You are on page 1of 1

Bayaning Filipino

Walang Pilipino kung wala ang wikang Filipino. Talaga namang napakahalaga ng
wikang Filipino. Hindi lamang ito ginagamit sa pagpapahiwatig ng ating mga saloobin at
pakikipagtalastasan sa ating mga kaibigan, sinisimbolo rin nito ang ating
pagkakakilanlan. Isa ito sa mga haligi ng kulturang Pilipino, dahil ang ating kasaysayan
at kultura ay naipasa sa ating henerasyon gamit nito. Ito ang wika ng ating mga bayani.

Ang galing sa pagsusulat ni Dr. Jose Rizal ang pumukaw sa damdamin ng ating mga
ninuno. Dahil sa kaniyang mga akda, ay namulat sila sa mga kalapastangan na dala ng
mga mananakop. Gamit ang wika, ay nagsimula ang rebolusyon na siyang kalaunang
tumapos sa tatlong siglong pananakop ng mga Espanyol. At maging ngayon ay gamit
pa rin ng ating mga makabagong bayani ang wikang Filipino upang sugpuin ang
pandemyang biglang sumakop sa atin.

Nagpapatuloy pa rin ang pandemyang halos dalawang taon na nating kinakalaban at


talaga namang hindi siya nagpapatinag dahil mukhang mas lumakas pa siya ngayon.
Araw-araw sumasabak sa laban ang ating mga frontliner na binubuwis ang kanilang
mga buhay para alagaan ang mga kababayang natamaan ng Covid-19. Bukod sa mga
medikal na mga sandata nila, ay gamit rin nila ang wikang Filipino. Gamit nila ito sa
pagpapagaan ng loob ng mga taong nawalan na ng pag-asa sa panahon ng pandemya.
Gamit nila ito sa pagbabahagi ng impormasyon sa mga pasyente at mga mamamayan.

Sa panahon ngayon ay mas pinapahalagahan na ang wikang banyaga at maging sa


pagbabahagi ng impormasyon ay wikang banyaga na ang wikang ginagamit. Pero
paano lubusang maiintindihan ng mga Pilipino ang ipinapahayag kung hindi ang sariling
wika ang ginagamit? Paano maiintindihan ng mga Pilipino kung maging sila ay mababa
ang tingin sa wikang nagsalba sa kanila? Paano maiintindihan ng mga Pilipino kung
pang mangmang ang tingin nila sa wika ng ating mga bayani?

Ang impormasyon ang siyang pinakamalakas na sandata natin ngayon. Kapag tama
ang impormasyon na ating nakalap, ay maari nating mapigilan ang tuluyang
paglaganap ng sakit. Ang impormasyong tungkol sa mga katiwalian ng gobyerno ay
siyang nagbibigay lakas sa atin upang maipahayag natin ang ating mga hinaing. Gamit
ang wikang Filipino ay nailalabas natin ang ating mga saloobin na siyang simula ng
pagbabago. Gamit ang wikang Filipino ay nagiging mga mga bayani tayo sa ating
sariling paraan.

Makapangyarihan ang wikang Filipino. Ito ang naging sandata ng ating mga sinaunang
bayani at ito rin ang magiging sandata natin sa kasalukuyang laban. Pag-aralan at
pahalagahan nating itong mabuti. Gamitin natin ang ating mga boses upang
maipaglaban natin ang ating mga karapatan. Gamitin natin ang wikang Filipino dahil ito
ang sandata ng bayaning Pilipino.

You might also like