Professional Documents
Culture Documents
S.Y. 2021
FT607-MASAKLAW NA PAGSUSURI SA PANITIKANG FILIPINO
S.Y 2020-2021
YUNIT 2
Pangalan: Reyes, Shaira Marie V. Taon/Seksyon: MAED-Filipino Petsa: March 18, 2021
Propesor: Dr. Juliet O. Mandado
II. PAGTATALAKAY
A. PAGSUSURI SA PANITIKAN
i. Napiling Akda: NOBELA
- “KAPITAN SINO” ni Bob Ong
ii. Karanasan ng akda na hinihingi nito sa sangkatauhan.
- Ang nobela ay patungkol sa isang tagapagligtas na hindi kilala ng mga tao na siyang
tumutulong sa mga nangangailangan. Ang karanasan na isinalaysay ng may-akda sa
nobela ay ang kaniyang mga naobserbahan na mga hindi mabuting kaugalian ng mga
Pilipino katulad ng pagiging makasarili, pakikipagtsismisan o pakikialam sa buhay ng
iba, pagkakaroon ng kompetensiya ng mga magkapitbahay sa isa’t isa sa lahat ng
bagay, pagtangkilik sa produkto ng ibang bansa kaysa sa atin, umaasa sa tulong ng
iba, pagiging korakot ng mga politiko at marami pang iba. Pero ang pinaka hinihingi
nito sa sangkatauhan na karanasan ay ang pagkakaroon ng bukal na loob na
pagtutulungan at pagkakaisa ng mga Pilipino para sa ikabubuti at ikauunlad ng lahat.
iii. Anong kamalayan ang pinaiiral sa akda?
- Ang pangunahing kamalayang pinaiiral ng may-akda sa mga mambabasa ay ang likas
na pagtulong ng mga Pilipino sa kapwa, sa kahit anong paraan kakiting na halaga
man basta’t makatulong. Ang mga Pilipino ay ibang klaseng tumulong, kahit na
mahirap din ang pinagdadaanan sa buhay basta’t may madudukot na maaaring
makatulong ay gagawin kahit sa simpleng paraan. Kahit na walang-wala rin sa buhay
ay gagawa ng paraan makatulong sa mga taong mas nangangailangan. Ang
negatibong kamalayan na gusto ring ipahiwatig ng may akda ay ang ugaling walang
pagkukusa para matulungan ang sarili. Inaabuso ang pagiging matulungin ng kapwa
na umaasa na lamang sa tulong kaysa gumawa ng paraan upang umahon sa hirap
ng buhay o umunlad.
iv. Kaninong ideolohiya ang pinatibay o di kaya ay kinokontra ang akda?
- Ang dugong Makabayan ng mga Pilipino ay nananatili mapaghanggang ngayon sa
ating mga puso na isinabuhay ng pangunahing tauhan sa kuwento na si Rogelio
Manglicmot. Inilarawan din dito ang pagkontra nito sa pagkakalarawan ng may-akda
sa mga tauhan na makasarili, unang iniisip ang sarili na nakahahadlang sa kaunlaran
ng lahat. Nailarawan din dito ang pagkakaroon ng “colonial mentality” ng mga tauhan
dahil sa pagtangkilik sa mga produkto at pagsasabuhay sa impluwensiya ng ibang
bansa.
v. Ano, kalian, paano, sino at para kanino ito sinulat?
- Ang nobelang ito ay patungkol kay Rogelio Manglicmot na isang ordinaryong
mamamayan na kalaunan ay nalamang may kakaibang kapangyarihan na naging
dahilan upang maging bayani at makatulong sa mga mamamayang nangangailangan.
Ito rin ay patungkol sa paglalarawan ng may-aka sa naging nakagawiang ugali ng mga
Pilipino na nagkaroon ng negatibong epekto sa pag-unlad ng sariling buhay at lipunan.
Isinulat ang akda sa paraang paglalarawan sa naging buhay ng mga Pilipino noong
Dekada ’80. Ito ay isinalaysay sa paraang di-pormal o napapalooban ng maraming
barayti ng wika. Sa madaling salita ito ay isinulat sa paraang makabago, paggamit ng
mga salitang balbal at marami pang iba. Ito ay isinulat para buksan ang isipan at diwa
ng mga Pilipino sa katotohanang nangyayari sa ating lipunan. Mga negatibong gawi
ng mga Pilipino na nakaaapekto sa pag-unlad ng sarili at bansa.
iii. Pagsusuri
Uri ng Panitikan
-Nobela
Uri ng Paglalahad
-Pagsasalaysay o Pagkukuwento
Mga Tayutay at Paliwanag
o “Magmaskara ka man o hindi, huhusgahan ka ng tao…”
-Kahit ano man ang gawing kabutihan ng isang tao may masasabi pa ring hindi
maganda ang iba. Sa madaling sabi, likas na ang panghuhusga ng mga tao sa
mali o kabutihan man na nagawa ng kapwa.
o “Walang bayani ang makapagliligtas sa Pelaez. Dahil ang pinkamalaking
kalaban ng Pelaez ay ang sarili nito.”
-Sa tao nag-ugat lahat ng problema- sa ating mga sarili. Ugali ng karamihan ng
mga Pilipino ang maghintay sa kung sino ang makatutulong sa kanila. Imbes na
gumawa ng paraan para sa ikauunlad ng sarili ay inaasa na lamang ito sa ibang
tao. Kaya maraming naghihirap na mga Pilipino dahil karamihan ay may
kakulangan sa pagkukusa. Hindi masamang tumulong, ang masama ay ang laging
humihingi ng tulong. Ang kaunlaran ay dapat nag-uumpisa sa sarili-kumilos,
magtulungan at magkaisa upang umunlad.
o “Tutulong ka lang sa kapwa, hindi mo kailangan ng pangalan.”
-Ang taong bukal sa loob ang pagtulong ay hindi na kailangan maging isang sikat
na personalidad o opisyal ng gobyerno upang makatulong. Ito ang isyung politikal
na makikita sa akda. Ang paglalagay ng pangalan sa mga proyektong ipinapagawa
gamit ang pera ng taong-bayan. Walang binabagayan ang pagtulong, tumutulong
ang isang tao hindi para magpasikat o humingi ng kabayaran o kapalit. Dapat
tayong tumulong dahil binigyan tayo ng Panginoon ng kakayahan upang maitama
ang mali, tumulong sa mga mahihina at nangangailangan.
Mga Saligang Teorya
-Teoryang Realismo
Ipinakita ng may-akda ang mga isyung lantad na nararanasan at nasasaksihan sa
lipunan. Ang akda ay hango sa totoong buhay hindi man tuwirang totoo sapagkat ito
ay napapalooban din ng mga pangyayaring fictional na siyang isinaalang-alang
upang mas maging kaakit-akit, hindi nawawala ang kasiningan ng imahinasyon ng
may akda na naging tulay sa kawilihan ng mga mambabasa upang ipagpatuloy at
matapos ang akda na ang pinaka naging layunin ay maibahagi ang aral at mabuksan
ang isipan ng mga mambabasa sa katotohanang nangyayari sa lipunan na isa sa
mga naging hadlang sa pag-unlad.
iv. Nilalaman
Tauhan
-Rogelio Manglicmot
Ang pangunahing tauhan, isang simpleng mamamayan na naging biktima ng
kahirapan sa buhay kaya nakahinto sa pag-aaral, simula noong magkasakit ang ama.
Nag-umpisang tumanggap ng mga kukumpunihing mga sirang gamit upang kumita
at pangtustos sa pang-araw-araw na pangngailangan ng pamilya. Ang bayani na
binigyang pangalan ng mga tao sa Pelaez na “Kapitan Sino”. Ginamit niya ang
kaniyang kapangyarihan upang makatulong sa mga nangangailangan. Dugo ng
bayani ang tumugma sa gamot na ginagawa bilang lunas para sa pandemyang
nararanasan ng buong mundo.
-Aling Hasmin at Mang Ernesto
Mga magulang ni Rogelio Manglicmot. Si Aling Hasmin na isang labandera simula
noong nagkasakit ang asawa. Si Mang Ernesto naman na simula noong nagkasakit
ay naging mabigat ang loob sa kaniyang sariling anak. Siya rin ay may kakaibang
kapangyarihan na huli nang nalaman ni Rogelio matapos malugmok sa pagkamatay
ng kababata na kaniya ring iniibig na si Tessa.
-Bokbok
Ang matalik at kababatang kaibigan ni Rogelio. Naging kapamilya na ang turing ng
pamilya Manglicmot kay Bok-Bok simula nang maulila ito at makitira sa mga tiyahin.
Siya ang unang nakaalam ng sikretong kapangyarihang taglay ni Rogelio at siyang
naghikayat sa kaibigan na gamitin ang kapangyarihan sa pagtulong sa mga
nangangailangan.
-Tessa
Ang dalagang kababata rin ni Rogelio at Bokbok. Teng ang kaniyang naging palayaw.
Siya ay hindi nakakakita ngunit isang napakagaling na sastre sa kanilang pamilya.
Ang gumawa at nagtahi ng costume ni Rogelio. Ang babaeng lihim na minamahal ni
Rogelio. Siya ang naging huling biktima ng mabalahibong halimaw na si Alkalde
Suico.
-Alkalde Solomon Suico/ Omeng
Ang alkalde ng Pelaez na napakabait at laging tumutulong sa mga nangangailangan.
Mas gugustuhin ng alkalde na tawagin siyang “Omeng” dahil ayaw niyang maturing
na iba ng mga ordinaryong mamamayan ng Pelaez. Ngunit hindi alam ng nakararami
na siya pala ang mabalahibong halimaw na pumapatay ng tao para sa kaniyang anak.
-Michael
Anak ni Alkalde Suico na namana ang sakit ngunit mas malala kaysa sa ama.
Namatay noong tangka niyang labanan si Kapitan Sino.
Pangalawang Tauhan
-Aling Precious, Aling Chummy, Aling Baby, Ging-Ging, Anghela, Mang Berto, Bise-
Alkalde Virgilio Samonte.
Anyo, Ugali at Paraan ng Pagsasalita
-Makikita sa pagkakalarawan ng bawat tauhan sa kuwento ang iba’t ibang ugali ng
mga ito. Ang pagiging matulungin ng bida na nauwi sa kapahamakan nito dahil sa
mga taong mapaglinlang at ang sarili lamang ang iniisip. Ang pagiging gahaman ng
mga politikong nabanggit na nagkakawang gawa sa mga nasasakupan dahil may
inaasahan na kapalit at ang mga mamamayang inaasa ang kapalaran sa ibang tao
kaya hindi umuunlad sa buhay. Ang paraan ng paglalahad sa kuwento ng may akda
ay kakaiba, ito ay sa paraang kakatwa na ang mga ginamit na mga salita ay angkop
sa lahat ng mambabasa.
Tagpuan
-Dekada ‘80
Hindi direktang inilahad ng may-akda na sa panahong dekada ’80 ito naganap
bagkus nasabi ko lamang ito dahil sa mga patunay na nabanggit sa nobela na hindi
pa nababaril si Ninoy Aguino sa Manila International Airport. Ang paglalahad kung
kalian namatay ang unang aso ni Rogelio na si Gizmo na sinabing ang dahilan ay
nilason ito ng mga tambay noong panahon na kakaupo pa lamang ni dating President
Cory Aquino at kung babalikan ito ay nangyari noong 1986. Ang mga ito ay isa
lamang sa maraming patunay na ang tinutukoy na panahon sa nobela ay ang mga
kaganapan noong Dekada ’80.
-Barangay Pelaez o Bayan ng Pelaez
Ang bayan na kung saan lumaki si Rogelio Manglicmot ang pangunahing tauhan na
kasalukuyang dito rin naninirahan kasama ang mga magulang na sina Aling Hasmin
at si Mang Ernesto.
-Hasmin’s Eatery/ Rogelio’s Electronic Repair Shop/ Bahay ng Pamilya
Manglicmot
Unang naging tindahan o sari-sari store ni Aling Hasmin sa loob ng mahabang
panahon hanggang sa nalugi dahil nagkasakit ang asawa kaya’t ginawang repair
shop ni Rogelio noong ito’y nahinto sa pag-aaral sa kolehiyo.
-Presinto
Kung saan nakulong ang magkaibigang Rogelio at Bok-bok.
-Simbahan ng Sto. Dominggo
Dito nangyari ang unang misyon ni Rogelio bilang isang bayani na si Kapitan Sino,
kung saan sa kampana ng simbahan niya sinabit ang isang lalaking nagnakaw ng
pakwan. Dito nakatambay si Rogelio at Tessa noong may selebrasyon ang bayan at
dito rin nasabi ni Rogelio ang kaniyang nararamdaman kay Tessa. Sa simbahan ding
ito kinunan ng dugo si Rogelio na naging lunas sa pandemiya.
-Plaza
Kung saan ginaganap ang mga programang pampolotikal at patungkol kay Kapitan
Sino.
-Banco Suico
Ang bangko na ninakawan ng mga sindikatong inakala ni Kapitan Sino na gumagawa
lamang ng pelikula.
-Lunas Ospital
Isang abandunadong ospital na kung saan dito naganap ang labanan sa pagitan ni
Kapitan Sino at mabalahibong halimaw na si Alkalde Suico. Dito dinadala ng alkalde
ang kaniyang mga nabiktima upang ipakain sa anak na halimaw rin. Dito rin nabawian
ng buhay si Tessa na kababata ni Rogelio na naging huling biktima ng mabalahibong
halimaw na alkalde.
Galaw/Banghay
o Banghay
-Panimula: Ang pagpapakilala sa mga pangunahing tauhan sa kuwento,
-Pataas na Aksiyon: Nadiskubre na ni Rogelio at ng kaniyang mga malapit na
kaibigan at kababata na si Bok-Bok at Tessa na ito pala ay may taglay na
kakaibang kapangyarihan na maaaring magamit upang makatulong sa mga
nangangailangan. Dito na nagsimula ang pagsagip ni Kapitan Sino sa mga taong
naging biktima ng mga mapagsamantalang tao.
-Kasukdulan: Sinundan ni Kapitan Sino ang anino ng taong nasa likod ng
pagkawala ng mga tao sa Pelaez, nalaman niyang ito pala ay ang kanilang
alkalde na si Suico isang halimaw na mabalahibo. Naglaban ang dalawa
hanggang sa nalaman ni Kapitan sino na ginagawa ito ng alkalde dahil sa
kaniyang anak na mayroon ding kakaibang kondisyon na mas malala pa kaysa
sa kaniyang ama. Naglaban ang tatlo hanggang sa natalo sila ni Kapitan Sino at
nalaman ng bayani na ang panghuling biktima pala ng mabalahibong halimaw ay
hindi bata bagkus ito ay ang kaniyang minamahal na si Tessa. Dinala niya ito sa
ospital ngunit hindi nagtagal ito ay sumakabilang buhay.
-Pababang aksiyon: Ang pagkakulong ni Rogelio at Bok-Bok dahil sa
nangyaring pagsabog sa plaza noong bibigyang parangal o pabuya ang bayaning
si Kapitan Sino ng bagong alkalde ng Pelaez na si Virgilio Samonte. Habang sila
ay nakakulong nagkaroon ng pandemiya ang buong bansa. May mga doctor
galling ibang bansa ang dumako sa bayan ng Pelaez upang magsagawa ng
gamot, nadiskubre nilang ang dugo pal ani Rogelio ang magiging solusyon sa
nakamamatay na pandemiyang nararanasan.
-Wakas: Si Rogelio ay namatay dahil sa isang lalaking may dala-dalang batang
anak. Bigla nitong nilapitan ang binata at tinanong kung ang dugo ba nito ang
lunas sa malubhang sakit. Tumango ang binata at kaagad naman itong sinaksak
ng lalaki. Ang dugong dumadaloy sa katawan ni Rogelio ay ipinahid nito sa anak
sap ag-aakalang ito ay gagaling. Dahil sa pangyayaring yaon si Rogelio ay
binawian ng buhay. Kinilala siya bilang isang bayani ng bayan ng Pelaez.
o Kaisipan
Pagpapahalaga sa isang bagay gaano man ito kaliit o kalaki. Ang mga bagay na
madalas nating binabalewala at kinakalimutan ay napakahalaga pala na dapat
pagtuonan ng pansin. Hindi natin namamalayan na ang sinasabing maliit na
bagay ay may malaking epekto sa nangyayari sa lipunan na kailangang
pahalagahan.
o Suliranin
Mga isyung panlipunan katulad ng pagnanakaw, pangho-holdap sa bangko,
carnapping, at kidnapping, lindol, pag-usbong ng mga kakaibang nilalang at
malubhang sakit na AVH Fever na naging pandemya. Mga iresponsableng
mamamayan, pagtapon ng basura kahit saan, pagkukumpulan sa daan para
magtsismisan na naging dahilan ng traffic, umaasa palagi sa gobyerno upang
matulungan sa hirap ng buhay at gayundin ang sinisisi sa naging estado ng
kanilang buhay. Bilang kabuoan ang mga tao mismo ang puno’t dulo ng suliranin
sa akda.
o Tunggalian
TAO vs. TAO at TAO vs. LIPUNAN
o Paksang-Diwa:
Ang pagpapahalaga sa isang bayani ay hindi ang pagunita sa araw ng kanyang
kamatayan kundi ang paggunita sa kanyang mga nagawa at mga paninindigan.
Hindi sapat na mag-alay ng bulaklak o lumahok sa mga programang idinaraos,
ang mahalaga ay maisabuhay ang mga aral na natutunan. Ang pagrespeto sa
bayani ay ang pagrespeto sa mga ipinaglalaban niya.
Taglay na bisa
o Bisang Pandamdamin
-Sa nobelang ito ay makararamdam ka ng iba’t ibang emosyon, isa na rito ang
pagkalungkot. Ito ang pangunahing mararamdaman matapos itong mabasa, dahil
lahat ng mga isinalaysay sa akda ay makatotohanang nangyayari sa ating lipunan.
Ito man ay napapalooban ng fiction na mga pangyayari, pagkakaroon ng super
powers at mga halimaw na mga tauhan, isinalaysay rito ang kahirapan sa buhay,
limitadong prebilihiyo na kadalasang naibibigay lamang sa mga mayayaman, ang
kakulangan ng pasilidad at mga gamit ng pampublikong ospital, ang kakulangan ng
hustisya sa mga mahihirap, mga politikong sinasamantala ang posisyon para sa
sariling kapakanan at ang matagal na paghihintay sa pagbabago ng sistema ng ating
bansa. Ang mga mahihirap ay lalong naghihirap samantalang ang mga mayayaman
ay lalong yumayaman.
o Bisang Pangkaisipan
-Ang pangkaisipang ibig ikintal ng may-aksa sa pagbabasa ng nobelang ito ay hindi
ibang tao ang makatutulong sa ating pag-unlad bagkus ito ay nag-uumpisa sa ating
sarili. Ito ang pangunahing dapat isaalang-alang upang umunlad at magkaroon ng
pagkakaisa. Hindi dapat maghilahan pababa dapat magtulungan upang sabay-sabay
na umunlad.
o Bisang Pangkaasalan
-Pagkatapos kong mabasa ang nobelang ito ay nabago ang aking pananaw sa
buhay. Naging mas malinaw sa akin ang kahalagahan ng buong pusong pagtulong
sa mga nangangailangan. Hindi dapat natin gawing ugali ang pagtulong dahil
inaasahan natin na balang araw ito ay maibabalik ng taong natulungan natin.
Kumbaga huwag gawing utang na loob ito ng isang tao sa iyo ang ginawa mong
pagtulong. Ang bukal sa loob na pagtulong ay hindi nag-aasam ng kapalit.
Kamalayang Panlipunan
-Ang pagtulong na bukal sa puso sa kapwa at ang pagtulong sa sarili upang umunlad.
Hindi masamang humingi ng tulong basta’t dapat din nating tulungan ang ating sarili
na umunlad sa paraang mabuti at walang pinapahamak na ibang tao. Pinupunto rin
dito ang ugali ng tao na pagpasa ng kanilang responsibilad sa iba.
v. Kahulugan sa Pamagat
- “Kapitan Sino” ang naging pamagat ng nobelang ito dahil ang kuwento ay umiikot sa
pangunahing tauhan na nagngangalang Rogelio Manglicmot, isang karaniwang tao na
nahinto sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay at ang naging pangunahing hanapbuhay ay
ang pagkukumpuni ng mga sirang appliances. Siya ay isang bayaning hindi kilala ng
bayan ngunit ginagawa pa rin ang kaniyang kakayahan para makatulong. Ang pangyayari
sa kuwento na sa tingin ko ay naging dahilan ng pamagat ay noong matapos iligtas ng
bayaning si Rogelio ang isang mag-aaral na babae na sapilitang pinapasakay sa
sasakyan ng mga kidnaper. Ilang sandali pa ay saktong dating naman ng mga barangay
tanod na sila na ang nagdala sa mga masasamang loob sa presinto matapos pasalamatan
ang estrangherong bayani. Ang dalagitang mag-aaral ay tuwang-tuwa sa pangyayaring
pagkaligtas sa kaniya at doon na nagtanong ang isang tanod kung sino yaon. Ang naging
sagot ng kaniyang kasamahang tanod ay ang pag-aakalang ang estranghero ay isang
pulis na nag-iba lang ang uniporme. Dahil walang may ideya kung sino ang bayani, may
isa sa kanila ang nagtanong kung sino ang tagapagligtas hanggang sa may humiyaw na
“May tagapagligtas na tayo!”. May biglang nagtanong na “Si Kapitan ba yon?” at may
nagtanong ulit na “Kapitan? Sino?”, pagkatapos ay may nagsabing “Amoy Jovan si
Kapitan Sino!” na hindi na narinig ng bayani dahil nakalipad na ito ng malayo at hindi na
narinig ang usapan ng mga tao patungkol sa kaniya. Mula noon, dahil hindi nga kilala ang
bayani at walang binibigay na pangalan tuwing may inililigtas ito tinawag na lamang ang
bayani ng mga tao sa bansag na “Kapitan Sino”.
III. SINTESIS
Ang Yunit 2 ay patungkol sa pagsusuri at pagbuo o paggawa ng isang akdang
pampanitikan. Sa aking pagsusuri napagtanto ko na ito ay may prosesong napakabusisi.
Nararapat lamang na magkaroon ng malawak na kaalaman patungkol sa akdang sinusuri at
gayundin sa may-akda nito. Nararapat lamang na maging maingat sa paglalahad ng
komento sa akda upang hindi mabago ang pagpapakahulugan ng may-akda rito. Ang
pagsusuri ay may mahabang proseso na sinusunod upang mapalutang ang ibig nitong
ipahiwatig sa mga mambabasa kaya kailangan ang marubduban at paulit-ulit na pagbabasa
sa akda. Sa pagsusuri dapat ding matukoy ang sanligang teorya na nagpapalutang sa
pangunahing paksa ng akda na kung saan natutukoy kung sino o ano ang binibigyang
pansin sa akda. Sa yunit ding ito ay nakabuo ako ng sariling tula na may kaugnayan sa
karanasan ko bilang guro sa panahong nagsimula ang pandemiya hanggang sa
kasalukuyan. Naging kapanapanabik at hamon ito sa akin bilang matagal nang hindi ako
nakagagawa o nakbubuo ng isang tula. Bilang kabuoan naging daan ang gawaing ito upang
matukoy at malaman ko ang aking lubusang pag-unawa sa pagsusuri at ang aking likas
nakakayahan sa pagbuo ng sariling akdang pampanitikan.
IV. SANGGUNIAN
Aklat na pinamagatang “Kapitan Sino” ni Bob Ong (2009) by Visual Print, Inc.
https://en.wikipedia.org/wiki/Kapitan_Sino