Si Rizal, ang kanyang Nobela, at ang Nakaraan at Pangkasalukuyang Mamamayang Pilipino
Sa pangkasalukuyang panahon, tila ba hindi na nabibigyan pa ng kaukulang halaga ang dalawang nobelang nilikha ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Dahil sa mabilis na paglipas ng panahon at sibilisasyon ng ating lipunan, kakaunti na lamang sa mga mamamayang Pilipino ang nagbibigay ng halaga sa mga nobelang ito. Sa pangkasalukuyan, madalas magkaroon ng pagkakataong mabasa ang dalawang nobela sa ikatlo at ikaapat na taon ng hayskul kung saan sinusuri ang Noli me Tangere at El Filibusterismo. Subalit, kung bibigyan lamang ito ng mas malalim na pagpapakahulugan, nakasisigurong ang dalawang nobelang isinulat ni Rizal ay magsisilbing tagapaglathala ng tunay na saloobin ng kapwa nating mga Pilipinong naghirap at nagdusa sa ilalim ng pamamalakad ng mga Espaol. Simula elementarya hanggang hayskul ay tinuturo na sa atin ang humigit-kumulang tatlong-daang taon na pagkakabilanggo ng ating bansa sa kamay ng Espanya subalit hindi ito naging sapat upang tunay at lubos na maunawaan ang implikasyon nito sa atin. Dahil sa dalawang nobela ni Rizal, nagkaroon ng pagkakataon ang mga pangkasalukuyang mamamayan ng Pilipinas na makita at lubos na maunawaan ang kalagayang sinapit ng mga mamamayan sa nakaraan. Ang mga isinulat ni Rizal ang siyang nagbibigay saysay sa nagdaang panahon at dahil dito ay kailanman ay di nalimutan ng nakararami ang mga pangyayari sa ilalim ng pananakop ng Espanya.
Ang kuwento ng dalawang nobela ay lubos na nakamamangha. Ang bawat tauhan sa istorya ay nagtataglay ng katangi-tanging karakter na sumasalamin sa mga taong nabuhay noong panahon ng pananakop ng Espaol. Bawat tauhan ay nagpakulay sa daloy ng kuwento at nagdulot ng kaukulang pagbabago sa kapwa nito mga tauhan. Marahil isa sa ito sa mga dahilan kung bakit binibigyan ng kaukulang pansin at karagdagang pagsusuri ang mga nobelang ito.
Sa nasabing mga nobela, maraming tauhan ang nabanggit. Mayroong mga purong Espaol, may mga mestiso, at mayroon naming tinatawag na mga Indio. Subalit, sino nga ba ang masasabing tunay na Pilipino? Ang mga Indio na madalas tawaging mangmang? Ang mga mestiso na nagkaroon ng maayos na pamumuhay? O ang mga Espaol na naninirahan ng matagal sa Pilipinas at nanilbihan dito? Para sa akin, ang tunay na Pilipino sa nobela ay hindi matatawag na Pilipino dahil lamang sa kulay, anyo, lahi o karunungang natamo. Ang tunay na Pilipino ay may pagpapahalaga sa kanyang bansa, sa kanyang kapwa Pilipino, sa kapwa tao at may paninindigan sa kung ano man sa tingin niya ang nararapat. Para sa akin, matatawag na tunay na Pilipino si Juan Crisostomo Ibarra. Kahit na namalagi siya sa Europa, hindi niya pa rin nakalimutan ang baying kanyang kinagisnan maging ang mga mamamayan nito. Sa kanyang pagbalik, nagpatayo siya ng paaralang maaaring magsilbing pundasyon para sa ikauunlad ng kapwa niya Pilipino. Kahit na siya ay Pilipino, nagpakita pa rin siya ng katangi-tanging paggalang sa kahit sinuman kung sa tingin niyang nararapat ito ng paggalang. Sa kabila ng nangyari sa kanyang ama, siya ay nagtimpi at pumili ng tamang desisyon at pinanindigan ito. Tulad ni Rizal na naniniwalang hindi rebolusyon ang nararapat na kasagutan sa kanilang suliraning kinakaharap, pinili ni Ibarra ang manatiling manahimik at ipagpatuloy ang mga gawaing kanyang nasimulan. Ang tauhan na ito ang siyang nagpakita ng tunay na pagka-Pilipino kung ikukumpara sa iba. Siya ang nangibabaw sa lahat ng tauhang ipinakilala sa Noli me Tangere. Subalit, naglaho na ang katauhang ito sa El Filibusterismo. Ang dating Juan Crisostomo Ibarra ay nagtago na sa katauhan ni Simoun at tuluyan nang nilimot ang dating pagkataong mayroon siya. Dito na tuluyang naglaho ang pagiging isang tunay niyang Pilipino. Dala ng matinding poot at galit, di niya na ninais pang ipagpatuloy ang mga layuning kanyang minithi noong siya ay si Ibarra pa. Naging makasirili siya at tanging ang sariling pasakit at pighati na lamang ang kanyang pinakinggan. Dahil dito, tuluyan niya ng isinara ang kanyang puso at damdamin sa panaghoy na likha ng kanyang bayang naghihirap.
Subalit, sa kabila ng pagkawala ng makatarungang katauhan ni Juan Crisostomo Ibarra, may mga tauhang tila ba nagkamit ng mithiing tuluyan niyang nilimot. Sa El Filibusterismo, nagpakita ng tunay na pagka-Pilipino si Basilio isang masikap at mapagmahal na anak sa kanyang magulang. Di tulad ni Ibarra, sa kabila ng mga sinapit ni Basilio, nanitili siyang matatag at sinikap niyang makamit ang kanyang mga mithiin sa tulong ng kanyang mga kaibigang naniniwala na edukasyon ang unang pundasyon sa pagkamit ng kalayaan laban sa mga Espaol.
Bukod sa mga katangi-tanging tauhang ipinakilala ni Rizal sa kanyang mga isinulat na nobela, kapansin-pansin din ang mga aspeto ng pamumuhay na naisaad sa kuwento. Kung susuriin mabuti, mayroong mga aspeto ng kanilang kultura na hanggang ngayon ay taglay pa rin ng kultura ng pangkasalukuyang panahon.
Kung mayroon mang isang bagay na bumubuo sa pagkatao ng isang Pilipino ngayon na matatagpuan sa nobela, iyon ay ang aspeto ng relihiyon. Katulad sa nobela, binibigyang pagpapahalaga pa rin ang relihiyong Kristiyanismo partikular na ang Katolisismo sa pangkasalukuyan. Mayroon pa ring mga selebrasyon para sa iba't ibang mga santo at hindi pa rin nawawala ang mga prusisyon. At kahit na magkahiwalay ang simbahan at estado, hindi pa rin naiiwasang magpahayag ng saloobin at opinion ang simbahan ukol sa mga pangyayari sa estado.
Kahit na ang mga nobelang isinulat ni Jose Rizal ay kanyang kathang-isip lamang, masasabi kong maaari rin itong maihalintulad sa tunay na pamumuhay ng mga Pilipino. Sa katunayan, kahit sinumang makakabasa ng mga nobelang ito ay tiyak na makapipili ng mga tauhan na maihahalintulad nila sa kani- kanilang mga sarili.
At kung ako ang papipiliin, marahil ay nakikita ko ang aking sarili kay Basilio. Hindi man ganoon kasaklap ang aking nakaraan, katulad niya ay nangarap din akong magkaroon ng maayos at matiwasay na pamumuhay para sa akin at para sa aking pamilya. Bagamat pumanaw na ang aking ama, tulad niya ay natuto akong tumayo sa sarili kong mga paa sa murang edad. Naniniwala din akong sa tamang edukasyon at gabay ay makakamit ko ang aking mithiin para sa aking sarili, sa aking pamilya, sa aking kapwa, sa aking bayan at sa Diyos. Tulad ni Basilio, di ko hinayaang ang mga trahedya sa aking nakaraan ang magdikta ng aking magiging hinaharap. Kahit ano pa man ang aking pinagdaanan, siniguro kong tinatahak ko pa rin ang tamang daan. Kahit na labis na akong nahihirapan sa aking pag-aaral at may mga pagkakataong halos nais ko nang sumuko, iniisip ko na lamang ang magiging epekto nito di lamang para sa akin kundi para rin sa aking pamilya.
Isa pa sa mga magandang katangian ng nobela ni Rizal ay ang naging katapusan nito. Karamihan sa mga mambabasa ay nagnanais ng magandang katapusan. Subalit, di tulad ng nakararaming babasahin, ang katapusan ng El Filibusterismo ay kakaiba at suway sa daloy ng kuwento ng iba. Marahil marami ang makapagsasabi na hindi nararapat ang naging katapusan. Marahil ay iniisip ng iba na hindi nararapat na magbigay ng mala-trahedyang katapusan sa isang nobelang ang mithiin ay ang pumukaw sa damdamin ng mga Pilipino na ipaglaban ang kalayaang kanilang hinahangad.
Sa aking palagay, natapos na isang trahedya ang nobela dahil nais ipahayag ni Rizal na ang bayolenteng pamamaraan ng pag-aaklas ay magdudulot lamang ng karagdagang pagdurusa. Ang dating si Juan Crisostomo Ibarra na naligaw ng landas at nilamong ng katauhang si Simoun ay nagpadala sa kanyang pansariling emosyon. Dahil sa mga pagdurusa at pagpapasakit na kanyang sinapit, pinili niyang maging gabay ang kanyang poot at galit upang labanan ang mga manlulupig. Nais ipabatid ni Rizal na hindi rebolusyon ang nararapat na kasagutan sa matinding suliraning kinakaharap ng bansang Pilipinas. Kung nanindigan lamang si Crisostomo Ibarra sa kanyang dating mga paniniwala, hindi siya maliligaw ng landas at marahil ay iba ang pamamaraang kanyang ginamit upang mapagtagumpayan ang pagkamit ng kalayaan mula sa kamay ng mga mananakop.
Mapalad ang mga mamamayang Pilipino sa pangkasalukyang panahon dahil hindi nila naranasan ang malupit na pamamalakad ng mga Espaol. Subalit, hindi pa rin maikakaila na mayroon pa ring mga suliranin na kinakaharap ang ating bansa. Ang mga nobela ni Rizal ay maaaring magsilbing gabay para sa mga susunod na henerasyon na pumili ng tamang desisyon ukol sa solusyon para sa mga suliraning ating kinakaharap. Nararapat lamang ban a ipahayag ang saloobin sa ating gobyerno? O nararapat bang gumawa tayo ng paraan upang makatulong? Kung susuriin ng mabuti ang mga nobela ni Rizal na mayroong bukas na puso at isipan, nakakasiguro akong makahahanap ang pangkasalukuyang henerasyon ng tamang paraan upang masugpo ang mga naglalakihang suliranin na nagaganap sa ating bansa.
Bagamat ang aking nabasa ay isinalin lamang sa wikang Filipino, masasabi kong may kalaliman ang pamamaraan ng pagsulat nito. Mayroon din akong hindi lubos na naunawaan at marahil ay mayroon akong mga kabanatang hindi nabigyan ng tamang pagpapakahulugan. Naaalala ko pa noong ako ay hayskul pa lamang, marami kaming napag-usapan sa bawat kabanata ng Noli me Tangere. Sa kasawiang- palad, di na namin lubos na natalakay ang El Filibusterismo. Sa nobela ni Rizal, di lamang mga Espaol ang kanyang binatikos. Kapansin-pansin ding binigyan niya rin ng diin ang ibat-ibang katangian ng mga Pilipino noong panahon ng Kastila sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga espesyal na tauhan. Halimbawa na lamang nito ay si Doa Victorina na pilit bang itinataas ang sarili para lamang mapansin ng mga tauhang may mataas na katayuan sa lipunan. Dahil dito, masasabi kong ang pagkakalikha ng obra maestrong ito ay nagsasalamin ng bukas na isipan. Hindi lamang ang kasamaan ng mga Kastila ang isiniwalat ni Rizal sa kanyang mga nobela subalit pati na rin ang mga di kanais-nais na gawain at katangian ng mga Pilipino.
Maliban pa rito, nagtataglay din ng matitinding damdamin at emosyon ang bawat salitang nakasalaysay sa nobela. Sa kabila ng kadahilanang di na natin pa naabutan ang panahon ng pananakop ng Kastila, nagawa pa rin nating maramdaman at maunawaan ang damdamin ng bawat karakter sa kuwento.
Isa pa sa katangi-tanging ikinaganda ng nobela ni Rizal ay ang mga tauhang kabataang idinagdag niya sa El Filibusterismo. Dahil sa mga tauhang ito, mas naipahayag ni Rizal ang isa sa mga nais niyang iparating na ang kabataan ang siyang pagasa ng bayan. At sa pamamagitan ng maayos na edukasyon, tiyak na makakamit ito. Kahit tila ba nawala na ang katauhan ni Ibarra sa ikalawa at huling nobela, tiniyak pa rin ni Rizal na mayroong natitirang pagasa sa kuwento. Sina Basilio, Isagani at ang iba pang mga kabataang nabanggit sa nobela na nagpursiging ipaglaban ang kanilang mga mithiin bilang isang mamamayan ng Pilipinas ang siyang nagsilbing ilaw sa tila dumidilim na hinaharap ng mga Pilipino.
Nang mga panahong aking binabasa ang nobela, pakiramdam ko ay napadpad ako sa panahon ng pananakop ng mga Kastila na tila ba bawat tauhan sa kuwento ay tunay na nabuhay sa panahong iyon. Ang mga nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo ay may kakayahang ipakita sa atin ang kultura ng mga Pilipino sa panahong iyon. Nagustuhan ko rin ang naging katapusan ng istorya sapagkat nasisiguro akong maaari itong magsilbing pambukas ng ating puso at isipan. Ang mga nobela ni Rizal ay matatawag na piksyon, subalit ito ay matatawag ding tunay na salamin ng katotohanan.