Ang karanasang bayan na aking napili ay patungkol sa Sistema ng Edukasyon sa ating bansa. Ang edukasyon ang pangunahing pangangailangan nating mga kabataan upang tayo ay masanay at mahasa bilang mga produktibo at progresibo. Ang edukasyon ang nagsisilbing gabay sa paghahanda sa atin na maging responsableng mamamayan ng bansa na haharap sa mga pagbabagong hatid ng hinaharap. Napakahalaga ng edukasyon, ito ay susi sa pagwaksi sa kamangmangan, sa paghasa ng kakayahan, pagunlad ng buhay, pagbubukas ng pinto sa makabagong teknolohiya, pagdiskubre sa iba’t ibang uri ng sakit at gamot, at napakarami pang iba. Iyan ang mga kahalagahan ng edukasyon na sa ating bansa hindi lubos na nagagawa. Hindi natin maipasubali mayroon mga pagkukulang pa rin at hindi naiibibigay ng maayos ang edukasyon sapagkat maraming kakulangan at kamalian. Milyon-Milyong tao sa mundo, kabataan ay libo-libo. Kalahati lang sa populasyon ang kayang abutin nito. Ngunit ano nga ba ang sistema sa bansang ito? Sistema ng edukasyon tunay bang tayong mga estudyante ang lumalago? Magandang kinabukasan ang ating hangad ngunit bakit dito ay salat. Pangarap ng bawat isa sa atin ay makapagtapos ngunit tila pasensya at lakas ay nauubos. Ang edukasyon ay para dapat sa lahat. Edukayon na dapat maging tulay para sa ating magandang kinabukasan. Datapwat ang ating magandang kinabukasan na hinahangad ay hindi matupad-tupad dahil sa bulok na sistema ng edukayon sa ating Pilipinas na umiiral. Noon at ngayon ang mga patakaran at programa sa edukasyon ay nagtitiyak na ang edukasyon sa Pilipinas ay magsisilbing prinsipal na instrumento sa pagpapanatili ng dayuhang paghahari sa bansa at hindi nakatuon sa mga batayang pangangailangan ng lipunang Pilipino. Mula sa simula pa lamang ay kalunos-lunos na ang sistema ng edukasyon sa ating Pilipinas dahil sa paghihimod-puwet ng estado sa mga kapitalista't imperyalistang bansa na siyang ugat ng paghihirap nating mga mag-aaral. Patuloy ang pagtaas ng matrikula, ang pagbalewala sa hinaing, at panawagan, at ang pagtupok sa diwa ng nasyonalismo. Nananatiling komersyalisado, kolonyal, at anti-demokratiko ang porma ng edukasyon sa Pilipinas, kung saan tayong mga mag-aaral ay itinuturing na piyesa lamang ng makinarya na maaaring ipagbili sa mga imperyalista sa murang halaga. Matagal nang nangingibabaw ang ganitong uri ng sistema. Nakalulungkot isipin na kahit ano pang pilit nating baguhin ang neo-koloniyal na sistema ng edukasyon ay patuloy tayong nasasadlak dito. Masyado tayong nagpapakalugmok sa mga tinuro ng Amerikano at hindi natin batid na ang katotohanan, sila ang gumahasa sa ating Wikang Pambansa. Marami sa atin na ang basehan ng katalinuhan ay ang kakayanan sa pagbigkas sa wikang banyaga, dito pa lamang mapagtatanto na natin na napakalalim ng sugat na iniwan ng kolonyalismo. Siguro’y maitutuwid lamang ang istilong bulok sa edukasyon kung tuluyang tatalikuran ang mga Amerikanong aral na nalimbag na sa ating isipan. Isang malaking rason ng pagkalugmok natin sa kolonyalismo ay ang pagiisip na mayroon ang mga Pilipino. Hindi basehan ang paaralan o ang kakayahan natin sa pagsasalita sa Ingles, at maging sa kung anong abilidad ang meron tayo at kung saang antas tayo ng lipunan nabibilang. Anuman ang estado ng buhay natin, kung tayo’y parehong edukado, aba’y walang mas nakaaangat sa atin, maliban na lamang kung hindi tama ang paggamit natin ng edukasyon. Huwag nating sayangin ang edukasyon para lang sa napakawalang kwentang bagay. Ito’y para sa pag-unlad nating lahat, hindi para sa pag-unlad ng iilan. Hanggang ngayon hindi pa rin nalulutas ang mga isyu sa Sistema ng ating edukasyon katulad ng mababang kalidad ng edukasyon, kakulangan ng mga tamang bilang at kwalipikado o mahuhusay na guro, mababang sahod ng mga guro, mababang kakayahan na mabayaran o ‘affordability’, maliit ang budget ng pamahalaan para sa edukasyon, kakulangan ng mga paaralan, maging sa mga aklat at kagamitan para rito, lalo na ang paghinto sa pag-aaral o ‘drop-out’ ng mga mag-aaral sa paaralan. Ito ang tunay na estado ng edukasyon sa ating bansa. Bukod pa rito, sa kasalukuyang kalagayan ng ating sistemang edukasyon na walang kasarinlan, at ginagamit lamang bilang instrumento ng estado sa paghubog ng kamalayan, at kakayahan nating mga kabataang Pilipino, upang tayo ay manilbihan para sa iilang naghaharing uri sa ating lipunan, at palaganapin ang mga kaugalian, interes, at pamaraan ng pamumuhay ng mga uring ito. Ang mga ideya at kakayahan na binibigyang-diin sa ating mga paaralan sa loob ng sistemang ito ay lalong pinapaigting ang mala-kolonyal na katangian ng ating lipunan. Ang ganitong maling sistema ng edukasyon ang siyang sumisira sa buhay at kinabukasan nating kabataan at mamamayang Pilipino. Hindi mapakinabangan ang lakas at talino nating mamamayan sa ganitong kairalan. Kaya’t sinasabi nating may krisis ang sistema ng edukasyon at ito’y lalo lamang lumalim at tumitindi sa pagdaan ng panahon. Upang tunay na palayain ang kaisipan ng mga Pilipino sa mga maling kamalayan na pinapalaganap ng mga kapitalista, nararapat pukawin muli ang diwa ng nasyonalismo sa ating mga kabataan. Kailangan palaganapin ang maka-masa at siyentipikong pamamaraan ng pagaaral ng ating kasaysayan at lipunan at itakwil ang mga teorya na nagpapanggap na siyentipiko na kinakalat ng mga kapitalista. Ang rebolusyong kultural ay mabisang kasangkapan upang mapabilis ang tagumpay ng kilusan ng mga mamayang Pilipino, upang makamtan ang isang may- kasarinlan at makatarugang lipunan. Ang kasalukuyang panahon ng ating bansa, kung saan milyon-milyong mga Pilipino ay nawawalan na ng pag-asa sa umiiral na sistema, ay napakainam sa paglaganap ng rebolusyong kultural na ito, na sasabay sa pakikibaka ng masa upang buwagin ang mala-kolonyal at mala-pyudal na istruktura ng ating lipunan at magtatag ng bagong sistema ng edukasyon. Laging tungkulin nating mga mamamayan na hingin mula sa ating gobyerno, hindi lamang ang pagkakaroon ng edukasyon, kundi ang edukasyong tunay na para sa atin at tunay na para sa bayan. Batay sa nakikita natin ngayon, hindi ganito ang edukasyong mayroon ang Pilipino sa kasalukuyan. Isa lamang rebolusyon sa sistemang edukasyon ang maghahatid ng isang turn- around dito. Isulong ang rebolusyon para sa pambansa, siyentipiko, at makamasang edukasyon. Labanan natin ang neoliberal na atake sa edukasyon. Isulong ang inklusibo, libre, at dekalidad na edukasyon para sa lahat. Aking minumungkahing solusyon din sa paglutas ng mga isyu sa sistema ng edukasyon ay maayos na paglulunsad ng mga programa ng pamahalaan. Dapat ituon natin ang mga patakarang pang-edukasyon ng Pilipinas sa paghubog nating mga Pilipino. Kailangan na natin ng agarang reporma sa sistema nang edukasyon lalo na nang tamang suporta mula sa gobyerno. Una, magkatalog ng bilang ng mga guro ayon sa kanilang major at iangkop ang asignaturang ituturo ayon dito. Pangalawa, palakasin ang incentives gaya ng scholarships sa mga major na subjects na kung saan kulang ang supply ng guro upang mapunan ang kakulangan sa mga guro at maiwasan ang mismatch na itinuturo. Pangatlo, mas accessible na edukasyon para sa lahat at iwasan ang komersyalisadong edukasyon na pinanukala ng kolonyal na bansa sa atin. Panghuli, dagdag na budget para sa mga pribadong paaralan tungo sa kalidad ng edukasyon. Sa bagay na ito, ang pagtataguyod natin ng tunay na makabayang edukasyon at wikang Filipino sa ating sistema ng edukasyon, ang magsisilbing pinakaepektibong daluyan ng mga makabayang damdami’t adhikain ng isang bansang matagal na panahong alila ng dayuhang kaisipa’t interes. Ang paghahangad para sa pagkakaroon ng alternatibong edukasyon ang magsasabuhay ng pangarap ng buong sambayanan na kamtin ang katarungan, kalayaan at tunay na demokrasya. Ang edukasyon ang ating kongkretong sandata upang kamtin ang pambansang hangarin. Ang syentipikong oryentasyon sa sistema ng edukasyon ay napakahalaga upang talikdan at pabagsakin ang pyudal, mali at atrasadong paniniwala, at tradisyon na pilit na isinaksak sa mamamayang Pilipino ng kolonyal na naghari sa buong bansa. Sa halip, ito ay magsisilbi para sa pagbubukas ng kaisipan sa mga tunay na kaganapan at kalagayan ng buong bansa. Sa mga prosesong ito nakabuo tayo ng talinong bayan at upang ganap itong maisakatuparan, kailangan higit na mabatid ang oryentasyong may pagpapahalaga sa kabuuang karanasan ng bansa – katulad ng Filipinolohiya upang makalikha ng mga programang nakabatay sa siyensya at may katuturan sa mga mamamayan ng Pilipinas. Gamit ang taglay na karunungang hatid ng Filipinolohiya ay malaki ang aspeto nito sa pagsulong ng maayos at makatarungan na sistema ng edukasyon at ng pambansang kaunlaran. Ito rin ay magiging kaparaanan ng bawat mamamayan na naglalayon ng kaunlaran para sa lipunang kanyang kinasasangkupan upang kumatawan sa malawakang pagbabago sa buong sistema ng edukasyon at panlipunan.