You are on page 1of 2

Jamila Abdulgani

BSEd Filipino – 3rd Year


FIL126 A2

Kritikal na Sanaysay sa “Politika ng Wika, Wika ng Politika” ni Randolf S. David

Kailan man ay napakalaking isyu at talakayan ang tungkol sa wika. Marami ang naging

debate pagdating sa wika. Hindi maipagkakaila na lahat ng bagay sa mundo ay kontrol ng wika.

Ayon kay Thompson (2020), ang wika ay may napakalaking kapangyarihan, at ang epekto nito

ay ganap na nakasalalay sa kung paano natin ito ginagamit. At siya ngang tunay sapagkat ang

wika ay may kakayahang magkontrol at baguhin ang isip at damdamin ng tao at daan din upang

makapagbuklod sa mamamayan (Constantino, 2005). Tunay na malaki ang papel ng wika sa

ating buhay at nakakapuspos naman talaga ito.

Ang mga kadakilaan o kawalan ng kadakilaan ay maaaring maging isang bahagi ng pag-

uusap tungkol sa mga isyu ng wika. Isang mainit na talakayan tungkol sa wika ay ang “Politika

ng Wika at Wika ng Politika na pinagdiinan ni Randolf S. David. Ayon sa kanya, ang Politika ng

Wika ay nagsisilbing instrumento ng pagkontrol sa kamay ng mga makapangyarihan, at

instrumento naman ng pakikibagay o pag-iwas at pagtutol sa parte ng mga biktima ng

kapangyarihan. Isang sinaunang halimbawa nito ay ang pagkokontrol ng mga kastilang prayle sa

bansa, gamit ang wika, sa pamamagitan ng pagsesermon tungkol sa mga kaayaaya at hindi

kaayaayang gawin ayon sa pinaniniwalaan nilang utos ng Diyos. Sa halimbawa ay makikita kung

paano ang wika ay naging instrumento upang kontrolin ng mga kastilang prayle ang tinatawag

nilang mga Indio noon. Sa kasalukuyan, hindi rin maitatago ang politika ng wika. Kahit saang

bansa ay ginagamit ng mga tao sa politiko ang wika bilang sandata ng pagkontrol. Dahil dito,
nagkaroon ng lubos na epekto sa wika dahil sa tagisan ng kapangyarihan; ang wika ay nagiging

mapangahas sa lagay na ito.

Sa usaping Wika ng Politika naman, binigyang diin ni Randolf David kung ano ang wika

ang ginagamit sa politikal na gawain. Tulad ng kung ano ang wika ang ginagamit ng mga

opisyales sa eleksiyon. Pumapasok na rito ngayon ang papel ng wikang Filipino sa politika.

Ipinaliwanag ni Constantino (2008), na mas madalas gamitin ang pambansang wika sa mga usaping

pulitikal gaya ng pangangampanya tuwing eleksyon at talumpati ng Pangulo sa mga mahahalagang

okasyon. Sa mga ganitong sitwasyon, mas kinakailangan ng mga pulitiko na maunawaan ng masang

Pilipino ang kanilang mga sinasabi. Ngunit sa ganitong punto, lumilitaw din naman ang usapin sa

hindi pagkakapantay-pantay ng wika. Bagama’t nagagamit naman kahit papaano ang wikang Filipino

sa pagpapahayag ng mga opisyales sa politiko, higit na marami pa rin talaga ang gumagamit ng

wikang Ingles. Ang mismong mga Filipino ay nagiging estranghero sa sariling bansa kung ang

mananaig na wika sa politika ay wikang banyaga. Maging wika sa batas ay halos nasa Ingles at tila

ipinaparating nito na sadyang kinakausap ng pangulo at ng matataas na opisyal ng bayan ay yaong

iilan lamang na may kakayahang humubog sa kinabukasan ng bayan.

Hindi masugpo-sugpo ang pansuliraning wika na ito. Ngunit ang pagbabago, tulad ng

kasabihan ay nagsisimula sa sarili. Kung nais nating magpunyagi ang pambansang wika,

kailangan ay ito ang gamitin sa araw-araw na pakikipagtalastasan. Malaya ang lahat sa nais na

gamiting wika. Kung sana ay may lugar ang wikang Filipino sa mga puso ng mamamayan at

huwag hayaang sakupin nang tuluyan ng wikang banyaga ang isip, puso, at diwa; at palagiang

tandaan ang paggamit sa tamang paraan ng anumang wika upang hindi mawaglit at matahak ang

mapangahas na daan.

You might also like