You are on page 1of 7

FILIPINO 14

ANG SIKAT NA KAINAN SA BAYAN


Ni Bb. Degamon

Sa bayan ng San Sebastian ay may pinag-uusapang kainan. Nagtataka kasi ang mga tao
kung bakit hindi maubos-ubos ang mga kumukain doon. Bukod pa roon, kataka-takang palaging
nakabukas ang kainan at kahit anumang oras ay dinadagsa ito ng mga kustomer, tila ba nakaka-
adik ang mga putaheng inihahain kung kaya’t palagi itong binabalik-balikan. Maraming
nakapagsabi na masarap nga talaga ang mga pagkain doon, lalong-lalo na ang karne. May kung
anong espesyal daw kasi sa ginagamit nilang karne at siguradong hindi ka manghihinayang sa
paglalabas ng pera para dito.

Samantala, sa katapat na bangko ng nasabing sikat na kainan nagtatrabaho ang mag-


asawang Lucio at Anita. Sila man ay nagtataka kung bakit kay daling lumago ng katapat na
restawrant gayong hindi pa nagtatagal magmula nang ipatayo ito. Gayunpaman, napagkasunduan
ng mag-asawa na doon kumain mamayang hapunan para ipagdiwang ang kaarawan ng panganay
nilang anak na si Marco. Isasabay na lang din nila sa pagdiriwang ang pangunguna sa klase ng
pangalawa nilang anak na si Luisa, at ang bunso nilang si Dan na sa wakas ay marunong nang
bumasa.

Nang makarating na sa restawrant ang pamilya nina Lucio, nagmadali agad silang pumasok
para ukopahan ang natitirang lamesa sa may kanang bahagi na malapit sa palikuran. Iyon nalang
kasi ang bakante dahil kahit maaga pa lamang ay napuno na agad ang nasabing kainan. Umorder
kaagad ng Adobo, Sinigang, Kalderita, at Bistek si Anita sapagkat iyon ang paborito ng kanilang
pamilya. Nang maihain na ang mga putahe sa hapag ay nanuot kaagad ang nakakatakam na amoy
sa kanilang mga ilong at agad na nagpagutom sa kanila nang husto. ‘Hindi nga kami nagkamali sa
pagpunta rito’ naiisip ni Mang Lucio.

Maganang naghapunan ang buong pamilya. Paminsan-minsan ay sinasaway ni Luisa ang


nakababatang kapatid na si Dan dahil panay ang pahid nito sa damit ng mga mantsa galing sa ulam
at napakakalat pa nitong kumain. Tatawa-tawa lang naman ang panganay at ang may kaarawang
si Marco dahil makintab na ang matatambok na pisngi ni Dan dahil sa mantikang nanggaling sa
Adobo.

“Napakalambot at talagang malasa ang karne nila dito hindi ba mahal? Ipupusta kong kahit
wala itong timpla ay masarap pa rin” namamanghang wika ni Anita sa kaniyang asawa.

“Naku hintayin mo lamang na ako ang magluto at tiyak kong makakalimutan mo ang
pangalan mo” nagbibirong tugon naman ni Lucio.

Napuno ng tawanan ang mesa ng mag-anak hanggang sa biglang namatay ang ilaw sa
buong gusali. Napuno ng hiyawan ang buong paligid dahil sa gulat. Ilang saglit lang ay
naramdaman ni Mang Lucio na may tumakip sa ilong niya at may kung ano siyang naamoy doon,
unti-unti siyang nakaramdam ng hilo at tuluyang nawalan ng malay bago pa man niya maabot ang
munting kamay ni Dan na umiiyak sa katabi niyang upuan.

Nang magising ay natagpuan niya ang kaniyang sarili sa isang madilim na silid. Hindi
pamilyar kay Mang Lucio ang lugar kaya’t nakaramdam siya ng takot dahil batid niyang siya ay
nasa panganib. Nadoble pa ang kaniyang pag-aalala nang maalala ang kaniyang asawa’t mga anak
na kani-kanina lang ay kasama niyang kumakain sa kainan. Masyadong madilim ang paligid kaya
hindi niya makita kung ano ang kinaroroonan niya.

Hindi nagtagal ay bumukas ang isang maliit na bombilya. Kahit patay-sindi at hindi
gaanong maliwanag ang ilaw ay sapat na ito upang maaninag niya ang pigura ng isang babae at
tatlong bata na walang malay sa mismong silid na iyon. Laking pasasalamat niya nang
mapagtantong pamilya niya iyon, kaya kahit nanghihina ay pilit nilapitan ni Lucio ang kaniyanng
asawa at mga anak na hanggang ngayong ay wala pa ring malay.

“Anita, Marco, Luisa, Dan, gising!” nag-aalalang usal ng padre de pamilya na ngayon ay
dinadaga na ang dibdib dahil sa labis na pag-aalala. “Pakiusap gumising kayo!”

“Tay” naaalimpungatang tugon ni Marco. “Nasaan po tayo”

“Hindi ko alam anak, tulungan mo akong gisingin ang nanay at mga kapatid mo!”

Ilang sandali pa ay nagising na sina Anita, Luisa, at Dan. Agad na umiyak ang bunso dahil
bumungad sa kaniya ang madilim, masikip, at malansang silid. Agad naman itong kinalong ni
Mang Lucio at pinatahan. Maya-maya pa ay may narinig silang papalapit na yabag. Napuno ng
katahimikan ang paligid. Tanging mabibigat na paghinga lamang ang kanilang naririnig. Ilang
sandali pa ay umalingawngaw ang iyak ng isang sanggol at impit na sigaw ng isang babae na
sinundan ng isang baritonong boses na animo’y puno ng galit.

“Bitawan niyo ang mag-ina ko!” parang kulog na lumukob ang ma-awtoridad at ‘di
pamilyar na boses sa buong paligid. Ngunit sa likod ng tapang ng kung sinumang nagmamay-ari
ng tinig na iyon ay maririnig ang himig ng pagmamakaawa, hinagpis, at pagdurusa.

“HAHAHA! Sino ang tinakot mo? Hindi kami masisindak sa’yo lumpo!” at sinundan pa
iyon ng tawanang mapang-uyam, isang tawanan na puno ng pang-iinsulto at pang-mamaliit.

“Kung ganoon ay isama niyo na lamang ako” pakiusap ng lalake.

“Hindi mo ba nakakita ang sarili mo? Buto’t balat ka na nga lang ay hindi ka pa nauubusan
ng tapang! Kahit pa gawin kang Bulalo ay walang titikim sa’yo! Ayan kasi, ayaw mong makinig!
Sinabi ng kumain, pero ayaw kumain. Tingnan mo ang mag-ina mo. Masunurin. Ganyan, tama
lang ang laki. Siguradong malaman! Kaya ikaw, kumain ka. Baka sa susunod na linggo ipakuha
ka na rin ni Madam!”

“Mga hayop!” nanggigigil na sigaw ng lalake. Ngunit tawanan lamang ang tugon sa kaniya.

Unti-unting humina ang sigaw at ang atungal ng sanggol. Senyales na malayo na ang mga
ito. Sumigaw nang sumigaw ang lalake hanggang sa panawan siya ng boses at lakas.

Sa Kabilang dako, malapit sa kinaroroonan ng pamilya ni Mang Lucio, ay may dalawang


daligita na ipinasok sa katabing silid. Hindi katulad sa lalake kanina ay hindi ang mga ito nanlaban.
Matapos kumalampag ang pintong gawa sa bakal ay muli na namang tumahimik.

Kinabukasan, nagising ang mag-anak sa isang malakas na katok. Pagkatapos noon ay


biglang bumukas ang silid at may naglapag ng pagkain. Napakaraming pagkain.

“Kumain kayo. Siguraduhin niyong mauubos iyan!” wika ng isang lalake sa labas ng silid.
Pagkatapos ay malakas na isinara ang pinto na lumikha ng malakas na ingay. Agad na kumain ang
mag-asawa at ang kanilang mga anak at hindi na lamang nag-isip ng kung ano-ano kahit pa
nilulukob na ng takot ang buo nilang pagkatao, dahil wala naman silang pagpipilian. Batid ng mag-
asawa na sa oras na magmatigas sila ay masama ang kanilang aabutin. Sinunod nila ang lahat ng
utos at kahit kailan ay hindi sila nanlaban. Ang tanging ginagawa lamang nila ay araw-araw at
oras-oras na manalangin dahil hanggang ngayong, hindi pa rin nila alam kung nasaan sila.

Walang araw na hindi sila nanalangin. Palagi itong pinangungunahan ni Anita at sabay-
sabay silang lumuluhod at mananalangan ng banal na rosary. Bawat panalangin ay ibinubuhos ng
mag-anak ang kanilang damdamin sa pag-asang pakikinggan sila ng Diyos. Halos isang buwan na
silang nananatili sa madilim na silid na iyon at araw-araw ay paulit-ulit lang ang kanilang
ginagawa. Kakain, mananalangin, matutulog. Gigising, mananalangin, kakain, at mananalangin
ulit. Hanggang sa sumapit na ang araw na kanilang kinatatakutan.

Kinuha na ng grupo ng armadong kalalakihan ang pamilya na nasa katabi nilang silid.
Nangangahulugan lamang iyon na sila na ang kasunod. Napuno ng sigawan, iyakan, at
pagmamakaawa ang nakapanlulumong tagpong iyon. Ngunit katulad ng mga nauna, hindi rin
pinakinggan o pinagbigyan ang kanilang kahilingan.

Nang muling tumahimik ang paligid ay nagsimula nang mamalisbis ang luha ni Lucio. Sa
tagal ng pamamalagi nila sa lugar ay ngayon lamang sumabog ang emosyong pilit niyang itinago
sa loob ng ilang buwan. Kay tagal niyang hiniling na isang araw ay makalabas sila sa
kinasasadlakang silid, ngunit sa puntong ito ay hinihiling niyang sana ay huwag nalang. Sana ay
hindi pa sila kunin. Ngunit alam niyang sila na ang susunod. At hindi niya alam kung ano ang
naghihintay sa kanila sa labas. Buong araw ay wala silang ibang ginawa kundi ang manalangin.
Bawat pag-usal ng dasal ay may kasabay na mainit na luhang dumadaloy mula sa kaibuturan ng
kanilang mga puso. Ngayon, ang tanging pag-asa na lamang nila ay ang panginoon.

Mula sa isang maliit na siwang sa ding-ding na kumokonekta sa silid nina Mang Lucio at
ng dalawang dalagita ay may dumaang liwanag. Mula doon ay sumilip ang isa sa dalawang
dalagita at sa unang pagkakataon, magmula nang dumating ang mga iyon sa lugar na kinaroroonan
nila ay ngayon lamang ang mga ito nagsalita.

“Mang Lucio, sa ganap na alas dose mamayang gabi ay bubukas ang pintong iyan. Kunin
n’yo ang pagkakataong iyon para tumakas.”

“Hija, hindi ko maintindihan” pagkausap niya sa dalaga.

“Magtiwala ho kayo, alam namin ang laman ng bawat panalangin ninyo. Isipin n’yo na
lamang na dininig na iyon ng Panginoon.”

“Ngunit noong isang araw ay narinig ko ang usapan ng mga armadong lalake. Sinabi nitong
walang saysay kong magtatangkang tumakas ang kahit na sino sa atin dahil ang lugar na ito ay
napapalibutan ng karagatan. Kung hindi ako nagkakamali ay nasa isang isla tayo” Sabat naman ni
Anita sa usapan,

“Sundan n’yo lamang ang liwanag”

Pagkatapos sabihin iyon ay parang hanging naglaho ang dalaga sa kabilang bahagi ng silid.
Ang iniwan nitong mga kataga ay nagmistulang palaisipan sa kanila. Ngunit kahit naguguluhan,
pinili pa rin nilang magtiwala, dahil wala naman silang ibang pagpipilian.

Ilang minuto na lamang ang nalalabi bago sumapit ang hatinggabi at tanging malakas na
tibok ng kanilang mga puso lamang ang kanilang naririnig, habang hinihintay ang kanilang
kapalaran. May ilang mahihinang pagtangis ang mauulinigan sa mga karatig-silid; mga pamilyang
naghihinagpis, mga batang nawawalan ng pag-asa, at mga inang nadudurog ang puso para sa
kahihinatnan ng kanilang mga anak.

Samantala, walang tigil sa pagsulyap sa kaniyang relong pambisig si Mang Lucio, hinihintay ang
takdang oras. Nang sumapit ang alas dose ng hatinggabi ay tumahimik ang ang buong paligid.
Tumigil sa paghuni ang mga kuliglig, at tila naging payapa ang buong lugar. Animo’y tumigil ang
oras nang mga sandalling iyon. Kasabay ng paglapat ng kamay ng orasan sa numerong ‘12’ ay ang
pagbubuikas ng pintong gawa sa bakal. Ngunit hindi katulad ng dati ay wala itong ingay, hindi ito
gumawa ng anumang tunog.
Nang tuluyang bumukas ang pinto ay sumilay ang isang sinag ng liwanag na tila
nanggagaling sa isang flashlight ngunit hindi nila makita ang pinanggagalingan nito.

“Sundan n’yo lamang ang liwanag”

Sa ikalawang pagkakataon ay parang narinig ulit ni Mang Lucio ang tinig ng dalaga. Hindi
niya man mawara kung guni-guni lamang o hindi, ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod.
Dali-dali niyang inakay ang kaniyang asawa’t mga anak at magka hawak-kamay na naglakad
palabas ng naturang silid at sinundan ang liwanag.

Ipinagsawalang-bahala nila ang kung anumang nadadaanan at nagpatuloy lamang sa


paglalakad. Nang maramdaman nila ang malamig na hanging dumampi sa kanilang balat ay
nalaman nilang nakalabas na sila. Ngunit sa paghampas ng malalaking alon sa kanilang mga paa
ay muling namayani ang pangamba sa kanila.

“Tay, paano po tayo tatawid?” umiiyak na tanong ng panganay na si Marco.

‘Sunadan n’yo lamang ang liwanag’

Muling naulinigan ni Mang Lucio. At ganoon nga ang kanilang ginawa. Sinundan nila ang
liwanag. Makalipas ang ilang oras na paglalakad ay mala-himalang nakaapak na ang kanilang mga
paa sa lupa. At hindi lamang iyon, nasa labas na sila ng kanilang tahanan! Nanghihinang napaupo
si Mang Lucio sa lupa at lumuluhang nagpasalamat sa Panginoon.

“Tunay at buhay ang panginoon mahal!” humahagulgol na wika ng kaniyang asawa na si


Anita. “Naniniwala akong ang dalagang iyon ay anghel na isinugo ng panginoon upang tayo’y
iligtas. Tunay ngang walang imposible sa pananalig!” dagdag pa nito.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay bumalik sa dati nilang pamumuhay ang mag-anak.


Makalipas ang ilang araw ay nabalitaan nilang sapilitang nagsara ang kainan dahil nalaman ng
mga awtoridad ang malagim na sekreto sa likod ng masasarap nilang pagkain. Dinakip ang may-
ari at pinatawan ng karampatang parusa. Napag-alaman nilang may isang dalagang naglakas-loob
na magsumbong sa mga nakatataas at may matibay itong ebidensya kung kaya’t nabigyan kaagad
ng aksiyon.
Pagkalipas ng ilang taon ay naibaon na sa limot ang kagimbal-gimbal na pangyayari sa
bayan ng San Sebastian at sa pamilya nina Mang Lucio. Itinuring na lamang nila iyong isang
bangungot at sila ay bumalik na kani-kaniyang pamumuhay. Nagpatuloy sa pagtatrabaho sa
bangko ang mag-asawang si Julio at Anita, habang nagpatuloy naman sa pag-aaral ang kanilang
mga anak. At higit sa lahat, naging mas malapit sila sa panginoon. Nanilbihan ang mag-asawa sa
simbahan habang naging kasapi naman ng koro si Luisa at naging sakristan naman sina Marco at
Dan.

Buong buhay nila ay ibinuhos sa pagsisilbi sa panginoon, kapwa, at bayan. Iginugol nila
ang pangalawang pagkakataon at pangalawang buhay na ipinagkaloob sa kanila sa paggawa ng
kabutihan sa kapwa bilang pasasalamat. Tumutulong rin sila sa pamamahagi ng salita ng Diyos at
pagtulong sa mga kapos at nawawalan ng pag-asa. Lahat ng iyon ay ginagawa nila bilang
pagpupugay sa Panginoon, dahil walang imposible sa taong nananampalataya.

You might also like