You are on page 1of 3

Ang mga Inspiradong Panaginip ni Jose

Maraming taon na nanalangin sina Raquel at Jacob na magkaroon ng anak na lalaki. Sinagot ng
Panginoon ang kanilang mga panalangin nang isilang si Jose. Si Jose ang paboritong anak ni Jacob, at
binigyan niya si Jose ng isang espesyal na tunika. Nainggit ang 10 nakatatandang mga anak ni Jacob.
Noong 17 taong gulang si Jose, nagkaroon siya ng inspiradong panaginip na nagtitipon siya ng mga butil
sa bukid kasama ang kanyang mga kapatid. Matayog ang tindig ng bungkos ng butil ni Jose. Ngunit ang
mga bungkos ng butil ng kanyang mga kapatid ay yumukod sa kanyang bungkos. Nang sabihin ni Jose sa
kanyang mga kapatid ang tungkol sa panaginip, nagalit sila sa kanya.
Kalaunan, nagkaroon ng isa pang inspiradong panaginip si Jose. Sa panaginip na ito, ang araw, buwan, at
11 bituin ay yumukod sa kanya. Sinabi ni Jose sa kanyang pamilya ang tungkol sa panaginip. Tila
ipinahihiwatig ng panaginip na ito na si Jose ang mamumuno sa pamilya. Lalo pang nagalit kay Jose ang
kanyang mga kapatid. Hindi nila nagustuhan ang kanyang mga panaginip.
Isang araw, ang mga kapatid ni Jose ay umalis sa kanilang tahanan upang magpakain ng mga tupa.
Isinugo ni Jacob si Jose upang tingnan sila.
Ang ilan sa mga kapatid ni Jose ay naghangad na patayin siya. Kinuha nila ang tunika ni Jose at itinapon
nila siya sa isang hukay.
Habang nasa loob ng hukay si Jose, nakakita ang kanyang mga kapatid ng mga manlalakbay na
papuntang Egipto. Nagpasiya ang magkakapatid na ibenta si Jose sa mga manlalakbay bilang isang alipin
kapalit ng 20 piraso ng pilak.
Pagkatapos ay nilagyan ng mga kapatid ni Jose ng dugo ng kambing ang kanyang tunika. Nagpunta ang
magkakapatid sa kanilang ama na si Jacob, at ipinakita nila sa kanya ang tunika. Nagsinungaling sila kay
Jacob at sinabi nila sa kanya na pinatay ng mababangis na hayop si Jose.
Umiyak si Jacob dahil inakala niyang patay na si Jose.
Ngunit buhay pa si Jose. Siya ay nasa Egipto, malayo sa kanyang tahanan, namumuhay bilang isang
alipin.

Si Jose sa Egipto

Ibinenta si Jose sa lalaki na nagngangalang Potifar bilang isang alipin. Nagtatrabaho si Potifar para kay
Faraon, ang pinuno ng Egipto. Masasabi ni Potifar na tinulungan ng Panginoon si Jose. Nagtiwala siya
kay Jose at inatasan niya itong pamahalaan ang kanyang bahay at ang lahat ng kanyang pag-aari.
Nagustuhan ng asawa ni Potifar si Jose. Nais niyang suwayin nila ni Jose ang mga kautusan ng
Panginoon. Tinanggihan siya ni Jose.
Ayaw makinig ng asawa ni Potifar, kaya tumakbo palayo si Jose. Nagalit siya kay Jose.
Ipinakita niya kay Potifar ang bahagi ng kasuotan ni Jose. Nagsinungaling siya kay Potifar tungkol kay
Jose. Ipinabilanggo ni Potifar si Jose.
Nawalay si Jose sa kanyang pamilya. Siya ay naging alipin, at ngayon ay isa na siyang bilanggo. Ngunit
tinulungan pa rin ng Panginoon si Jose. Hindi sumuko si Jose. Binasbasan ng Panginoon ang bantay ng
bilangguan upang makita nito ang kabutihan ni Jose. Nagsimulang magtiwala sa kanya ang bantay, kaya
inatasan nito si Jose na pamahalaan ang iba pang mga bilanggo.
May nakilala si Jose na dalawang bilanggo, isang panadero at isang punong katiwala, na dating
nagtrabaho kay Faraon. Kapwa sila nagkaroon ng mga kakatwang panaginip. Sa pamamagitan ng
kapangyarihan ng Panginoon, ipinaliwanag ni Jose kung ano ang kahulugan ng kanilang mga panaginip.
Ang panaginip ng punong katiwala ay nangangahulugang mapapalaya ito. Makalipas ang tatlong araw,
pinalaya nga ito upang muling magtrabaho kay Faraon.
Isang araw, nabalisa si Faraon dahil sa kanyang mga panaginip. Walang makapagsabi sa kanya kung ano
ang kahulugan ng kanyang mga panaginip.
Biglang naalala ng punong katiwala na kayang ipaliwanag ni Jose ang mga panaginip.
Inilabas si Jose mula sa bilangguan upang ipaliwanag ang mga panaginip ni Faraon. Sinabi ni Jose na ang
ibig sabihin ng mga panaginip ay magkakaroon ang Egipto ng pitong taon ng kasaganaan kung saan
marami ang pagkain at masusundan ito ng pitong taon ng taggutom kung saan kaunti ang pagkain. Sinabi
ni Jose kay Faraon na dapat mag-imbak ng karagdagang pagkain ang Egipto sa mga taon ng kasaganaan.
Alam ni Faraon na totoo ang sinabi ni Jose tungkol sa kanyang mga panaginip. Pinalaya niya si Jose mula
sa bilangguan at ginawa niya itong dakilang pinuno sa Egipto. Sa loob ng pitong taon, tinulungan ni Jose
ang Egipto na mag-imbak ng karagdagang pagkain.
Pagkatapos ay dumating ang taggutom. Sa panahong ito, walang sinumang makapagpatubo ng anumang
pagkain. Naglakbay ang mga tao papuntang Egipto upang bumili ng pagkaing inimbak ni Jose. Dahil kay
Jose, ang mga taga-Egipto ay nakapag-imbak ng sapat na pagkain upang tulungan sila at ang iba na
makaligtas sa taggutom.

Si Jose at ang Taggutom

Nagutom ang pamilya ni Jacob dahil sa taggutom. Kaya isinugo ni Jacob ang kanyang mga anak
papuntang Egipto upang bumili ng pagkain. Hinayaan niyang manatili sa bahay ang kanyang bunsong
anak na si Benjamin. Natakot siyang mawalay sa kanya si Benjamin tulad ng pagkawalay sa kanya ng
kanyang anak na si Jose maraming taon na ang nakalipas. Hindi niya alam na ibinenta ng kanyang mga
nakatatandang anak si Jose bilang isang alipin.
Sa panahong ito, si Jose ay isa nang dakilang pinuno sa Egipto. Siya ang namahala sa pagbebenta ng
pagkain sa gitna ng taggutom. Lumapit ang magkakapatid kay Jose at humingi sila ng pagkain sa kanya.
Hindi nila siya nakilala.
Nakilala sila ni Jose, ngunit nagkunwari siya na hindi niya sila kilala. Tinanong niya sila tungkol sa
kanilang pamilya upang malaman kung buhay pa ang kanyang ama at kapatid na si Benjamin.
Pagkatapos ay binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang mga kapatid. Sinabihan niya sila na huwag
bumalik para sa karagdagang pagkain maliban na lamang kung isasama nila ang kanilang bunsong
kapatid na si Benjamin.
Nang muling maubusan ng pagkain ang pamilya, alam ni Jacob na kailangan niyang ipadala si Benjamin
kasama ng iba pa niyang mga anak pabalik sa Egipto. Natatakot pa rin si Jacob na hayaang umalis si
Benjamin. Ngunit si Juda, isa sa magkakapatid, ay nangako na pananatilihin niyang ligtas si Benjamin.
Nang bumalik ang magkakapatid sa Egipto, ipinalabas ni Jose na tila nagnakaw si Benjamin ng isang
kopang pilak. Nais niyang makita kung nagbago na ang kanyang mga nakatatandang kapatid. Nakiusap si
Juda kay Jose na huwag parusahan si Benjamin kundi sa halip ay siya ang parusahan.
Masaya si Jose na makitang nagbago na ang kanyang mga kapatid. Dahil sa pagmamahal nila kay
Benjamin, handa silang protektahan ito. Kaya, sa wakas, sinabi sa kanila ni Jose kung sino siya.
Pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid sa pagbenta sa kanya upang maging alipin. Sinabi ni Jose na
ito ang paraan ng Panginoon upang tulungan ang kanilang pamilya na makaligtas sa taggutom.
Bumalik ang mga kapatid ni Jose sa kanilang amang si Jacob, at sinabi nila sa kanya ang lahat ng
nangyari. Inilipat ni Jacob ang kanyang buong pamilya sa Egipto.
Malugod na tinanggap ni Faraon ang pamilya ni Jacob. Binigyan niya sila ng lupain at mga hayop upang
magkaroon sila ng maraming pagkain. Ang pamilya ni Jacob ay namuhay nang mapayapa sa loob ng
mahabang panahon.

Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid

15
Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung
galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose
at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa
iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman
ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.”
Napaiyak si Jose nang marinig ito.

18
Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika
nila.

19
Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang
inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang
marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.”
Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.

You might also like