You are on page 1of 3

"Byahe"

1. Disyembre 26, 2012, alas 3 ng madaling araw, nang ako'y nagmadali papunta sa istasyon
ng bus. Dumiretso agad ako sa pilahan ng pasahero papuntang timog na bahagi ng Cebu.
Wala pa raw limang minuto mula nang umalis ang aircon bus sabi ng mamang dispatser.
Kaya sumakay na lang ako sa regular bus na umaandar na at napuno na rin ng mga
pasahero. Umusad na rin kami matapos madagdagan pa ng dalawang pasahero.

2. Nang paalis na ang bus sa terminal ay bigla kong naalala na wala pa palang 24 oras mula
noong ginising ako ng ring ng aking telepono. Pinutol nito ang mahimbing kong tulog.
Ayaw ko sanang sagutin ang telepono sapagkat nais ko pang ipagpatuloy ang aking
pagpapahinga. Puyat pa ako matapos salubungin ang pasko sa nakaraang Noche Buena,
kasama ang aking ina doon sa kanyang tinitirhan sa Pasay. Kaya, madaling araw na ng
Disyembre 25 ako nakatulog. Subalit tumayo na lang ako upang matigil na ang istorbong
hatid ng nag-iingay kong telepono. Tiyahin ko ang nasa kabilang linya at totoong
nakakabagabag ang ibinalita. Sinabi niya sa akin na kadadala lang daw nila sa ospital ng
aking amang nastroke. Mabuti na lamang daw at naagapan agad.

3. "Wow naman! Napakagandang regalo sa araw ng pasko!" Iyan ang pinakaunang


pumasok sa aking isipan ng marinig ko ang balita. Gusto kong isigaw sa Diyos. "Bakit po
Panginoon, bakit? Bakit ganito? Bakit kami? Bakit ngayon? Galit ba kayo sa akin?!" At sa
mga sumunod na sandali ay bigla kong naisipang umuwi agad sa Cebu.

4. Nasa kalagitnaan na kami ng biyahe ng bus nang maramdaman kong ako'y awang-awa
sa aking sarili. Para akong tauhan sa isang pelikula na dinagukan ng sunud-sunod na
kamalasan sa buhay. Tila minalas rin ako sa paliparan pa lamang sa Maynila nang
dalawang beses naantala ang paglipad ng eroplano dahil sa masamang panahon na
dulot ng bagyong dadaan umano sa Kabisayaan. At pagdating ko sa Cebu South Bus

Jeffrey Lloyd C. Pocong, SJ Page 1


Terminal, hindi ko rin inabot ang aircon bus papunta sa amin. Minalas din ako sa pagpili
ng upuan sa loob ng regular bus na aking sinakyan at ako'y napapaligiran ng mga gulay
na pilit isinasaksak sa mga buslong nabubuwal na sa sobrang pagkapuno nito. Nasa gilid
ko rin ang mga bayong na hinabi at sa loob nito'y mga manok pangsabong na kasing
ingay ng yerong minamartilyo. Nanunuot sa ilalim ng aking tainga ang ingay na dulot ng
mga ito. Ngunit hindi pinansin ng may-ari nito ang alingawngaw sa loob ng bus at tila
nag bingi-bingihan lamang sa ingay ng kanyang mga alaga. Sa kabila nang malakas na
hampas ng hangin, amoy ko pa rin ang mabahong dumi ng mga manok na nagkalat sa
sahig at sa ilalim ng aking kinauupuan. Nagmistula akong inutil at walang magawa sa
mga nangyayari. Ako'y nanalangin na lamang at sinabi, "Panginoon, samahan N'yo
naman po ako sa byaheng ito."

5. Habang sa loob ng bus ay patuloy pa rin ang aking pagtatanong kung bakit nangyayari
ang lahat ng iyon. Bakit Panginoon, bakit? May magandang plano pa naman sana ako sa
bakasyong ito. Pinlano ko na ang mga araw na kasama ang aking pamilya, mga kaibigan
at mga katrabaho ko dati sa opisina. Naglaan din ako ng araw kung kailan ako'y walang
gagawin kundi mag ikut-ikot lamang sa mga malls, pupunta sa isang coffee shop at doon
magbasa. Subalit biglang nawala na parang bula ang lahat ng ito. Kung kailan ko inakala
na ang lahat ay magaganap ayon sa aking plano, nakita ko ang mga bagay-bagay pala ay
hindi ko kontrolado.

6. Noong bumagal ang takbo ng bus pagdaan sa isang kurbada, may nadaanan kaming
tatlong sakristan na bitbit ang imahen ng batang Hesus. Araw nga pala iyon ng "pahalok"
kung kailan pinahahalikan ang imahen ng batang Hesus sa mga bahay-bahay. Bigla kong
natanto mula sa aking nakita na kailangan kong magpaubaya sa kamay ng Diyos gaya ng
batang Hesus na maginhawang nakahiga lamang sa kamay ng mga sakristan. Aking
nadama na aakayin din ako sa mga kamay ng Diyos subalit kailangan ko munang manalig

Jeffrey Lloyd C. Pocong, SJ Page 2


na hawak nga Niya ang lahat ng bagay. Siya nga pala ang Panginoon Diyos, ang Siyang
masusunod. Hindi ako.

7. "Lugar lang noy sa eskina." Nakarating din ako matapos ang tatlong oras na byahe ng
bus. Tanaw ko na sa aking harapan at nakasulat sa malalaking letra—BADIAN DISTRICT
HOSPITAL. Lumingon akong muli, tanaw ang likuran ng bus na unti-unting umusad at
nagpatuloy sa byahe.

Jeffrey Lloyd C. Pocong, SJ Page 3

You might also like