You are on page 1of 1

Mariang Kalabasa

Nangangaso si Haring Pilipo sa kagubatan. Sa kanyang paghabol sa isang malaking usa, siya’s napahiwalay sa
kanyang mga kasama. Katanghaliang tapat noon at dahil sa kapaguran, siya’y uhaw na uhaw.
Nakatanaw siya ng isang bahay-kubo. Pinuntahan niya ito at nagmagandang-araw, “Magandang araw, binibini.
Ako’y naligaw sa kagubatan. Ako’y pagod na pagod. Maaari bang magpahinga rito sa inyong maligayang
tahanan?”
“Tumuloy po kayo,” ang anyaya ng dalaga. “Kung ako’y hindi nagkakamali ay kayo ang dakilang hari. Umupo kayo
at kayo’y bibigyan ko ng tubig.”
Pagkainom ng hari ay sadyang inihagis ni Maria ang ininuman kaya ito’y nagkabasag-basag.
Pinamulahan ng mukha ang hari at humingi ng paliwanag, “Bakit mo binasag ang inuman?”
“Aking pong sinadya, Kamahalan, ang pagbasag upang huwag nang mainuman pang muli iyan. Ayaw kong
madampian ng karaniwang labi ang nadampian ng inyong mga labi.”
Nawala ang galit ng hari. Nagkataon namang nagdatingan ang mga kasamahan kaya sila’y nagsiuwi sa palasyo.
Gayong maluwat nang dumating sa palasyo’y kung bakit ang isip ng hari’y nasa munting dampa pa rin sa
kagubatan. Ang alaala niya’y nagbabalik kay Maria.
Nag-utos ang hari sa kanyang ministro, “Dalhin mo si Maria rito.”
Ang utos ay natupad.
“Narito na po ako, mahal na hari. Ano po ang aking maipaglilingkod?”
“Maupo ka, Maria. Tumawag ng aking pansin ang tangi mong katalinuhan. Mayroon akong ipagagawa sa iyo.‘
“Ano po iyon?”
“Kita’y bibigyan ng palayok. Ipasok mo sa loob ng palayok ang isang kalabasa. Huwag luwag at huwag sikip. Pag-
ingatan mong huwag mabasag ang palayok.”
“Ang kagustuhan ninyo’y masusunod. Bigyan lamang ninyo ako ng mga ilang buwan.” Nagbalik si Maria sa
kabukiran. Kanyang ipinaloob ang isang bukong kalabasang nasa tangkay sa loob ng palayok. Araw-araw ang
halaman ay kanyang dinidiligan at pinag-uukulan ng hustong ingat. Lumaki ang bunga ng kalabasa sa loob ng
palayok. Ang palayok ay kanyang ipinadala sa hari.
“Talagang matalino si Maria,” ang bulong ng hari sa sarili. “Ipagpapatuloy ko ang aking pagsubok sa kanyang
katalinuhan.” Pinadadalhan ng hari si Maria ng ibong pipit at ipinag-uutos, “Lutuin mo ito at punuin ang pitong
pinggan.”
Bilang kasagutan, si Maria ay humingi ng isang kahilingan sa hari, “Tanggapin po ninyo ang aking padalang
karayom. Ang pakiusap ko ay ipagawa ninyo itong kawali at kutsilyo na gagamitin ko sa pagluluto.”
Alangang matuwa at alangang magalit ang hari. Kanyang inutusang si Maria na talian ang alon ng dagat. Nagpadala
ang dalaga sa hari ng buhangin. Kanyang ipinakiusap sa hari na ang buhangin ay luburin at ito ang kanyang
gagamiting panali sa alon.
Naaliw ang hari sa mga ipinamalas na katalinuhan ni Maria. Muling inutusan niya ang dalaga na magpadala sa
palasyo ng gatas ng bakang lalaki. Nagpadala ng liham si Maria sa hari. Siya’y magalang na humihingi ng paumanhin
sapagka’t siya’y abalang-abala sa bahay at wala siyang panahong gumatas sa bakang lalaki sa dahilang ang kanyang
ama ay kapanganganak lamang nang gabing nakaraan.
Walang pagsidlan ng tuwa ang hari. Kanyang ipinagbilin sa ministro na dalhing muli sa palasyo si Maria.
Nang dumating sa palasyo si Maria’y pinagpahayagan ng pag-ibig ng hari.
Kagalang-galang na hari, ako po’y isang magbubukid. Baka kayo’y nabubulagan.”
“Kung ako’y bulag, ikaw ang aking magiging mga mata,” ang sagot ng hari. Sa madali’t sabi sila’y ikinasal sa lalong
madaling panahon.
Lumipas ang mga araw. Minsan ay nag-away ang hari at reyna. “Lumayas ka sa palasyo,” ang taboy ng hari.
“Magbalik ka sa iyong dukhang dampa sa kagubatan. Umalis ka lamang ay maaari kang magdala ng salapi, alila at
anumang bagay na maibigan mo. Hala, lumayas ka!” At tuluy-tuloy sa kanyang silid upang magpalipas ng galit.
Siya’y humiga. Gusto niyang huwag makita ang reyna sa pag-alis.
Hindi kinukusa, ang hari ay nakatulog. Samantalang natutulog, ang kanyang katreng kinahihigan ay inilabas sa
palasyo ng mga alila. Ang hari ay nagising. “Ano ang kahulugan nito?” ang pagalit na tanong.
Sumagot ang reyna, “Ang sabi mo’y sa aking pag-alis ay maaari akong magdala ng salapi, alipin at anumang bagay
na naiibigan ko. Kaya’t dinala kita.”

You might also like