You are on page 1of 6

GABAY NG GURO SA PAGTUTURO

FILIPINO 9
Unang Markahan – Modyul I

Paunang Salita

Ang panitikan ay minanang hiyas na nagsisilbing tulay na nag-uugnay sa atin sa


iba-ibang kultura ng bansa sa daigdig. Sa bawat pahina ng panahong nagdaan,
nabubuksan din ang ating kamalayan at pag-unawa sa natatanging kontribusyon ng
Panitikang Asyano sa daigdig ng mga alamat, maikling kuwento, sanaysay, dula, tula,
pabula at iba pa. Sa masaklaw na paglalarawan, ang Asya ay nagbigay rin ng malaking
ambag sa daigdig ng panitikan sa Pilipinas. Kung gagalugarin natin ang naging
impluwensiya ng Panitikang Asyano sa ating mga Pilipino, masasabing hinulma nito ang
malaking bahagi ng ating pagkakakilanlan. Sa kabila ng napakaraming impluwensiya ng
mga Asyano sa kulturang Pilipino, nanatili pa rin ang taglay at natatanging kakanyahan
natin bilang mga Pilipino, tulad ng pagpapahalaga sa saloobin at pag-uugali ng isang
katutubong Pilipino sa isip, salita, at kilos. Bago pa man dumating ang mga kanluranin ay
mayroon na tayong ugnayan sa Hapon, India, Tsina at Arabia, at nagaganap ang
pakikipagugnayang ito sa pamamagitan ng kalakalan, paninirahan at pakikipag-isa. Dahil
dito, maraming mga impluwensiya o minanang kultura natin ngayon ang nakaaapekto sa
ating pamumuhay at kultura bilang mga Pilipino sa kasalukuyan.

Ang Modyul sa Filipino sa Baitang 9 ang maglalantad sa iyo sa makulay na


panitikan ng Asya, at makapagbibigay ng malinaw na pangunawa sa iyong
pagkakakilanlan bilang isang Asyano. Ito ang durungawang maghahatid sa iyong
kamalayan sa kultura ng ating mga karatig-bansa sa Asya upang lubos na maunawaan
ang kanilang kakanyahan at pagkalahi. Gagabayan ka ng Modyul na ito sa iyong
paglalakbay at pagtuklas sa mundo ng kaalaman.

I. Panimula

Sa Modyul 1 natin matutunghayan ang mga akdang pampanitikan ng Timog-


Silangang Asya. Inaasahan nating ang mga aralin sa modyul na ito ay tutugon sa mga
pangangailangan ng mga mag-aaral na maintindihan ang iba pang kultura at pamumuhay
ng mga tao sa mga karatig-bansa ng Pilipinas. Inaasahang pagkatapos ng Modyul na ito,
ang mga mag-aaral ay nakapagpapamalas ng pag-unawa at pagpapahalaga sa mga
akdang pampanitikan ng Timog-Silangang Asya sa tulong ng teknolohiya at mga
estratehiya na gagabay sa mga mag-aaral sa higit na malalim at kapakipakinabang na
pagkatuto. Sa pagtalakay ng mga aralin, gagabayan ang mga mag-aaral na masagot ang
mga pokus na tanong na:

1. Paano nakatutulong ang pagaaral ng iba’t ibang akdang pampanitikan ng


Timog-Silangang Asya sa pag-unawa at pagpapahalaga sa mga akdang
Asyano?
2. Paano nakatutulong ang gramatika at retorika para sa malalim na pagsusuri ng
mga akdang pampanitikan ng Timog-Silangang Asya?

Sa pamamagitan nito, inaasahan na ang mga kasanayang pampagkatuto ay


malilinang sa mga mag-aaral pagkatapos ng talakayan sa Modyul 1.
A. Aralin 1:

Panitikan: Maikling Kuwento


Wika: Angkop na mga Pang-ugnay
Hudyat sa Paghahambing
Denotatibo at Konotatibo

B. Layunin:

1. Nasusuri ang mga pangyayari, at ang kaugnayan nito sa kasalukuyan sa lipunang


Asyano batay sa napa-kinggang akda;
2. Nasusuri ang maikling kuwento batay sa: - Paksa ,- Mga tauhan, - Pagkakasunod-
sunod ng mga pangyayari, - estilo sa pagsulat ng awtor - iba pa ;
3. Napagsusunod-sunod ang mga pangyayari gamit ang angkop na mga pag-ugnay;
4. Naihahambing ang ilang piling pangyayari sa napanood na telenobela sa ilang piling
kaganapan sa lipunang Asyano sa kasalukuyan;
5. Nabibigyang kahulugan ang malalim na salitang ginamit sa akda batay sa
denotatibo konotatibong kahulugan.

C. Inilaang Oras:

Isang linggo (1 week)

D. Kinakailangan na mga Materyales:

Worksheets, textbooks

II. Yugto ng Pagkatuto

A. PAGLINANG

PANITIKAN

Nang Minsang Naligaw si Adrian


(Ito’y kuwento batay sa text message na ipinadala kay Dr. Romulo N.Peralta.
Sa kaniyang muling pagsasalaysay, ang pangalan at ilang mga
pangyayari ay pawang mga kathang-isip lamang.)

Bunsong anak si Adrian sa tatlong magkakapatid. Siya lamang ang naiba ang
propesyon dahil kapwa abogado ang dalawang nakatatanda sa kaniya. Dahil may kaya sa
buhay ang pamilya, natupad ang pangarap niyang maging isang doktor.

Lumaki siyang punong-puno ng pagmamahal mula sa kaniyang mga magulang at


mga kapatid na nakapag-asawa rin nang makapagtapos at pumasa sa abogasya. Naiwan
siyang walang ibang inisip kundi mag-aral at pangalagaan ang kaniyang mga magulang.

Matagumpay niyang natapos ang pagdodoktor at hindi nagtagal ay nakapagtrabaho


sa isang malaking ospital. Ngunit sadya yatang itinadhana na matapos ang dalawang taon
mula nang siyang maging ganap na doktor, pumanaw ang kaniyang pinakamamahal na
ina. Naiwan sa kaniya ang pangangalaga ng ama na noon ay may sakit na ring iniinda.

Malimit siyang mapag-isa sa tuwing nabibigyan ng pagkakataong makapagpahinga


dulot na rin ng hindi niya maiwan-iwanan na ama. Naisin man niyang magtrabaho at
manirahan sa ibang bansa katulad ng kaniyang mga kapatid, ang katotohanang may
nakaatang na responsibilidad sa kaniyang balikat ang pumipigil sa kaniyang mangibang-
bayan upang manatili sa piling ng ama at alagaan ito hanggang sa kahuli-hulihang yugto
ng kaniyang buhay.

Inggit na inggit siya sa mga kasabayang doktor na nasa kanila nang lahat ang luho
at oras na makahanap ng babaing makakasama habambuhay. Ayaw rin niyang mapag-isa
balang-araw kapag nawala na ang kaniyang ama.

Isang araw, habang nagpapahinga matapos ang halos limang oras na operasyon,
nakatanggap siya ng tawag mula sa kasambahay na sinusumpong ng sakit ang kaniyang
ama. Nagmadali siyang umuwi at sa kabutihang palad, naagapan naman niya ang ama.

Bahay. Ospital. Bahay. Ospital. Paulit-ulit na takbo ng buhay na pakiramdam ni


Adrian ay matatapos lamang kapag tuluyan nang mawala ang kaniyang ama. Hindi niya
namamalayan, unti-unti niyang nararamdaman ang pagkaawa sa sarili. Nais niyang
makawala sa responsibilidad at magkaroon ng panahon para sa sarili.

“Daddy, patawad po. Nais ko lamang na lumigaya sa buhay. Nasa katanghalian na


po ako ng buhay ko. Ayaw ko pong mag-isa balang araw
kapag kayo’y nawala.”

Dahan-dahan niyang binuhat ang ama na halos hindi na makapaglakad nang


maayos. Pinasan niya ang ama at isinakay sa kaniyang kotse. Walang imik na sumama
ang ama.

Naglakbay sila nang halos isang oras. Nang sila’y nakarating sa isang lugar,
huminto ang kotse at pinasan ni Adrian ang ama. Tinunton nila ang daan papasok sa isang
kagubatan. Mabigat ang ama kaya paminsan-minsan ay tumititigil sila sa lilim ng puno
upang magpahinga. Wala pa ring imik ang ama habang binabali ang maliliit na sanga.
Napansin niyang tumutulo ang luha ng anak.

“Bakit ka umiiyak?” tanong ng ama kay Adrian.

“Wala po, Dad.”

Nagpatuloy sa paglalakad si Adrian na pasan-pasan ang ama. Patuloy rin ang


pagtulo ng kaniyang luha. Alam niyang labag sa kaniyang kalooban ang kaniyang
gagawin. Maraming beses din silang tumigil upang magpahinga at paulit-ulit din ang
pagbabali ng ama ng maliliit na sanga ng puno. Napansin ito ni Adrian.

“Bakit n’yo po binabali ang mga sanga ng puno sa tuwing tayo’y


nagpapahinga, Dad?,” tanong ni Adrian.

Tumugon ang ama na may ngiting namutawi sa kaniyang labi.


“Alam ko nais mo akong iligaw sa loob ng kagubatan. Anak, palatandaan ito na dito
tayo dumaan, para sa pagbalik mo ay hindi ka maliligaw.”
Lalong bumilis ang pag-agos ng luha ng binata. Walang kaimik-imik, muling pinasan
ni Adrian ang ama at natagpuan ang sariling bumabalik sa lugar kung saan sila
nanggaling.
Alam ni Adrian na hindi na siya maliligaw. Hinding-hindi na.

B. PAGPAPAILALIM

Maiking Kuwento
❶ Mga panulat na nagpapahayag ng mga karanasan, damdamin, kaisipan, o kwento
ng isang tao.
❷ Maaring batay sa katotohanan o gawa-gawa lamang para sa isang layunin.
❸ Mga kuwentong napupulutan ng aral
❹ May sangkap na; tauhan, tagpuan, banghay at tema
❺ Iilan sa mga kuwentong naisusulat ay isinasatelebisyon din. Maraming mga
telenobela ang nagiging sikat at palasak sa masa dahil na rin sa mga isyung
panlipunan o katangiang pampilipino ang masasalamin sa totoong buhay.

WIKA

C. PAG-AALAM

Angkop na mga Pang-ugnay


Ang isang salaysay ay mauunawaan nang mabuti at madali ang daloy kung ang
mga pangyayari ay nagkasusunod-sunod. Upang mas malinaw ang daloy nito, ginagamit
ang mga angkop na pang-ugnay na hudyat ng pagkasusunod-sunod ng mga pangyayari.

❶ Kapag ang pinagsusunod-sunod ay pangalan


▪ Gumamit ng mga pang-uring pamilang na una, pangalawa, pangatlo …
❷ Kapag ang pinagsusunod-sunod ay isang proseso o tekstong prosedyural
▪ Gumamit ng mga katagang una, kasunod, panghuli o pang-uring
pamilang + hakbang
❶ Kapag ang pinagsusunod-sunod ay pangyayari sa kuwento
▪ Madalas hindi ginagamitan ng mga hudyat na nagpakikita ng pagkasusunod-
sunod. Ang pangyayari sa kuwento ay mahalagang malinaw at maayos ang
pagkalalahad.
Denotatibo at Konotatibo
Sapagsulat ng isang kuwento, hindi lamang mga salitang nauunawaan nang
madalain o salitang nakikita sa deksiyonaryo ang ginagamit (denotatibo) maging ang mga
salitang nagbibigay ng ibang kahulugan o malalim na pag-unawa (konotatibo) ay
dinadagdag din. Kagaya na lamang ng halimbawa sa ibaba:

Halimbawa:

1. May nakita akong ahas sa likod bahay. ( denotatibo )

2. Sa tagal ng pagkakaibigan namin, hindi ko inaasahang isa rin pala siyang ahas.
( konotatibo )

D. PAGSASANAY

Worksheet 1 at pagsusulit

E. PAGLALAPAT
E. PAGLALAPAT
Worksheet 2 / Gawain sa Pisikal na Klase

E. Mga Sanggunian:
1. Marquez, Servillano T. Jr. (2017).Pintig ng Lahing Pilipino Ikalawang EdisPintig ng
Lahing Pilipino Ikalawang Edison 7. Sibs Publishing House, Inc.

Inihanda ni: Winasto ni: Sinang-ayunan ni:

ARVIE JOY M. REPUELA KRIZZA A. FRANCISCO MA. ELENA E. DERIJE


Guro Koordineytor School Principal

You might also like