You are on page 1of 12

I.

PANIMULA
 Pamagat

Ito ay pinamagatang "Anak ng Lupa" sa kinadahilanang ang mga pangunahing


karakter dito ay pawang mga kabataang namulat sa simpleng pamumuhay sa isang
liblib na probinsiya na anak ng mga magsasaka. Nakapaloob sa nobelang ito ang buhay
ng mga anak ng magsasaka at mga taga nayon sa pagbabagong kinaharap nila na dulot
ng pagbabago ng panahon.

 May Akda

Si Domingo Goan Landicho ay kilala bilang isang makata, kuwentista, mananaysay,


editor, kolumnista, nobelista at dramatista na nakapaglathala na ng mahigit na 30 aklat
sa lahat ng anyo ng literatura, pedagogiya at literaturang pambata. Isa siyang sikat na
premyadong manunulat, nakatanggap siya ng maraming parangal sa Carlos Palanca
Memorial Awards, CCP Balagtas Awards, KADIPAN Literary Contest, Catholic Mass
Media Awards at Institute of National Language Awards. Ang isa niyang nobela
"Bulaklak ng Maynila" na nagkamit ng Dakilang Gantimpala sa Carlos Palanca
Memorial Awards for Literature ay ginawang isang premyadong pelikula. Sa
pelikulang ³The Year of Living Dangerously na idinirihe ni Peter Weir sa MGM
Pictures, gumanap siya ng mahalagang papel kasama nina Mel Gibson at Sigourney
Weaver at marami pa siyang premyo na natanggap sa iba pa niyang mga nobela. Isa
siyang international fellow ng International Writing Program ng US noong 1987 at
naging keynote speaker na Asian Writers Conference sa Write Awardee ng bansang
Thailand bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa literatura sa Asya. Sa edad na
68, si Landicho ay ginawaran ng titulong Propesor Emeritus, pinakamataas na
pagpapakilala sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay kasal kay Edna May Menez Obien,
may apat silang anak at apat na apo. Isinilang siya sa Taal, Batangas noong 4 Agosto,
1939 at pumanaw noong 9 Hunyo, 2021, anak ng magsasaka.

 Uri ng Panitikan

Ang uri ng panitikan ng kwentong ito ay tunay na isang nobela na siyang isang
mahabang kathang pampanitikan na naglalahad ng mga pangyayari na pinaghahabi sa
isang mahusay na pagbabalangkas na ang pinakapangunahing sangkap ay ang
pagkakalabas ng hangarin ng bayani at ng katunggali sa isang masining na
pagsasalaysay ng maraming pangyayaring magkasunod-sunod at magkakaugnay. Ang
nobela bilang panitikan ay may mga elementong kagaya ng tagpuan, tauhan, banghay,
pananaw, tema, damdamin, pamamaraan, pananalita, at simbolismo. Layunin nitong
gumising ng diwa at damdamin, nanawagan sa talino ng guniguni, upang mapukaw
ang damdamin ng mambabasa, magbigay aral tungo sa pag-unlad ng buhay at lipunan
at nagbibigay din ito ng inspirasyon sa mambabasa at napupukaw nito ang kaalaman
ng tao sa pagsulat ng nobela.

 Bansang Pinagmulan

Nanggaling ang nobelang ito sa isang kapulian na bansa, ang Republika ng Pilipinas,
na kilala rin bilang Pilipinas. Binubuo ng bansang ito ng higit-kumulang na pitong
libo, isang daan at pitong (7,107) mga pulo. Matatagpuan ito sa rehiyong tropikal ng
daigdig sa may kanluran ng Karagatang Pasipiko.. Kabilang sa lupalop o kontinente ng
Asya ang bansang Pilipinas. Alam ng lahat ang kasaysayan ng nobela sa Pilipinas ay
nagsimula noong panahon ng kastila na may paksain tungkol sa relihiyon, kabutihang-
asal, nasyonalismo, at pagbabago. Nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyang
panahon.

 Layunin ng May Akda

Ang nobelang Anak ng Lupa ay nais gisingin ang diwa ng mga mambabasa ukol sa
kinagisnang buhay at pananaw ng mga naninirahan na mayroong katatagan at
pagpapanday-pananaw sa harap ng patuloy na pagbabagong nagaganap sa ating bansa
na dulot ng panahon na di nila gaanong nakikilala. Isa pa ay ang magbigay kamalayan
sa karapatan ng mga mangggagawa sa mga among mapang-abuso. Nais rin ipakita ng
awtor ang pagkakaiba ng lugar na nayon sa lungsod at ang mga tao rito. Dagdag pa,
ang imungkahi kung gaano kasagrado ang mga tradisyon at kaugaliang kinamulatan ng
mga taga nayon. At ang huli ay ang ihayag at ipakita sa akda kung gaano kasukat ang
buhay ng mga anak ng lupa, simula kapanganakan hanggang sa mamatay sila.

II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN


 Tema o Paksa ng May Akda

Ang paksa ng Anak ng Lupa ay ukol sa kung paano kinaharap ng mga taga nayon ang
kanilang suliranin sa kanilang kinagisnang pamumuhay. Tulad ng kung paano unti
unting nagbago ang pamamalakad sakanilang nayon at paano nila natanggap ito.
Naihayag dito ang pagiging matatag ng samahan ng mga taga nayon at ang kanilang
pagiging masipag para sakanilang pamilya sa mga naranasan nilang iba't ibang
pagsubok. Paksa rin nito ay ang ipakita na ang mga tradisyong nagbibigay
pagkakakilanlan sa mga taga nayon ay hindi nila kinalimutan kahit na may mga
pagbabagong naganap na sakanilang buhay.

 Mga Tauhan sa Akda


Toryo - Si Toryo, ang nag-iisang anak ni Ka Tales. Lumaki siya nang walang kalinga
ng isang ina dahil namatay ito noong ipinanganak siya. Isang binatang nagbigay
pangarap at pag-asa sa mga kapwa taga-Makulong. Nang dahil sa kaniyang sariling
pangarap ay nabigyan niya ng pag-asa ang mga kababayan na makakaahon din sila sa
kanilang buhay bilang magsasaka at mararanasan din nila ang buhay na may bahid ng
pag-unlad. Kilala na bilang tagatupad ng pangarap ng buong Makulong, kaya't
ipinagmamalaki at hinahangaan siya ng marami. Tunay din na mapagmahal sa lupang
tinubuan ang maginoong si Toryo at hindi rin maipagkakaila na siya ay isang tunay na
mangingibig din. Napakagalang din nitong si Toryo sa lahat ng mga taganayon lalo na
sa nakakatanda. Natuto siyang tumayo sa kaniyang sariling mga paa sa simula pa
lamang at marunong gumawa ng mga desisyong alam niyang makakabuti hindi lamang
sa kaniyang sarili, ngunit pati na rin sa mga taong nakapaligid sa kaniya.

Bining - Si Bining, ang pinaka marikit sa lahat ng kababaihan sa nayon ng Makulong


na kaiisa-isang anak nina Ka Anane at Ka Sabel. Siya ay maganda sa panlabas na
anyo, at maganda rin ang kalooban kaya't maituturing siyang isang mabuting anak.
Isang babaeng ninanais na makatulong muna sa magulang bago siya lumagay sa
tahimik. Magaling rin siya magburda ng barong tagalog lalo na sa mga gawain sa
kusina. Palagi siyang naghahanda ng pagkain para sa mga magsasaka. Pati sa mga
okasyon ay lagi siyang naroon upang tumulong. Pagdating naman sa pag-ibig si Bining
ay pinakaiingatan niya ang kaniyang puso. Hindi man nya magawang sabihin na mahal
niya ang isang tao ay alam niya ito sa sarili niya. Mabilis din tanggapin ni Bining ang
mga bagay na natapos na kahit na masakit ito para sa kaniya kaya matatawag siyang
isang matatag na dalaga. Isa siyang imahe ng tunay na dalagang Pilipina, maganda,
mahinhin, mabait, magalang, at masipag. Nang dahil sa kaniyang natural na ganda ay
nagawa nyang lampasan ang ganda ng mga tagalungsod noong nagkaroon ng sagala sa
Makulong. Si Bining ay isang tunay na kaibigan. Lagi niyang dinadamayan ang mga
kaibigan niya.

Oyo - Si Oyo, nag-iisang anak nina Ka Garse at Ka Antang. Mabait at mabuting


binatang anak. Hindi niya kayang hindi tulungan ang kaniyang mga magulang mula sa
pagbabayo ng palay hanggang sa pagtingin sa kanilang mga pananim. Ginagawa niya
ang lahat ng makakaya niya upang matupad lahat ng pangarap ng kaniyang mga
magulang para sa kaniya at lubos niyang ginagalang ang mga utos ng mga ito para
magustuhan siya ni Bining kahit minsan ay nawawalan na siya ng pag-asa sapagkat
alam niyang may ibang iniibig ang dalaga at ito ang matalik niyang kaibigang si Toryo
ngunit kahit na ganoon ay maayos pa rin ang pakikitungo niya rito. Mas pinapaburan
ni Oyo ang mga bagay na alam niyang maraming makikinabang. Masasalamin din sa
karakter ni Oyo ang paglaban sa alam niyang tama. Ngunit kahit na may nakikita
siyang maling bagay ay iginagalang niya pa rin ito lalo na't kapag wala siya sa lugar
dito't alam niyang mapapahamak ang sarili pati ang mga tao sa paligid niya. Kahit na
minamaliit niya ang sarili niya sa una ay napatunayan niyang may nagagawa siyang
mabuting bagay para sa kaniyang mga mahal sa buhay sa mga simpleng paraan na
alam niya.

Ligaya - Ang dalagang si Ligaya. Isa sa mga anak ni Ka Bisyong. Maganda rin si
Ligaya kagaya ni Bining ngunit hindi siya gaanong lumalabas ng kanilang bahay kaya't
walang nanliligaw sa kaniya. Wala pa rin sa isip niya ang lumagay sa tahimik.
Masipag din si Ligaya. Makikita rin sa kaniya ang pagiging isang mapagmahal na anak
at kapatid. Tumatanggap siya ng mga paburda para makakita ng pera para matulungan
ang kaniyang ama sa pagpapa-aral sa kapatid. Kahit na labag sa kagustuhan ng
kanyang ama ay namasukan pa rin siya sa patahian ni Nyora Tinay. Makikita rin na
mayroong katapangan si Ligaya nang bastusin siya ng isa sa mga manggagawa sa
patahian na yon na ang pangalan ay Marko. Hindi siya nagpadala at hindi siya naging
mapusok. Pinangalagaan nya ang sarili niyang dangal. Kinaya niyang mabuhayan ng
loob sa loob ng kaniyang matinding pagsubok at pinipilit bumangon sa pagkakabagsak
dahil sa tulong ng kaniyang kapatid at mga kaibigan.

Oden - Ang nagiisang nakababatang kapatid ni Ligaya. Siya ang anak ni Ka Bisyong
na nangangarap din makapag-aral sa Maynila tulad ni Toryo. Sa simula ng kwento ay
hindi pa siya ganap na lalaki ika nga. Kaya nagpatuli siya kay Ka Baleryo. Dahil dito
ay nagkaroon siya ng mas malaking tiwala sa sarili. Ito ang nagbigay tanda sa kanya na
isa na siyang tunay na lalaki at hindi na siya maituturing na bata. Masipag rin siyang
anak. Gusto niya lagi tulungan ang ama sa mga gawain sa bukid pati ang sa paggawa
ng asukal ay tumutulong na rin siya. Palabiro siya ngunit pag dating sa usapang
pangarap ay nagiging seryoso siya. Siya rin ay isa sa malalapit ng kaibigan ni Toryo.
Dahil sa siya ay nakapag-aral, namulat siya sa katotohanan ng buhay. Umaasa siya na
matutupad lahat ng pangarap niya.

Ka Tulume - Si Ka Tulume ang isang mga matatanda sa Makulong. Siya ang


tumatayong doktor sa lugar na iyon. Matalinhaga ang bawat sinasabi ni Ka Tulume. Ito
ay dahil sa nayon na siya lumaki at nagkaisip. Tutol siya sa mga pagbabagong
nagaganap sa kanilang nayon.  Kapag napapag-usapan ang mga pagbabagong ito,
nakikipagdebate pa ang matanda na hindi daw iyon nararapat.
Ka Garse, Ka Tales, Ka Bisyong - Tatlong mga ama. Sila ay laging umaalalay sa
kanilang mga anak na lahat ay may pangarap para sakanila. Iba-iba man ang anak, iisa
lang ang pangarap, ang mabigyan ng nararapat na buhay ang kanilang mga anak.

Senyor Martin - Ang bagong may-ari ng lupa ng Makulong. Sa una lamang siya
maganda sa paningin ng mga taga Makulong. Lahat ng mga taga Makulong ay tuwang-
tuwa niya ng lupa, ngunit nagkamali sila. Dahil gahaman ito sa pera, at kinokontrol
niyo ang kinabubuhay ng mga magsasaka, nagagawa niya ito sapagkat may
kapangyarihan siya. Mapang-api rin ito sa mga manggagawa niya sa kaniyang pabrika.
Akala niya'y dahil sa siya ay mayaman, kaya na niyang kontrolin ang buhay ng ibang
tao habang buhay.

Karen - Ang dalagang anak ni Senyor Martin. Maganda si Karen at lumaking


mayaman. Kaya kayang-kaya nya makuha ang lahat ng gusto niya. Kakaiba sa mga
dalaga sa nayon, sapagkat liberated na siya'g laking Maynila. Ibang-iba ang kilos nya
sa mga dalagang taga nayon. Magaslaw siya at wari ay siya pa mismo ang nang-aakit
sa mga lalaki para lapitan siya. Ito ang ginawa nya kay Toryo noong nagkaroon ng
sayawan sa Makulong. Siya rin ang halos gumagawa ng isang galaw para madala si
Toryo. Ngunit kahit na ganoon si Karen ay lubos rin naman siyang palakaibigan. Siya
ang unang gumawa ng paraan para mapalapit kina Bining. Wala siyang pakialam kung
magkaiba man sila ng katayuan ng sa buhay, basta ang alam niya ay nakikipagkaibigan
siya kahit kanino. Totoo naman siya sa nararamdaman niya kay Toryo, ipinaglaban
niya pa nga pa ito sa kaniyang pamilya ngunit natapos lamang ito sa wala.

 Tagpuan/ Panahon

Sa Makulong - Ang Makulong, masagana ang lupa rito. Ang lupa'y mangitim-ngitim,
hindi buhanginin, kaya't ang mga lupain ay hiyang sa anumang pananim, lalo na sa
namumungang punongkahoy. Ang pagsasaka dito ay ginagamitan lamang ng
tradisyunal na araro at hinihila ng baka o kalabaw. Ito lamang ang ikinabubuhay ng
marami sa nayon. Sa paunang bahagi ng nobela, ang mga pangunahing produktong
agrikultural ay mais, tapilan, palay, at iba't-ibang gulayin at tubo. Samantalang nang
magbago ang sistema ng pamamalakad sa Makulong nang dahil kay Senyor Martin
naging tubo na lamang ang pangunahing produkto dito. Ito ay bunga ng pagluluwas ng
asukal sa ibang bansa na naging dahilan ng pagtatayo ng isa pang bagong asukarera.
Dahil sa pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay sa Makulong, hindi na nakapagtataka
kung bakit ang mga anak ng lupa ay marunong na ng mga gawain sa bukid. Kubo
lamang ang bahay ng mga taga nayon. Hindi naman halos dikit-dikit ang mga bahay
dito. Kahit na magkakaiba ang lugar ng mga bahay dito, lahat ng mamamayan ay
nagkakasundo at nagtutulungan. Walang paaralan sa Makulong. Kailangan pa nilang
maglakad ng ilang kilometro bago makarating sa paaralan ng katabing nayon. Kaya,
kakaunti lamang ang nabibigyan ng pagkakataon na makatapos ng elementarya at
bihira lang ang makapagtapos ng high school. Kaya isang malaking oportunidad para
sa mga taga-Makulong ang makapag-aral si Toryo at Oden dahil sa alam nilang ang
eduksayon ang magiging sandata nila upang umunlad ang kanilang pamumuhay.

Sa Bahay - Maraming nangyari sa mga bahay ng mga tauhan. Ito ay nagpapakita na


ang mga usapang pampamilya ay nangyayari sa loob ng bahay. Sa bahay nina Bining
nanligaw si Toryo. Sa labas naman ng bahay ni Bining doon sa may bintana, nakita ni
Oyo na nagtatawanan sina Toryo at Bining na siyang ikinaiyak niya. Ang
pamamanhikan naman ni Oyo ay dito nangyari. Ang lahat ng pagpaplano para sa kasal
nina Oyo at ni Bining ay sa bahay pinagusapan. Sa bahay naman ni Ka Bisyong,
nagkausap ang dalawang magkapatid tungkol sa kanilang ama. Dito naman sa bahay ni
Ka Garse nagkausap sina Ka Antang, Ka Garse at Oyo tungkol sa pagpapalawak ng
daan sa Makulong. Nang maikasal sina Bining at Oyo, sa bahay sila tumira. Dito rin
pansamantalang tumuloy si Ligaya noong panahon na siya ay pinanghihinaan ng loob
dahil sa krimeng nagawa ng kaniyang ama. Simula naman ng nawala si Ka Tales, ang
bahay niya ay iniilawan ng tiyahin ni Toryo. Dito isinasagawa ang ritwal at babang
luksa ni Ka Tales. Dito rin natutulog si Toryo tuwing siya ay uuwi ng Makulong, at
dito nagkakaroon ng mga nakakapagtakang panaginip na animo'y may nais iparating sa
kanya. Sa bahay din ni Senyor Martin nagkaroon ng isang malaking salu-salo noong
pista sa Makulong.

Sa Bukid : Sa bukid na ito nagkakasama-sama ang mga magsasaka at dito sila


nagtutulong tulungan sa paggawa ng kanilang mga trabaho. Dito rin sila nagku-
kwentuhan, kantahan, tuksuhan, tawanan, kantyawan, at higit sa lahat ang inuman. Sa
kabila ng hirap at pagod ng trabaho ay nagagawa pa ng mga magsasaka na magsaya
dito mismo sa bukid.

Sa Tindahan ni Ka Saning - Pinagkukuhaan ng mga taga Makulong ng pang araw-araw


na kailangan sa buhay-nayon. Dahil sa tindang sa alak aa tindahan ni Ka Saning ay
nagiging tambayan ng mga kabataan at ilang magsasaka sa tuwing gusto nilang mag-
inom. Dito sila nagkakausap-usap tungkol sa mga ilang bagay na bumabagabag sa
kanila.

Sa Lawa ng San Diego - Unang pagsasama-sama nina Toryo, Oyo, Bining, Ligaya na
kasama ang mga taga lungsod na sina Karen, Marko at dalawang bisita ni Karen. Sa
lugar na ito nagkaayos sina Bining kasama ang mga dalagang taganayon at si Karen.
Pagkatapos maligo nina Bining at Ligaya ay biglang lumapit si Marko at binastos si
Ligaya. Kaagad namang nasuntok ni Toryo si Marko kaya't natauhan na agad ito ng
maaga.

Sa Patahian ni Nyora Tinay - Ito ang patahiang pinapasukan ng ilan sa mga dalaga sa
nayon. Dahil sa patahiang ito, nagtatrabaho ang mga dalaga ng nayon sa loob ng anim
hanggang walong oras bawat araw. Nang dahil sa pagkakatayo nito ay hindi na
malayang nadadalahan ng mga dalaga ang kanilang mga ama ng maiinom sa gitna ng
bukid, o kaya'y hindi na nila nagagampanan ang mga gawain sa bahay dahil sa sobrang
pagod galing sa trabaho. Natuto dito ang mga dalagang mag-ayos ng kanilang sarili
tulad ng pagmemake-up.

Sa Hardin ni Kabesang Ote - Dito nagpatawag ng pagpupulong at inanunsyo ni


Kabesang Ote sa mga magsasaka ukol sa bagong balitang ipapahati ni Senyor Martin
para sa mga magsasaka ng Makulong. 
Sa Lungsod - Dito nanirahan si Toryo nang siya ay nag-aral na sa Maynila. Ibang-iba
ito sa Makulong. Dito ay sari-saring tindahan ang iyong makikita, malalaking gusali at
dikit-dikit na bahay ang nagsisiksikan sa isang lugar. Napakaabala ng bawat lugar sa
lungsod tuwing umaga. Makikita mo ang iba't-ibang sasakyan ang pumapasaba sa
umaga't gabi at maraming tao ang naglalagi sa bawat kalye lalo na kung hapon. Kapag
gabi naman, kapag pumunta ka sa mga lugar tulad ng Intramuros may makikita kang
magkasintahang naglalampungan sa gitna ng dilim. Animo'y wala silang pakialam
kung makita man ng iba ang kanilang paglalambingan sa isa't- isa. Hindi rin mawawala
ang mga batang lansangan na sa gabi ay natutulog na lang sa kung saan o kaya'y
naghahalungkat ng anumang bagay sa mga basurahan.

Sa Gasolinahan - Kung saan unang nagtrabaho si Toryo pagkadating sa Maynila.


Nakasama niya rito sina Ado, Anyong at Tino na pawang galing din sa probinsya
ngunit nasanay na din sa buhay sa lungsod.

Sa Pabrika - Tagpuan kung saan pinalipat ni Karen si Toryo ng pinagtatrabahuhan


dahil sa hindi raw siya nararapat magtrabaho sa gasolinahan. Natuto siya rito
magtiwala sa maraming tao at dito rin siya nakasali sa isang unyon.

Sa Dalampasigan - Dito nagpalipas ng buong gabi sina Toryo at Karen. Dito may
nangyari sakanilang dalawa.

Sa opisina ni Senyor Martin - Dito sila nagkita ni Toryo at naglabas ng galit si Senyor
Martin dahil sa pagpatol ni Toryo sa kaniyang anak at pag sanib ni Toryo sa unyon ng
mga manggagawang kumakalaban kay Senyor Martin.

Sa Labas ng Pabrika - Nagwelga dito ang mga kasamahan ni Toryo sa unyon upang
mapakinggan ang kanilang mga hinaing at upang mapagbigyan sila na gawin nila ang
kanilang mga karapatan bilang mga anak pawis. Ngunit naging marahas lamang ang
kinalabasan ng welga dahil sa mga pulis.

Sa Labas ng Kongreso - Dito nasaksihan ni Toryo ang pagwewelga ng ilang tao ukol
sa piyudalismo, burukratang kapitalismo at imperyalismo. Naging marahas din ang
mga pangyayaring naganap sa welgang ito.

 Balangkas ng Pangyayari

1. Pag-rally ng mga manggagawa ng pabrika ni Senyor Martin - Nasabik ako sa


pangyayaring nabasa kong nag-rally ang mga mangagawa ng pabrika ni Senyor
Martin kasabay ng rally na pinaglalaban ng ibang tao ukol sa masamang
pamamalakad ng kasalukuyang pamahalan. Mula pa lamang na malaman kong
mapang-abuso sa kapangyarihan si Senyor Martin ay inaabangan ko nang
magrally ang mga manggagawa niya laban sa kaniya. Kapareho ng paniniwala
ng mga mangggagawa niya ang paniniwala kong mayroong mali na talaga sa
pamamalakad ni Senyor Martin, at dahil may mali, nakakatuwang may
pinaglalaban sila na hindi pangsariling-interes. Ang rally ay daan para
yugyugin ang paligid at mga kababayan at buksan ang mga pinto sa totoong
pagbabago kaya't talagang ikinasaya ng puso ko bilang mambabasa nang
malaman na ginawa nila Toryo ito kahit na amo mismo nila ang kanilang
kinakalaban. Kung tutuusin naman talaga, kapag alam mong mali kahit na ka
ano-ano mo pa ay dapat ipaglaban at hindi hahayaang ipagpatuloy lamang iyon.
Kaya't saludo ako kala Toryo at sa iba pang manggagawa sa pagka matapang
nilang pagrally para sa ikabubuti ng lahat. Labis na ikinalungkot ko naman
noong naging marahas ang pakikitungo ng mga pulis at sundalo sa rally.
Kitang-kita kung paano pinaghahampas ng batuta ang mga nagrarali at kung
paano nakikipaglaban ang mga raliyista. Nakita mismo ni Toryo ang
karahasahan na nangyayari sa lungsod. Nakakalungkot lamang malaman na
ganoon tratuhin ng mga may posisyon dito sa ating bansa ang mga mahihirap o
ang mga may ipinaglalaban. Masyado silang mapang-abuso sa kapangyarihan
na ang mga tao mismo ang nagbigay sakanila na tinatrato nilang parang basura.
Kaya't nararapat lamang sakanilang sugudin ng mga mamamayan at
pabagsakin ang mga ganitong tao sapagkat hindi sila karapat-dapat magkaroon
ng posisyon kung unang una pa lamang ay wala silang malasakit sa mga
mamamayan ng isang bansa.
2. Ipinagtanggol ni Ka Bisyong ang anak na si Ligaya pati na ang mga
kababaihan sa lalaking nambabastos sakanila sa patahian - Nagulat ako nang
mabasa ko na ang dalawang dalaga na nagtatrabaho sa patahian, umiiyak, dala-
dala ang isang balita kaya dali-daling umalis si Ka Bisyong sa kanilang bahay
patungo sa patahian. Natuwa ako sapagkat si Ka Bisyong ay napakatapang na
lalaki para sugurin ang nasa kabila ng pagiyak ng mga babae, sa kadahilanan na
rin na naroon ang kaniyang anak na si Ligaya para protektahan ito.
Nakakatuwa lamang sapagkat ginagampanan talaga nito ang pagiging tunay na
tatay ni Ligaya bilang pagtanggol sakaniyang anak. Nariyan siya palagi para
protektahan at iligtas si Ligaya pati na rin ang lahat kababaihan sa minamahal
niyang bayan ng Makulong. Naisip kong kakausapin lamang nito nang maayos
ang lalaking nambastos ngunit doon ako nagkamali. Ikinalungkot ko nang
malaman kong dumating na siya sa patahian at nagdilim ang paningin niya at
nataga si Marko. Ayun lang, minsan talaga nang dahil sa labis na pagmamahal
ng tao at gustong gusto mo siyang protektahan ay di natin namamalayan ay
nakakasakit na tayo, sa katotohanan ay hindi lamang pananakit ang nagawa ng
ama ni Ligaya kundi pagpatay o paglabag ng karapatang pantao. Alam ko
naman sa sarili ko bilang mambabasa na hindi naman sadya ni Ka Bisyong
iyon sapagkat hindi naman siya ganoong tao, sadyang nadala lamang siya ng
galit niya sa lalaki kaya't nataga niya ito ngunit hindi pa rin matatakpan no'n
ang katotohanan na nakapatay siya ng kapuwa tao. Nakakalungkot lamang
sapagkat hindi naayos ang gulo at natapos ito sa nakakalumbay na pangyayari. 
3. Muling pagkikita nina Toryo at Bining - Si Toryo at Bining ang dating
magkasintahan ngunit hindi nagkatuluyan hanggang sa huli. Sa pagbabalik ni
Toryo sa Makulong ay nakita niya si Bining na malaki na ang tiyan nito,
nangangahulugang may asawa na si Bining kaya nagngitian na lamang silang
dalawa. Natuwa naman ako sa pangyayaring ito sapagkat masaya silang dalawa
sa dulo ng kwento, hindi lamang sila kundi ang lahat ng karakter sa kwento.
Sadyang may mga bagay lang talaga na nagbabago sa buhay natin, maaaring
hindi natin ito matatanggap agad agaran ay magkakaroon pa rin ng panahon
upang matanggap natin ito. Masaya akong malaman na tanggap ni Toryo at
Bining na ganoon ang nangyari sa buhay ng isa't isa at masaya sila sa napag
desisyunan nila. Nakaka-antig lamang ng puso na malamang nasa mabuting
pakikisama pa rin silang dalawa kahit na masakit ang nakaraan nila. 

 Kulturang Masasalim sa Akda

Isa sa mga kulturang masasalamin dito ay ang pagtatanim o pagsasaka ng mga


Pilipino, kasama na rin ang diwa ng bayanihan, na sumasaklaw na rin sa
pagtutulungan, pagkakaisa at pakikipagkapwa na kung saan ay nakasanayan ng mga
Pilipino ay kilala tayo ng mga ibang bansa tungkol dito. Sa pagtatanim na rin umiinog
ang iba pang mga kaugalian katulad ng pagbibigayan ng mga ani sa mga may gustong
mangailangan, ang pagiging mapagbigay ng mga Pilipino. Sa pagtatanim din makikita
ang bawat kasiyahan ng mga magsasaka. Dito nalilinang ang kanilang kasiyahan sa
tuwing may saliw ng kantahan, kwentuhan at tuksuhan, at inuman. Isa rin sa mga
ugaling nakasanayan ng mga Pilipino mula noon hanggang ngayon. Ang panghaharana
sa tuwing manliligaw sa isang dalaga si binata ay nabanggit din sa nobela. Ito ay isang
tradisyong talaga namang bahagi na ng kultura ng mga Pilipino. Ang pagkanta para sa
babaeng iniibig ay isang magandang paraan ng pagpapahayag ng iyong nararamdaman
para sa iyong minamahal. Sa ganitong paraan ay makikita tin ng mga magulang ng
babae kung papaano nanliligaw ang lalaki sa kanilang mga anak na babae. Dahil din sa
harana, nasusubukan ang tatag ng loob ng isang lalaki na harapin ang magulang ng
babae at hingin sa personal ang kamay ng kanyang minamahal. Ang pagtutulungan sa
tuwing may okasyon sa Makulong ay isa na rin tradisyon para sa kanila. Ang lahat ng
mga kababaihan ang siyang mamamahala sa kusina at sa paghahanda ng pagkain,
samantalang ang mag binata naman ang siyang bahala sa mga panggatong na
gagamitin sa pagluluto. Ang pagpapatuli sa tradisyonal na paraan ay hindi pa rin
nangungupas sa Makulong. Ito pa ring ang paraan upang maging isang tunay na lalaki.
Ang pakikipag-inuman sa mga kaibigan at nakakatanda ay bahagi na ng isang
tradisyon sa Makulong. Ang pamamanhikan ay isang paraan upang makuha ang kamay
ng isang dalaga upang magpakasal ito sa lalaki. Sa ganitong paraan ay susuyuin ng
pamilya nga lalaki ang pamilya ng babae sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga
regalo tulad ng pagkain. Ito ay isinasagawa upang ipakita sa pamilya ng babae na
tunay at dalisay ang pagmamahal ng lalaki sa isang dalaga. Ang pagkakaroon ng sabog
sa tuwing may kasalan ay nabanggit din sa nobela, ito ay isinasagawa upang
makalikom ng salapi ang mga ikinasal upang magkapagsimula sila ng isang pamilya.
Pati ang ritwal noong namatay si Ka Tales hanggang sa magbabang- luksa ito, ay isa
pa ding kaugalian sa Makulong na pilit nilang isinasabuhay. Iyan ang mga napansin
kong kultura na sumalamin sa akda.

III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN


 Mga kaisipan/Ideyang Taglay ng Akda/ Mensahe

Mga Kaisipan - Nakapulot ako ng aral sa nobelang ito na hindi masama ang mangarap
at umalis sa buhay na nakasanayan na dahil hindi naman talaga mawawala ang salitang
"pagbabago" sa bawat kaganapan sa buhay nating mga tao. Ngunit sa pagsasagawa ng
pagbabago, kinakailangan na alam natin kung ito ay makakabuti o makakasama ba sa
atin. Napagtanto kong dapat tandaan ng isang tao na kung may nais kang abutin, dapat
ay hindi ka sumusuko sa lahat ng bagay. Dapat ay hindi ka nagrereklamo kung may
mga suliranin na dumarating dahil ang mga problemang ito ang nagpapatibay sa iyo at
siyang magtuturong ilang aral ng buhay.

Ideyang Taglay ng Akda- Base sa aking pagkakaintindi, nais ipahiwatig ng akda na


kailangang tanggapin nating mga tao ang bawat pangyayari sa ating buhay. Kung may
mali man, kailangang itama iyon. Ngunit kapag sa tingin natin ay mali ngunit iyon ay
sa iyong pananaw lamang, hindi iyon nararapat. Lalabas na ikaw ay nagpapakasakim
sa kung anumang gusto mo ay siyang mangyayari. Hawak natin pabayaan ang buhay
natin, tayo ang gumagawa ng ating mga desisyon sa buhay, ngunit hindi rin ito
nangangahulugan na kung ano ang gusto natin, iyon ang masusunod. Kailangan ng
isang tao na humarap sa isang hamon ng buhay. Kailangan ito upang masubukan ng
bawat isa ang kaniyang kakayahan. Kung magmumukmok ka lamang sa bahay, walang
mangyayari sa buhay mo. 

Mensahe - Ang mga mensahe sa akda ay matuto tayong tumanggap ng ating kamalian
at kahinaan ngunit hindi ibig sabihin na dapat na tayong sumuko. Patuloy lamang ang
buhay, nakagagawa ang tao ng ilang kamalian sa buhay pero lagi namang may paraan
para maituwid ang pagkakamaling ito sa ating buhay, bigyan din ng halaga ang
edukasyon dahil ito ay isang malaking susi na siyang magbubukas ng pintuan sa ating
tagumpay, huwag kakalimutan ang lupang sinilangan, saan man makarating mas
mabuting bumalik din sa iyong pinagmulan, hindi tayo makakarating sa ating
pupuntahan kung hindi ka marunong tumanaw ng utang na loob sa iyong pinagmulan.
 Estilo ng Pagkasulat ng Akda

Bisa sa Isip- Mula nang mabasa ko ang Anak ng Lupa na naglalarawan ng buhay at
pananaw nayon sa bagwis ng pambansang pagsulong ng Pilipinas ay marami akong
natutuhan at natuklasan ukol sa mga taga nayon na nagpalitaw ng kani-kanilang tatag,
nagpanday ng kanilang pananaw, naghatid ng luha, pag-ibig, at pag-asa. Nadagdagan
ang aking kaalaman tungkol sa nayon at mga tao rito. Onti onti rin nagiiba ang
paningin ko sa mga taga nayon nang dahil dito. 

Bisa sa Damdamin- Ang aking naramdaman habang binabasa ang nobela ay masaya
sa unang parte sapagkat sall salo silang nagdiwang kasama ang bagong amo nila,
dagdag pa kasiyahan ko ay pinag aral nito si Toryo sa Maynila. Pangalawa ay talagang
ikinagulat ko ang napakaraming problema ng mga anak ng lupa na buhos sakanila
ngunit napawi namin nito noong napagtanto kong nalampasan nila ito. Panghuli ay
maayos na muli ang buhay ng mga taga Makulong at laking tuwa ko nang matapos ito
sapagkat nasolusyunan nila ang problema na sila sila lang ang nagtulungan.

Bisa sa Kaasalan- Ang pag uugaling nakintal sa akin habang binabasa ito ay ang
pagpapahalaga sa pamilya. Lahat ng mga magulang ay naghahangad ng mga bagay na
alam nilang makakabuti sa kanilang mga anak. Hindi sila nagdedesisyong nga mga
bagay na ikapapahamak ng kanilang mga anak. Sa nobelang ito ay lubusang binigyan
ng halaga ang layunin ng isang magulang na maibigay sa anak ang lahat ng
kinakailangan nito.

IV. BUOD

Nagtutulungan ang mga taga-Makulong sa paggagamas ng damo nga kanilang lupang


sakahan para sa paghahanda para sa sunod na ani. Ito ay para na din sa pagdating ng
bgaong may ari ng lupa na si Senyor Martin. Ang pagsasaka ang pangunahing buhay
ng mga taga-Makulong. Ito ang kanilang buhay. Si Senyor Martin ay pinag-aral si
Toryo sa Maynila kaya maganda ang unang impresyon ng mga taga nayon sakaniya
ngunit dito sila nagkakamali. Si Toryo ay nililigawan si Bining gamit ang
panghaharana, habang si Oyo naman ay may lihim na pagtingin kay Bining. Sinabi ni
senyor ang na habang wala siya ay babantayan ang mga magsasaka ni Kabesang Ote,
ang kanang kamay ni Senyor Martin. Madaling pinabulaanan naman ito ng ibang
magsasaka sapagkat ayaw nilang sila ay binabantayan, dating kasi nito ay nag-
aalinlangan ang may ari nga lupa na siya'y dadayain ng mga magsasaka. Tutol si Ka
Garse sa pagpapalawak ng daan dahil sa mahahagip nito ang kanilang puno ng balete
na mas matanda pa sa kanya. Mahalaga ang puno para sa matanda kaya ayaw nitong
ipaputol. Ipinaliwanag naman ni Ka Antang ang kahalagahan ng pagpapalawak ng
daan. Ito ay para makarating na din sa Makulong ang mga jip na dati ay hindi
nakakarating sa kanilang nayon. Maaari din itong maging gabay para sa kanilang para
sa anak nilang si Oyo. Napagpasyahan naman ni Ka Garse na siya na ang pumutol sa
puno nang biglang dumating si Ka Tulume at binalaan na magagalit ang mga lamang
lupa sa gagawin nito. Hindi naman natinag si Ka Garse sa mga pananakot ng
matandang albularyo. Nagpatuloy ito hanggang sa nasira ang palakol nito at tumama
ang talim sa kanyang paa. Naging matindi ang sugat ng matanda na ipinag-aala naman
ni Ka Antang. Sa simula ay iginagalang ni Ka Bisyong ang desisyon ng anak. Ngunit
bigla itong kinabahan nang balitaan siya ni Ka Tulume tungkol sa mga nangyayari sa
patahian ni Nyora Tinay hangga't naroon si Marko na siyang nambastos kay Ligaya
noon. Hanggang sa dumating ang dalawang dalaga na nagtatrabaho sa patahian,
umiiyak, dala-dala ang isang balita. Dali-daling umalis si Ka Bisyong sa kanilang
bahay dala ang gulok nito. Pagdating sa patahian ay nagdilim ang paningin ng matanda
at nataga nito si Marko. Nag-iiyak si Ligaya habang si Ka Bisyong naman ay tumakas.
Dahil sa sugat na natamo ng binata, binawian ito nga buhay. Halos walang mukhang
ihaharap si Ligaya sa buong bayan, iyak ito ng iyak at panandalian siyang tumira muna
kina Bining, at si Oden naman ay nanatili sa bahay nila. Dumating si Toryo, kaagad
niyang nalaman ang balita at dinamayan ang kaibigan. Binisita din nila si Ligaya, at
nakita ni Toryo na malaki na ang tiyan ni Bining. Nagngitian naman ang dalawa, at
alam ni Toryo sa sarili nya na masaya na siya ngayong masaya si Bining sa piling ni
Oyo at wala siyang pinagsisisihan kahit kaunti s kanyang nagawang desisyon.
Dinamayan din ni Toryo ang kaibigang di Ligaya at sinabing isasama nya si Ligaya sa
Maynila at doon siya magtatrabaho kasama ang ilang kababaihan na inaalagaan ng
isang pederasyon. Nabuhayan naman ng loob kahit papaano si Ligaya sa mga naging
payo ni Toryo, ngunit hindi pa rin talaga ito handa na harapin ang buong nayon
ngayong siya ang nakikitang may dahilan kaya napasama si Ka Bisyong. Nang
kinagabihan ay nagpasya si Toryo na bumalik ng Maynila para tapusin na ang kanyang
pag-aaral at pinangako niyang babalik siya para kunin si Ligaya at para na din
maipagmalaking kahit na may mga pagbabagong nangyari sa buhay nya ay kahit
kailan ay hindi niya nakakalimutan ang lupang sinilangan. Buo na ang isip niya sa
desisyong ito. Ngunit nanaginip na naman siya tungkol sa lungsod. Nakita niya ang
apoy na bumabalot sa lungsod, ang karahasan, ang kalupitan at iba pang bagay na
nagpapakita ng kasamaan sa lungsod. Hanggang sa nagising siya sa unang tilaok ng
manok at sinalubong niya ang pagsapit ng bukang liwayway.

V. TEORYANG PAMPANITIKAN

Ang nobelang ito ay realismo. Maiuugat sa paniniwalang ang akdang ito ay may
aktwal na batayan sa kasaysayan at lipunan. Base sa nobelang ito ay naglalarawan ng
buhay at pananaw nayon sa bagwis ng pambansang pagsulong ng Pilipinas. Narito ang
karanasan at naksihan ng may akda sa lipunan, kung saan ang Pilipinas ay onti onting
nagbabago na dulot ng panahon.

You might also like