You are on page 1of 1

Bastos ang mga alaala, pumapasok ito nang walang paalam sa aking silid, nililibot ang aking kama na

parang batang sabik sa lambot ng kutson.


Palagi itong naroon at namamhinga, hihilahin akong bigla palapit sa kaniya, kukumutan ng mga yapos,
ipaaalalang paborito ko ang mahihigpit na yakap tuwing hatinggabi, kapag giniginaw ako't binabalot ang
katawan ng lungkot.
Huhubaran ako nito nang dahan-dahan, pagagapangin ang gaspang ng kaniyang palad sa kinis ng aking
balat, ninanakawan ako ng halik, sa leeg, sa batok, sa pisngi patungo sa mga labing matagal nang nilisan
ng tamis.
Ninanakawan ako nito ng sandali, pinagsasamantalahan ang kahinaan ng aking pagkabigo, pinipigilan
nitong bumagsak ang mga butil ng luhang namumuo sa aking mga mata.
Kinakalikot nito ang walang buhay kong dibdib na para bang ibinabalik ako nito sa dating paraan ko ng
paghinga.
Bastos ang mga alaala, hindi ako nito pinapatulog sa buong magdamag.
Tinabihan ako sa paghiga na para bang nilalapirot ang aking loob ng panghihinayang.
Sumusuot ito sa ilalim ng aking kumot at yayakapin akong parang isang batang matagal na nawalay sa
ina.
Sumisiping ito nang palihim kapag natatalo ako ng antok, hinahagkan ako sa noo pagkatapos hawiin ang
ilang hibla ng buhok sa aking mukha.
Nararamdaman ko ang kaniyang paghinga, para itong musikang naglalabas-masok sa aking nga tainga.
Bastos mga alaala, sinasadya nitong pasukin ang aking silid kapag wala akong kasama.
Wala itong galang, dinadala ako sa lugar na ayaw ko nang balikan, ipinakikita sa akin ang mga litratong
matagal ko nang pinagsawaan at ipinaaalalang ang mga iyon ang minsang naging dahilan ng mga ngiti ko
tuwing umuulan.
Ipinaririnig nito sa akin ang paborito kong musika na ayaw ko nang mapakinggan at aawitan ako nito ng
mga lirikong sumpa ang dulot sa aking nakaraan.
Hindi ito nagpapapigil.
Para itong magnanakaw na bigla na lang sasalakay kapag wala ang may-ari ng bahay.
Hindi magpaparamdam ng mga pagkatok o pagtawag, ni magpadala ng mensahe ng pagdating.
Biglaan parati ang pagbisita nito at hindi nagpapahiwatig ng mga senyales katulad ng kaniyang pag-alis.

You might also like