You are on page 1of 4

MUSIKA AT

KRISIS

ALBERT ERNEST QUILLE A. CASTRO


OBTEC-M-1-3
FILIPINOLOHIYA
Bumuo ng video clip (1 minuto lamang) nang may tatlong awit ng Filipino na
nagpapahayag ng kalagayan ng ating bansa. Bigyan ng Kritik ang tatlong awitin
at banggitin kung papaano ipinahayag ang sitwasyon ng ating lipunan.

MUSIKA; TAGADALA NG NAKARAAN, PAG-ASA NG KINABUKASAN


Musika, isang bagay na nagpipinta ng maliliwanag na kulay at
nagbibigay kabuluhan sa buhay ng bawat tao, lalong-lalo na sa buhay ng
mga Pilipino. Ito’y isang anyo ng sining na minamahal ng kung hindi man
lahat, ay karamihan sa mga indibidwal sa mundo, dahil sa natatanging
kakayahin nitong umugnay sa puso. Malaki ang ginagampanan ng musika
sa pang araw-araw nating mga gawain; sa pagpapanatili, at sa
pagpapatatag ng ating mga nararamdaman. Ito’y nagsisilbing awtlet o
labasan ng emosyon. Kung tayo’y nalulungkot, nakikinig tayo sa positibong
mga musika upang mapalakas ang ating kalooban. Kung kasama naman
natin ang ating mga kaibigan at mga pamilya sa isang salo-salo,
nagpapatugtog tayo ng masasaya at nakakaaliw na mga musika. Ang
mga uri ng musikang ating pinapakinggan, kinahihiligan, o di kaya’y sarili
nating binubuo, ay repleksyon ng ating panloob na karakter. Pinapakita
nito ang malalim na mga emosyong minsa’y hindi natin naipapahayag sa
salita o gawa sa mga taong nakapalibot sa atin.

Karagdagan sa kaalamang ang musika ay awtlet ng emosyon, ito rin


ay nakakatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Lingid sa
kaalaman ng iba, malaking porsiyento sa kabuuang kita ng bansa o Gross
Domestic Product ay nagmumula sa industriya ng aliwan at musika. Sa
pamamagitan ng paggawa ng musika o mga komposisyon na bentang-
benta sa kasalukuyang henerasyon, hindi lamang ang mga manunulat o di
kaya’y mga mang-aawit ang nabibigyan ng trabaho at oportunidad na
maipakita ang kani-kanilang mga galing sa larangan ng muskia, kundi pati
na rin iyong mga nasa likod nila; miyembro ng produksiyon at mga
manggawa sa mga recording companies at music publishing companies.

Sa pamamagitan rin ng mga talentadong manunulat at mang-aawit,


naipapahayag ang mga laganap ngunit hindi pinagtutuunang pansin na
mga isyu sa lipunan sa anyo ng musika. Sa kasalukuyan, ang mainstream
music ­o iyong mga musikang popular at pamilyar sa mayorya ng mga tao
sa lipunan ay tungkol sa pag-ibig o kalungkutan. Iyong mga musikang
nagtatalakay sa mga panlipunang isyu ay hindi gaanong nabibigyang-
pansin ng karamihan, lalong-lalo na ang mga musikang napapabilang sa
OPM o Original Pilipino Music. Iilan sa mga nakakabilib na mga obra
maestrang ito ay: Anak Ng Pasig ni Geneva Cruz, Walang Natira ng rapper
na si Gloc 9, at Tatsulok ng sikat na mangangawit na si Bamboo.
Ang Filipinas ay kilala bilang isang papaunlad na bansa, at ang ating
paglalakbay tungo sa kaunlaran ay hindi madali. Dahil sa modernisasyon at
industriyalisasyon, dumarami ang kalat ng parehong mga indibidwal at mga
industriya, dahilan upang lumala ang problema sa tamang paghihiwalay at
pagtapon ng basura. Ang kantang Anak Ng Pasig ni Geneva Cruz ay
nagtatalakay sa panlipunang isyu ng di-makatarungang pagtatapon ng basura,
dahilan upang ito’y umanod sa ilog at karagatan at magsanhi ng polusyon sa
kapaligiran. Sa musikang ito, binibigyang-diin ang Ilog Pasig na nagkokonekta
sa Look ng Maynila at Laguna de Bay, bilang pangunahing biktima ng hindi
tamang pagtatapon ng basura at kawalan ng konsensya ng mga tao. Naiiba ang
kantang ito sapagkat sa mga mata ng isang bata lantarang inilalarawan ang
walang habas na pagsira ng mga indibidwal sa kanilang paligid, na nagreresulta
sa paglaki ng mga bata na lumalangoy sa itim na tubig, at naglalaro sa bundok
ng basura. Napupukaw ng kantang ito ang simpatiya ng bawat tao dahil nais
nitong ipaabot ang mensaheng kailangang alagaan natin ang ating kapaligiran,
dahil sa huli, tayo at ang ating mga anak rin lang ang magdurusa.

Bukod sa mga pangkalikasang isyu, laganap rin sa ating bansa ang isyu
ng pandarahuyan ng mga manggawa o pagtatrabaho sa ibang bansa, dahilan
upang kumonti ang manggagawa sa Filipinas. Ang kantang Walang Natira ni
Gloc 9, ay nagpapakita ng unti-unting pagkawala ng mga talentadong lokal na
manggagawa dahil sa kakulangan ng pinansyal at moral na suporta ng
gobyerno. Sa kanta, binigyang-diin ang kagustuhan ng bawa’t Pilipino na
yumaman at umahon sa kahirapan. Ang pangarap na ito ay hindi nila makakamit
sa kakarampot na suweldong ibinibigay ng gobyerno sa kanila, kaya wala silang
ibang magawa kundi ang manrabaho sa ibang bansa, kahit pa nakatapos sila
ng magagandang kurso tulad ng edukasyon, narsing, o di kaya’y pag-
iinhenyero. Ang musikang ito ay nagsisilbing tagapagmulat sa mata ng lahat ng
nasa gobyerno, at iba pang mga industriya sa Filipinas, na kailangang bigyan ng
kahalagahan at sapat na suporta ang ating mga lokal na manggagawa, bago pa
man sila tuluyang maubos sa pagtatrabaho para sa ibang bansa. Unti-unti nang
nababawasan at nawawala ang mga intelektwal at talentadong mga Pilipino,
huwag na nating hintayin ang tuluyang pagkalugmok ng ating ekonomiya at
pagiging makabayan nang dahil rito.

Ang dalawang isyung nabanggit ay maibubuod sa isang laganap na


panlipunang isyung itinatalakay sa kantang Tatsulok ni Bamboo na isinulat ni
Romeo Dongeto; ang isyu ng hindi pagkakapantay-pantay o inequality. Pamilyar
ang kantang ito sa kapwa mga matatanda at bata ng henerasyong ito dahil ito
ay napapanahon at may kaugnayan sa kasalukuyan, pangunahing rason kung
bakit nananatiling buhay ang esensya ng obra maestrang ito. Ang Tatsulok ay
may madilim na tema sapagkat itinatalakay nito ang kahirapan, karahasan at
mga pagpatay na nag-uugat sa hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa
lipunan. Ipinapahayag rito na mananatiling marahas ang lipunan sa mga
indibidwal nito kung mananatili ang panlipunang herarkiyas. Dahil sa dibisyon
ng panlipunang katayuan, iyong mga napapabilang sa laylayan ay pinipilit ng
mga mayamang manatili sa laylayan dahil sila ang dahilan kung bakit
nananatiling nasa itaas ang mga sakim at gahaman na mga indibidwal.
Bukod pa rito ang sistema ng hustisya sa komunidad, ay pabor lang sa
mayayaman at madalang kumampi sa kampo ng mga mahihirap. Ang mga ito’y
pulo’t dulo ng walang katapusang karahasan, mga krimen, at paghihirap na
nangyayari sa bansa. Kaya, nawa’y maunawaan ng bawat Pilipino ang
kabuuang mensahe ng kantang ito, upang mahikayat tayo na imulat ang ating
mga mata at labanan ang tunay nating kalaban; ang hindi pagkakapantay-
pantay.

Samakatuwid, ang mga musikang ito ay unti-unti nang nawawala; mga


musikang naglalaman ng katotohanan at naglalarawan ng kasalukuyang estado
ng ating bansa, ng ating lipunan. Ngunit, sa panahon ng pagsusulat sa
artikulong ito, ay naaprubahan ng kongreso ang House Bill 10305 na nag-uutos
na kailangang magpatugtog ang mga hotel, panturistang mga bus, at pang-
internasyonal na mga flights ng mga Filipino music, ito ay para maipreserba at
mas mapalawak pa ang musikang Pilipino sa buong mundo. Kapaki-pakinabang
ang kilos na ito ng gobyerno dahil nabibigyan ng pagkakataon ang musikang
pinoy na magkaroon at humawak ng espesyal na lugar hindi lamang sa puso at
isipan ng bawat Pilipino, kundi pati na rin sa puso mga dayuhang nahulog sa
ganda ng ating musika.

You might also like