You are on page 1of 12

FILIPINO REVIEWER

ARALIN 9
Mitolohiya
Ang mitolohiya o mito ay isang uri ng naratibong tuluyan (prose) na may layuning
magpaliwanag kung ano ang pinagmulan ng daigdig at ng tao.

Ang mga pangunahing tauhan sa mitolohiya ay pangkaraniwang mga diyos at diyosa o mga
nilalang na mayroong dugong diyos at dugong tao.

Pagkilala sa Pangunahing Ideya ng Mitolohiya


Pagsusuri sa detalye
Pagsusuri sa usapan o diyalogo ng mga tauhan
Pagsusuri ng tauhan

Paghahambing sa Mitolohiyang Kanluranin at Mitolohiyang Pilipino

Halimbawa: Si Hercules at Si Bernardo Carpio:


Kolokasyon
Ang kolokasyon ay isa sa pamamaraan ng pagbibigay-kahulugan kung saan higit na binibigyan ng
detalye ang isang salita sa pamamagitan ng pagtatambal nito sa iba pang mga salita.

Pagpapalawak ng Pangungusap

Ang pagpapalawak ng pangungusap ay ang proseso ng pagdaragdag ng mga salita o pahayag


upang maibigay ang kompletong impormasyon o detalye sa diwang inihahatid ng pangungusap.

Iba’t ibang paraan ng Pagpapalawak ng Pangungusap


1. Pagdaragdag ng paningit o ingklitik

Ang ingklitik o paningit ay mga “kataga” na ginagamit upang higit na maging malinaw ang diwa
ng pangungusap.

Halimbawa:
Batayang pangungusap:
 Ninais niyang lumaya.

Pinalawak na pangungusap gamit ang mga ingklitik:


 Ninais niya ring lumaya.
 Ninais niya munang lumaya.
 Ninais niya pa nga na lumaya.
 Ninais niya yatang lumaya.

2. Paggamit ng panuring
Ang mga panuring o modifier ay mga salitang naglalarawan, pumapatungkol, o nagbibigay-turing
sa isang “pangngalan” o “pandiwa.”

A. Paggamit ng panuring na pang-uri


Pang-uri – mga salitang naglalarawan sa pangngalan o panghalip.

Halimbawa:
Batayang pangungusap:
 Itatala natin sa kasaysayan ang demonstrasiyong ito tungo sa kalayaan ng ating bayan.

Mga Pinalawak na pangungusap gamit ang pang-uri:


 Itatala natin sa kasaysayan ang pinakadakilang demonstrasiyong ito tungo sa kalayaan
ng ating bayan.
 Itatala natin sa kasaysayan ang maluwalhating demonstrasiyon na ito tungo sa kalayaan
ng ating bayan.

B. Paggamit ng panuring na pang-abay


Pang-abay – salitang nagbibigay-turing sa pang-uri, pandiwa, at kapwa pang-abay.

Halimbawa:
Batayang pangungusap:
 Isinigaw ng mga negro ang kanilang pangangailangan sa kalayaan.

Mga pinalawak na pangungusap gamit ang pang-abay:


 Buong-lakas na isinigaw ng mga negro ang kanilang pangangailangan sa kalayaan.
 Sama-samang isinigaw ng mga negro ang kanilang pangangailangan sa kalayaan.

3. Pagsasama ng mga pamuno


Ang pamuno ay mga pangngalan o pariralang pangngalan na tumutukoy sa iba pang katawagan
para sa isang pangngalan sa pangungusap.

Mga Halimbawa:
 Si Martin Luther King Jr., mula sa lahi ng mga negro, ay nanguna sa pakikipaglaban
tungo sa pagkakamit nila ng tunay na kalayaan.
 Si Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, ay lubos na ipinaglaban ang kalayaan ng
ating bayan.
ARALIN 10
Dula
Ang kuwentong itinatanghal sa entablado ay tinatawag na dula o role playing, o stage play sa
usaping pampanitikan.
Ang dula ay isang uri ng panitikan na kabilang sa performing arts, kung saan ang sining ay
ipinakikita at pinahahalagahan sa pamamagitan ng pagganap o pagkilos, gaya ng pag-awit,
pagsayaw, pag-arte, at iba pa.

Ang dula ay binubuo ng iba’t ibang tagpo, kung saan ipinapasok ang mga sangkap sa pagbuo ng
isang mahusay na kuwento.

Sining at Kultura
Ang sining ay direktang kaugnay o tumatalakay sa kultura ng isang partikular na pangkat ng
mga tao.
Ang isang bansang may pagkilala sa sariling sining at kultura ay bumubuo ng mga ahensiya na
siyang tagapagtaguyod nito. Sa kaso ng Pilipinas, mayroon tayong National Commission for
Culture and the Arts (NCCA).

Pagsusuri ng Dula
 Ang tauhan ay ang karakterisasyon kung saan hawak nito ang kabuoang emosyon ng
dula, dahil sila mismo ang kumikilos sa entablado.
 Ang tagpuan ay lugar o espasyo kung saan nagaganap ang mga pangyayari sa loob ng
kuwento.
 Ang isyung panlipunan ay tumatalakay sa mga umiiral na pagsubok na kinahaharap ng
lipunan na siyang bahagi ng tema ng dula.

Paghahambing sa Dulang Kanluranin at Dulang Pilipino

Ang paghahambing ng dalawang akdang pampanitikan ay paghahambing din ng dalawang


kultura.

Maaaring makatulong ang pagsasaalang-alang sa sumusunod na elemento at sangkap ng dula


tulad ng sumusunod:

- Katangian ng mga tauhan na isinasaad sa akda


- Katangian ng mga tauhan batay sa mga diyalogo
- Kilos, gawi, at pag-uugali ng mga tauhan
- Paglalarawan sa tagpuan
- Mga diyalogo at pagsasalaysay
- Suliranin ng akda
- Lugar na pinagmulan ng akda
- Mga tradisyon, paniniwala, at kulturang tahasang isinasaad sa akda

Halimbawa: Cinderella at ng kuwento ng bersiyon ni Cinderella na taga-Cebu—si Abadeja.


Etimolohiya

Ang etimolohiya ay ang pag-aaral ng kasaysayan ng pinagmulan ng bawat salita at kung paano
nababago ang kahulugan nito sa pagdaan ng panahon.

Halimbawa:
 Sigarilyo - yosi
 Talo - olats
 Tigas - astig
 Hindi - dehins
 Sibat - batsi

Kaganapan ng Pandiwa
Ang kaganapan ng pandiwa o komplemento ay pariralang pangngalan na idinurugtong sa
panaguri upang maging ganap o lubos ang kilos na ipinahahayag ng pandiwa.

Iba’t ibang Uri ng Kaganapan ng Pandiwa:

1. Kaganapang Tagaganap
- Bahagi ng panaguri na gumaganap sa kilos na isinasaad ng pandiwa.
- Ginagamitan ng mga panandang ni at ng.

Halimbawa:
- Ang lutong ulam ay kinain ng pusa.
- Hinintay ni Mae ang resulta ng pagsusulit.

2. Kaganapang Layon
- Bahagi ng panaguri na nagsasaad ng bagay na tinutukoy ng pandiwa.
- Ginagamitan ito ng panandang ng.

Halimbawa:
- Si Lucas ay bumili ng pritong manok at spaghetti.
- Naglaba ng mga puting damit si Marlou.

3. Kaganapang Tagatanggap
- Bahagi ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang makikinabang sa kilos na isinasaad ng
pandiwa.
- May mga panandang para sa at para kay.

Halimbawa:
- Si Louie ay nagpa-load para sa kaniyang kasintahan.
- Si Ana ay nagluto para kay Angelo.

4. Kaganapang Kagamitan
- Bahagi ng panaguri na nagsasaad kung anong bagay ang ginagamit upang maisagawa ang kilos
na ipinahahayag ng pandiwa.
- Maaaring sumagot sa tanong na “sa pamamagitan ng ano?” o “gamit ang?”

Halimbawa:
- Si Cristy ay nagluto gamit ang air fryer.
- Si Lj ay kumain gamit ang gintong kutsara.

5. Kaganapang Ganapan
- Bahagi ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na pinaggaganapan ng kilos na ipinahahayag
ng pandiwa.
- Ginagamitan ng panandang sa.

Halimbawa:
- Nagpulong ang mga empleyado sa bagong-tayong silid.
- Nagpa-load si Neil sa pinakamalapit na tindahan.

6. Kaganapang Direksyunal
- Bahagi ng panaguri na nagsasaad ng direksiyon ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.
- Tandaang ang mga pangkaraniwang direksyong ginagamit ay ang harap, likod, gilid, ibabaw, at
ilalim.

Halimbawa:
- Ang bag ay ipinatong sa ibabaw ng lamesa.
- Umihi sa likod ng lumang gusali si Ronnel.

7. Kaganapang Sanhi
- Bahagi ng panaguri na nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos.
- Gamiting gabay ang mga hudyat na nagsasaad ng sanhi na dahil, sapagkat at kasi.

Halimbawa:
- Bumilib sa kaniya ang lahat dahil sa kaniyang husay sa pag-awit.
- Bumili si Kate ng gamot dahil masama ang kaniyang pakiramdam.

ARALIN 11
Tula
Ang tula (poem) ay isang uri ng panitikan na nakapaloob sa anyong panulaan (poetry).

Nakapaloob din sa panulaan ang iba pang uri ng panitikan gaya ng awit, korido, soneto, epiko, at
iba pa.

Alejandro G. Abadilla - kinikilalang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog,”

Mga Elemento ng Tula

1. Taludtod - tumutukoy ito sa mga linya sa tula na bumubuo sa mga saknong.


2. Saknong- Ito ang bahagi ng tula na binubuo ng dalawa o higit pang taludtod.
 2 linya – couplet
 3 linya – tercet
 4 linya –quatrain
 5 linya – quintet
 6 linya – sestet
 7 linya – septet
 8 linya – octave

3. Sukat - Ito ay tumutukoy sa bilang ng pantig ng bawat taludtod (line) na bumubuo sa isang
saknong (stanza). Ang pantig ay tumutukoy sa paraan ng pagkakahati ng salita kapag ito’y
binibigkas. Ang karaniwang sukat ng tula ay 8, 12, at 16.

Halimbawa:
I-big mong ma-ba-tid, i-big mong ma-la-man = 12 pantig

4. Tugma - Sinasabing may tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita ng bawat
taludtod ay magkakasintunog. Ito ang nagbibigay ng kagandahan sa pagbigkas ng isang tula.

Ang karaniwang tugmaan ng tula ay may estilong aaaa, aabb, at abab.

5. Talinghaga o Kariktan - Tumutukoy ito sa paggamit ng matatalinghagang pananalita o


rhetorical devices sa loob ng isang tula.

6. Indayog o Aliw-iw - Kung ang mga awit ay mayroong tono, ang tula ay nararapat na
magkaroon ng indayog habang ito ay binibigkas.

7. Persona - Tumutukoy naman ito sa taong nagsasalita sa tula. Mababatid kung nasa una,
ikalawa, o ikatlong panauhan ang tula depende sa mga panghalip na ginamit dito.
Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagsulat ng Tula:

1. Tema
Ito ang magpapahayag ng paksa o kung tungkol saan ang iyong isusulat na tula.
Alalahaning ang paksa ng tula ay iba pa sa magiging pamagat nito.
Maaaring pumili sa mga paksa/tema/genre patungkol sa pag-ibig, pagkabigo, pagkamakabayan,
at iba pang paksang napapanahon.

2. Pamagat
Kalimitan ang pamagat ang nagdidikta ng emosyon at diwa ng tula, minsan naman ay panlinlang
lamang ito.

3. Mga Elemento ng Tula


Nakapaloob dito ang pagsasaalang-alang sa mga sangkap na bumubuo sa isang tula tulad ng
bilang ng saknong, taludtod, sukat, tugma at kariktan na kinapapalooban ng matatalinhagang
pananalita.

4. Paggamit ng Matatalinghagang Pananalita


Kailangang isaalang-alang ang wasto at angkop na paggamit ng matatalinghagang pananalita
dahil tulad ng ibang sangkap ng tula, isa rin ito sa nakapagpapalabas ng kasiningan ng isang tula.

5. Estilo
Kapag natukoy mo na ang mambabasa ng tula iyong susulatin, sa pagkakataong ito maiaangkop
ang estilo na ang nais mong sundin.

6. Simbolo
Kinikilala rin bilang imahen na nagtataglay ng nakatagong mensahe ng tula.

7. Simula, Katawan, at Wakas


Sa lahat ng akda, ang kabuuang bahagi ang pinakamahalaga. Ang mapangganyak na simula, kung
saan hinihikayat ang mga mambabasa sa paksa.

Ang Matalinghagang Pananalita


Ang mga matatalinghagang pananalita o rhetorical devices ay sangkap na ginagamit sa mga
akdang pampanitikan upang mapalutang ang sining na taglay nito at mahalina ang mga
mambabasa at tagapakinig.

Ilan sa malimit gamiting matatalinghagang pananalita ay nakapaloob sa tinatawag na tayutay at


mga idyoma.

Iba’t ibang Uri ng Tayutay


Ang tayutay ay paraan ng pagpapahayag kung saan sadyang inilalayo sa karaniwan ang
paglalahad ng mensahe.

1. Pagtutulad o simile - Ang hindi tuwirang paghahambing ng magkaibang bagay, tao, o


pangyayari ay gumagamit ng mga pariralang tulad ng, kawangis ng, para ng, gaya ng.
Halimbawa:
Kasinlaya ito ng mga lalaking
Dahil sa katuwira’y hindi paaapi,
Kasingwagas ito ng mga bayaning
Marunong umingos sa mga papuri.

2. Pagwawangis o metaphor - Ito ay uri rin ng paghahambing ngunit hindi ginagamitan ng mga
salitang naghahambing sa halip tuwirang inihahambing ang dalawang magkaibang bagay.

Halimbawa:
Ang pag-ibig ko’y lalaking makatwiran.

3. Pagsasatao o personification - Malimit itong gamitin upang laruin ang pahayag kung saan ang
isang bagay na walang buhay ay pinakikilos na parang tao.

Halimbawa:
Kay bilis gumalaw ng mga kamay ng orasan
Ni hindi ko namalayan ika’y lilisan

4. Pagtawag o apostrophe - Pinasisidhi nito ang damdamin ng pahayag sa pamamagitan ng


pagtawag sa mga kaisipan upang magpakita ng matinding emosyon.

Halimbawa:
Oh! Pag-ibig, nasaan ka?

5. Pagmamalabis o hyperbole - Dito nilalangkapan ng malabis na paglalarawan o eksaherasyon


sa pahayag.

Halimbawa:
Halos dugo ang iluha ko nang iwan niya ako.

6. Pag-uyam o irony - Ito ay pahayag na hindi lantad ang pangungutya sa tao o bagay. Sa una ay
tila namumuri ang pahayag, ngunit sa hulihan ay nanunudyo lamang ito.

Halimbawa:
Alam kong tapat kang umibig.
kaya nga marami kaming iniibig mo.

Idyoma
Isa rin sa mga anyo ng matatalinhagang pananalita ay ang idyoma, kung saan ang mga pahayag
ay nagtatago ng tunay nitong kahulugan.

Halimbawa:
 anghel ng tahanan – anak
 binuksan ang dibdib – ipinagtapat ang saloobin
 ‘di-mahulugang karayom– maraming tao
 durugin ang puso – pasakitan
 guhit ng palad – kapalaran
 lumaki ang ulo – naging mayabang
 iguhit sa tubig – kalimutan
 may gatas pa sa labi – bata pa
 magbuhat ng sariling bangko – nagyayabang
 nagpanting ang tainga – nagalit; nainis
 nagdilang anghel – nagkatotoo ang sinabi
 suntok sa buwan – mahirap abutin; malabong mangyari
 magsunog ng kilay – mag-aaral nang mabuti
 ningas kugon – panandalian
 balat-sibuyas – sensitibo, iyakin
 kahiramang suklay – matalik na kaibigan

Mga Dapat Tandaan sa Paggamit ng Matatalinghagang Pananalita

1. Pumili ng napapanahon at kagiliw-giliw na paksa.


2. Bumuo ng mga pahayag na kakikitaan ng mga tayutay.
3. Gumamit ng angkop na idyoma sa paglalarawan ng ideya.
4. Suriin ang mga nabuong pahayag batay sa kasiningan nito.
5. Magkaroon ng rebisyon kung kinakailangan.

ARALIN 12

Maikling Kuwento
Ang maikling kuwento ay isang uri ng panitikan na nasa anyong tuluyan na nagsasalaysay ng mga
pangyayari.

Kalimitang paksa nito ang mga bagay na mismong nararanasan sa pang-araw-araw o ‘di kaya
naman ay kuwento ng ‘di-malilimutang karanasan sa ating buhay.

Elemento ng Maikling Kuwento:


1. Tauhan - Ang aktor o gumaganap sa kuwento.
2. Tagpuan - Tumutukoy ito sa lugar kung saan at kalian naganap ang kuwento.
3. Banghay - Ito ayaayos na balangkas o pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa
kuwento.
4. Paksang-diwa- Pinakakaluluwa ng maikling kuwento dahil ito ang pangunahing pinag-
uusapan sa kuwento.
5. Kaisipan - Ito ang mensahe ng maikling kuwento.

Diyalogo
Ang diyalogo ay estilo ng pagsasalaysay na naglalaman ng eksaktong sinabi ng tauhan sa akda.
Ito rin ay tinatawag na salitaan o usapan.

Ang mga Salitang Magkakatulad


Ang mga salitang magkakatulad ay mga salitang magkakapareho ang kahulugan.

Ito ay dalawang magkaibang salitang ginamit ngunit iisang bagay o konsepto lamang ang
tinutukoy.

Halimbawa:
1. tala at bituin
2. munti at maliit
3. makitid at makipot

Ang mga Salitang Magkakaugnay


Ang mga salitang magkakaugnay ay mga salitang may kaniya-kaniyang kahulugan ngunit
ang mga kahulugan at diwa naman ng mga ito ay magkakaugnay.

Halimbawa:
1. mahalimuyak, masamyo at mabango
2. pasaway, masama at suwail
3. sampal, tampal at suntok

Pagkakaiba ng Nobela at Maikling Kuwento

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagpili ng Paksa ng Maikling Kuwento


1. napapanahon
2. Nakauugnay ito sa target na mambabasa (bata, matanda, babae, lalaki).
3. makabuluhan
4. nakapagpapakilos
5. nakapagpapamulat
Proseso sa Pagsulat ng Maikling Kuwento
1. Mangalap ng mga ideya para sa bubuoing kuwento.
2. Magsimula sa pangunahing hakbang ng pagsulat ng maikling kuwento.
3. Maghanap ng inspirasyon mula sa mga totoong tao sa paligid.
4. Kilalanin ang mga tauhan.
5. Limitahan ang pagitan ng mga pangyayari sa kuwento.
6. Tukuyin kung sino at paano ilalahad ang kuwento.
7. Bumuo ng balangkas para sa mga ideya.
8. Magsimulang magsulat.

You might also like