You are on page 1of 2

"11:30"

ni: Shen C. Argel

Nagkasiksikan, nagsimula nang nangibabaw ang amoy ng mga pinaghalong pawis na nagmula sa iba't
ibang katawan. Lalong nagkadikit ang siko't tagiliran ng aking katabi nang umakyat ang isang tinderong
may bitbit na mani, nilagang itlog ng pugo, mineral water, at chicharon. Pilit niya itong inaalok sa
matandang pasaherong nakaupo na abala sa pagbibilang ng mga baryang gagamitin sa pamasahe.
Bumusena na ang bus kaya napilitang bumaba ang tindero, sa wakas ay nagkaroon din ng kaunting
espasyo ang mga nasa loob.

Habang binabalanse ko ang aking katawan sa pagtayo habang tumatakbo ang bus ay nahagip ng aking
mga mata ang tattoo na 11:29 sa braso ng isang lalaking nakaupo, ang hibla ng mga puting buhok sa
kanyang ulo at kunot sa kanyang noo ay nagpapakitang siya'y may edad na. Nakatanaw siya sa bintana
habang sinasalubong ng kanyang mukhang may nunal sa ilalim ng ilong ang pumapasok na mga alikabok
na nagmula sa kalsada. Habang tinititigan ko ang kanyang tattoo ay nakabuo ako ng mga katanungan sa
'king isipan. Ano kaya ang sinisimbolo ng oras na iyon sa kanyang buhay? Gaano kahalaga ang nasabing
oras kung bakit ayaw niya itong kalimutan? Tumatak kaya ito sa pinakamasaya o pinakamalungkot na
pangyayari sa kanyang mga karanasan?

Nabaling ang aking atensiyon nang tinanong ako ng konduktor kung saan ako bababa. Nang
makarating na sa terminal ay dali-dali kong binitbit ang aking mga bagahe bago pa man magkatulakan
paakyat ang mga pasaherong nag-aagawan ng mauupuan. Sa hindi kalayuan ay natatanaw ko na ang
aking lola na nakaabang sa kulay dilaw na upuang makikita sa terminal. Agad siyang tumayo nang makita
niya ako, sinalubong ko siya nang napakahigpit na mga yakap na tanda ng pangungulila ko sa kanya sa
loob ng sampung buwang hindi ko pag-uwi sa probinsiya. Dumiretso kami sa paborito niyang kainan.
Marami kaming mga bagay na napag-usapan hanggang sa biglang nadulas sa aking dila ang mga
katanungang ayaw na ayaw niyang marinig—ang tungkol sa aking ama. Napahinto siya sa pagnguya,
sinagot niya ang mga katanungang iyon sa pahayag na "Walang kwenta ang iyong ama. Kailanma'y hindi
ka naging mahalaga sa kanya. Kalimutan mo na siya dahil matagal na 'yon nakalimot sa iyo. Kaya kitang
palakihin na wala siya."
Hindi ko na dinagdagan pa ang aking mga katanungan bagkos ay iniba ko ang usapan. Gaya ng
madalas naming paglalambingan noon ay paulit-ulit kong tinatanong sa kanya kung mahal niya ako
bilang nag-iisa niyang apo. Natigagal ako sa kanyang sagot—

"Sobraang mahal na mahaal, hindi ko makalilimutan na pinanganak ang aking pinakamamahal na apo
noong Agosto 23, 2020, bandang alas 11:29 ng gabi. Iyon ang gabing sabik na sabik akong maalagaan ka
kasama ang iyong ina."

Naglaro sa aking diwa ang tattoo na 11:29 sa braso ng taong nakita ko kanina sa loob ng bus, bigla ko
ring naalala ang nunal sa 'king mukha na nasa ilalim ng aking ilong. Nanumbalik ang pag-alsa ng mga
katanungang nabuo sa aking isipan kanina sa loob ng bus—

"Ano kaya ang sinisimbolo ng oras na iyon sa kanyang buhay? Gaano kahalaga ang nasabing oras kung
bakit ayaw niya itong kalimutan? Tumatak kaya ito sa pinakamasaya o pinakamalungkot na pangyayari
sa kanyang mga karanasan?"

You might also like