You are on page 1of 10

TAYO MAY PAULIT-ULIT NA IPAGTAGPO,

NGUNIT KAILAN MAN AY HINDI TAYO


ITINADHANA:
ISANG PAGPUPUNANG PAPEL PARA SA
KUWENTONG "Gibuo tika, pero imo kong
gibuak" ni Yvonne May Reyes

Inihanda para kay:


Propesor Delfin H. Mundala Jr., Ph.D

Inihanda ni:
KESHIA M. HADJINOR

Seksyon:
A8 (PAN115)

Petsa:
ika–4 ng Mayo 2023
Ang maikling kwento na ito'y isinulat ni Yvonne May Reyes, isang mag-aaral na
kasalukuyang nasa kolehiyo. Isa sa kaniyang mga kinakailangan tuparin na layunin sa
klase para sa isang pangunahing kurso sa kaniyang digring kinukuha ay ang
makapagsulat ng kani-kanilang sariling akda. Ito ang pangunahing layunin ng kursong
Introduksyon sa Malikhaing Pagsulat (PAN115), nilalayon nito na mas palawakin pa ang
ating mga interes sa pagsusulat at paunlarin o pagyamanin ang ating mga kakayahan
sa bagay na ito sa mas malikhaing pamamaraan. Si Yvonne May Reyes ay isang
kolehiyalang kasalukuyang nag-aaral sa Mindanao State University — Iligan Institute of
Technology. Siya'y kumuha ng digring Batsilyer ng Sining sa Panitikan (BA Panitikan) at
kasalukuyang nasa ikalawang taon. Bukod sa pagbabasa, pagsusuri, at pagsusulat,
binibigyang tuon din ng kaniyang digri ang pananaliksik tungkol sa iba't ibang kultura
dito sa Pilipinas at paggawa ng pag-aaral hinggil sa mga suliraning panlipunan
partikular na dito ang pamumuhay ng mga kababayan nating katutubo at mga
mamamayang nasa laylayan.

Mula sa pamagat pa lamang na "Gibuo tika, pero imo kong gibuak" masasabi
na natin na ang maikling kuwentong ito ay tunay nga namang nakasulat sa diyalektong
Cebuano. Kung bibigyan natin ng literal na pagsasalin sa Tagalog ang pamagat na ito,
maaaring ito'y maging "Binuo kita, ngunit ako'y iyong winasak". Mula dito, sa
pamagat pa lamang ay tahasang makapagbibigay na sa atin ng ideya kung saan
napapatungkol ang maikling kuwento na ito. Sa pamagat pa lamang nito na "Binuo
kita, ngunit ako'y iyong winasak" ay nagbibigay na ng malinaw na impresyon ng mga
tema ng pag-asa at pagkabigo, at maaaring magpakita ng mga suliranin sa pag-ibig,
pagkakaroon ng tiwala sa iba, at pagkakaroon ng pang-unawa sa kanilang kapaligiran.
Maaring tungkol din ito sa isang tao na nagpakahirap upang maipagtagumpay ang
isang relasyon, ngunit sa huli ay nasaktan at winasak ng taong minahal niya. Maari ring
tungkol ito sa isang tao na nagsisikap na mabuo ang kanilang pangarap, ngunit sa huli
ay nabigo dahil sa mga pangyayari o mga tao sa kanilang buhay.
Ang mga uri ng kwentong may paksang "pinagtagpo ngunit hindi itinadhana"
ay maaaring magpakita ng mga tema tulad ng pagkakataon, pagkakataong nabigyan ng
pagkakataon ngunit hindi itinadhana, at pagkakataon ng pag-ibig na hindi natupad.
Maaaring maging nakakalungkot ang mga kwentong ito dahil kadalasan ay
nakakapagpakita ito ng mga pangarap at hangarin ng mga tao na hindi natupad dahil sa
mga suliraning pang-ekonomiya, pampersonal, o mga nangyayari sa paligid nila.
Gayunpaman, maaari rin itong magpakita ng pag-asa at pagmamahal sa kabila ng mga
hindi inaasahang pangyayari. Maaring magpakita ng mga aral sa buhay tulad ng
pagiging mapagpakumbaba, pagtanggap sa mga pagkakataon na hindi inaasahan, at
pagiging matatag sa kabila ng mga pagsubok. Bukod dito, ang mga kwentong may
paksang pinagtagpo ngunit hindi itinadhana ay maaaring naglalayong magpakita ng
kahalagahan ng pagkakaroon ng positibong pananaw at pagkakaisa sa kabila ng mga
hindi inaasahang pangyayari sa ating buhay.

Isa sa mga angkop na halimbawa ng mga kwentong mayroong paksang


"pinagtagpo ngunit hindi tinadhana" ay ang maikling kuwentong "Gibuo tika, pero imo
kong gibuak". Ang daloy ng kuwento ay umiikot sa mundo ng mga pangunahing tauhan
na sina May at Allen, at ang pamamaraan ng pagkakasulat o pagkakabalangkas dito'y
nakasulat sa ikatlong panauhang pananaw (third person point-of-view). Binubuo ito
ng apat(4) na talata na pawang nagsisilbing kabanata sa kwento. Ang karakter ng mga
pangunahing tauhan na sina Allen at May ay kapwa mag-aaral na nagkatagpo mula
noong sila'y parehong nasa sekondarya pa lamang. Ang tagpuan ng kuwento'y
naganap sa lungsod ng Iligan dito sa Mindanao. Gaya ng mga natutunghayan natin
mula sa mga teleserye, ang lovestory nina Allen at May ay nagsimula noong
makaramdan ang binatang si Allen ng love first sa dalagang si May. Mula dito,
nagsimulang bumukadkad ang isang pagmamahalang maituturing man nating wala pa
sa wastong gulang para masabing magiging matibay ang kanilang pagsasama ay kanila
pa rin itong ipinagpatuloy. Ang dalawa'y parehong matagumpay na nakatungtong sa
pagkukolehiyo. Si Allen ay nag-aaral sa St. Michael's College, isang pribadong
institusyon sa lungsod ng Iligan at kumuha ng digri para sa pagpupulis. Samantala, si
May naman ay nag-aaral sa Mindanao State University — Iligan Institute of Technology.
Nasa masaya man silang pagsasama at mayroon man silang matamis na relasyon,
ngunit ang lahat ng ito'y may hangganan. Sila'y nagkaroon ng pagkakalabuan magmula
ng pumagitan sa kanilang relasyon ang kamag-aral ni Allen sa St. Michael's College na
si Eze, magmula doon ay sinubok na ng third party at tadhana ang kanilang
pagsasama.

Sa kasalukuyan, ang temang binibigyang tuon ng kuwento ay tunay nga namang


makatotohan sapagkat nangyayari ito sa ating reyalidad. Bawat relasyon ay mayroong
pagsubok na kinakaharap na siyang maaaring makapagpatibay sa pagsasama o
maaari ring tuluyang tumapos sa pagsasama. Ngunit sa sitwasyong makikita sa akda,
tila ang pagsubok ang isa sa mga palatandaan na marahil ay may mga bagay na dapat
nating bitawan kung sakaling ito'y sa nais na nating ayawan. Sa kadahilanang ang sakit
na idinulot nito'y ubod ng lalim, na maaring ito'y humantong sa hindi inaasahang
pangyayari tulad ng sa puntong magdudulot ito ng kamanhidan sa ating damdamin. Sa
aking pagpapalagay, ang maikling kuwentong ito'y puno ng kalungkutan kahit na ito'y
pumapatungkol sa pag-ibig. Hindi man gumamit ng kahit na anong metapora o
matatalinghagang salita, ay direkta namang ipinahayag ng may-akda ang kaniyang mga
ideya at kaisipan sa pagbalangkas ng kaniyang kuwento.

Bilang isang maikling kwento, maaaring magbigay ito ng mga aral at maaaring
magpakita ng mga kahulugan para sa mga mambabasa tungkol sa mga suliranin sa
buhay at mga kaugnay na tema. Ang "Gibuo tika, pero imo kong gibuak" ay isa sa
mga kwentong nagpapahayag na hindi lahat ng bagay o tao ay nararapat lamang
bigyang ng pangalawang pagkakataon kung talagang ito'y tunay na nagdulot ng
malalim na sugat sa ating mga damdamin. Nariyan man ang pagpapatawad, ngunit
gaya ng babasaging mga kagamitan, ang pagbibigay ng balik sa tiwala ay hindi na
maaaring maibalik sa dati nitong kalagayan kung sakaling ito'y iyong biguin.

Ang bawat maikling kuwento ay mayroong malaking kahalagahan sa mga


sumusulat at bumabasa. Nariyan na ang pagpapakatotoo, pagkakaisa, pag-unawa sa
buhay, at pagpapalawak ng kaalaman. Sa aspektong pagpapakatotoo, ang maikling
kwento ay may kakayahang magpakatotoo sa mga paksang ipinapakita nito. Sa
pamamagitan ng mga tauhan, sitwasyon, at mga pangyayari sa kuwento, maaaring
maipakita ang mga tunay na karanasan ng mga tao at ang mga hamon na kinakaharap
nila. Sumunod naman ay ang pagkakaisa, ang maikling kwento ay maaaring magdulot
ng pagkakaisa sa mga tao. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang magandang
kwento, maaaring maging positibo ang pakikitungo ng mga tao sa isa't isa, at magbigay
ng inspirasyon at pag-asa sa mga nakikinig o mambabasa ng kwento. Pangatlo naman
ay ang pag-unawa sa buhay, ang bawat maikling kwento ay maaaring magbigay ng
kahulugan sa ating buhay. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pangyayari at
sitwasyon sa buhay, maaaring mapagtanto ng mga tao ang mga bagay na dapat bigyan
ng halaga, at magbigay ng mabuting aral tungkol sa buhay. At higit sa lahat ay ang
kapangyarihan nitong makapagpalawak ng kaalaman, ang maikling kwento'y
naglalayong magdulot ng pagpapalawak ng kaalaman sa mga tao. Sa pamamagitan ng
mga pangyayari at mga karakter sa kwento, maaaring maipakita ang mga bagay na
hindi pa naiintindihan ng isang tao, at magbigay ng impormasyon tungkol sa mga bagay
na hindi pa nila alam. Samakatuwid, ang bawat kuwentong naikakatha ay may malaking
kahalagahan at kabuluhan sa bawat indibiduwal, sapagkat ang mga aral na nagmumula
dito at maaaring ibigay nito, ang inspirasyon at pag-asa na maaaring maparating nito, at
ang pagpapalawak ng kaalaman na maaaring maibahagi nito sa mga atin ay hindi
maikukubling napakarebolusyonaryo sa kasalukuyan na siyang maghahatid sa atin mas
malikhaing kinabukasan dito sa lipunang ating ginagalawan at kinabibilangan.
PAGKAMIT SA KALAYAAN PARA SA PERLAS NG
SILANGANAN:

ISANG PAGPUPUNANG PAPEL PARA SA


TULANG "BAYANG MINAMAHAL"

Inihanda para kay:

Propesor Delfin H. Mundala Jr., Ph.D

Inihanda ni:

KESHIA M. HADJINOR

Seksyon:

A8 (PAN115)

Petsa:

ika–4 ng Mayo 2023


Sa pagbubukas ng ating puso’t isipan, madalas ay hinahanap natin ang paraan
upang maipahayag ang ating mga damdamin, ideya, at karanasan sa buhay. Sa
paghahanap na ito, mayroong isang makapangyarihang sandata ang bumabalot sa atin
na maaari natin maging sandigan — ito ay ang tula. Mula sa pamagat pa lamang,
mahihinuha na nating ang tula "Bayang Minamahal" ay patungkol sa pagmamahal sa
bayan o sa madaling salita ay pagkamakabayan at maaari ring nasyonalismo. Bagaman
ang may-akda ay hindi matukoy kung sinuman, ang kaisipang ibinabagi ng tula ay
napakamakatotohan sapagkat bahagi ito ng ating kasaysayan bilang mga Pilipino. Ang
pagmamahal sa bayan ang isa sa mga bagay na nararapat lamang nating taglayin
sapagkat dito natin mas maipapamalas kung gaano tayo kataas–noo bilang
mamamayan ng Pilipinas.

Ang mga tulang tungkol sa pagiging makabayan ay nagpapakita ng pagmamahal


at pagpapahalaga sa bansa at sa kanyang kultura. Ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa
mga manunulat na magpakatotoo sa kanilang pag-ibig sa bansa at magbigay ng
inspirasyon sa iba upang mahalin at ipaglaban ang kanilang sariling bayan. Ang mga
tulang ito ay karaniwang naglalarawan ng mga mahahalagang pangyayari sa
kasaysayan ng bansa, gaya ng mga pakikibaka ng mga bayani at ang kanilang
sakripisyo upang makamtan ang kalayaan. Maaari ring tukuyin nito ang mga suliraning
kinakaharap ng bansa, kung saan nagbibigay ng inspirasyon upang magkaroon ng
pagbabago at pag-unlad. Ang mga tulang tungkol sa pagiging makabayan ay
nagbibigay ng pagkakakilanlan sa atin bilang isang bayan at nagpapakita ng ating
pagkakaisa sa kabila ng ating mga pagkakaiba-iba. Sa pagkakaroon ng ganitong mga
tula, nagkakaroon tayo ng pag-asa at kagitingan upang patuloy na mabuhay sa isang
bansa na puno ng pagmamahal at respeto sa bawat isa.

Ang tulang "Bayang Minamahal" ay isa sa mga tulang nagbibigay diwa sa


simbolismo ng nasyonalismo at sumasalamin sa pagiging makabayan ng mga kapwa
nating manunulat. Ang tula ay nakasulat sa unang panauhang pananaw (first person
point-of-view). Hindi maikukubling ang tula ay punong-puno ng pormalismo at labis na
mararamdaman natin ang nais ipahayag na kaisipan ng may-akda sa kaniyang
pagkakasulat dito. Nagtataglay ng apat (4) na saknong ang buong tula. Ang bawat
saknong na ito sa akda ay mayroong magkakaibang bilang ng salita at taludtod, bagay
na naging nakatatangi sa akda. Ang una, ikalawa, at ikaapat o panghuling saknong ay
mayroong tag-limang taludturan. Samantala, ang mga nasa gitnang saknong o ang
ikatlong saknong naman ay mayroong apat na bilang ng taludtod. Ang bawat saknong
na ito'y nagtataglay ng magkakasunod-sunod na balangkas na animo'y isang maikling
kwento o dagling naibalangkas at isinasalaysay sa patulang pamamaraan.

"Ang magigiting na mga bayani ng ating bayan, ay marami nang laban na


pinagdadaanan,"

Ang taludtod na ito ay ang ikaanim na taludtod ng tula o makikita rin ito sa
ikalawang saknong. Sa taludtod na ito'y hindi maikukubling mayroong kamalian sa
paggamit ng gramatika. Sa kadahilanang ginamit ng may-akda ang 'nang' sa halip na
'–ng'. Masasabi nating mali ang kaniyang paggamit sa 'nang' sapagkat hindi naman ito
nagbibigay paglalarawan para sa pandiwang makikita sa mismong pangungusap.
Habang ang pandiwang "pinagdadaanan" naman ay kilos pangkasalukuyang
ginaganap ngunit ang konteksto ng tula ay patungkol sa kung paano nakamit ng mga
bayaning Pilipino ang ating kalayaan. Kung kaya't nararapat lamang na ito'y palitan ng
pandiwang tapos na o naganap na, "pinagdaanan".

Narito ang aking sariling maimumungkahing pagwawasto para sa ikaanim na


taludtod ng tula.

"Ang mga magigiting na bayani ng ating bayan, ay marami ng mga laban


na pinagdaanan."
"Lahat ng ito ay pinaglaban, upang kapayapaan ay ating makakamtan"

Ang taludtod na ito'y makikita sa ikalabing-isang taludtod ng tula, na nakapaloob


sa ikatlong saknong. Napansin kong mayroong kamalian sa paggamit ng may-akda sa
isang pandiwa. Ginamit niya sa sa tula ang "makakamtan", isang pandiwang
magaganap pa lamang, gayong ang konteksto nito ay tapos na. Kung kaya't nararapat
lamang na ang naaangkop na pandiwa para rito ay ang "makamtan".

Narito ang aking sariling maimumungkahing pagwawasto para sa ikalabing-isang


taludtod ng tula.

"Lahat ng ito'y ipinaglaban, upang kapayapaan ay ating makamtan."

Sa aking sariling pagpapalagay, lubos akong nahusayan at nagkaroon ng


kagalakan sa aking pagbabasa sa tula, sapagkat ito'y walang sinusunod na sukat. Sa
estetikong halaga nito, mayroon itong malayang taludturan, kakaibang istraktura, at
mayroon din itong sariling tugmaan. Mula dito, napagtanto kong hindi man ganoong
gumamit ng mga metaporang termino at mga matatalinghagang salita ang may-akda ay
nagawa pa rin niyang bigyan ng sariling buhay at gawing makabuluhan ang mga ideya
sa kaniyang tula. Masasabi kong ito'y napakarebolusyonaryo sa kadahilanang
isinasalamin sa tula kung paano lumaya ang ating bansa mula sa kamay ng mga ma
pang-abusong mananakop na banyaga. Ito'y naglalaman ng karanasang punong-puno
ng pag-asa sa pagkamit ng kalayaan.

Bilang pagtatapos, mahihinuha natin na ang tula ay hindi lamang isang uri ng
panitikan na nagpapahayag ng ating kultura, kasaysayan, at damdamin, ngunit isang
makapangyarihang instrumento na may malawak na epekto sa ating lipunan at
pagkakakilanlan. Sa pamamagitan ng tula, naihahatid natin ang ating mga saloobin at
mithiin, na nag-uudyok sa pagkakaisa, pagbabago, at pag-unlad. Ang pagpapahalaga
sa tula ay nagpapayaman sa ating buhay, nagpapalawak ng ating kaalaman, at
nagpapahintulot sa atin na mas maunawaan ang ating sarili at ang mundo sa ating
paligid. Sa panahon ng teknolohiya at digital na impormasyon, ang tula ay patuloy na
humahamon sa atin na mag-isip, maramdaman, at makipag-ugnayan sa isa’t isa sa
mas malalim na antas. Ang "Bayang Minamahal" ay isa sa mga angkop na halimbawa
na mula noon hanggang ngayon, maaari nating ipahayag ang ating pagmamahal sa
ating bayan sa pamamagitan ng pagsusulat. Pagsusulat na siyang isa sa
pinakamakapangyarihang bagay upang ating mapayabong at mapagyaman pa natin
ang ating kasaysayan at pagkakakilanlan sa mundong ating kinabibilangan. Ang tulang
"Bayang Minamahal" ay dapat na patuloy na ipinapakalat at ipinapamahagi sa mga
susunod na henerasyon bilang inspirasyon at paalala sa ating pagkakaisa at
pagmamahal sa bayan. Ito ay isang magandang halimbawa ng pag-ibig at dedikasyon
sa bayan na dapat nating tularan at ipagpatuloy. Kaya naman, sama-sama nating
pahalagahan at palawakin ang kagandahan at kapangyarihan ng tula upang
maitaguyod ang mas malikhain, kritikal, at makabuluhang mundong puno ng
kakanyahan tungo sa kaunlaran para sa ating lahat.

Ang tulang ito ay isang makapangyarihang pahayag ng pagmamahal at


dedikasyon sa bayan. Ang mensahe ng tula ay napakalalim at malawak, at nagpapakita
ng kagustuhan ng isang tao na magbigay ng lahat para sa kanyang bayan at mga
kababayan. Sa panahon ngayon, ang tulang ito ay patuloy na may kahalagahan at
kaugnay sa ating buhay bilang mga mamamayan. Lalo na sa panahon ng krisis at mga
suliranin sa ating bansa, kailangan natin ng mga taong akdang kagaya nito na handang
magbigay ng liwanag para sa pag-asa at kinabukasan ng ating bayan. Ang tulang
"Bayang Minamahal" ay nararapat lamang na patuloy na ipinapakalat at
ipinapamahagi sa mga susunod na henerasyon bilang inspirasyon at paalala sa ating
pagkakaisa at pagmamahal sa bayan. Ito ay isang magandang halimbawa ng pag-ibig
at dedikasyon sa bayan na dapat nating tularan at ipagpatuloy para sa mga paparating
pang henerasyon.

You might also like