You are on page 1of 4

Kirsten Bianca O.

Reyes ABM 11 RAMOS PILING LARANG

Edukasyon; Karapatang Pantao o Pribilehiyo?

Handa ka na bang bigyang saysay ang boses ng edukasyon bilang karapatang pantao, o
hahayaan mong magsilbi itong pribilehiyo? — Magandang araw sa ating mga
tagapakinig at sa ating mga minamahal na panauhin, bago pormal na bigyang boses ang
aking posisyon, nais kong ipakilala ang aking sarili. Ako nga pala si Gng. Kirsten Bianca
Reyes, isang anak, kapatid, mamamayan, estudyante, at higit sa lahat ay isang Pilipino,
naririto sa inyong harapan at handa nang bumoses sa aking karapatan!
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami,sa patuloy na pagdaloy ng kasalukuyang sistema,
hindi maikakaila ang hidwaan sa pagitan ng "karapatang pantao" at "pribilehiyo," lalo na
sa usapin ng edukasyon. Nakakahinayang na tila ba ang repleksiyon sa kasalukuyan, ang
mga may sapat na kakayahan at pribilehiyo lamang ang maaaring magtamasa ng isang
dekalidad na edukasyon. Ngunit, bilang mga indibidwal na may tiyak na pagpapahalaga
sa ating mga moralidad at dignidad, dapat nating suriin kung totoo ba na sila lamang ang
may karapatang magtamasa ng edukasyon, at patunayang hindi ba dapat ituring ang
edukasyon bilang isang pangunahing karapatan ng lahat ng tao? Para bigyang paglilinaw.
Ang edukasyon ay tumutukoy sa proseso ng pag-aaral ng mga kasanayan, kaalaman, at
pag-unlad ng kakayahan ng isang indibidwal. Sa ilalim ng Universal Declaration of
Human Rights at iba pang mga pandaigdigang kasunduan, ang karapatan sa edukasyon ay
itinuturing na pangunahing karapatan ng lahat ng tao. Kaya naman, ito’y nagsisilbing
mainam na kadahilanan at katunayan na ang edukasyon ay karapat-dapat lamang
tamasain ng kahit sino, ano man ang edad, kasarian, paniniwala, o kahit anumang iba
pang kadahilanan o katangian.
Naalala ko lamang, noong ako’y kasalukuyang nasa elementarya pa lamang, isa akong
simple ngunit may hangaring estudyante ng isang kilalang publikong paaralan sa may ‘di
kalayuan sa’min. Naaalintana ko pa, ang ilang litanyang binitawan sa’kin ng aking
kamag-aral noon, “Titigil na ako sa pag-aaral eh, wala naman kasi kaming pera na. Buti
ka pa, makakapag-aral ka pa rin kasi may kaya kayo atsaka kaya mo mag-aral dahil sa
buhay mo.” ang sabi n’ung aking kaklase. Ewan ko pero sa murang edad, tandang tanda
ko pa ang naramdaman ko nang narinig ko iyon sa kanya, nakaramdam ako ng awa,
kunsensya, at higit sa lahat ay pagkadismaya. Pagkadismaya hindi sa aking kaklase o sa
buhay na mayroon siya, ngunit pagkadismaya sa daloy ng sistema at sa mismong buhay
na mayroon sa mundong ibabaw, dahil alam kong iyon ang puno’t dulong kadahilanan
kung bakit ganoon ang pagtingin o pananaw ng aking kaklase sa edukasyon. Bakit sa
tingin niya’y wala siyang karapatan sa edukasyon nang dahil lamang wala silang pera o
hindi pinalad ang buhay ng kanyang pamilya? Bakit sa tingin niya’y mas mapalad ako
kaysa sa kanya nang dahil lang ako’y mas may kaya? Bakit tila kailangan pa maging may
kaya at kaalwanan sa buhay bago makamit ang edukasyon na tanging layaw ng napaka
raming kabataang pilipino? Ngayon, sapat ba na turinging pribilehiyo ang edukasyon
kaysa karapatan? Tama ba na hayaan nating dumami ang mga kagaya ng aking kaklase
noon na maagang natabas ang pangarap ng dahil lang sa kalupitan ng buhay? Hindi! At
hangga’t kaya at may paraan, sabay sabay nating ipaglaban ang ating likas na karapatan!
Ngayon, bigyang nilay natin, Bakit mahalaga na tingnan ang edukasyon bilang karapatan
kaysa pribilehiyo?
Ang edukasyon ay isang maituturing na karapatan dahil ito ay nakasaad o nakalista sa mga
pandaigdigang kasunduan sa karapatang pantao. Mahalagang paniwalaan na ang
edukasyon ay karapatan at hindi pribilehiyo dahil ang pagtingin sa edukasyon bilang isang
pribilehiyo ay maaaring magdulot ng diskriminasyon sa paraan ng pagtamo ng isang
indibidwal dito. Sa kabilang banda, kung ang edukasyon ay itinuturing na karapatan,
mayroong obligasyon ang mga pamahalaan at mga institusyon ng edukasyon na tiyakin na
magkakaroon ng pantay na oportunidad para sa lahat ng indibidwal na mag-aral. Sa
ganitong paraan, magkakaroon ng patas na pagkakataon para sa lahat, at hindi lamang sa
mga may-kaya o may pribilehiyong indibidwal. Ang karapatan sa edukasyon ay isang
responsibilidad ng gobyerno upang matiyak na ang lahat ng mamamayan ay mayroong
pantay-pantay na access sa edukasyon. Ito ay nakasaad sa mga pandaigdigang batas at
kasunduan, tulad ng Universal Declaration of Human Rights at International Covenant on
Economic, at Social and Cultural Rights. Mula sa mga nabanggit, ito’y patunay na ang
pagtitiyak sa karapatang ito ay may signipikong kahalagahan at nagsisilbing pundamental
na karapatan upang matiyak na lahat ng tao ay may pantay at makatarungang access at
koneksyon sa edukasyon.

Dagdag pa rito, bukod sa pagturing sa edukasyon bilang pundamental na bahagi ng buhay


ng bawat indibidwal ito rin ay tumutulong sa pagtugon sa mga pangunahing
pangangailangan ng tao, ayon kay Katarina Tomasevski, dating UN Special Rapporteur on
the Right to Education, ang edukasyon ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao,
kasama ng pagkain, tirahan, at pangkalusugan. Ang edukasyon ay hindi lamang nagbibigay
ng kaalaman, kasanayan, at oportunidad sa buhay, ngunit ito rin ay tumutulong sa
pagpapalakas ng mga pamantayan sa kalusugan at pamumuhay.Kaya naman, hindi ba’t
makakapagdulot nang malaking diskriminasyon at limitasyon sa nakararami kung ang may
pagkakataon lamang na tumamasa at makatanggap ng edukasyon sa lipunan ay ang mga
pribilehiyong indibidwal? Ito’y tiyak na makapagdudulot ng limitasyon sa maraming
aspeto ng buhay ng mga taong walang sapat na kakayahan upang makamtan ang
edukasyon, kung saan mangangahulugan na may limitasyon din ang kakayahan ng mga ito
upang matugunan ang kani-kanilang pangunahing pangangailangan para sa araw-araw na
pamumuhay at lalo na sa hinaharap.
Bilang pang-huli, maraming pag-aaral ang nagpapakita na ang edukasyon ay may
positibong epekto sa mga indibidwal at sa lipunan. Ang mga taong may mataas na antas
ng edukasyon ay maituturing mas may kakayahang kumita ng mas mataas na sahod, mas
malamang na magkaroon ng trabaho, at mas may kakayahang magpakadalubhasa sa kani-
kanilang larangan. Sa lipunan, ang mga bansa na may mataas na antas ng edukasyon ay
mas maunlad sa iba't ibang aspeto, tulad ng ekonomiya, kalusugan, at iba pa. Mula sa mga
nabanggit, hindi ba’t labis na kasaklapan naman kung sakaling ilan lamang na tao ang may
kakayahan upang ma-access ang edukasyon na dapat nama’y itinuturing na pangunahing
karapatan ng bawat indibidwal? Lalo na’t ito ay isang mahalagang hakbang sa pag-abot ng
kahit anong uri ng mga oportunidad sa buhay.
"Ang edukasyon ay dapat na karapatan, hindi lamang pribilehiyo ng ilan, upang
mapabuti ang kanilang buhay." Ani Ellen Johnson Sirleaf, dating Presidente ng Liberia
at Nobel Peace Prize awardee, ang maikling pahayag ay malinaw na nagsasaad nang
napaka habang hangarin para sa lahat; hangarin na sana’y makapagpapabuti sa kalagayan
ng bawat indibidwal na may malaking potensiyal upang hindi lamang maging bahagi
ngunit makapagbahagi rin sa lipunan para sa hinaharap. Sa kabila ng mabagsik na
reyalidad ng buhay, kung saan lahat ng bagay ay tila ba kailangan nang tumbasan ng salapi,
mga bagay na makakamtan lamang kung mayroong pangalan at posisyon sa isang lipunang
kaniyang kinabibilangan, at higit sa lahat ay ang reyalidad na tila ba kailangan nang bilhin
ang pagtatamo ng pagkakapantay-pantay —Bilang isang indibidwal na may matayog na
hangarin hindi lamang sa sarili ngunit pati na rin sa bansa, karapat-dapat lamang ituring at
ipaglaban na ang edukasyon ay ang natatanging karapatan na hindi maaaring
makompromiso o madungisan ng salapi’t kapangyarihan.
At para bigyan ng pormal na pagtatapos ang aking talumpati, hayaan niyo akong banggiting
muli ang pangalan ng isang anak, kapatid, mamamayan, estudyante, at higit sa lahat ay
isang Pilipino. Muli, ako si Kirsten Bianca Reyes , at bukod sa’kin, nais kong pakatandaan
ng ating mga tagapakinig na bukod sa ating mga magulang, kamaganak, kakilala, kaibigan,
at sarili. May higit tayong dapat bigyang saysay at pakikisangkot, at ito ay ang ating buhay
sa mundong ibabaw at maisasakatuparan natin ito sa pamamagitan ng edukasyon na
karapatan nating lahat.
Sanggunian:
UNESCO. (2021, March 18). Connected, inclusive and green: How UNESCO wants to transform
education. Retrieved from https://www.unesco.org/en/articles/connected-inclusive-and-green-how-
unesco-wants-transform-education?fbclid=IwAR3FFgFYxRUMPB-
Lky4hQE6XviZOs4KIZvnor2nKl0MQdI3z1aRzuUpqZ08
Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights. (n.d.). International Covenant on
Economic, Social and Cultural Rights. Retrieved April 8, 2023, from
https://www.ohchr.org/en/instruments-mechanisms/instruments/international-covenant-economic-social-
and-cultural-rights
CLACSO. (2010). La dimensión cultural de la integración latinoamericana. Retrieved from
http://biblioteca.clacso.edu.ar/Argentina/lpp/20100426090811/11.pdf

You might also like