You are on page 1of 1

ANG KANEN FESTIVAL NG URBIZTONDO

Ang pagkakatatag sa bayan ng Urbiztondo noong taong 1852 ay ang


pagsibol ng pamayanang sagana sa yamang agricultural. Hango sa pangalan ng
Gobernador Heneral na si Juan Antonio de Urbiztondo y Eguia ang pangalan ng
bayan ng Urbiztondo.
Galila manpalot tila! O sa wikang tagalog, “Tara na, maggapas na tayo!” Ito
ang karaniwang sinasambit ng mga magsasaka ng bayan ng Urbiztondo tuwing
panahon ng anihan sa mga buwan ng Oktobre at Nobyembre. Ang malagkit na bigas
o “ansaket” ay isa sa mga produktong butil ng Ubiztondo. Bilang bahagi ng
paghahanda para sa pagsalubong sa bagong taon o ang “pasegep” ay naghahanda
ng kakanin o kilala sa tawag na “kanen” na gawa sa malagkit na bigas ang mga
mamamayan. Ito ay naging bahagi ng kultura at tradisyon na sumisimbolo sa
pagkakaisa at kagalakan ng mga tao sa Urbiztondo.
Noon pa man ay kilala na ang Urbiztondo bilang bayang nagtatanim at nag-
aani ng pagkaing butil gaya ng bigas at mais. Sa katunayan ay lahat ng dalampu’t
isang barangay ay may mga malawak na lupang sakahan. Ang tubo o “unas” sa
wikang Pangasinan ay naging produkto rin ng bayan na inaani sa Barangay
Poblacion at Barangay Baug noong mga taong 1960. Ginagamit ang katas ng tubo
sa paggawa ng “bagas” o ang basang asukal na siyang pampatamis sa mga
kakanin. Dahil sa kawalan ng makinarya ay manu-mano itong pinipiga noon gamit
ang “darapilan” o ang pampigang gamit na hinihila ng kalabaw.
Naging kilala ang bayan ng Urbiztondo sa mga produktong kakanin dahil na
rin sa mga naipasang delikasiya mula pa sa mga naunang henerasyon. Tanyag sa
bayan ng Urbiztondo ang kakanin na kung tawagin ay “nilatian” na gawa sa malagkit
na iniluto sa gata na may halong bagas. Gamit ang lanson o lansonan na isang
tradisyunal na lutuan ng mga kakanin ay matiyagang niluluto ng mga taga-
Urbiztondo ang malagkit hanggang sa maluto at mamuo ang latik sa ibabaw. Ang
latik ang siyang magbibigay ng mabango at matamis na lasa ng nalatian.
Sa pag-usad ng panahon, ang bayan ng Urbiztondo ay mas nakilala pa sa
pagluluto ng iba’t ibang kakanin gaya ng bibingka, inbagkal, suman, bitso-bitso,
palitaw sapin-sapin at tupig. Ang mga produktong ito ay madalas na handa na
makikita sa mga hapag sa tuwing mayroong mga pagdiriwang. Ito na rin ang naging
hanapbuhay ng mga mamayan. Hindi rin mawawala sa palengke ng bayan ang mga
kanen o kakanin na mabibili sa mababang halaga. Ito ang produktong buhay para
mga mamayan na repleksyon ng kasipagan, pagmamahal at pagakakaisa. Patunay
lamang ito na buhay pa rin sa kultura at tradisyon ng bayan ng Urbiztondo ang
paggawa ng mga kakanin. Simbolo ito ng madikit na pagkakaisa ng mga
mamamayan sa gitna ng anumang pagsubok at pagdiriwang sa buhay.
Ito ang kwento ng Kanen Festival ng Urbiztondo. Ito ang kwento ng bayang
nagkakaisa para sa makabago, Malaya at organisadong bayan! Ating ipagdiwang
ang tamis ng ating samahan dito sa Urbiztondo! Galila mangan ti la! Mabuhay Kanen
Festival ng Urbiztondo!

You might also like