You are on page 1of 27

Diktadurya at Bagong Lipunan sa mga Musikang Panghimok at Protesta

Raul Casantusan Navarro, PhD


Kolehiyo ng Musika
Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

INTRODUKSIYON: ANG GAMIT NG MUSIKA SA PANAHON NG REPRESYON

Ang musika ay parte ng malawak na proyektong tulak kultural ng rehimeng Marcos.

Alingawngaw ito na maikukumpara sa panahon ng Hapon kung saan ang pananakop ay nakakabit

sa pagbabalik sa linang ng Filipino na Asyano ang simulain. Sa Panahon ng batas militar, kung

kailan itinatag ang Bagong Lipunan o New Society, ipinilit din ang pagbabalik ng Filipinong

kultural na salik na malaon nang napalitan ng kanluraning kultura na minana pa natin sa mga

pananakop ng Kastila at Amerikano. Ayon kay Ferdinand Marcos,

Maliwanag na ang kaparaanan upang maalis ang kaisipang kolonyal


ay isang programang pangkultura upang maunawaan,
mapahalagahan at maipagmalaki ang mayamang pamanang
kultural bilang pundasyon sa pagkakaroon natin ng pagtatangi’t
pagmamalaki sa sarili bilang sambayanang Pilipino.1

Mayroon totoong tulak sa pagbawi at pagtataguyod sa musikang Filipino. Katulad ng

binanggit na, bahagi ito ng mas malawak na patakaran sa pagbabalik sa Asyano at katutubong

linang ng Filipino. Katanggap-tanggap ito sa musikong Filipino na umasa na magiging

makabuluhan ang proyekto. Ang mas maagang pagtatayo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o

CCP, na pinasinayaan noong 10 Setyembe 1969, ay isang pisikal na manipestasyon ng

pagtataguyod ng kultural na pundasyon ng rehimen. Ang CCP nga ay tinawag ni Imelda na

luklukan ng [artistikong] kaluluwang Filipino. Banggit niya,

“What makes a home? Love. What is love when made real? Beauty.
When there was a crisis of identity, who are we? Are we Japanese?
1
Americans? Spanish?” So, I said, “Ah! I’ll build a cultural center of
the Philippines to be the sanctuary of the Filipino soul and the
monument of the Filipino spirit.”2

Ang CCP ang naging sentro ng klasikong musika ng Bagong Lipunan sa mga sumunod na

taon mula nang ilunsad ito. Dalawang malaking teatro ang pinatatakbo nito, ang Main Theater at

Little Theater. Kasama rin dito ang National Arts Center, kung saan nabibilang ang Philippine High

School for the Arts. Nananahan din sa CCP ang sumusunod na mga performing groups: Ballet

Philippines, Teatro Pilipino, Philippine Philharmonic Orchestra at ang Philippine Madrigal

Singers.3

Ang National Music Competitions for Young Artists o NAMCYA ay isa namang

instrumento ng CCP upang kilalanin ang mga kabataang mahusay sa musika. Samantalang ang

Young Artists Foundation of the Philippines ay isa ring sangay ng CCP na nagpadala ng mga di

pangkaraniwang kabataang musiko sa mga sentro ng pagsasanay sa iba’t ibang bansa sa buong

mundo, partikular sa Estados Unidos.4 Matapos ang EDSA People Power Revolution, ang mga

iskolar na sinuportahan sa ilalim nito ay kilala na sa internasyonal na entablado. Narito ang

listahan ng ilan sa kanila, at mga institusyon kung saan sila nagsanay:5

• Ma. Rowena Arrieta, pianist. [Moscow State Conservatory]


• Romeo Belamiento, trumpetist. [Municipal Conservatory of Music sa Mechelen,
Belgium]
• Jaime Corpus Bolipata, pianist. [Julliard School of Music, New York City] • Ramon
Corpus Bolipata, cellist. [Curtis Institute of Music, Philadelphia] • Hector Corpuz,
violinist/violist. [Interlochen Arts Academy and Cleveland institute of Music]
• Joey Corpuz, paraplegic violinist. [New School of Music, Philadelphia]
• Jovianney Emmanuel Cruz, pianist. [Manhattan School of Music, New York City] •
Joseph Esmilla, violinist. [Juilliard School of Music, New York City]
• Dionisia Fernandez, pianists. [Juilliard School of Music, New York City] • Cecile
Licad, pianist. [Rudolph Serkin’s Institute for Young Performing Musicians] • Raul
Sunico, pianist. [Juilliard School of Music, New York City]

2
• Noel Velasco, tenor. [Curtis Institute of Music, Philadelphia]

Maisasakonteksto ang grupo ng artistang ito sa binanggit ni Foucault, na ang bawat isa sa

kanila ay—

“’ideological’ representation of society… he is also a reality


fabricated by this specific technology of power that I have called
‘discipline.’ We must cease once and for all to describe the
effects of power in negative terms… In fact, power produces…
The individual and the knowledge that may be gained of him
belong to this production.”6

Sa maiking sabi, hindi lamang mga musikang produkto ang hinuhubog tungo sa pagbuo ng pakay

na imahen ng rehimen, kundi maging artista, at ang mismong lipunan ay hinubog sa aspektong

kamalayan at kilos upang maging modelong mamamayan sa binubuong lipunan. Kaagapay ng

proyektong paghubog ng tendensiya sa kilos ang kamalayang nagiging repositoryo ng

bokabularyo ng pamumuhay sa ilalim ng diktadurya. Halimbawa nga ng isang aklat na inilimbag

ng rehimen sa ilalim ng Philippine Army, ay ang Towards the Restructuring of Filipino Values,7 na

malinaw na may pakay na panghihimasok sa kamalayan ng lipunang Filipino.

Makikita ang sakop ng Rehimeng Marcos sa pagpapayaman ng parehong klasikal at

popular na musika. Ang popular na musikang Filipino ay nagkaroon ng pagkakataong makalaban

sa namamayagpag na mga dayuhang popular na musika nang maglabas ng Memorandum Order

B75-31 ang Broadcast Media Council noong 1975. Nag-uutos ito sa lahat ng istasyon ng radyo na

may pangmusikang format na magpatugtog ng isang Filipinong awit bawat oras; hanggang

umabot ito ng apat sa mga sumunod na panahon8 kung kailan mas tinatangkilik na ng mga

tagapakinig ang musikang Filipino at hindi na kailangan pang ipag-utos ang pagpapatugtog nito,
sa halip, kusa na itong binigyan ng mas malaking espasyo sa brodkast ng mga radyo. Itinatag na

rin sa panahong ito ang Metro Manila Popular Music Festival o Metropop na inilunsad noong

3
1977, at ginanap ito taon-taon mulang 1978 hanggang 1985. Nagbunga ng maraming sikat na

awit ang Metropop, katulad ng “Kay Ganda ng Ating Musika,” “Anak,” “Bulag, Pipi, at Bingi,”

“Isang Mundo, Isang Awit,” “Sino’ng Baliw,” at marami pang iba.

MGA AWIT-PANGHIMOK SA BAGONG LIPUNAN

Mayroong batayang pagkakaiba ang audience at pagtatanghal ng mga awit-panghimok

ng Bagong Lipunan at awit-protesta—ang mga awit ng rehimen ay inaawit bilang rekisito sa mga

paaralan at lugar ng hanap-buhay, partikular sa mga kagawaran ng gobyerno, lokal at nasyonal;

samantalang ang awit-protesta ay piniling awitin ng taumbayan. Ngunit nagtatagpo ang

dalawang awit sa uri nito na parehong awit-panghimok o propaganda music. Ang mga awit ng

Bagong Lipunan ay itinanim nang sapilitan sa isip ng mga mag-aaral dahil tila bilanggo sila sa

apat na sulok ng silid-aralan. Sabi nga ni Ferdinand, “[w]e must stress… practical and

far-reaching tasks for education – that of information, enlightenment, motivation and

guidance.”9 At dahil nasa kontrol din ng rehimeng Marcos ang midyang limbag at brodkast,

magdamang din itong itinanim sa kamalayan ng taumbayan, partikular sa mga taong nakababad

sa radyo kung saan parte ng mga broadkast ang pagpapatugtog ng mga temang-awit ng Bagong

Lipunan, katulad ng Masagana 99, Himno at Martsa ng Bagong Lipunan, atbp. Narito ang ilang

titik at musika ng mga awit ukol sa Bagong Lipunan:


4

BAGONG PAGSILANG10
(March of the New Society)
Titik: Levi Celerio, Musika: Felipe de Leon

Ang gabi’y nagmaliw nang ganap


At lumipas na ang magdamag

Madaling araw ay nagdiriwang


May umagang namasdan.

Ngumiti na ang pag-asa


Sa umagang anong ganda

May bagong silang, may bago nang buhay


Bagong bansa, bagong galaw, sa Bagong Lipunan
Nagbabago ang lahat tungo sa pag-unlad
At ating itanghal Bagong Lipunan
5

BAGONG LIPUNAN11
(Hymn of the New Society)
Titik at Musika: Felipe de Leon

Ang bayan kong may dangal


Puri’t kagitingan
Dagat, bundok ay sagana
At kay yaman ng lupa.

Pilipinas sa piling mo
Maligaya ang buhay ko
Bagong Lipunan ang dapat
Malaon nating hinahangad.
Makikita na ang dalawang awit ay bumubuo ng naratibo ng isang bansang maunlad at

puno ng pag-asa dahil sa binubuong Bagong Lipunan. Nagtatahi ito ng isang imahen na taliwas

sa karanasan ng maraming bilanggong politikal, mga magsasaka, manggagawa, at mag-aaral.

Ang musika ay may mahalaga ring gamit sa silid-aralan, dahil sa loob nito unang pormal

na itinuro ang mga awit ng rehimen – “Himno” at “Martsa ng Bagong Lipunan,” “Pilipinas Kong

6
Mahal,” “Ako ay Pilipino,” atbp. Narito ang isang talalista ng mga awit na ginamit sa silid-aralan,

mula sa koleksiyong Isang Bansa, Isang Diwa na inilabas noong 1983:

Isang Bansa, Isang Diwa (1983)


A Collection of Filipino Songs for Elementary Schools (Manila, CCP, 1983). Narito ang nilalaman
ng album—

Title Composer Page


Pambansang Awit ng Pilipinas Julian Felipe 1 Pilipinas Kong Mahal Francisco
Santiago 2 Isang Bansa, Isang Diwa Rodolfo de Leon 3 Bagong Lipunan Felipe
de Leon 4 Maligayang Bati Lucrecia R. Kasilag 5 Sa Ugoy ng Duyan Lucio D.
San Pedro 6 Kalesa Ernani Cuenco 10 Leron Leron Sinta Transcription 12
(Tagalog Folksong)
Handog sa Ina Ramon P. Santos 16 Manang Biday Cayetano Rodriguez 18
Four Ethnic Songs Compiled by:
a. Petik Manok Sis. Lilia Tolentino 22
b. Children’s Game
c. Tamendan
d. Children’s Song
Ako ay Pilipino George Canseco 24 Hindi lamang sa silid-aralan tinangkang buoin ang diskurso ng

Bagong Lipunan, maging sa mga patimpalak sa talento sa musika ay sinikap itong likhain. Narito

ang mga titulo ng mga koleksiyong awit para sa National Music Competition for Young Artists

(NAMCYA):

National Music Competitions for Young Artists (1982)


Children’s Choir Compilation Series I

National Music Competitions for Young Artists (1983)


Children’s Choir Compilation Series II

National Music Competitions for Young Artists (1983)


Commisioned Works for Children’s Choir, 1979-1982

National Music Competitions for Young Artists (1979)


Commisioned Works for Children’s Choir, 1973-1978

7
National Music Competitions for Young Artists (1979)
Commisioned Works for Youth Choir, 1975-1978

Isa sa mahahalagang koleksiyon ng mga awit ng rehimen ay ang Mga Awit sa Bagong

Lipunan na inilimbag noon 1974.12 Dito nakalimbag ang mas pinakamahahalagahang mga awit

ng rehimen. Kung tutuusin, maraming produksiyong-musikal ang nilikha upang buoin ang

pagbabagong-linang at kamalayan ng Filipino dahil ito ang kinakailangang pundasyon sa pagbuo

ng Bagong Lipunan.

AWIT-PROTESTA PAGPAPAKILALA

Ang bawat yugto ng kolonyal na kasaysayan ng lipunang Filipino ay may kanya-kanyang

alalahanin. Ang protesta ay hindi bagong kaisipan, at lalong hindi ito alalahanin lamang ng

kontemporaneong panahon. Kung susuriin ang pinagmulan o etimolohiya ng salitang protesta,

maaaring hiniram ito sa lumang salitang Pranses na protester bandang 1400 na

nangangahulugang “pagdedeklara sa publiko,” na nagmula naman sa orihinal na salitang Latin na

prōtestārī. Ang mas malapit sa kahulugang protesta na alam natin ay mailulugar sa bandang

1751, kung kailan naitala na ito sa wikang Ingles.13 Katulad ng kahulugan nitong nagbabago sa
paglipas ng panahon, nagbabago rin ang laman at ekspresyon ng protesta. Sa

musikang-protesta, makikita ang konteksto ng suliranin ng lipunang Filipino sa kanyang

kasaysayan—sa simula, sa mananakop na Kastila, halimabawa, sa mga awit na “(Alerta)

Katipunan,” “Alinmang Lahi,” at “Ang Iginanti’y Pinatay.”

Ang “(Alerta) Katipunan” ay nagmula sa isang awit na inaawit ng mga sundalong Kastila

tuwing may ginagaroteng mga “insurecto” na itinuturing na kalaban ng gobyerno. Maaaring may

8
pakay na pangungutya, dahil nang lumaon ay inangkin ng mga katipunero ang awit at nilagyan

ng bagong titik na kumakalaban sa Kastila, hanggang naging isang temang-awit na ito ng

Katipunan. At ito na ang ang alam nating “(Alerta) Katipunan!” Sa panahon ng Amerikano ay

masasabi nating ang malapit sa awit-protesta ay ang awit na “Bayan Ko” na isang kundiman, na

nilikha nina Constancio de Guzman at Jose Corazon de Jesus bandang 1927 para sa sarsuwelang

“Walang Sugat” ni Severino Reyes. Kung gayon, sa mga pormal na mga pagtatanghal sa

entablado ito unang narinig. Ang isa pang nasa ganitong estilo ay ang awit na “Kundiman” ang

titulo nina Bonifacio Abdon at Patricio Mariano na mas maagang nilikha noong 1920 kaysa sa

“Bayan Ko.” Parehong ukol sa pananakop ng dayuhan ang tema ng mga awit. Ngunit muling

binigyang-tinig ang awit ni Abdon sa panahon ng batas mulitar, dahil nilapatan ito ng

kontemporaneong titik ng ilang bilanggong politikal. Bukod sa iba pang mga awit, muli rin

namang inawit ang “Bayan Ko” bilang isa sa mga awit ng EDSA People Power Revolution noong

1986. Bagama’t nakalimbag ang awit na “Bayan Ko” sa aklat na Mga Awit sa Bagong Lipunan,

marahil dahil sa makasaysayang ugat nito, hindi inakala ng rehimen na magiging gamit ito sa

pagpapabagsak sa kanilang kapangyarihan.


Sa panahon ng rehimeng Marcos, katulad sa mas naunang panahon sa kasaysayan ng

bansa, nagpatuloy ang panghihiram ng melodiya ng ibang awit upang lapatan ng bagong titik.

Katulad ng binanggit na, isang halimbawang likha ni Abdon na ginamit ang melodiya ay ang awit

na “Kundiman.” Hiniram ang melodiya nito’t nilapatan ng bagong titik na naglalarawan

karanasan at damdamin ng mga bilanggong politikal sa panahon ng rehimeng Marcos. Narito

ang orihinal na makabayang titik at ang binagong titik (sa ibaba) ng likhang “Kundiman” nina

Bonifacio Abdon

9
at Patricio Mariano na nilapatan ng naratibo ayon sa napapanahong karanasan sa pakikibaka sa

estado:

KUNDIMAN14
Musika: Bonifacio Abdon / Titik: Patricio Mariano

Sa tapat ng laging palangiting araw


Na lumaganap sa dagat Silangan
May mutyang masuyo’t libid kayamanan,
Na giliw ang handog sa pusong damdam.

O bayang maligaya ng aking paggiliw.


Pusong lakambini kalong salamisim,
Ang iyong pagluha’y sandaling pigilin,
Ang kundimang ito mutya’y iyong dinggin.

Bulaklak ng aking laging pinithaya


Ang ikaw’y makitang may sariling laya’t
Sa dagat Silanga’y butihing diwata,
Mayama’t mapuri, bihis sa dalita.

Bulaklak ng aking laging pinithaya


Ang ikaw’t makitang may sariling laya
Sa dagat Silanga’y butihing diwata
Mayama’t mapuri, bihis sa dalita.

Butihing diwata. Diwata.

MUTYA15
[Sa bersiyong protesta laban sa estado]

Kaytaas ng pader sa aking paligid


Munting pisngi ng langit ang tanging nasisilip
Mutya kong tinatangi laging naiisip
Pagka’t pagtangis ng mutya’y lagi kong batid

10
O mutyang ginigiliw nalukob sa dalita
Ang mapaligaya ka’y tanging ninanasa.
Ang kundiman kong ito’y pagpugay sa iyong ganda.
Gandang namumukadkad ‘pag wala ka nang luha

Ang lahat ng aking lakas, nalalabi pang buhay
Sa iyong kapakanan aking iaalay
Butihing mutya ko, bayan ko.

Ginamit din ang tula ng mga dakilang bayani ng nakaraan. Ang mga titik ng “Pag-ibig sa

Tinubuang Lupa” ni Andres Bonifacio ay muling binigyang-buhay sa mga kilos-protesta sa

panahon ng batas militar. Nilapatan ng melodiya ang tulang ito. Dalawang bersiyon ang

nalikhang awit batay sa ilang saknong ng tula—isang musikang protesta at isang para sa koro o

sabayang pag-awit – sa magkaibang ekspresyon nina Inang Laya at Restie Umali.

PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA


Titik: Andres Bonifacio; Musika: Levi Celerio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya


Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa sariling lupa
Aling pag-ibig pa, wala na nga wala.

Pagpuring lubos ang palaging hangad


sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nina’y isinisiwalat.

Kung ang bayang ito’y nasasapanganib


at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak


ng kahoy ng buhay nilanta na at sukat

11
ng bala-balakit na pahirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Ipahandog-handog ang buong pag-ibig


at hanggang sa mga dugo’y ubusing itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay kapalit
ito ay kapalaran at tunay na langit.

Ang bersiyon ng titik na ginamit para pagsasamusika ni Celerio ay higit na maikli kompara

sa orihinal na dami ng berso sa tula. Limang saknong lamang ang ginamit sa awit na ito, ngunit

ang buong tula ay may 28 saknong. Ang awit naman na nilikha ni Inang Laya ay gumamit ng

pitong saknong.

PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA


Titik: Andres Bonifacio / Musika: Inang Laya

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya


sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Walang mahalagang hindi inihandog


ng pusong wagas sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Ang nakaraang panahon ng aliw,


ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan, saan tatanghalin?

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!


gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala’t inaasam-asam
kundi ang makita’y lupang tinubuan.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak


kahoy niyaring buhay na nilanta’t sukat
ng bala-balaki’t makapal na hirap

12
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Ipakahandug-handog ang buong pag-ibig


hanggang sa may dugo’y ubusing itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay kapalit
ito’y kapalaran at tunay na langit.

PROTESTA – MGA PAKSA AT DISKURSO

Ang mga awit-protesta ay repositoryo ng mga hinaing at isyung hindi nabibigyang-lunas

ng estado at nakapangyayari. Likas na politikal ang mga awit-protesta, kaya mahalaga ang

konteksto at pagpapanahon nito sa mga talakayan. Kailangan ding pag-aralan ang ugat ng

diskurso ng protesta bilang isang pagkilos dahil ito ay karaniwang inilalakip sa mga awit-protesta.

Nakakabit ang diskursong ito sa mga isyung tinatalakay, pinupuna, at ipinoprotesta sa mga
lansangan. Sa maikling sabi, sumusunod sa dikta ng panahon at politikal na klima ang direksiyong

tinatahak ng mga titik at kaisipan sa awit-protesta. Marahil hindi sadya ang paghahating

tematiko ng mga awit, ngunit seguradong ang mga awit ay reaksiyon sa mga pang-aabuso ng

rehimeng Marcos, mga kakutsaba at alipores nito. Ayon sa patnugot ng Mga Kanta ng

Rebolusyong Pilipino,

Ang rebolusyonaryong kanta ay sumasagot sa pampulitikang


pangangailangan at interes ng masa kaya’t masigla itong
tinatangkilik. Sinasalamin nito ang kalagayan, pangangailangan at
hangarin ng pinakamalawak na masa. Kaya mulat itong ginagamit
ng mga kadre ng Partido, Pulang mandirigma at aktibistang masa
upang ibandila ang mga adhikain ng pambansang demokrasya sa
buong kapuluan.16

Ang mga rebolusyonaryong kanta ay may katangi-tanging


kakayahan at tungkulin sa malawakang pagmumulat, pagpapakilos
at pagpapatatag sa masa kaya't ito ay mabisang sandata sa
pagbabago ng lipunan.17

13
Kung susuriin ang pahayag na binanggit, mahalaga ang ilang katangian ng awit-protesta upang

tangkilin ng masa. Dapat itong “[sumalamin] sa kalagayan, pangangailangan at hangarin ng

pinakamalawak na masa.” Sa pamamagitan nito “namumulat at napakikilos ang masa tungo sa

[hinihinging] pagbabago ng lipunan.” Mahalagang nakaugat ang mensahe sa pilosopiya ng

pagkilos, na madarama naman at makikita sa masinsing paglikha, pagbasa, at pakikinig sa teksto

ng mga awit-protesta. At mahalaga rin na napapanahon ang mga paksa at melodiya ng awit.

Malaki ang naging ambag ng mahuhusay na manunula sa pagbuo ng mga awit-protesta.

Dahil sa kanila ay nagkaroon ng mas malinaw na diskurso at organisadong naratibo ang awit ukol
sa mga ipinaglalabang isyu sa lipunan (ilang manunulat at musiko—Jess Santiago, Bienvenido

Lumbera, Heber Bartolome, Apo Hiking Society, Asin, Inang Laya, atbp). Narito ang ilang

karaniwang kontemporaneong isyu na pinapaksa sa mga awit-protesta sa panahon ng batas

militar, partikular sa nalalapit na pagtatapos sa rehimen ni Ferdinand Marcos at mga kakutsaba:

Mula sa awit na “Halina”18


• Pangangamkam ng lupain
• Karahasan sa kababaihan sa lugar ng hanapbuhay

Mula sa awit na “Manggagawa”19


• Hinahanap na katarungan mula sa pang-aapi ng mga panginoong may lupa • Mga
manggagawang pinahihirapan sa kabila ng katotohanang sila ang lumilikha ng yaman ng
bansa
• Mataas na presyo ng bilihin; mababa ang sahod

Mula sa awit na “Magsimula sa Pag-aaral”20


• Iwaksi ang maling kaisipan upang mapalaya ang bayan
• Panahon nang wakasan ang pambubusabos ng dayuhan

Mula sa awit na “Sigaw ng Estudyante”21


• Mataas na matrikula

Mula sa awit na “Gumising Ka Kabataan”22


• Ipaglaban ang demokrasya

14
• Huwag mong naising mabuhay kung kalayaa’y pangarap lamang

Mula sa awit na “Ang Detenido”23


• Masdan mo ang piitan, Alambreng tinik, Ito ang kasangkapan, Ng mga manlulupig, Upang
patahimikin, Ang mga diwa’t tinig, Ng sinisiil na bayang, Lumalaban, lumalaban

Mula sa awit na “Mendiola”24


• Inang-bayan, bakit may piring ang mata, May busal ang bibig, may takip ang tainga? May
gapos ang kamay ng lumang kadena, Hanap na paglaya sa daang Mendiola

At ang awit na “Kuwentong Pambayan” ay mahahati sa walong tema mula sa pag-akyat

sa kapangyarihan ni Ferdinand Marcos hanggang sa pag-aalsa ng Bagong Hukbong Bayan dahil


sa pandaraya ni Marcos sa lipunang Filipino. Narito ang balangkas ng walong saknong ng awit:

1. Pagpapakilala sa suliranin ng bayan


2. Si Marcos bilang manlolokong lider
3. Reaksiyon ng taong bayan sa batas militar
4. Pagtatatag ng Bagong Lipunan (“mala-demonyong lipunan”)
5. PC at Army bumangis
6. Dinayang ConCon
7. Reperendum sa pagpapatuloy ng batas militar
8. Dahil sa madayang hakbang, tumapang ang masa, partido at BaHuBa.

Narito ang mas kompletong titik ng ilang awit na binabanggit sa itaas:

HALINA25

Isang magsasaka si Pedro Pilapil


Walang kaulayaw kundi bukirin
Ngunit isang araw may biglang dumating
Ang saka ni Pedro’y kanilang inangkin
Tumutol si Pedro, siya’y binaril

Halina, halina
At sa ating puso’y hayaang
Maghasik ng punla si Pedro Pilapil.

HINAHANAP ANG KATARUNGAN26


(trans. by MM from Chilean Song)

15
Magsasaka sa aming bayan, lahat ay pinahihirapan
Ang lupa na sinasaka, hindi sa kanila.

KORO:
Hinahanap ang katarungan
Ang pangarap sana ay makamatan.

Magsasaka sa aming bayan, buhay ay walang


kasiguruhan Sa loob ng mga tahanan, pagkain ay kulang.
[Koro]

Magsasaka sa aming bayan, pang-aapi’y walang katapusan


Sa kanila’y walang awa, panginoong maylupa. [Koro]
1. Manggagawa

MANGGAGAWA27

Ang mga manggagawa ang mga lumikha


Ng lahat ng yaman sa ating bansa
Ikaw ang sandigan ng kaunlaran
Ngunit ba’t ikaw ngayon ang nahihirapan?

Kay baba ng sweldo, kay taas ng presyo


Di tiyak ang trabaho, kalagaya’y di makatao

Ang lahat ng yaman ay galing sa paggawa


Dapat magmay-ari ay manggagawa
Ikaw ang nagbabanat ng buto’t nagpapawis
Ngunit ba’t ikaw ngayon ang nagtitiis?

Sila ang nagbubusog sa iyong mga pagod


Sila ang nagpapasarap sa iyong paghihirap.

Uring manggagawa bumangon ka


Kumilos at mag-isip at makibaka!
Walang mawawala sa ‘yo kundi ang kadena
Kadena ng pagka-alipin ay lagutin mo na.

Kalagaya’y baguhin, mag-unyon, magkaisa!


Bangon, sulong, manggagawa.

HALINA28 (excerpt).

16
Si Lina ay isang magandang dalaga
Panggabi sa isang pabrika ng tela
Sumali sa unyon, sumama sa welga
Biglang nagkagulo, nawala si Lina
Nang muling makita, hubad at patay na.

Halina, halina
Damitan natin ang bangkay at sa ating puso
Hayaang humimlay si Lina.
2. Kabataan

Ayon kay Ferdinand, ukol sa kabataan,


They must lead; not dominate. They must persuade;
not coerce. They must be committed to the freedom of
man and the dignity of the individual. They must come
to build; not destroy.

Thus, even now, the young, in their strength, must be


conscious of their responsibility to build the world
better, happier, and freer than when they found it.29

MAGSIMULA SA PAG-ARAL30

Magsimula ng pag-aaral
Tayong mga kabataan
Hindi pa huli ang lahat
Pag-aralan ang kalagayan
Ng ating lipunan
Iwaksi ang maling kaisipan
Ng mapalaya ang bayan
Magsimula, magsimula
Kailangang malaman lahat
Dapat maghanda ngayon (2x)
Makilasalamuha ka sa masa
Manggagawa’t magsasaka
Sa pagbabago ng lipunan.

Koro:
Kaya tayong kabataan
Patatagin ang kalooban

17
Panahon nang wakasan
Pambubusabos ng dayuhan.

Tayong inaapi, tayong nilulupig


Sa liyab ng sulo tayong susulong
Kailangang maghanda ngayon
Sa liyab ng sulo tayo ay susulong
Kailangang maghanda ngayon.
SIGAW NG ESTUDYANTE31

Noong bata pa si Juan


Buhay niya’y simple lamang
Awitin niya gabi-gabi:
“Salamat at ako’y naging malaya.”
Tumanda ng tuwid
Ang bida ng istorya
Matalino sa klase’t saksakakan ng bait.
Ngunit may napuna ito sa buhay
kolehiyo Tila kasing bilis ng takbo ng
kabayo
Ang muling pagtaas ng matrikula.

“Ganyan talaga ang buhay!”, ang sabi ng ama.


“Kung ako’y hindi nagrereklamo, ikaw pa kaya?”
“Ganyan talaga ang siyudad,” ang wika ng sarhento
“Kung ika’y magrereklamo, ako ang kawawa!”|

(Narration)
“Kung ako’y magrereklamo, ako ang kawawa?
“Tingnan natin. Sugod sa plataporma!” ang
bida ng istorya at kasama sa welga ang
libu-libong Juan
“Welga! Welga!” sigaw ng estudyante
Tutulan ang muling pagtaas ng matrikula.
Sigaw dito, sigaw doon
Palakas nang palakas

Wala bang nakapansin, guwardiyang nakatingin?

Noong bata pa si Juan


Buhay niya’y simple lamang
Awitin niya gabi-gabi:
“Salamat at ako’y naging malaya!”

18
GUMISING KA KABATAAN32

Gumising ka, o kabataan


Maglingkod ka sa bayan
Panahon nang imulat
Ang pikit mong isipan.

Huwag kang tumigil, o kabataan Ang


demokrasya ay ipaglaban Huwag
mong naising ika'y mabuhay Kung
ang kalayaa'y pangarap lamang.

3. Bilanggong Politikal

ANG DETENIDO33

Masdan mo ang piitan


Alambreng tinik
Ito ang kasangkapan
Ng mga manlulupig
Upang patahimikin
Ang mga diwa’t tinig
Ng sinisiil na bayang
Lumalaban, lumalaban.

Masdan mo ang detenido


Taas pa rin ang kamao
Ang diwa niya’t prinsipyo
Ay hindi manlulumo
Kanyang nalalamang
Ang sulo ng himagsikan
Sa labas ay tulong-tulong
Na sinusulong, sinusulong.

Mundong parisukat
At dila ng dilim
Di ako papaya
Na iyong lamunin
Yaong kinandiling
Mga adhikain.

19
Tatagisan ko ng tigas
Ang tigas ng iyong mga rehas
Alambre at dingding.
4. Bayan

MENDIOLA34

2.
Inang-bayan, bakit may piring ang mata
May busal ang bibig, may takip ang taynga?
May gapos ang kamay ng lumang kadena
Hanap na paglaya sa daang Mendiola.

4.
Nagliliwayway na’t mapula ang langit
Ang bayang inapi ngayo’y nakatindig
Pakikibaka ay lalong sigasig
Sa daang Mendiola, tagumpay ang awit.

HALINA, HALINA35

Halina, halina at tayo'y maglakbay


Tungo sa landas ng ating kalayaan
Hawakan mo kasama ang 'yong sandata
Digmaa'y isulong hanggang sa tagumpay.

HUWAD NA KALAYAAN36
(Katha ng mga detenido sa camp crame noong 1975.)

May kalayaan ba kung bayan ay dumaraing sa hirap Kung


kayamanan ay hawak ng dayuhan at masa ay salat Kung
manggagawa ay dusta at magsasaka ay inaapi Huwad, sadyang
huwad ang kalayaan kung ang bayan ay ganyan.

Koro.
Gapos ay lagutin, kamao ay itaas
Laya natin ay itindig at ipagtanggol
Hirap ay lunasan, pang-aapi ay wakasan
Ang bayan ay ipaglaban.

20
5. Pagkakapantay-pantay
PAPURI SA SOSYALISMO37
Rody Vera Patatag

Hindi tayo titigil hanggang di nagwawagi


Ang ating mithiing magkapantay-pantay
Walang magsasamantala, walang mang-aapi
'Yan ang sandigan ng ating pamumuhay.

Ihahakbang natin ang bagong


kaisipan Ng pinakasulong na uri ng
lipunan
Mananaig ang diwa ng proletaryo
Bawat hakbang nati'y patungong sosyalismo.

6. Ang Rehimeng Marcos Ayon sa Awit-protesta

KUWENTONG PAMBAYAN38

1.
Tayo ay may isasaysay
Istorya ng ating bayan,
Tinatawag ang may kinalaman
Na lahat ng Pilipino.
Bayan natin ay may suliranin
Nilikha ng mga gahamang
Nagnanais na maghari
Habang sila ay buhay pa.

2.
Si Marcos ang lider nila
Manloloko’t sakim sa poder,
Otso anyos na sa Malakanyang
Hindi pa rin nagsasawa
Kaya ang ginawa niya
Dineklara ang Martial Law
Para hindi mapalitan
Sa pwesto ng pagkapangulo.
21
3.
Masa nagulat na lamang
Sa gulping inilunsad nila
Dyaryo at eskwelahan
Pilit nilang pinagsasarhan.
Army, PC pinakilos
Sa panghuhuli at
panunupil. Niyurakan ang
kalayaan,
Demokrasya natin nawasak.

4.
New Society ang tawag niya Sa
hakbang niyang mala-demonyo
Lahat-lahat kanyang pina-censor
Nagtakda pa ng curfew hours.
Armas kanyang pinasurender
Patented at paltik na baril
Malinaw na panloloko
Para ang masa hindi makalaban.

5.
PC at Army bumangis
Parang asong mga bulldog.
Mga taong progresibo
Sa estaked ang diretso
Kanyang ipinaestaked
Dahil kumontra sa kanyang interes.

6.
Con-Con agad tinapos,
Mga tuta nilang delegado
Probisyon pinagpapalitan
Para lahat-lahat kay Marcos.
Porma ng gobyerno binago
Dahil ito daw ang mabuti
Si Marcos daw ang president
Meintras tanto punong
ministro.

7.
Sumunod ang reperendum
Kung martial law
ipagpapatuloy Yes or no ang
pagpipilian
Ng masa ng Bagong Lipunan.

22
Pero anong kanilang ginawa
Niloko ang mamamayan
Masa ay di pa nakaboto
Talo na ang sagot na no.

8.
Malakanyang agad nagpyesta
Sa hilaw na tagumpay nila
Asendero nagdiriwang
Lalo na ang Kano na imperyalista.
Pero ano naging resulta
Ng diniktador na ideya
Tumapang ang masa
Partido at BaHuBa.39

Ang mga awit-protesta ay ang tunay na boses ng lipunang Filipino. Hindi ito pilit nililikha

upang magbuo ng kaisipang ideal, kundi pinapaksa nito ang karanasan ng laksang miyembro ng

lipunan na nagkakaboses lamang ukol sa mga isyung kinakaharap dahil sa mga awit-protesta.

Higit itong tumatagos sa damdamin ng mga may parehong karanasan ng pang-aabuso at

panlalamang at pangarap na pagbabago. Ang mga awit naman ng Bagong Lipunan ay nilikha

gamit ang pormularyo ng klasikong komposisyon. Kinomisyon ang paglikha nito kung kaya’t pino

ang kalidad ng parehong musika at titik. May bentahe rin ito ng publikasyon at suporta ng

rehimen sa regular at palagiang pagtatanghal, sa radyo man o silid-aralan, at sa mga opisyal na

palatuntunan ng gobyerno.
23
Mga Tala:

1
Binanggit ni Ferdinand Marcos sa KKK Kalinangan Perspectives – Pitong Haligi ng Bagong Republika: Mga moral na
simulain ng katubusang kultural. (NP, n.d.), 3.
2
Halaw kay Ramona S. Diaz, sa Imelda: A Documentary (2004).
3
Visitacion R. de la Torre, Lucrecia Kasilag: An Artist for the World (Quezon City: Vera-Reyes, Inc., 1985), 85. 4
Visitacion R. de la Torre, Cultural Center of the Philippines: Crystal Years (Pasay City: Cultural Center of the
Philippines, ND.), 169.
5
Ibid.
6
Michel Foucault, Discipline and Punish: The Birth of Prison (New York: Vintage Books, 1995), 194. 7 Towards
the Restructuring of Filipino Values (Manila: Office of Civil Relations, Philippine Army, n.d.). 8 Ben Aniceto et al.,
sa Stay Tuned: The Golden Years of Philippine Radio (Quezon City: Atlas Publishing Co. Inc., 2007), 391.
9
Mula kay Pacifico N. Aprieto, ed., “Reorientation in Education,” sa Passages from President Marcos (Manila:
Pilipino Star Printing Company, 1983), 72.
10
Mga Awit sa Bagong Lipunan (Manila: ERA, 1974), 17-19.
11
Ibid., 14-15.
12
Mga Awit sa Bagong Lipunan (Manila: ERA, 1974).
13
Chambers Dictionary of Etymology: the origins and development of over 30,000 English words, Robert K.
Barnhart, ed. (New York: Chambers Harrap Publishers, Ltd., 2006), 853.
14
“Kundiman” (Diwata), Norberto Romualdez, compiler (New York: Silver Burdett and Company, 1950) pp. 269- 273.
NOTE: Sa aklat ay nakapangalan kay Jose Rizal ang manunulat ng titik. Nagkakasundo ang mga kontemporaneong
iskolar na si Mariano Ponce, na bayaw ni Bonifacion Abdon, ang nagsulat ng titik ng awit. 15 Halaw sa Pag-ibig sa
Tinubuang Lupa: Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Limbag (Songbook). (Instityut sa Panitikan at Sining ng
Sambayanan [IPASA], 1984), 41-42.
16
Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino (N.p., n.d.), III.
17
Ibid., IV.
18
You Are Not Forgotten: Symbols During Martial Law (Manila: Socio-Pastoral Institute, 1988), 3.
19
Ibid., 75.
20
Ibid., 101.
21
Ibid., 106.
22
Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Koleksiyon. 65.
23
You Are Not Forgotten: Symbols During Martial Law (Manila: Socio-Pastoral Institute, 1988), 150-151.
24
Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Koleksiyon (n.p.: n.d.), 5.
25
You Are Not Forgotten: Symbols During Martial Law (Manila: Socio-Pastoral Institute, 1988), 3.
26
Ibid., 10.
27
Ibid., 75.
28
Ibid.,77.
29
Halaw kay Ferdinand E. Marcos, sa “The Responsibility of Youth” mula sa The Way to Change: A Collection of
Speeches of President Ferdinand E. Marcos, Vol. III (Manila: Bureau of Printing, 1968), 12. [pp. 8-13] 30 You Are Not
Forgotten: Symbols During Martial Law (Manila: Socio-Pastoral Institute, 1988), 101. 31 Ibid., 106.
32
Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Koleksiyon. 65.
33
You Are Not Forgotten: Symbols During Martial Law (Manila: Socio-Pastoral Institute, 1988), 150-151.
34
Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Koleksiyon (N.p.: n.d.), 5.
35
Ibid., 35.
36
Paghahasik: Mga Awit ng Pabrika’t Lansangan (N.p., n.d.), 20.
37
Ibid., 17.
38
“Kuwentong Pambayan” (walang nakatalang manunulat), mula sa Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino. 23-24.
39
BaHuBa - Bagong Hukbong Bayan.

24
Mga Sanggunian:

Aniceto, Ben, et al., sa Stay Tuned: The Golden Years of Philippine Radio. Quezon City: Atlas
Publishing Co. Inc., 2007.
Aprieto, Pacifico N. ed., “Reorientation in Education,” sa Passages from President Marcos.
Manila: Pilipino Star Printing Company, 1983.
Chambers Dictionary of Etymology: the origins and development of over 30,000 English words,
Robert K. Barnhart, ed. New York: Chambers Harrap Publishers, Ltd., 2006. de la Torre,
Visitacion R. Cultural Center of the Philippines: Crystal Years. Pasay City: Cultural Center of the
Philippines, n.d.
---------------Lucrecia Kasilag: An Artist for the World. Quezon City: Vera-Reyes, Inc., 1985.
Diaz, Ramona S. Imelda: A Documentary (2004).
Foucault, Michel. Discipline and Punish: The Birth of Prison. New York: Vintage Books, 1995.
“Kundiman” (Diwata), Norberto Romualdez, compiler. New York: Silver Burdett and Company,
1950.
Marcos, Ferdinand. KKK Kalinangan Perspectives – Pitong Haligi ng Bagong Republika: Mga
moral na simulain ngkatubusang kultural. (N.p, n.d.).
Mga Awit sa Bagong Lipunan (Manila: ERA, 1974).
Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino (N.p., n.d.).
Paghahasik: Mga Awit ng Pabrika’t Lansangan (N.p., n.d.).
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa: Mga Kanta ng Rebolusyong Pilipino, Unang Limbag (Songbook).
Instityut sa Panitikan at Sining ng Sambayanan [IPASA], 1984.
Towards the Restructuring of Filipino Values (Manila: Office of Civil Relations, Philippine Army,
n.d.).
The Way to Change: A Collection of Speeches of President Ferdinand E. Marcos, Vol. III. Manila:
Bureau of Printing, 1968.
You Are Not Forgotten: Symbols During Martial Law (Manila: Socio-Pastoral Institute, 1988).
25

You might also like