You are on page 1of 5

Sembreyk

written by Prof. Arnold Estareja, Department of Humanities (June 19, 2004), for the NSTP-LTS 1.

Gusto ko lang talaga na maiba ang aking semestral break kaya sumama akong magbakasyon kina Domeng. Sa isip-isip ko, kaya ko naman yatang ipagpalit ang aking pagiging city mouse kahit sa loob ng dalawang linggo. Ang totoo, parang napilitan lang si Domeng na anyayahan ako sa kanila. Matagal bago niya ipinagkalooob ang kanyang "sige na nga." At may kabuntot pang, "Basta, ikaw na ang bahalang magtiyaga. Nakaaangat kayo sa buhay samantalang, alam mo na, Paolo, dukha lang kami." Mukha namang hirap talaga sa buhay sina Domeng. May scholarship kaya nakapag-aral. Para sa akin, simpleng simple ang kanyang buhay, na para sa iba'y gipit. Kung magpapalit nga siya ng damit araw-araw, baka sa ikasiyam na araw, wala na siyang kamisetang isusuot. Apat nga lang yata ang pantalon, 'yong isa, islaks na medyo kupas pa. Ni pormang pangjologs, di niya magawa. Ang alam ko, bihirang bihirang humingi si Domeng ng pera sa magulang niya. Masinop na pagbabadyet ang ginagawa sa istaypend na natatanggap mula sa iskolarsyip. Hirap siyang direktang umutang sa akin kung kinakapos na't wala pa ang stipend, na madalas namang wala sa oras kung dumating. Basta, napakasimple niya at walang mga kaeklatan. Pero di mo pagdududahan ang tapat na pakikipagkaibigan ni Domeng sa akin. Simula ng pagtuntong namin ng kolehiyo nitong Hunyo, mas madalas ko siyang kasa-kasama kaysa sa mga kaklase kong yamings sa hayskul. Napansin ko kasing mas may nangyayari sa buhay-kolehiyo ko kapag sa kanya bumabarkada. Matalino at masipag mag-aral si Domeng, nakakahawa. Di rin siya madamot. Tinutulungan ako sa mga asaynment at proyekto sa klase. Sa madaling sabi, pag-uwi ko sa amin matapos mapatango si Domeng, nagpaalam ako kina ermat at erpat. Ayaw pa ako noong payagan ni ermat bagamat okay lang kay erpat. Kesyo malayo doon. Baka daw may NPA. Paano daw kung mapahamak o magkasakit ako? Paano daw ang pagkain, inumin, CR, yada yada dida. Siyempre, gumawa ako ng estratehiya para mapapayag siya. Sa madaling sabi, natuloy ang byahe. Maagang maaga kami umalis ng Maynila at nakarating sa kapitolyo ng lalawigan nina Domeng matapos ang kulang-kulang anim na oras. Pagkatapos, sumakay kami ng dyip papunta sa pinakabayan nila. Mahigit isang oras kaming naghintay na sumibad na ang dyip. Punuan dapat at hindi de-oras ang kalakaran dito.

Halos umapaw ang laman ng dyip nang tuluyang umandar. Sa unahan, may katabi sa kanyang kaliwa ang drayber, tatlo naman sa kanyang kanan, at may dalawa pa sa may hood. Sa loob ng dyip, nauto ko ang mga paa ko na kalimutan munang magpagalaw-galaw dahil sandamakmak ang mga bagahe sa gitna ng dyip. Kalong-kalong namin ni Domeng nang patirik ang aming mga bag. Bukod sa mga kargada, may mga pasahero din sa bubong ng dyip. May bakod naman ang itaas ng dyip. Iyon pala ang kani-kaninang naulinigan kong, "Taplod tayo, taplod!" Kulang-kulang dalawang oras ang biyahe. Pinahaba ito ng mga habi-habilin o pakikipadala sa tuwing titigil ang dyip. Nainip ako, at gusto kong mabugnot pero wala akong makitang katiting na reklamo sa mga mukha ng kapwa ko pasahero. Kabilang na si Domeng na nakaidlip na. Wala akong "k" para mag- emote. "Pasensiya ka," paalala ko sa sarili, "gusto mong magbakasyon, hindi ba?" Nasabi nga pala ni Domeng na ang dyip na sinasakyan naman ay isa lang sa tatlong bumibiyahe ng rutang bayan-kapitolyo. Naging konsuwelo ko na lang ang tanawing nadaraanan. Bahagya kong natanaw ang mga luntiang puno, at mga burol. Di ko nga lang halos maigalaw ang katawan ko, bukod pa sa medyo natatakpan ng mga pasahero ang pinakabintana ng dyip. Kung noong una'y maalinsangan sa loob, sinundan na ito ng ginhawa mula sa simoy ng hangin. Ang hangin ay hamak na mas sariwa kaysa sa nalalanghap sa Maynila. Pero may mga yugto rin sa biyahe na maalikabok at baku-bako. May mga parte rin ng kabundukan ang napapanot na. Konsuwelo ko rin ang kuwentuhan at ilang nakakapangiting eksena sa loob ng dyip. May nagtutuka sa kaantukan. May halos tumulo na ang laway sa sarap ng tulog. May mga walang katapusan ang daldalan. Napakingan ko ang pinakahuling usapin at tsika sa kanilang bara-barangay, at sa mga kalapit- baryo. May ibang pasahero na animoy nagrereklamo sa palakad ng gobernador o ng meyor. Kahit paano, hindi ako nahiyang makinig at magtanong nang kaunti. Naipakilala na rin ako ni Domeng sa ilang kausap niya kanina. Dama ko naman, alam nilang dayo ako. Nauna kaming bumaba kaysa natitira pang 15 pasahero. Alas kuwatro y media na. Sabi ni Domeng, mga limang kilometro pa ang layo ng binabaan namin sa bayan. Buhat sa binabaan, nakakita ako ng isang munting tindahan na kakalog-kalog ang lamang paninda. Parte rin lang ito ng bahay. Parang pinakasibi na ginawang tindahan nga.

may masisilip talaga ang sinumang may tangkang mamboso. Mabuti na lang, nakapagmeryenda kami kahit papaano dito. May isa't kalahating kilometro pala ang lalakarin namin para marating ang Bagting. Baku-bako at makipot ang daan, kaya hindi uubra dito kahit traysikel. Sabi ni Domeng, napakaputik nito kung tag-ulan. Maraming beses na raw nangako ang munisipyo na ipapaayos ito. Pero hanggang ngayon, hinihintay pa ang katuparan. Dagdag ni Domeng, tanggap na ng marami sa mga kanayon niya ang ganitong kalagayan. Habang naglalakad, namalas ko ang ilang linya ng mga punong niyog at mga bahayan. May parte ring palayan. Tumawid kami sa dalawang sapa na pumutol saglit sa binabagtas naming lupang daanan, na may ilan ding malalaking bato sa gitna. Mabuti na lang, hindi paahon ang binabagtas namin, kaya tagaktak man ang pawis koy hindi naman ako dumating sa puntong habol ang hininga sa hingal. May malapit na dagat din daw sa lugar, kulang kulang isang kilometro ang layo mula sa bahay nina Domeng. Sa wakas, nakarating kami sa bahay nina Domeng. Na bahay ko na rin sa susunod na dalawang linggo. Maliit lang ang tirahan nila at hawig sa bahay- kubo. Parang kasya lang sa mag-asawang may isang kapapanganak na sanggol. Pero limang magkakapatid sina Domeng, dalawa ang babae. Dalawa lang ang pinakakuwartong tulugan, at doon sa isa ipinatuloy sa amin ang mga dala. Hindi nalimutan ni Domeng ang magmano, na ginaya ko naman. Sanay ako sa beso-beso pero pakiramdam ko, may maganda akong nagawa nang nagmano ako. Sa tingin koy natuwa naman sina Nanay at Tatay, maging ang mga kapatid ni Domeng, sa aming pagdating. Medyo nahiya lang silang magtapon ng maraming tanong. Nakimi rin akong mag-usisa ng mga bagay-bagay. Sabagay, marami na namang naikuwento si Domeng sa kanilang buhay-buhay. Sa unang beintekuwatro oras, ang pangunahing laman ng isip ko maghuhulihan pa kami ng loob ng pinakabago kong pamilya. Maya-mayay ibinulong ko ke Domeng na maiihi ako. Sa bandang likod ng bahay, natambad sa akin ang kubeta na hubad sa luho lupa ang sahig, kupas na plastik ang bubong at pinto, may nakakalat na pingos na tabong madungis, at may ilang kumpol ng damong nabubuhay marahil sa patabang nakabaon sa paligid. Sa bandang gitna ay may maliit na playwud na sa wariy tumatakip sa butas na siya sigurong ebakan. Natakot akong buksan ito kaya ginaya ko na lamang si Domeng na umihi sa tabi ng punong sampalok. Mga isang dipa mula sa kubeta ang paliguan. Naliligiran ito ng luma nang tagni-tagning dahon ng niyog. Naisip ko, Pinagpahinga ako ni Domeng sa kuwarto. May isang lumang aparador sa loob ng silid na di puno ng mga damit. Dahil siguro sa pagod sa biyahe at paglalakad, ang pagkakahiga ko'y nauwi sa isang idlip. Pagkagising ko, tiyempong hapunan na. Napakaespesyal ko nung kainan na. Gayong gamit nila ang dating plato at nagkakamay, babasagin ang pinggang nasa harap ko at may kasama pang kubyertos. Nabigla ako pero di nagpahalata. Pagkasubo ng ilan, minabuti kong magkamay na din sa pagkain. Tinikman ko ang paksiw na maliliit na isda at gulay-gulay na noon ko lamang natikman. Iba rin ang lasa ng tubig na inumin. Wala siyempre akong kabalak- balak man lang na magmineral water. Gusto ko sanang ipakita ang gilas ko sa paghuhugas ng pinggan pero hindi ako pinayagan. May tatlo naman daw babae sa bahay. Tinangka ko ring hagilapin ang basahang pampunas ng mumo sa mesa kaso sinabihan ako, Sige na hayaan mo na yan. Kami na ang bahala. Niyakag na ako sa pinakasala nina Tatay at Domeng pati na ang panganay na anak na katu-katulong sa bukid. Nagpalitan kami ng ilang samut saring bagay tungkol sa aming buhay-buhay. Pakilanlan, kung baga. At sa mga segundong animo may dumaang anghel dahil sa katahimikang namamayani, pilit akong naghahagilap ng maiitanong para may mapag-usapan. Nalaman kong nakikisaka lang si Tatay. Magsasaka rin ang kanyang mga ninuno. Tapos lang siya ng elementarya. Bukod sa mga gawaing bukid, malimit din siyang mangisda at magkarpintero. Pantawid-gutom rin ang mga ito, wika niya. Naipagtapat niya rin sa akin na isa siya sa nagpapasimunong magtatag ng isang samahan ng mga magsasaka-mangingisda sa barangay. Mga alas sais y media ng hapon nang maisipan ni Domeng na lumabas. Pagkapaalam na lalakad kami, kinuha ni Domeng ang flashlight at niyakag na ako. Siyempre, buntot ako ni Domeng.

Masarap ang simoy ng hangin at maaliwalas ang langit sa barangay nang gabing iyon. Di ko napigilan ang sariling i-romanticize ang buhay sa nayon. Isang malapit na kaibigan ni Domeng ang pinuntahan namin, si Joseph. Magiliw

ang pakikitungo niya sa amin at parang sabik na makarinig ng mga kuwentong ng mga buhay-estudyante. Salutatorian pala si Joseph nang gumradweyt sa hayskul sa bayan. Hindi muna siya nagpatuloy ng pag-aaral dahil nasa kolehiyo rin ang kanyang kuya. Hindi raw kayang gapangin ng mga magulang ang pag-aralin sila nang sabay. Sa kasagsagan ng usapan, naglabas si Joseph ng isang galon ng lambanog na bawas na. Sasabihin ko sanang hindi ako umiinom pero kinindatan ako Domeng, wariy ipinahihiwatig na sige na, konti lang. Nakatig-dalawang tagay din kami ni Domeng. Parang wala lang ito sa kanya pero talagang nanuot at bumalatay sa lalamunan ko ang lambanog. Puro kung inumin pero tingin ko parang tubig lang kung lagukin ng mga nakilala ko doon. Nagsadya rin kami sa kapitan ng Bagting. Minabuti ni Domeng na ipakilala ako sa ama ng barangay, na kanyang ninong sa kumpil, para daw hindi na ito magtaka pa kung sino ang bagong mukhang napadpad sa barangay. Dama ko ang pagkatuwa niya at may isang taga-Maynila na napasyal sa kanilang barangay. Pagdating kina Domeng, nagpalit lang kami ng shorts at nahiga na sa banig na inilatag sa sahig. Medyo hinanap-hanap ko ang panonood ng TV o pagkokompyuter o pagsisine. Pero kailangang kong masiyahan sa sitwasyon ko ngayon. Pinagtripan ko ang mga huni ng mga panggabing kulisap. Pinatay na rin ni Domeng ang kaisa-isang bombilya na nalaman kong nakakabit sa kabilang bahay. Isang maliit na gasera ang iniwan niyang sindi. Masarap ang naging tulog ko. Mag-aalas otso na ako nagising. Nagmamadali akong bumangon nang napansin kong nakaayos na ang parteng hinigaan ni Domeng. Padiretso ako sa banyo para dyuminggel nang nakasalubong ko si Nanay. Halika nat mag- almusal muna, pangiti niyang bati sa akin. Habang kumakain, sinamahan ako ni Domeng sa mesa. Nalaman kong alas kuwatro y media pala eh gising na sina Tatay at Nanay para magwalis sa loob ng bahay at bakuran, maghanda ng almusal, at magpakain ng alagang itik. Hiya tuloy ang naramdaman ko, mistulang mantika siguro akong matulog kaya hindi na ginising ni Domeng. Sa loob-loob ko, bukas makikisabay akong gumising nang maaga.

Sinamahan ako ni Domeng sa paliligo sa sapa. (Pinigilan ko ang sariling gamitin yung tubig sa paliguan dahil malamang para sa dalawang dalaginding o kay Nanay ito.) Nakilala ko sa may sapa ang ilang nanay at dalaga doon. Binalak kong doon uli maligo at maglaba sa susunod na mga araw. Nagbihis ako nang simple upang tumungo sa sinasasaka nina Tatay. Medyo pamporma kasi ang mga isinuot ko kahapon. Iniwasan ko na ring gumamit ng maraming salitang Ingles para maiwasang mag-astang coo. May nasabi din yata akong mga salita kahapon na sa amin lang ginagamit. Napansin ko kasing may mga bahagi ng usapang ngumingiti, napapakunot, o napapa-oo lang sila na parang wala sa loob. Jargon, ika nga. Nakatulong ito nang malaki para mapalagay ang loob nila sa akin. Simula ikatlong araw, nagkaroon na ako ng mga kakaibang gawain. Hindi kasi ito pangkaraniwan sa buhay ko sa Maynila. Lumahok ako sa pagtatanim ng palay, pagsungkit ng niyog, pagkokopra, at pamamalakaya sa dagat. Hindi pala talaga biro ang ginagawa ng mga nagpapawis at nagbabanat ng buto sa lupa at dagat para magkaroon ng makakain. Nakonsensya tuloy ako dahil madalas akong makapag-aksaya ng kanin at ireklamo ang ulam, lalo na kapag di ko tipo. Sumubok din akong umakyat sa puno ng niyog. Nadalian ako sa pag-akyat sa puno ng buhay. Yun nga lang, naluma ang liksi ko sa pagbaba dito, saksi ang ilang galos sa aking mga binti at braso. Gumawa din kami ng guryon at nagpalipad sa malawak na kaparangan ng barangay. Sa mga gawaing nilahukan ko, marami ang nakilala kong kabataan at madaling naging panatag ang loob nila sa akin. Mas komportable na kaming magbahaginan ng mga sinasaloob. May Sangguniang Kabataan o SK din doon sa barangay na aktibo lang daw sa mga paliga tuwing bakasyon. Marami nga yata sa mga kabataan ang mahilig magbasketbol, umaga, tanghali o hapon man. Gawa lang sa mga bagay na galing sa tabi-tabi ang pasyutan na ikinabit sa puno ng niyog na ginilitan na ng ubod at dahon. Ang basketbulan ay hindi sementado at hindi patag ang lupa pero parang walang pagsidlan ang kasiyahan ng mga manlalaro. Minsan, kahit ang mga nanonood ay daig pa ang may hawak ng bola sa panggigigil. Kung hindi naman basketbol, abala sa pagsasaka, pangingisda, pagbibidahan sa kanto, o panonood ng betamaks ang mga kabataan sa barangay.

Sa minsang pagtunghay sa mga nagbabasketbol, nakahuntahan ko ang lider ng isang samahang relihiyoso na kung tawagin ay Tagapagligtas. Palabiro at karismatik ang dating niya, parang si Brother Mike Velarde. Di ko pa rin masabi pero may hinala si Domeng at ilang taga-barangay na isa itong kulto. May mga seremonyas umano ito na kakaiba, ayon sa ilang nakasaksi. Umaabot na raw sa 20 ang kasapian. May isang maliit na kapilya sa nayon. Minsan isang buwan at tuwing pista, may misang ginaganap. Marso pa ang pista. Pero sabi ni Domeng, maging si Nanay ay nagsisigurong maghanda ng masarap-sarap kaysa sa karaniwang kinakain ng pamilya. Minsan din daw, nangungutang pa raw si Nanay may maihanda man lang para sa Mahal na Patron. Romano Katoliko ang karamihan sa mga taga-nayon. Sa napakaikli kong pakikipagdaupang-palad sa mga taganayon, nadama ko ang malaking pananampalataya nila sa kagustuhan ng Maykapal. Lalo na sa mga matatanda, madalas mamutawi ang mga linyang, Ipagpasalangit na lang natin, Diyos na ang bahala o Ganito tayo kasi iyon ang kalooban Niya. Mahirap at ayaw kong tumalon sa konklusyon pero lumalabas na marami sa kanila ang may pagkafatalistic. Hindi ko alam kung purong panatisismong panrelihiyon ba ito o kakabit ng kahirapan ng buhay, kakulangan sa edukasyon o kung anupamang sigalot ng lipunan. Wala pa siguro sa kalahati ng populasyon ng barangay ay nakatapos ng hayskul. Walang hayskul dito. Napasyalan ko din ang nag-iisang pampublikong paaralang elementarya ng Bagting. Tatlo lang ang guro sa paaralan kaya ito ay multigrade may dalawang grade sa isang klasrum. Gumigiray na ang tatatlong klasrum, at napakaswerte na raw kung may isang libro sa bawat bawat sampung estudyante. Gayong may tinitirhan sa Bagting, ang dalawang gurong tagabayan ay dumarating ng tanghali ng Lunes at lumuluwas ala una ng Biyernes ng hapon. Sa paaralang ito nagtapos sina Domeng. Malapit ang paaralan sa kaparangan, na pinagpapaliparan namin ng guryon. Ito ay pag-aari ng isang Ilustre, na siya ring nagmamay-ari ng humigit-kumulang 60% ng mga lupang sakahan sa nayon. Ang hatian sa ani ay 50-50, sa mga magsasaka nakapasan ang gastos sa farm inputs. Matatag ang hinala ng marami na kay Ilustre Nakadaop-palad ko rin si Lola Josefa, ang hilot ng barangay. Otsenta anyos na siya pero malakas pa rin. Siya ang nagpaanak sa halos lahat ng nanay sa barangay.

din ang kaisa-isang tindahang nangangalakal ng kopra at palay. Madalas idaing ng mga magsasaka ang tindahang ito, na nakapagdidikta sa presyo ng kanilang mga ani. May isang buong araw nga pala na ginugol namin sa pagpunta sa pinakabayan at sa kapitolyo. Ang poblasyon ng bayan nina Domeng ay fifth class. Anong saklap! Sa pampublikong hayskul, halimbawa, maraming sa mga klasrum ay may pintong kahoy na naperwisyo ng anay, bintanang bungi-bungi, at bubong na butas. Ang dadalawang CR ay gawa sa kawayan at yero. Maliit na bahagi lang ng iskul ang sementado. Tig-aapat ang seksyon sa bawat baytang ng pampublikong hayskul. Humigit-kumulang walumpu ang bilang ng mga estudyante bawat seksyon. Sa Rural Health Unit naman, ang regular na tumatao ay isang komadrona at isang klerk. Roving ang nars sa mga barangay. Sa provincial hospital sa kapitolyo lang may pampublikong doktor. Ang kapitolyo naman ay aabot siguro sa pagiging third class. Ang pagpunta namin ditoy di lang para matawagan ko si ermat kundi makita rin ang mga amenities at facilities doon. Isinama namin ni Domeng dito ang kayang tatlong nakababatang kapatid na unang pagkakataon na makakatuntong sa kapitolyo. Kahit napapagod, halatang masayang masaya ang mga kapatid ni Domeng. Bihira sa mga kaedad nila ang nakakarating sa kapitolyo. Nakapamasyal kami sa dalawang maliit na malls at sa provincial park. Sa loob ng dalawang linggo, nito lamang nagkaroon ng gamit ang celphone ko para matawagan si ermat. Kahit kasi sa poblasyon nina Domeng ay walang signal. Saka sa isip-isip ko rin, baka ma-alienate ang mga kanayon ni Domeng kung ididispley ko ang aking 5110. Sa madalas na pangangapitbahay sa hapon, may ilang magsasaka akong nakausap na masasabing matalas at malawak ang pang-unawa sa kanilang kalagayan. Medyo malalim sila kung magsuri ng buhay-buhay. Katulad na lang ni Tata Pedro, na madalas maglitanya ng mga kasagutan sa mga tanong na: Ano ang pinakaugat ng kanilang kahirapan? Anong mga uri ng pagsasamantala ang nararanasan nila? Si Tata Pedro yata ang pinakatibak sa nayon. Ilan nga sa kanila ay nakadalo na sa mga kilos-protesta sa kapitolyo. Sa mga ganitong pagpapalitan ng kuro-kuro, madalas na nakikinig lamang ako.

Sa kanya rin lumalapit ang mga kanayon hinggil sa ibat iba nilang karamdaman. Naikuwento ni Lola Josefa na ilan sa mga yumao niyang kamag-anak ay naging aktibo o tagasuporta ng Katipunan. Maging ang tatay daw niya ay lumahok sa Hukbalahap. May tiyo rin daw siya na naging miyembro ng Sakdalista. Kung baga, "naambunan" din naman ng diwang mapaghimagsik ang pinakamamahal niyang nayon. Naibahagi rin ni Lola Josefa ang alamat ng Bagting at ng bayan. Sa pangangapitbahay ko din nasagap na may samahang pangkababaihan na rin sa nayon na itinayo ng munisipyo. "Patay-buhay 'yang samahan na iyan," parang daing na sabi sa akin ni Aling Bebang, na kaibigan ni Nanay. Kung bakit, hindi nila maipaliwanag. Marami-rami na rin ang mga organisasyon at ahensiya na napasyal sa kanila pero hindi ito gaanong napapagkwentuhan. Siguro sa susunod na punta ko, uusisain ko ang mga ito, anu-ano ang mga dalang programa, at ano ang naging pagtanggap at epekto nito sa mga taganayon. May mga apat na kanayon sila na sa ibang bansa nagtatrabaho bilang mga katulong o piyon. Sa iba, suwerte daw ng mga ito dahil malaki ang suweldo. Sikat din daw ang mga ito pag dumating. Balita ngang nagbenta sila ng ari- arian o may malaking pagkakautang dahil sa paglalakad ng mga papeles. Gayong malaking sakripisyo ang nakapaloob sa pagsa-Saudi, marami pa rin ang naghahangad na makapagtrabaho sa ibayong dagat. Ang dami pang kwento tungkol sa mga pasikot-sikot ng buhay sa nayon nina Domeng. Napagtanto kong napakatsismoso ko naman pala para malaman ang mga ito sa loob lang ng dalawang linggo. Nakakatuwang nakakabagabag ang mga naranasan at nalaman ko sa maikling panahong inilagi ko sa baryo. Nakakatuwa dahil ang dami kong napagtanto. Nakakabagabag kasi masalimuot pala talaga ang takbo ng buhay ng mga karaniwang tao. Maraming problema. Maraming liku-liko. Pero napakaespesyal ng sembreak kong ito. Babalik uli ako sa nayon nina Domeng. At gusto kong isama si ermat!

You might also like