagal na pagdating ng Heneral.
Napuno ang lahat ng palko na nakalaan sa mga panauhin maliban sa isa na nakalaan sa mag-
aalahas na si Simoun.
Nabigla ang mga kabataang sa pagdating ng isa sa mga tutol sa pagtatanghal, si Don Custodio.
Ang matapang naman nitong depensa ay inutusan siya ng mga kinauukulan upang magsilbing
ispiya.
Masaya ang lahat nang mag-umpisa na ang palabas. Ngunit habang ito ay tumatagal ay unti-
unting nalilito ang mga nanood. Marami sa mga panauhin ay hindi nakakaintindi ng wikang
Pranses.
Lalo pang nagkalituhan nang tangkain ng ilan na isalin ang dula sa wikang Kastila. Marami kasi
sa mga taga-salin ay pawang mga nagmamagaling lamang ngunit ang katotohanan ay hindi rin
nila lubos na iintindihan ang salitang Pranses.
Ikinagulat ng lahat ang pagtayo at paglabas ng grupo mga mag-aaral sa kalagitnaan ng dula.
Aral – Kabanata 22
Ang pagkakaroon ng sariling wika ay tanda ng isang ganap na kalayaan. Hindi lamang ito
karapatan bilang isang tao bagkus ay para rin sa kalayaan ng pang-unawa at kaisipan.

Kabanata 23: Isang Bangkay (Buod)


Naging palasispan kay Basilio ang dahan-dahan na pagkalat ng lason sa buong katawan ni
Kapitan Tiyago.
Tahimik na nag-aaral si Basilio nang biglang dumating ang mag-aalahas sa tahanan ni Tiyago.
Kinumusta muna ni Simoun ang kalagayan ng maysakit pagkatapos ay sinabi niya agad ang
kanyang pakay sa binata
Sa kabila ng matigas na pagtanggi ng binata ay muli niya itong pinakiusapan. Humingi siya ng
pabor na kung puwede ay pamunuan ni Basilio ang isang pulutong upang maghasik ng
kaguluhan sa kalathang Maynila.
Ito ang naisip na paraan ni Simoun upang maitakas niya sa kumbento si Maria Clara. Nagulat si
Basilio sa tinuran ni Simoun kaya sinabi niya sa mag-aalahas na si Maria Clara ay pumanaw na.
Nagulat at nayanig ang mundo ni Simoun sa narinig na balita. Ayaw niyang maniwala sa sinabi
ni Basilio ngunit ipinakita ng binata ang sulat ni Padre Salvi na labis na tinangisan ng amang si
Tiyago.
Hindi maiwasan ni Basilio ang maawa sa noo’y nanlumumo na si Simoun.
Aral – Kabanata 23
Ang pagtalikod sa pakikipaglaban na walang katiyakan ay hindi isang kaduwagan o kahinaan.
Matalino at matapang ang mga tao na mayroong ganitong pananaw sa buhay.

Kabanata 24: Mga Pangarap (Buod)


Lingid sa kaalaman ni Donya Victorina ang kanyang nawawalang asawa na si Don Tiburcio ay
nasa pangangalaga ng tiyuhin ni Isagani.
Kumalat sa bayan ang usapin ng biglaang pagkakasakit ng alaherong si Simoun. Naging mailap
siya sa tao at hindi halos tumatanggap ng sinumang panauhin sa loob ng kanyang tahanan.
Sa kabilang dako naman ay matiyagang hinihintay ni Isagani ang kaniyang kasintahan na si
Paulita. Habang naghihintay ay sumagi sa kanyang isipan ang mga pangarap niya para Inang
Bayan.
Dahil sa matagal na paghihintay ay naisipan na niyang umuwi nang biglang dumating ang isang
karwahe lulan sina Juanito, Paulita at si Donya Victorina. Magiliw siyang tinanong ng matanda
kung mayroon na ba siyang balita kay Don Tiburcio. Sinagot naman ito ni Isagani na kunwari ay
walang alam.
Ipinagtapat ni Paulita sa kasintahan na ang nililigawan ni Juanito ay ang kanyang Ale. Dahil dito
ay naging lubos ang kagalakan ng binata kaya sinabi rin niya sa dalaga ang totoong kalagayan ni
Don Tiburcio.
Aral – Kabanata 24
Ang lihim ay lihim. Kapag masyadong masaya, huwag magpapadala sa emosyon upang isiwalat
ang mga nakatagong lihim.

Kabanata 25: Tawanan At Iyakan (Buod)


Ang simpleng piging ng mga mag-aaral ang magiging mitsa upang sila ay usigin ng pamahalaan.
Hindi pa man lumalabas ang pasya ni Don Custodio tungkol sa usapin ng pagtututro ng wikang
Kastila ay batid na ng grupo nina Sandoval ang kahihinatnan nito.
Ayaw ng mga prayle at ng pamahalaan na matuto ng wikang Kastila ang mga Indiyo. Wala daw
karapatan ang mga ito na gamitin ang kanilang wika. Dahil dito ay tiyak na ang magiging
kapasyahan ni Don Custudio. Papanig siya sa kagustuhan ng mga kinauukulan.
Kagaya ng kanilang napagkasunduan ang labing-apat ay nagtipon sa isang pansiterya upang
ipagdiwang ang kahihinatnan ng pasya. Tanging si Basilio at si Juanito ang hindi nakarating sa
nasabing pagtitipon.
Masayang nagbibiruan ang mga mag-aaral at maingay na tinutuligsa ang mga prayle. Iniugnay
pa ang mga ito sa bawat pagkain na kanilang pinili.
Bago sila natapos ay napansin ni Isagani ang isang binata na nagmamasid at tila sibubaybayan
ang kanilang ginagawa. Nang makita siya ay mabilis ito na umalis lulan ng sasakyan ni Simoun.
Aral – Kabanata 25
Walang kagandahang maidudulot ang pagiging mapusok lalo na sa mga kabataan. Laging
tatandaan ang pagsisisi ay laging nasa huli.

Kabanata 26: Mga Paskin (Buod)


Ang araw ng pag-uusig ang babago sa mapayapa at tahimik na buhay ni Basilio.
Maagang gumising si Basilio para pasyalan sa pagamutan ang kanyang mga pasyente. Bukod
dito ay pupuntahan din niya ang kaibigang si Makaraig upang kunin ang hiniram na pera para
makuha na niya ang kanyang grado.
Habang patungo sa pamantasan ang binata ay napansin niya ang grupo ng mga mag-aaral na
pinapalabas sa loob ng paaralan. Maingay nilang pinag-uusapan ang mga mag-aaral na sangkot
sa paglulunsad ng himagsikan.
Gumapang ang takot sa buong katawan ni Basilio dahil sa kanyang mga narinig. Kumalma
lamang ang kanyang kalooban nang malamang walang kinalaman sina Simoun at Kabesang
Tales sa usapin ng himagsikan.
Sa paghahanap niya kay Makaraig ay nakasalubong niya ang mga guwardiya sibil. Pinigilan siya
sa pagpasok at pinaghintay sa labas ng bahay ng kanyang kaibigan.
Paglipas ng ilang sandali ay dumating ang kabo at pati siya ay inimbistigahan.
Laking gulat na lamang ni Basilio dahil pati siya ay isinakay sa karwahe at hinatid papunta sa
tanggapan ng Gobyerno Sibil.
Aral – Kabanata 26
Ang tadhana ay mapagbiro. Kung minsan ang itinuturing mong kaibigan ay siya pa pala ang
maghahatid sa iyo ng tiyak na kapahamakan.

Kabanata 27: Ang Prayle At Ang Estudyante (Buod)


Nasa tanggapan ng katedratikong si Padre Fernandez ang kaniyang mag-aaral na si Isagani.
Inusig ng pari si Isagani sa pagtatalumpati nito sa harap ng mga mag-aaral at kung kasama ba ito
sa hapunan.
Tinatapat siya ng binata na hinangaan naman ng pari dahil karaniwan daw sa mga ganoon ay
tumatanggi. Sumagot si Isagani na kung ano raw ang mga mag-aaral ay dahil iyon sa mga pari.
Nagpalitan ng papuri ang dalawa sa kabila ng palitan ng argumento. Gayunman, naisa-isa ni
Isagani ang mga sakit ng mga pari sa pagiging guro. Sinabi naman ng pari na malabis na ang
sinasabi ni Isagani.
Nagpatuloy si Isagani at sinabing ang kalayaan at karunungan ay kasama sa pagkatao ng mga
nilalang. Nagwika din si Isagani tungkol sa gawain ng mga pari na pandaraya at panlalamang sa
mga Pilipino upang maging maginhawa lamang.
Hindi nakapagsalita ang pari at ngayon lamang niya naranasang magipit sa pakikipagtalo sa
isang estudyanteng Filipino.
Aral – Kabanata 27
Wala sa edad o katayuan sa buhay ang pagiging tama o nasa katuwiran. Hindi naibibigay ng
edad ang pagkamulat bagkus ang mga karanasan at pinaniniwalaan ang siyang ugat ng pagiging
matuwid.

Kabanata 28: Pagkatakot (Buod)


Nagwika ang mamamahayag na si Ben Zayb na wasto ang kaniyang sinasabi na masama sa
Pilipinas ang pagkatuto ng mga kabataan.
Nagdulot ng takot sa lahat ang mga paskil, kabilang ang mga pari, heneral, at mga Intsik. Hindi
na rin dumalo sa pagtitinda ni Quiroga ang mga pari.
Nais namang konsultahin ng takot ding si Quiroga si Simoun tungkol sa mga sandatang
nakatago sa ilalim ng bahay. Ngunit nagpaabot lang ng mensahe si Simoun na wag galawin ang
mga ito.
Nagpunta siya kay Don Custodio ngunit ayaw din nito ng bisita dahil sa takot kaya kay Ben Zayb
siya nagtungo. Nakita niya ang dalawang rebolber sa ibabaw ng mga dokumento ng manunulat
kaya umalis na ito agad.
Nagpunta naman si Padre Irene sa bahay ni Tiago upang ibalita ang kahindik-hindik na
pangyayari. Nabalisa si Tiago dahil sa takot at di kinaya ang kuwento. Nawalan na ito ng buhay.
Kumaripas naman ng takbo ang pari.
May napabalita namang may nagpaagaw ng salapi sa isang binyagan na pinagkaguluhan ng mga
tao roon. Inakalang mga pilibustero ang gumawa noon.
Hinabol ng mga sibil ang mga ito. May nahuli ring dalawang lalaking nagbabaon ng mga armas
na hinabol din ng mga sibil habang isang beterano naman ang napatay.
Aral – Kabanata 28
Kahit ang mga nilalang na ipinakikitang mas matapang sila sa kapuwa ay mayroon ding
kinatatakutan. Lahat ng katapangan ay may hangganan, at lahat ng matatapang ay may katapat.

Kabanata 29: Ang Huling Pati-Ukol Kay Kapitan Tiyago (Buod)


Abala ang marami sa gaganaping marangyang libing ni Kapitan Tiago. Napunta ang naiwan
niyang kayamanan sa Sta. Clara, sa Papa, at sa mga pari. Ang dalawampung pisong natira ay
ibinahagi bilang pangmatrikula ng mga mag-aaral.
Hindi malaman noong una kung ano ang damit na isusuot ni Tiago sa kaniyang libing. May
nagmungkahi na isang damit-Pransiskano, at mayroong nagsabing isang prak na paborito ng
Kapitan. Ngunit nagpasya si Padre Irene na isang lumang damit na lang ang isusuot.
May mga usapang ding nagpapakita ang kaluluwa ni Tiago bitbit ang kaniyang panabong na
manok habang puno ang bibig ng nganga. Sinabi tuloy ng iba na hahamunin ni Tiago ng sabong
si San Pedro sa langit.
Marangya ang libing na maraming padasal at paawit. Marami ding kamanyan at agua bendita
na inialay sa kabaong.
Ang katunggali naman ni Tiago na si Donya Patrocinio ay inggit na inggit sa libing ni Tiago at nais
na ring mamatay upang mailibing rin nang marangya.
Aral – Kabanata 29
Kung ano ang kabutihang itinanim ay siya ring aanihin. Dahil naging mabuting tao si Tiago,
naging maganda rin ang pag-alala ng mga tao sa kaniya hanggang sa huling sandali.
Kabanata 30: Si Huli / Si Juli (Buod)
Malaking usapan sa San Diego ang pagpanaw ni Kapitan Tiago at pagkakahuli kay Basilio. Labis
namang nalulungkot si Juli dahil sa nangyari sa kasintahan.
Sa pagnanais na makalaya si Basilio ay naisip niyang lumapit kay Padre Camorra. Ngunit nag-
aalangan ito dahil sa maaaring gawin sa kaniya. Gayunman, ilang gabi nang binabagabag si Juli
sa kaniyang panaginip.
Nabalitaan pa nitong nakalaya na ang mga kasama ni Basilio dahil sa tulong ng mga kaanak.
Naisip niyang wala nang tutulong kay Basilio dahil wala na rin si Tiago.
Ayaw man niya ay nagtungo si Juli kay Padre Camorra bilang nag-iisa niyang pag-asa para sa
nobyo. Nagtungo si Juli sa kombento.
At tulad ng naiisip ni Juli, hinalay siya ng pari. Dahil hindi kinaya ang kahihiyang ginawa, tumalon
si Juli sa bintana ng kombento.
Hindi kinaya ng lolo ni Juli na si Tandang Selo ang nangyari sa apo. Wala siyang makuhang
hustisya para sa apo kaya sumama na lamang ito sa mga tulisan ng bayan.
Aral – Kabanata 30
Kapag mahal ang isang tao, gagawin nito ang lahat kahit kapalit nito ay ang kaniyang kaligtasan.
May mga tao namang nananamantala ng kagipitan ng iba para maisakatuparan ang mga
binabalak.

Kabanata 31: Ang Mataas Na Kawani (Buod)


Sa tulong ng mamamahayag na si Ben Zayb, hindi lumabas sa mga pahayagan ang pagkamatay
ni Juli. Tanging lumabas sa mga sirkulasyon ay ang kabutihan ng Heneral na gawa-gawa lamang
nila.
Nakalaya na sa piitan sina Isagani at Makaraig. Si Basilio na lamang ang nasa loob ng
bilangguan.
May dumating na mataas na kawani at nais nitong palabasin si Basilio sa kulungan. Sinabi
niyang mabuti si Basilio at sa katunayan ay malapit nang matapos sa kurso sa medisina.
Gayunman, lalo lamang napahamak si Basilio sa sinabi ng kawani. Panay kasi ang pagtuligsa ng
Heneral sa mga sinasabi nito.
Sinabihan ng kawani ang heneral na dapat itong matakot at mahiya sa bayan. Sabi naman ng
heneral, sa Espanya siya may utang na loob dahil sila ang nagbigay ng kapangyarihan at hindi
ang mga Pilipino.
Bigong lumisan ang kawani na kinabukasan ay nagbitiw umano sa puwesto at babalik na lamang
Espanya.
Aral – Kabanata 31
May mga taong kahit na alam na mali sila ay paninindigan na lamang ito upang hindi maibaba
ang sarili at mapahiya. Ipipilit nila ang gusto kahit mayroong masamang epekto sa kanilang
kapuwa.

Kabanata 32: Ang Bunga Ng Mga Paskil (Buod)


Nagbago ang mukha ng edukasyon sa San Diego dahil sa nangyaring pagpapaskil. Wala na halos
mga magulang ang nagpapaaral ng mga anak. Habang bihira naman ang nakakapasa sa mga
pagsusulit.
Kabilang sa mga hindi nakapasa sina Makaraig, Juanito Pelaez, Pecson, at Tadeo. Natuwa pa si
Tadeo na di nakapasa at sinunog pa ang mga libro nito.
Nagmamadali namang nagpunta ng Europa si Makaraig habang si Juanito naman ay kasama ng
ama nito sa negosyo.
Pinalad namang makapasa sina Isagani at Sandoval habang wala pang pagsusulit si Basilio dahil
nasa piitan pa ito.
Nabalitaan na rin ni Basilio ang nangyari kay Juli at ang nawawalang si Tandang Selo dahil sa
kutserong si Sinong na tanging dumadalaw kay Basilio.
Napabalita ring ikakasal na sina Juanito at Paulita. Dahil doon ay magkakaroon umano ng isang
piging na inaabangan na ng mga tao roon. Ito ang unang malaking pagtitipon matapos
lumaganap ang takot sa kanilang bayan.
Aral – Kabanata 32
Dahil sa paninira ng mga nasa kapangyarihan sa isang institusyon o gawain, nawawala ang
kredibilidad nito kahit ang katotohanan ay nais lamang ng mga ito ang mapabuti ang mga
kapuwa.

Kabanata 33: Ang Huling Matuwid (Buod)


Isang hapon ay nagkulong si Simoun sa kaniyang kuwarto at ayaw magpaabala. Tanging si
Basilio lamang daw ang papapasukin kapag dumating ito. Ilang sandali pa ay dumating na rin
ang binata.
Laking gulat ni Simoun sa hitusra ni Basilio. Payat na payat ito, magulo ang pananamit, at tila
isang patay na nabigyan lamang muli ng buhay.
Agad na ipinarating ni Basilio ang kagustuhan nitong umanib kay Simoun at sumama sa mga
plano nito na dati ay tinanggihan niya. Naisip daw kasi niya na hindi pa niya naigaganti ang
kaniyang magulang at kapatid na yumao.
Natuwa naman si Simoun at nagpunta sila sa laboratoryo at doon ay ipinakita ang isang
pampasabog. Sabi ni Simoun ay gagamitin daw ito sa Kapistahan.
Tila isang ilawan o lampara ang anyo ng pampasabog na gagamitin nila. Nagbilin si Simoun na
magkita sila ni Basilip sa tapat ng parokya ng San Sebastian para sa huling pagpaplano.
Aral – Kabanata 33
Kahit na nag-iisip ng matuwid ang isang tao, may mga pagkakataong kakapit din siya sa patalim
dahil nabubulagan ng mga suliranin at pinagdaraanan sa buhay.

Kabanata 34: Ang Kasal Ni Paulita (Buod)


Nasa lansangan si Basilio at tumungo sa kaibigang si Isagani upang makituloy. Ngunit wala ang
kaibigan sa bahay nito at maghapon daw na di umuwi.
Iniisip ni Basilio ang magaganap na pagsabog. Ikawalo na ng gabi at kakaunting sandali na
lamang ay sasabog na ang lampara.
Nakita niyang bumaba sina Paulito at Juanito sa sasakyan bilang bagong kasal. Nahabag siya
para sa kaibigang si Isagani.
Inisip niyang ayain ito sa himagsikan ngunit naisip niyang di ito papayag dahil wala pa namang
pasakit na naranasan sa buhay. Naisip din ni Basilio ang ina at kapatid. Kaya hindi na rin siya
makapaghintay sa mangyayaring pagsabog.
Dumating na rin si Simoun sa bahay ni Kapitan Tiago kung saan gaganapin ang piging. Dala nito
ang lamparang mayroong pampasabog.
Nanumbalik sa alaala ni Basilio ang mga panahong nasa tahanan siya ni Tiago. Nakita niya kung
gaano karangya ang bahay at kagamitan sa tahanan ni Kapitan Tiago.
Aral – Kabanata 34
Mayroon tayong mga ginagawa at ninanais na hindi para sa ating mga sarili. Maaaring ito ay sa
mga kaanak o minamahal sa buhay na gusto nating pasayahin.
Kabanata 35: Ang Piging (Buod)
Nag-umpisa nang dumating ang mga bisita sa piging. Naroon na ang bagong kasal kasama si
Donya Victorina. Nasa loob na rin ng bulwagan si Padre Salvi pero ang heneral ay hindi pa
dumarating.
Nakita na rin ni Basilio si Simoun dala ang ilawan na pampasabog. Nang mga oras na iyon, nag-
iba ang pananaw ni Basilio at nais nang maligtas ang mga tao sa loob sa nakatakdang pasabog
mula sa lampara. Ngunit hindi siya pinapasok dahil sa madungis niyang anyo.
Sa di kalayuan ay nakita niya ang kaibigang si Isagani. Dali-daling umalis ang binata mula sa
usapan dahil naisip si Paulita.
Habang nasa itaas naman, nakita nila ang isang papel na may nakasulat na “MANE THACEL
PAHRES JUAN CRISOSTOMO IBARRA.”
Sabi ng ilan ay biro lamang iyon ngunit nangangamba na ang ilan na gaganti si Ibarra. Sinabi ni
Don Custodio na baka lasunin sila ni Ibarra kaya binitiwan nila ang mga kasangkapan sa pagkain.
Nawalan naman ng ilaw ang lampara. Itataas sana ang mitsa ng ilawa nang pumasok naman si
Isagani at kinuha ang ilawan at itinapon sa ilog mula sa asotea.
Aral – Kabanata 35
Namamayani pa rin sa ilan ang kabutihang loob kahit na mayroong pagnanasang gumanti sa
kapuwa. Bandang huli, ang paghihiganti ay hindi lunas sa sugat ng kahapon.

Kabanata 36: Mga Kapighatian Ni Ben Zayb (Buod)


Agad na umuwi si Ben Zayb mula sa bahay ni Kapitan Tiago at hindi makatulog. Dito ay nakaisip
na naman niyang gumawa ng balita na bayani raw ang kapitan, ang mga prayleng sina Salvi at
Irene, at si Don Custodio.
Gayunman, ibinalik ng patnugot ng kanilang diyaryo ang sulat ni Ben dahil ipinagbawal daw ng
heneral ang pag-alala sa anumang nangyari noong gabing iyon.
Nabalitaan naman ni Ben ang pagsulob sa Ilog Pasig. Ninais na naman niyang gumawa ng balita
ukol doon.
Ngunit natagpuan niya ang sugatang si Padre Camorra na pinagnakawan daw ng mga
naghimagsik. Gustong dagdagan ni Ben ang bilang ng mga lumusob.
`May nahuli sa mga tulisang naghimagsik. Umamin itong kasama sila sa pangkat ng isang alyas
Matanglawin. Hudyat dawn g paglusob nila ang pagputok na nangyari.
Di naniniwala ang mga nag-aklas na si Simoun ang pinuno nila. Ngunit nawawala na si Simoun at
wala na rin ang mga armas doon.
Aral – Kabanata 36
May mga kuwento at bali-balitang ginagawa at pinalalala lamang ng mga mananahi ng istorya.
May mga taong napapahamak at naniniwala kaya kailangan ay maging mapagmatiyag.

Kabanata 37: Ang Hiwagaan (Buod)


Kahit na gumawa ng hakbang ang pamahalaan ay lumaganap pa rin ang balita sa mga
mamamayan. Isa sa mga sanhi ng pagkalat ng balita ay si Chikoy na nagdala ng alahas kay
Paulita.
Kaniya-kaniya nang hula ang mga tao sa kung sino ang maysala. May nagsasabi na si Don
Timoteo o si Isagani na kaagaw ni Juanito kay Paulita. Binalaan si Isagani ng may-ari ng
tinutuluyan ngunit di ito nakinig.
Nagpatuloy ang mga usapan tungkol sa pagsabog. Lumakas ang hinala ng mga naroon nang
maisip nila si Simoun.
Kapansin-pansin daw kasi ang pag-alis niya bago ang hapunan. Sila rin umano ni Don Timoteo
ang nag-ayos ng piging at pinaalis ang lahat.
May mga nagsabi naman na baka mga prayle ang nagpasabog. Mayroon ding naniniwala na si
Quiroga o si Makaraig.
Ngunit buo na sa isip nila na si Simoun dahil kasalukuyan na ring nawawala ito at pinaghahanap
na ng mga sundalo.
Aral – Kabanata 37
Bahagi na ng kulturang Pilipino ang tsismis o pagpapalitan nang hindi kumpirmadong balita.
Nag-uugat ito madalas sa kalituhan at nakadaragdag pa sa suliranin.

Kabanata 38: Kasawiang Palad (Buod)


Pinagdadakip ng pamahalaan ang pinaghihinalaang tulisan upang mawala ang kanilang mga
kinatatakutan.
Ang mag dinadakip ay pinahihirapan ng mga sibil na Pilipino. Iginagapos ang mga ito at
pinalalakad ng tanghali. Ginagawa nila nang walang anumang pananggalang sa init sa tanghali
ng Mayo.
Nagwika si Mautang na isang Pilipinong guwardiya sibil na may karapatan silang pahirapan ang
mga nakapiit dahil pare-parehas naman silang mga Pilipino.
Maya-maya pa ay may mga tulisang sumugod at pinaulanan sila ng bala. Nasawi si Mautang at
ang ilan pang mga sibil.
May nakita naman si Carolino na isang lalaki sa may talampas na itinataas ang kaniyang baril
ngunit di niya ito makita nang maayos dahil tirik ang araw.
Nakita ni Carolino ang isa sa mga nabaril nila. Nakita niyang iyon ang kaniyang Lolo Selo.
Tumuturo ito sa talampas na ilang sandali lang ay nawalan na ng buhay. Hindi makapaniwala si
Carolino na mapapatay niya ang kaniyang lolo.
Aral – Kabanata 38
Sa paggawa ng karahasan o masasamang bagay, kung minsan ay nadadamay ang ating mga
mahal sa buhay. Direkta man o hindi ang epekto nito sa kanila, hindi naman alintana ang
kapighatiang naidudulot nito sa kanila.

Kabanata 39: Ang Katapusan (Buod)


Nagmamadaling umalis si Don Tiburcio dahil akala ay siya ang pinadadakip na Kastila. Ngunit
ang tinutukoy ay si Simoun na nasa puder ni Don Florentino.
Natagpuan niya si Simoun na sugatan at sinabi naman ng alahero na nakuha niya ang sugat sa
isang aksidente.
Naghihinala naman ang pari sa katotohanan. Nalaman niyang isang tulisan si Simoun nang
mabasa ang telegrama. Tanging si Don Tiburcio lamang ang nais ni Simoun na mag-alaga sa
kaniya.
Tumigil sa pagtugtog ng kaniyang harmonya ang pari. Naisip kasi nito ang pakutyang pag-ngiti ni
Simoun.
Nanumbalik ang lahat ng ginawa ni Simoun—ang pagpapalaya ni Simoun kay Isagani sa piitan at
ang paggawa nito ng paraan upang makasal sina Paulita at Juanito.
Agad na pinuntahan ng pari si Simoun sa silid nito. Nakita niyang tila nanghihina na ang alahero,
tila may malubhang sakit. Nalaman ng pari na nagpatiwakal ito at uminom ng lason. Dinasalan
ng pari ang binata hanggang nalagutan ng hininga.
Aral – Kabanata 39
Kamatayan ang naiisip na sagot ng ilan sa mga paghihirap na sila din naman ang naging sanhi.
Ngunit ang totoo, mas marami pang ibang solusyon sa mga kapighatiang hinaharap.

You might also like