You are on page 1of 4

Rashiel Jane P.

Celiz, MaEd-Filipino

Kritikal-Repleksiyong Papel 1 (KRP1) at Presentasyon – Indibidwal

Labintatlong tesis hinggil sa wikang pambansa na tinalakay ni Dr. Ramon Guillermo.

Sa kaniyang labintatlong tesis na tinalakay, ibinahagi ni Dr. Ramon Guillermo ang

mga pangunahing hakbang upang ipahayag ang kongkretong pagpapalanong pangwika sa

pambansang antas at mga salik na may positibo at negatibong epekto rito. Sa pagtalakay na

binahagi ni Dr. Guillermo, napagtanto ko na kahit na tayo ay nasa ika-21 siglo na at

modernisadong mundo ay hindi pa rin talaga naabot ang tunay na mithiin para sa ating

wikang Filipino. Isang masaklap na katotohanan na kahit nasa batas na o de jure ang ating

wikang Filipino ay tila nananaig pa rin ang wikang dayuhan partikular na ang wikang Ingles

upang wikang mas higit na mataas ang antas kaysa sa wikang Filipino. Para sa akin kahit

marami nang mga inisyatibang ginawa para sa wikang Filipino upang maging sistematiko ay

kulang pa rin ito upang matawag na malusog at aktibo ang wika.

Masaklap isipin na ang wika sa ibang bansa ay naitaguyod nila ang kanilang

katutubong wika bilang pangunahin at wikang opisyal. Gaya halimbawa ng wika sa bansang

Japan na Nihongo na hanggang sa kasalukuyan ay matatag at sistematiko pa rin. Hindi gaya

sa ating wika na kahit nakasaad na sa batas ay tila nangingibabaw pa rin ang dayuhang Ingles

upang maging opisyal na wika. Sa aking pananaw ay hindi ito maganda sapagkat kahit ang

mga katutubong wika sa Pilipinas ay unti-unti na ring namamatay gaya ng wikang Latin at

may posibilidad na mangyari sa wikang pambansa natin.

Bagaman isa sa mga suliranin natin sa Pilipinas pagdating sa usaping pangwika ay

pagiging arkipelago at pagsakop sa atin nga mga dayuhan ng mahabang panahon upang

magpaghanggang ngayon ay hindi pa rin matatawag na sistematiko ang wikang Filipino ay


salungat naman ito sa nangyari sa bansang Indonesia na ayon kay Constantino (2016) naging

batayan ng pagpapatibay sa Bahasa Indonesia ang pagkakaisa sa pagkakaiba (Bhinneka

Tunggal IKA). Hindi maikakaila na halos magkatulad ng sitwasyon ang dalawang bansa

subalit bakit kaya naggawa ng bansang Indonesia ang nais nito para magkaroon ng iisang

wika sa kabila ng mga suliranin nito? Marahil ay nagkaisa ang larang ng politika at lipunan.

Dito sa Pilipinas, kailangan talagang magkaisa ang politika at lipunan kasi kahit may

batas na ay hindi pa rin naipapatupad ang talagang hangarin nito. Sa tingin ko ay kulang ang

implementasyon sa batas kaya hindi sinusunod ng mga tao. Isa pa kahit naisa batas na ito ay

nasa batas din na isa sa mga opisyal na wika ay Ingles na kung susumahin ay isang wikang

sistematiko, mas tanggap ng nakararami na tinatawag pa ngang wikang pandaigdig na para sa

akin ay mas mainam na maging wikang opisyal ng bansa kaysa sa wikang Filipino. Kasi kung

ako ang tatanungin, kapag pipili ka ng isa sa dalawang isda sa palengke, ang isa ay nalinisan

na at ang isa naman ay hindi pa, alin ang pipiliin mo? Syempre doon ako sa malinis na para

hindi ako mahirapan sa pagluluto. Katulad ng analohiyang ito sa wikang Ingles at Filipino,

dalawa silang opisyal na wika ng bansa, popular at sistematiko ang Ingles kaysa sa Filipino,

kaya mas pipiliin ng tao ang Ingles kahit na ito ay dayuhang wika. Isa pa bahagi na ito ng

diaspora ng Pilipinas kaya naman malaki ang posibilidad na mas tangkilikin ito ng

nakararami.

Kaya para magkaroon ng isang sistematikong wikang Filipino, kailangan na

magtulungan ang mga tao sa politika at lipunan. Kapagka nagpasa ka ng batas tapos wala rin

namang maayos na implementasyon at pagtanaw o oversee sa batas kung naisakatuparan ba

ito ay wala ring mangyayari. Gayundin sa lipunan, kailangan na magkaisa ang lahat sa

pinatutupad na batas o inisyatiba kasi kung hindi tatalima ang tao ay wala ring mangyayari.

Ang kailangan dito ay matibay na implementasyon ng batas at pakikipagtulungan ng masa.


Isa rin sa kalaban ng adhikaing ito ay mga politikong ayaw na umunlad ng wikang

Filipino. May ilan kasi na mas pinipili na huwag gumawa ng hakbang dahil bakit umano

gagawa na mayroon namang Ingles na magiging saligan. Kaya supurtado ko ang privilege

speech ni Senador Robinhood Padilla na kailangan nating gumawa ng hakbang upang

maitaguyod ang wikang Filipino sa pambansang antas. Isa itong magandang hakbang ng

senador tungo sa susunod pang mga hakbangin para sa ika-uunlad ng wikang Filipino.

Alam kong malayo pa ang kakailanganing mga hakbangin upang magkaroon talaga

ng isang sistematikong wikang Filipino, subalit alam ko rin na roon din tayo patungo. Ayon

pa sa huling sabi ni Dr. Guillermo, “Kung hindi natin seseryosohin ang usaping pangwika ay

tila magiging isa tayong bayang nagpatiwakal.” Siyang tunay, kaya naman ang mga ganitong

talakayan na ibinahagi ni Dr. Guillermo ay upang muli na namang buhayin ang mga ganitong

inisyatiba para sa wikang Filipino.


Sanggunian

Guillermo, Ramon (2016). Labintatlong thesis hinggil sa wikang


pambansa. https://youtu.be/QOMIdxPBdXg?si=OsaAPv9ShUrWX7HR

Constantino, Pamela (2016). Papel ng mg wika sa Pilipinas.


https://youtu.be/tNB_wLhH0Uw?si=8piHjDBRIZ8W87T0

Enriquez, Althea (2017). Ang Pambansang wika mula sa Multilingual na Perspektiba.


https://youtu.be/h-Lh76iLfvs?si=BkCKNMqLScnaTRML

Padilla, Robinhood (2023). Privilege speech sa Wikang


Filipino. https://www.facebook.com/ROBINPADILLA.OFFICIAL/videos/668441411
871372/?mibextid=NnVzG8

You might also like