Tampok sa Panahon ng Enlightenment ang mga pilosopong Pranses na kinilala sa
tawag na philosophes. Sila ang mga kalalakihang nakapag-aral at kabilang sa proyektong Encyclopedia na naglayon na kolektahin ang iba’t ibang kaalaman sa mundo, upang maipamahagi ito sa masa at sa susunod pang henerasyon.
Mayroong sinasabing tatlong yugto ang Panahon ng Enlightenment.
1. Early Enlightenment ay tinatayang naganap noong 1685 hanggang 1730
2. High Enlightenment noong 1730 hanggang 1780. 3. Late Enlightenment noong 1780 hanggang 1815.
Mga Pilosopiya sa Panahon ng Enlightenment
Ang mga pilosopiyang rasyonal ni Rene Descartes ang nagbigay ng pundasyon sa makabagong pag-iisip ng Enlightenment. Ayon sa pilosopiyang ito, ang katuwiran ang pangunahing pinagmulan at batayan ng pagsukat ng kaalaman. Kilalang pinagmulan ng mga katagang “I think therefore I am”, naniniwala si Descartes na may mga klase ng katotohanan na hindi agad mababatid ng sense of perception ng tao, ngunit may kakayanan naman ang tao na madiskubre ang mga ito sa pamamagitan ng pagtatanong at pakikipagdiskusyon. Dahil dito, kinilala si Descartes bilang Ama ng Pilosopiyang Kanluran.
Samantala, si Baruch Spinoza ay isa namang pilosopong Olandes na nagsabi na
lahat ng katotohanang hinahanap ng isang tao ay maaring makita sa kalikasan. Aniya, mayroong iisang batas na namahahala sa mundo, at lahat ng tao ay napapailalim dito, maging hari man o mamamayan, pari o deboto ng simbahan. Sinasabi rin ni Spinoza na bagamat naniniwala ang mga tao sa tunay na kalayaan o free will, ito ay isang ilusyon lamang dahil lahat ng ating ginagawa ay nakabase sa udyok ng kalikasan.
Samantala, nakita ni Immanuel Kant na maaring ipagkasundo ang tila salungat na
mga pilosopiya nina Descartes at Spinoza. Ayon kay Kant, may kakayanan ang isipan ng isang tao na gumawa ng isang balangkas na kaniyang gagamitin sa pag-intindi ng kaniyang mga karanasan, pati na rin ang paghatol sa mali at sa tama. Naniniwala rin si Kant na bagamat nakasalalay sa tao ang pagbibigay kahulugan sa isang bagay o karanasan, mayroon sariling katangian at kahulugan ang isang bagay, tao, at karanasan na hindi nakasalalay sa mga paniniwala o pag-iisip ng taong nakararanas dito.
Ang Politika sa Panahon ng Enlightenment
Bukod sa kaniyang ideya ng tabula rasa, mas kilala si John Locke sa kaniyang social contract theory na nagsasabing ang kapangyarihan ng estado ay nagmumula sa mga mamamayan nito. Mula sa kaniyang libro na Two Treatises of Government, sinabi ni Locke na ang paggamit ng mga doktrina ng simbahan sa pamamahala ng isang gobyerno ay maaring humantong sa pang-aalipin.
Samantala, si Thomas Hobbes ay nagpanukala rin ng isang social contract theory.
Ngunit hindi tulad ni Locke, naniniwala si Hobbes na ang natural state ng mga tao ay isang kaguluhan dahil nais nilang punan ang kanilang mga pangangailangan at kagustuhan kahit na mayroong ibang tao na maaring masaktan o maubusan.
Ang salitang “social contract” ay nagmula sa libro ni JeanJacques Rosseau. Pinag-
isa ng librong ito ang mga ideya ni Locke at Hobbes, at sinabing, hindi mahalaga kung ano man ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang mga tao na gumawa ng isang pamahalaan. Ang mahalaga ay ang katotohanan na ang bawat isang estado ay mayroon pamahalaan at ang kapangyarihan ng pamahalaan ay nagmumula sa mga mamamayan nito.
Samantala, si Charles-Louis de Secondat Baron de La Brede et de Montesquie o
mas kilala sa tawag na Baron de Montesquieu ay kilala para sa kaniyang teorya sa paghahati-hati ng kapangyarihan sa gobyerno. Ayon sa kaniya, ang pamahalaan na tunay na nangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan ay maari lamang maging makatotohanan kung mayroon itong tatlong sangay: ang ehekutibo, lehislatura, at hudikatura.
Kasama ni Rosseau, si Francois-Marie Arouet o mas kilala sa tawag na Voltaire, ay
naging pangunahing karakter ng Enlightenment dahil sa paghamon nito sa mga doktrina ng Kristiyanismo. Para kay Voltaire, dapat ay ialis sa impluwensiya ng simbahan ang pamamahala ng estado. Kinampanya rin niya ang kalayaan sa panulat, at pagpili ng relihiyon.
Ang Ekonomiya at Pagbabago sa Lipunan sa Panahon ng Enlightenment
Ang ideya ng malayang internasyunal na ekonomiya ay unang naipanukala noong panahon ng Enlightenment sa publikasyon ng Wealth of Nations ni Adam Smith. Ang kahusayan ng isang liberal na ekonomiya na malayo sa pakikialam ng pamahalaan ay sinang-ayunan naman ni Anne Robert Jacques Turgot.