You are on page 1of 16

1

EKONOMIKS REVIWER – Third Quarter

MAKROEKONOMIKS

PAIKOT NA DALOY SULIRANING PANGKABUHAYAN:


NG EKONOMIYA IMPLASYON

GROSS NATIONAL GROSS DOMESTIC PATAKARANG PATAKARANG


PRODUCT/INCOME PRODUCT PISIKAL PANANALAPI

Ang makroekonomiks ay larangan ng ekonomiks na pinag-aaralan ang gawi ng kabuuang ekonomiya. Sinusuri ng
makroekonomiks ang malawakang pangyayaring pang-ekonomiya tulad ng pagbabago sa kawalan ng trabaho,
pambansang kita, gross domestic product, implasyon, at antas ng presyo.

Apat na pangunahing pinagtutuunan ng pansin ang makroekonomiks:

o Una, binibigyang pansin ng makroekonomiks ang kabuuang antas ng presyo. Ang pagtaas ng kabuuang
presyo ay pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng mga gumagawa ng batas o patakaran na nakaaapekto
sa mga mamamayan sa kabuuan.

o Pangalawa, ang makroekonomiks ay binibigyan-pansin ang kabuuang produksiyon o ang bilang ng kalakal
at paglilingkod na nagawa sa ekonomiya. Ito rin ang nagiging batayan sa pagsukat sa kakayahan ng isang
ekonomiya kung papaano matutugunan ang pangangailangan ng lipunan at ng buong bansa sa kabuuan.

o Pangatlo, binibigyang pansin ng makroekonomiks ang kabuuang empleyo. Mahalaga ito para sa mga
nagpaplano ng ekonomiya at bumubuo ng mga patakarang pangkabuhayan upang matiyak na may
mapagkukunan ng ikabubuhay ang bawat pamilya sa lipunan.

o Pang-apat, at panghuli, tinitingnan din ang ibang bahagi ng mundo at ang relasyon nito sa panloob na
ekonomiya. Hindi maihihiwalay ang mga pangyayaring pandaigdigan sa kalagayan ng ekonomiya sa loob
ng bansa. May malaking epekto ang kalagayang pang-ekonomiya ng ibang bansa sa ekonomiya ng iba’t-
ibang bansa sa buong daigdig.

MGA MODELO NG PAMBANSANG EKONOMIYA

UNANG MODELO / SIMPLENG EKONOMIYA:


ANG SAMBAHAYAN AT BAHAY-KALAKAL SA PAGGAMIT NG SALIK NG PRODUKSIYON (FACTOR MARKETS)

Unang Modelo. Ang unang modelo ng pambansang ekonomiya ay naglalarawan ng simpleng ekonomiya. Ang
sambahayan at bahay-kalakal ang mga pangunahing aktor sa modelong ito. Ang sambahayan ay ang kalipunan ng
mga mamimili sa isang ekonomiya. Ang bahay-kalakal naman ay ang tagalikha ng produkto.

Sa unang modelo, ang sambahayan at bahay-kalakal ay iisa. Ang lumilikha ng produkto ay siya ring konsyumer.
Ang supply ng bahay-kalakal ay demand nito kapag kabilang na ito sa sambahayan.

Ang kita sa simpleng ekonomiya ay ang halaga ng produksiyon sa isang takdang panahon. Inaasahan na ang halaga
ng produksiyon ay siya ring halaga ng pagkonsumo sa produkto. Upang lumago ang ekonomiya, kinakailangang
maitaas ng kaukulang aktor ang kanyang produksiyon at pagkonsumo.
2

IKALAWANG MODELO:
PAMILIHAN NG TAPOS NA PRODUKTO (GOODS OR COMMODITY MARKET)

Ikalawang Modelo. Ang sambahayan at bahay-kalakal ang mga pangunahing sektor dito. Sila ay binubuo ng iba’t
ibang aktor. Sa puntong ito masasabing magkaiba ang sambahayan at bahay-kalakal.

May dalawang uri ng pamilihan sa pambansang ekonomiya:

o Ang unang uri ay ang pamilihan ng mga salik ng produksiyon o factor markets. Kabilang dito ang pamilihan
para sa kapital na produkto, lupa, at paggawa.
o Ang ikalawang uri ay pamilihan ng mga tapos na produkto o commodity. Kilala ito bilang goods market o
commodity markets.

Sa ikalawang modelo, ipinapalagay na may dalawang aktor sa isang ekonomiya-ang sambahayan at bahay-kalakal
(financial market). Ang sambahayan ay may demand sa produkto ngunit wala itong kakayahang lumikha ng
produkto.

Ang bahay-kalakal ang tanging may kakayahang lumikha nito. Subalit bago makalikha ng produkto, kailangan ng
bahay-kalakal na bumili o umupa ng mga salik ng produksiyon. At dahil tanging ang sambahayan ang may supply
ng mga salik ng produksiyon, makikipag-ugnayan ang bahay-kalakal sa sambahayan sa pamamagitan ng mga
pamilihan ng mga salik ng produksiyon.

Sa paggamit ng mga kapital na produkto, kailangang magbayad ng interes ang bahay-kalakal, halimbawa sa
paggamit ng lupa, magbabayad ang bahay-kalakal ng renta o upa at sa paggamit ng paggawa, magbibigay ito ng
pasahod. Dahil sa sambahayan din nagmumula ang entreprenyur, may kita itong nakukuha mula sa pagpapatakbo
ng negosyo. At ang kita ng entreprenyur ay nabibilang na kita ng sambahayan.

Apat ang pinagmumulan ng kita ng sambahayan. Kumikita ang sambahayan sa interes, kita ng entreprenyur,
renta o upa, at pasahod sa paggawa.

Sa pananaw naman ng bahay-kalakal, ang interes, kita ng entreprenyur, renta o upa, at mga pasahod sa paggawa
ay mga gastusin sa produksiyon.

Mamamalas dito ang interdependence ng sambahayan at bahay-kalakal. Ang dalawang aktor ay umaasa sa isa’t
isa upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at kagustuhan.

Sa ikalawang modelo, ang paglago ng ekonomiya ay nakabatay sa pagtaas ng produksiyon. Upang maitaas ang
produksiyon, kailangang marami ang magagamit na salik ng produksiyon. Bukod dito, kailangang maitaas din ang
antas ng produktibidad ng mga salik. Samakatuwid, kailangan ng paglago ng kapital. Kailangang dumami ang
oportunidad sa trabaho. Kailangang malinang ang produktibidad ng lupa. Kailangang mapag-ibayo ng
entreprenyur ang kanyang kaalaman sa pagpapatakbo ng negosyo. Sa ganitong kalagayan, tataas ang mga kita ng
sambahayan at bahay-kalakal.
3

IKATLONG MODELO:
PAMILIHANG PINANSIYAL: PAG-IIMPOK (SAVINGS) AT PAMUMUHUNAN (INVESTMENTS)

Ikatlong Modelo. Ang ikatlong modelo ay nagpapakita ng dalawang pangunahing sektor-ang sambahayan at
bahay-kalakal. Isinasaalang-alang ng sambahayan at bahay-kalakal ang kanilang mga desisyon sa pang hinaharap.
Hindi ginagamit ng sambahayan ang lahat ng kita para sa pamimili. Hindi lang pangkasalukuyang produksiyon ang
iniisip ng bahay-kalakal. Bukod sa pamimili at paglikha ng produkto, ang pag-iimpok at pamumuhunan ay nagiging
mahahalagang gawaing pang-ekonomiya. Nagaganap ang mga nasabing gawain sa mga pamilihang pinansiyal
(financial market).

Tatlo ang pamilihan sa ikatlong modelo. Ang mga pamilihan ay para sa salik ng produksiyon, commodity o tapos
na produkto, at para sa mga pinansiyal na kapital.

Nag-iimpok ang mamimili bilang paghahanda sa hinaharap. Hindi nito gagastusin ang isang bahagi ng natanggap
na kita. Ang bahagi ng kita na hindi ginastos ay tinatawag na impok(savings). Ito ang inilalagak sa pamilihang
pinansiyal. Kabilang sa naturang pamilihan ang mga bangko, kooperatiba, insurance company, pawnshop, at stock
market.

Samantala sa pagtagal ng panahon, hindi lamang pagtubo ang iniisip ng bahay-kalakal. Ninanais din nitong
mapalawak ang negosyo sa iba’t ibang panig ng bansa o daigdig. Maaaring hindi sapat ang puhunan nito sa
pagpapalawak ng negosyo. Dahil dito, maaaring manghiram ang bahay-kalakal ng karagdagang pinansiyal na
kapital. Ito ang gagamitin na puhunan sa nasabing plano ng produksiyon. Hihiram ang bahay-kalakal sa
sambahayan sa pamamagitan ng pamilihang pinansiyal. Ang paghiram ng bahay-kalakal ay may kapalit na
kabayaran. Babayaran nito ang interes ng hiniram na puhunan. Sinisingil ang bahay-kalakal dahil may
kapakinabangan itong matatamo sa paghiram ng puhunan. Ito ay ang pagtaas ng kita kapag lumawak na ang
negosyo nito.

Para sa sambahayan, ang interes ay kita. Para sa bahay-kalakal, ito ay mahalagang gastusin.

Sa ikatlong modelo, ang kita ng pambansang ekonomiya ay maitatakda ng kabuuang gastusin ng sambahayan at
bahay-kalakal. Kasama na rito ang gastusin sa pamumuhunan ng bahay-kalakal. Ang isa naman ay sa
pamamagitan ng kabuuang kita ng sambahayan at bahay-kalakal. Kabilang dito ang kita ng sambahayan sa pag-
iimpok.

Ang paglago ng pambansang ekonomiya ay nakabatay sa pagtaas ng produksiyon. Mahalagang punto rin sa
ikatlong modelo ang mga nabanggit sa ikalawang modelo. Ngunit may mga karagdagang dala ang pagsulpot ng
mga gawain na pag-iimpok at pamumuhunan. Ang paglago ng ekonomiya ay nakabatay rin sa paglaki ng
pamumuhunan.
4

IKAAPAT NA MODELO:
ANG PAMAHALAAN AT PAMILIHAN NG PINANSIYAL, SALIK NG PRODUKSIYON, KALAKAL, AT PAGLILINGKOD

Ikaapat na Modelo. Ito ang modelo ng ekonomiya kung saan ang pamahalaan ay lumalahok sa sistema ng
pamilihan. Maaaring maliit at mabagal ang gampanin ng pamahalaan dito. Maaari namang malaki rin at aktibo ang
pamahalaan dito.

Kung ang unang gampanin ang pagbabatayan, ang pamahalaan ay kabilang sa politikal na sektor. Labas ang
pamahalaan sa usapin ng pamilihan. Ngunit kung sa ikaapat na modelo ang pagbabatayan, papasok ang
pamahalaan bilang ikatlong sektor. Ang naunang dalawang sektor ay ang sambahayan at ang bahay-kalakal.

Bukod sa pag-iimpok at pamumuhunan, ang pagbabayad ng buwis ay nagiging karagdagang gawain sa


ekonomiya. Tulad din ng pag-iimpok at pamumuhunan, broken lines ang ginamit sa pagbabayad ng buwis. Ang
pagbabayad ng buwis ay hindi takdang gawain ng sambahayan at bahay-kalakal sa isang pamilihan.

Sumisingil ng buwis ang pamahalaan upang kumita. Ang kita mula sa buwis ay tinatawag na public revenue. Ito
ang ginagamit ng pamahalaan upang makalikha ng pampublikong paglilingkod. Ang mga pampublikong
paglilingkod ay nauuri sa pangangailangan ng sambahayan at ng bahay-kalakal.

Sa ikaapat na modelo, ang kita ng pambansang ekonomiya ay maitatakda ng kabuuang gastusin ng sambahayan,
bahay-kalakal, at pamahalaan. Maitatakda rin ang pambansang kita sa pamamagitan ng kabuuang kita ng
sambahayan, bahay-kalakal, at pamahalaan.

Ang paglago ng pambansang ekonomiya ay may tatlong pinagbabatayan: una, ang pagtaas ng produksiyon;
ikalawa, ang produktibidad ng pamumuhunan; at ikatlo, ang produktibidad ng mga gawain ng pamahalaan.

Upang maging matatag ang ekonomiya, mahalagang makalikha ng positibong motibasyon ang mga gawain ng
pamahalaan. Mahalagang maihatid ang mga pampublikong paglilingkod na ipinangakong isasakatuparan sa
pagsingil ng buwis. Hangad ng bawat sektor na makita ang kinahinatnan ng kanilang pagbabayad ng buwis.
5

IKALIMANG MODELO:
ANG PAMBANSANG EKONOMIYA SA KALAKALANG PANLABAS

Ikalimang Modelo. Sa naunang apat na modelo, ang pambansang ekonomiya ay sarado. Ang saradong ekonomiya
ay hindi nakikipag-ugnayan sa mga dayuhang ekonomiya. Ang tuon lamang ng mga naunang talakayan ay ang
panloob na takbo ng ekonomiya. Ang perspektiba sa saradong pambansang ekonomiya ay domestik.

Iba pang usapin kapag ang pambansang ekonomiya ay bukas. May kalakalang panlabas ang bukas na ekonomiya.
Ang kalakalang panlabas ay ang pakikipagpalitan ng produkto at salik ng pambansang ekonomiya sa mga
dayuhang ekonomiya.

May mga sambahayan at bahay-kalakal ang dayuhang ekonomiya. Pareho rin sila na may pinagkukunang-yaman.
Maaaring magkaiba ang kaanyuan at dami ng mga ito. Maaaring kailangan nila ang ilan sa mga ito bilang salik ng
produksiyon. Ang pangangailangan sa pinagkukunang-yaman ay isang basehan sa pakikipagkalakalan. May mga
pinagkukunang-yaman na ginagamit bilang sangkap ng produksiyon na kailangan pang angkatin sa ibang bansa.
Lumilikha ng produkto mula sa pinagkukunang-yaman ang pambansang ekonomiya. Gayundin ang dayuhang
ekonomiya. Maaaring magkapareho ang kanilang produkto. Maaari rin namang magkaiba. Nakikipagpalitan ang
dalawang ekonomiya ng produkto sa isa’t isa.

Ibigay ang bahaging ginagampanan ng mga aktor at pamilihan sa paikot na daloy ng ekonomiya.
MGA AKTOR SA PAIKOT NA DALOY NG BAHAGING GINAGAMPANAN
EKONOMIYA
1. Sambahayan

2. Bahay-kalakal

3. Pamahalaan

4. Panlabas na Sektor

MGA URI NG PAMILIHAN BAHAGING GINAGAMPANAN


1. Product Market

2. Factor Market

3. Financial Market

4. World Market
6

PAMBANSANG KITA

o Malalaman kung may narating na pagsulong at pag-unlad ang ekonomiya ng isang bansa sa pamamagitan
ng pagsusuri sa economic performance nito.

o Sa pamamagitan ng paggamit ng mga economic indicators ay nasusukat ang kasiglahan ng ekonomiya. Ito
ay mga instrumento na maglalahad sa anumang narating na pagsulong at pag-unlad ng isang ekonomiya.

o Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang Pilipinas ay gumagamit ng tinatawag na leading economic
indicators. Ang ilan sa mga ito ay ang Number of New Businesses, Terms of Trade Index, Consumer Price
Index, Hotel Occupancy Rate, Wholesale Price Index, Electric Energy Consumption, Foreign Exchange Rate,
Visitor Arrivals, Money Supply, Stock Price Index, at Total Merchandise Imports.

o Sa mga nabanggit na indicators, madalas na ginagamit ang kabuuang pambansang kita o Gross National
Income (GNI) sa pagsukat ng kalagayan ng ekonomiya ng isang bansa.

o Ang paraan ng pagsukat sa pambansang kita sa pamamagitan ng GNI ay tinatawag na National Income
Accounting.

KAHALAGAHAN NG PAGSUKAT SA PAMBANSANG KITA


Ayon kay Campbell R. McConnell at Stanley Brue sa kanilang Economics Principles, Problems, and Policies (1999),
ang kahalagahan ng pagsukat sa pambansang kita ay ang sumusunod:

1. Ang sistema ng pagsukat sa pambansang kita ay nakapagbibigay ng ideya tungkol sa antas ng produksiyon
ng ekonomiya sa isang partikular na taon at maipaliwanag kung bakit ganito kalaki o kababa ang
produksiyon ng bansa.

2. Sa paghahambing ng pambansang kita sa loob ng ilang taon, masusubaybayan natin ang direksiyon na
tinatahak ng ating ekonomiya at malalaman kung may nagaganap na pag-unlad o pagbaba sa kabuuang
produksiyon ng bansa.

3. Ang nakalap na impormasyon mula sa pambansang kita ang magiging gabay ng mga nagpaplano sa
ekonomiya upang bumuo ng mga patakaran at polisiya na makapagpapabuti sa pamumuhay ng mga
mamamayan at makapagpapataas sa economic performance ng bansa.

4. Kung walang sistematikong paraan sa pagsukat ng pambansang kita, haka-haka lamang ang magiging
basehan na walang matibay na batayan. Kung gayon, ang datos ay hindi kapani-paniwala.

5. Sa pamamagitan ng National Income Accounting, maaaring masukat ang kalusugan ng ekonomiya.

PAGKAKAIBA NG GROSS NATIONAL INCOME (GNI) SA GROSS DOMESTIC PRODUCT (GDP)

Sinusukat sa pamamagitan ng Gross National Income ang kabuuang pampamilihang halaga ng lahat ng nabuong
produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng itinakdang panahon. Mga mamamayan ng bansa ang nagmamay-ari ng
mga salik ng produksiyong ito kahit saang bahagi ng daigdig ito ginawa.

Ang Gross Domestic Product naman ay sumusukat sa kabuuang pampamilihang halaga ng lahat ng tapos na
produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng isang takdang panahon sa loob ng isang bansa. Ibig sabihin, lahat ng
mga salik ng produksiyong ginamit upang mabuo ang produkto at serbisyo maging ito ay pagmamay-ari ng mga
dayuhan na matatagpuan sa loob ng bansa ay kasama dito.

Halimbawa, ang kita ng mga dayuhang hinango sa loob ng Pilipinas ay kabilang sa pagsukat ng Gross Domestic
Product ng bansa dahil nabuo ito sa loob ng ating bansa. Hindi naman ibinibilang sa Gross National Income ng
ating bansa ang kinita ng mga nabanggit na dayuhan dahil hindi naman sila mga mamamayan ng bansa. Sa
kabilang banda, ang kinita ng mga dayuhang ito sa Pilipinas ay isinasama sa pagkuwenta ng Gross National Income
ng kanilang bansa. Halimbawa, ang kinita ng mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa Singapore ay
ibinibilang sa pagkuwenta ng Gross Domestic Income ng Singapore ngunit hindi kabilang sa Gross National Income
ng bansang ito. Sa halip, ang kinita ng mga naturang OFW ay binibilang sa Gross National Income ng Pilipinas.
7

MGA HINDI KASAMA SA GROSS NATIONAL INCOME


o mga hindi pampamilihang gawain, kung wala namang kinikitang salapi ang nagsasagawa nito. Isang
halimbawa nito ang pagtatanim ng gulay sa bakuran na ginagamit sa pagkonsumo ng pamilya.

o Ang mga produktong nabuo mula sa impormal na sektor o underground economy tulad ng naglalako ng
paninda sa kalsada, nagkukumpuni ng mga sirang kasangkapan sa mga bahay-bahay, at nagbebenta ng
turon sa tabi ng bangketa.

o Ito ay dahil hindi nakarehistro at walang dokumentong mapagkukunan ng datos ng kanilang gawain upang
ang halaga ng kanilang produksiyon ay masukat. Ang mga produktong segunda-mano ay hindi rin kabilang
sa pagkuwenta ng Gross National Income dahil isinama na ang halaga nito noong ito ay bagong gawa pa
lamang.

MGA PARAAN NG PAGSUKAT SA GNI


Ayon kay Villegas at Abola (1992), may tatlong paraan ng pagsukat sa Gross National Income:

(1) Pamamaraan batay sa gastos (expenditure approach)

Ang pambansang ekonomiya ay binubuo ng apat na sektor: sambahayan, bahay-kalakal, pamahalaan, at panlabas
na sektor. Ang pinagkakagastusan ng bawat sektor ay ang sumusunod:

a. Gastusing personal (C) – napapaloob dito ang mga gastos ng mga mamamayan tulad ng pagkain, damit,
paglilibang, serbisyo ng manggugupit ng buhok, at iba pa. Lahat ng gastusin ng mga mamamayan ay kasama rito.

b. Gastusin ng mga namumuhunan (I) – kabilang ang mga gastos ng mga bahay-kalakal tulad ng mga gamit sa
opisina, hilaw na materyales para sa produksiyon, sahod ng manggagawa at iba pa.

c. Gastusin ng pamahalaan (G) – kasama rito ang mga gastusin ng pamahalaan sa pagsasagawa ng mga proyektong
panlipunan at iba pang gastusin nito.

d. Gastusin ng panlabas na sektor (X – M) – makukuha ito kung ibabawas ang iniluluwas o export sa inaangkat o
import.

e. Statistical discrepancy (SD) – ang anumang kakulangan o kalabisan sa pagkuwenta na hindi malaman kung saan
ibibilang. Ito ay nagaganap sapagkat may mga transaksiyong hindi sapat ang mapagkukunan ng datos o
impormasyon.

f. Net Factor Income from Abroad (NFIFA) – tinatawag ding Net Primary Income. Makukuha ito kapag ibinawas
ang gastos ng mga mamamayang nasa ibang bansa ang GDP nito sa GDP.

FORMULA: GNI = C + I + G + (X – M) + SD + NFIFA

(2) Pamamaraan batay sa kita ng sangkap ng produksiyon (income approach)


o Sa paraang batay sa pinagmulang industriya, masusukat ang Gross Domestic Product ng bansa kung
pagsasamahin ang kabuuang halaga ng produksiyon ng mga pangunahing industriya ng bansa.
Kinapapalooban ito ng sektor ng agrikultura, industriya, at serbisyo. Sa kabilang banda, kung isasama ang
Net Factor Income from Abroad o Net Primary Income sa kompyutasyon, masusukat din nito ang Gross
National Income (GNI) ng bansa.

(3) Pamamaraan batay sa pinagmulang industriya (industrial origin approach).

a. Sahod ng mga manggagawa - sahod na ibinabayad sa sambahayan mula sa mga bahay-kalakal at pamahalaan
b. Net Operating Surplus – tinubo ng mga korporasyong pribado at pag-aari at pinatatakbo ng pampamahalaan at
iba pang mga negosyo
c. Depresasyon – pagbaba ng halaga ng yamang pisikal bunga ng pagkaluma bunga ng tuloy-tuloy na paggamit
paglipas ng panahon.
d. Di-tuwirang buwis – Subsidya
o Di-tuwirang buwis – kabilang dito ang sales tax, custom duties, lisensiya at iba pang di-tuwirang buwis.
8

o Subsidiya – salaping binabalikat at binabayaran ng pamahalaan nang hindi tumatanggap ng kapalit na


produkto o serbisyo. Isang halimbawa nito ang pag-ako ng pamahalaan sa ilang bahagi ng bayarin ng mga
sumasakay sa Light Rail Transit.
o Ang Gross National Income sa kasalukuyang presyo (current o nominal GNI) ay kumakatawan sa
kabuuang halaga ng mga natapos na produkto at serbisyong nagawa sa loob ng isang takdang panahon
batay sa kasalukuyang presyo. Sa pagsukat ng kasalukuyan at totoong GNI, kailangan munang malaman
ang Price Index. Sinusukat ng Price Index ang average na pagbabago sa presyo ng mga produkto at
serbisyo

o Sa kabilang banda naman, ang real o GNI at constant prices ay kumakatawan sa kabuuang halaga ng mga
tapos na produkto at serbisyong ginawa sa loob ng isang takdang panahon batay sa nakaraan pang presyo
o sa pamamagitan ng paggamit ng batayang taon o base year.

Ang pagkuha sa price index ay makikita sa halimbawa sa ibaba. Ipagpalagay na ang batayang taon ay 2006.
Batay sa formula ng price index, sa pagitan ng taong 2006 at 2007, ang price index ay 109.5. Ipinapakita
nito na nagkaroon ng 9.5% na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Samantala, 24 % ang itinaas ng presyo ng
mga bilihin noong 2007 hanggang 2008. Nagtala ng 35% na pagtaas ng presyo mula 2008 hanggang 2009.
Pinakamalaki ang itinaas ng presyo noong 2009 patungong 2010 na umabot hanggang sa 52%.

Kung ating susuriin, mas mababa ang real/constant prices GNI kumpara sa nominal/current price GNI dahil
gumamit ng batayang taon upang hindi maapektuhan ng pagtaas ng presyo ang pagsukat sa Gross
National Income ng bansa. Mas kapani-paniwala ang ganitong pagsukat dahil ito ang tunay na
kumakatawan sa kabuuang produksiyon ng bansa na tinanggal ang insidente ng epekto ng pagtaas ng
presyo.

Ang growth rate ang sumusukat kung ilang bahagdan ang naging pag-angat ng ekonomiya kompara sa
nagdaang taon.
o Kapag positibo ang growth rate masasabi na may pag-angat sa ekonomiya ng bansa. Samantala,
kapag negatibo ang growth rate, ay masasabing walang naganap na pag-angat sa ekonomiya ng
bansa at maipalalagay na naging matamlay ito.

Sa pamamagitan ng income per capita or person ay masusukat kung hahatiin ang Gross Domestic
Product sa kabuuang populasyon ng bansa.
o Sinusukat nito ang kalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan. Tinataya rin ng income per
capita kung sasapat ang kabuuang halaga ng produksiyon ng bansa upang tustusan ang
pangangailangan ng mga mamamayan nito.
o Kalimitan, ang maliit na populasyon at malaking income per capita ay nangangahulugan ng
malaking kakayahan ng ekonomiya na matustusan ang pangangailangan ng mga mamamayan
nito.
9

o Kapag mas mabilis ang paglaki ng populasyon kompara sa income per capita, magiging mahirap
para sa ekonomiya na tustusan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan ng bansa.

LIMITASYON SA PAGSUKAT NG PAMBANSANG KITA


Ang lahat ng limitasyong ito ay magsasabing hindi mainam na sukatan ng kagalingan ng pagkatao ang
pambansang kita.
o Hindi pampamilihang gawain
o Impormal na sektor
o Externalities o epekto
o Kalidad ng buhay

UGNAYAN NG PANGKALAHATANG KITA, PAG-IIMPOK AT PAGKONSUMO

o Ang pera ay ginagamit sa pagbili ng mga bagay na kinakailangan upang mapunan ang pangangailangan at
kagustuhan ng mga tao.

o Ang pagkonsumo gamit ang salapi ay kinakailangan din ng matalinong pag-iisip at pagdedesisyon upang
mapakinabangan nang husto at walang masasayang.

o Ang kita ay halagang natatanggap ng tao kapalit ng produkto o serbisyong kanilang ibinibigay. Sa mga
nagtatrabaho, ito ay suweldo na kanilang natatanggap.

o Ang kita ay maaaring gastusin sa pangangailangan at kagustuhan at iba pang bagay na kinukonsumo.
Subalit bukod sa paggastos ng pera, mayroon pang ibang bagay na maaaring gawin dito. Maaari itong itabi
o itago bilang savings o ipon.

SAVINGS:
o ang savings ay paraan ng pagpapaliban ng paggastos.
o kitang hindi ginamit sa pagkonsumo, o hindi ginastos sa pangangailangan.
o maaaring ilagak sa mga Financial Intermediaries tulad ng mga bangko.

INVESTMENT
o ipon na ginamit upang kumita
o Ang economic investment ay paglalagak ng pera sa negosyo.
o Ang personal investment ay paglalagay ng isang indibidwal ng kaniyang ipon sa mga financial asset katulad
ng stocks, bonds, o mutual funds.

DIBIDENDO O INTERES
o kita ng pera na inilagak sa mga institusyong Financial Intermediaries
10

KAHALAGAHAN NG PAG-IIMPOK AT PAMUMUHUNAN SA PAG-UNLAD NG EKONOMIYA NG BANSA

o Ang mga salaping inilalagak ng mga depositor sa bangko ay lumalago dahil sa interes sa deposito.
o Ipinauutang naman ito ng bangko sa mga namumuhunan na may dagdag na kaukulang tubo.
o Ibig sabihin, habang lumalaki ang naidedeposito sa bangko, lumalaki rin ang maaaring ipautang sa mga
namumuhunan.
o Habang dumarami ang namumuhunan, dumarami rin ang nabibigyan ng empleyo.
o Ang ganitong sitwasyon ay indikasyon ng masiglang gawaing pang-ekonomiya (economic activity) ng
isang lipunan.

Ang matatag na sistema ng pagbabangko ay magdudulot ng:


o mataas na antas ng pag-iimpok (savings rate)
o kapital (capital formation).

Ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC)- ang ahensiya ng pamahalaan ng nagbibigay ng proteksyon
sa mga depositor sa bangko sa pamamagitan ng pagbibigay seguro (deposit insurance) sa kanilang deposito
hanggang sa halagang Php250,000 bawat depositor. Ang isang bansang may sistema ng deposit insurance ay
makapanghihikayat ng mga mamamayan na mag-impok sa bangko. Kapag maraming nag-iimpok, lumalakas ang
sektor ng pagbabangko at tumitibay ang tiwala ng publiko sa katatagan ng pagbabangko.

SALN (STATEMENT OF ASSETS, LIABILITIES AND NET WORTH)- ito ay deklarasyon ng lahat ng pag-aari (assets),
pagkakautang (liabilities), negosyo, at iba pang financial interest ng isang empleyado ng gobyerno, kasama ang
kaniyang asawa at mga anak na wala pang 18 taong gulang.

ANG IMPLASYON

o ayon sa Economics Glossary, ang implasyon (inflation) ay tumutukoy sa pagtaas ng pangkalahatang presyo
ng mga piling produkto na nakapaloob sa basket of goods.
o ayon sa aklat na Economics nina Parkin at Bade(2010), ang implasyon ay pataas na paggalaw ng presyo at
ang deplasyon (deflation) ay ang pagbaba sa halaga ng presyo.
o Kaya sa tuwing may pagtaas sa pangkalahatang presyo ng mga bilihin sa isang ekonomiya, ang kondisyon
ng implasyon ay nagaganap.
o Dahil dito, naaapektuhan ang dami ng produkto na maaaring mabili ng mamimili.
o hyperinflation kung saan ang presyo ay patuloy na tumataas bawat oras, araw at linggo na naganap sa
Germany noong dekada 1920.

Pagsukat sa Pagtaas ng Presyo

o Karaniwang ginagamit sa pagsukat ng implasyon ang Consumer Price Index (CPI) upang mapag-aralan ang
pagbabago sa presyo ng mga produkto. Ang pamahalaan ay nagtatalaga ng mga piling produktong
nakapaloob sa basket of goods.
o Ang mga nasabing produkto ay kumakatawan sa mga pangunahing pangangailangan at pinagkakagastusan
ng mamamayan
11

o Mula sa market basket, ang price index ay nabubuo na siyang kumakatawan sa kabuuan at average na
pagbabago ng mga presyo sa lahat ng bilihin.
o Ang price index ay depende sa uri ng bilihin na gustong suriin.

IBA’T IBANG URI NG PRICE INDEX

Dahil sa pabago-bago sa presyo ng mga produkto, nabuo ang isang mekanismo upang masukat ang laki ng
pagbabago sa presyo. Ilan sa mga panukat ang sumusunod:

1. GNP Implicit Price Index o GNP Deflator. Ito ang average price index na ginagamit para mapababa ang
halaga ng kasalukuyang GNP at masukat ang totoong GNP. Ito ang sumusukat sa pangkalahatang antas ng
presyo ng mga produkto at serbisyong nagawa ng ekonomiya sa loob ng isang taon.

2. Wholesale or Producer Price Index (PPI). Index ng mga presyong binabayaran ng mga tindahang nagtitingi
para sa mga produktong muli nilang ibebenta sa mga mamimili.

3. Consumer Price Index (CPI). Sinusukat ang pagbabago sa presyo ng mga produkto at serbisyong ginagamit
ng mga konsyumer. Batayan sa pagkompyut ng CPI ang presyo at dami ng produktong kadalasang
kinokonsumo ng bawat pamilya na nasa loob ng tinatawag na market basket. Ang market basket ay
ginagamit din upang masukat ang antas ng pamumuhay ng mga konsyumer.

HALIMBAWA:
Weighted Price ng Pangkat ng mga Produktong
Kinokonsumo ng isang Pamilyang Pilipino (sa piso)

= 0.9088

Ibig Sabihin: Ang kakayahan ng piso bilang gamit sa pagbili sa taong 2012 ay 0.9088. Ibig sabihin, ang piso sa
taong 2012 ay makabibili na lamang ng halagang .91 sentimos batay sa presyo noong taong 2011 dahil sa
implasyon.

o Mahalagang malaman na lumiliit ang halaga ng piso habang tumataas ang CPI.
o Mapapansin na habang tumataas ang CPI ay bumababa naman ang kakayahang bumili ng piso.

Gawin mo:
12

DAHILAN NG IMPLASYON

o Demand-pull. Nagaganap ang demand-pull inflation kapag nagkaroon ng paglaki sa paggasta ang
sambahayan, bahay-kalakal, pamahalaan at panlabas na sektor ngunit ang pagtaas ng aggregate demand
ay hindi katumbas ng paglaki ng kabuuang produksiyon. Dahil dito, nagkakaroon ng shortage sa pamilihan
kaya ang presyo ng bilihin ay tumataas

o Cost-push. Ang pagtaas ng mga gastusing pamproduksiyon ang siyang sanhi ng pagtaas sa presyo ng mga
bilihin. Kung ang isang salik sa produksiyon, halimbawa ay lakas paggawa, ay magkakaroon ng pagtaas sa
sahod, maaari itong makaapekto sa kabuuang presyo ng mga produktong ginagawa. Maipapasa ng mga
prodyuser ang pagtaas sa halaga ng lakas paggawa sa mga mamimili.
13
14

KONSEPTO NG PATAKARANG PISKAL

Ayon kay Case, Fair, at Oster(2012), ang patakarang piskal ay tumutukoy sa behavior ng pamahalaan patungkol sa
paggasta at pagbubuwis ng pamahalaan. Sa madaling salita, ito ay tungkol sa polisiya sa pagbabadyet

Isinaad sa aklat nina Balitao et al.(2014) na ang patakarang ito ay “tumutukoy sa paggamit ng pamahalaan sa
pagbubuwis at paggasta upang mabago ang galaw ng ekonomiya”. Ayon kay John Maynard Keynes(1935), ang
pamahalaan ay may malaking papel na ginagampanan upang mapanatili ang kaayusan ng ekonomiya.

May dalawang paraan ang ginagamit ng pamahalaan sa ilalim ng patakarang piskal upang mapangasiwaan ang
paggamit ng pondo nito bilang pangangalaga sa ekonomiya ng bansa.:

Expansionary Fiscal Policy. Ang expansionary fiscal policy ay isinasagawa ng pamahalaan upang mapasigla ang
matamlay na ekonomiya ng bansa. Ipinapakita sa kondisyong ito na ang kabuuang output ay mababa ng higit sa
inaasahan. Kaakibat ng mababang output ay mataas na gastos dahil hindi episyenteng nagagamit ang lahat ng
resources.

Contractionary Fiscal Policy. Ang paraang ito naman ay ipinatutupad ng pamahalaan kung nasa bingit ng pagtaas
ang pangkalahatang presyo sa ekonomiya. Karaniwang nagaganap ito kapag lubhang masigla ang ekonomiya na
maaaring magdulot ng overheated economy na mayroong mataas na pangkalahatang output at employment.

Pambansang Badyet at Paggasta ng Pamahalaan

o Ang pambansang badyet ay ang kabuuang planong maaaring pagkagastusan ng pamahalaan sa loob ng
isang taon. Ito rin ang nagpapakita kung magkano ang inilalaang pondo ng pamahalaan sa bawat sektor ng
ekonomiya.
o Kung ang revenue o kita ng pamahalaan ay pantay sa gastusin nito sa isang taon, masasabing balanse ang
badyet. Ibig sabihin, ang salaping pumapasok sa kaban ng bayan ay kaparehong halaga ng ginastos ng
pamahalaan.
o Samantala, nagkakaroon ng depisit sa badyet (budget deficit) kapag mas malaki ang paggasta ng
pamahalaan kaysa sa pondo nito. Nangangahulugan na mas malaking halaga ng salapi ang lumalabas
kaysa pumapasok sa kaban ng bayan.
o Kung mas maliit naman ang paggasta kaysa sa pondo ng pamahalaan, nagkakaroon ng surplus sa badyet
(budget surplus). Nangangahulugan ito na mas malaking halaga ng salapi ang pumapasok sa kaban ng
bayan kaysa sa lumalabas.

Ang Badyet ng Pamahalaan


Ang badyet ng bansa ay inihahanda ayon sa mga prayoridad ng pamahalaan. Ang pagbibigay ng serbisyo ang
pangunahing pinaglalaanan ng pamahalaan ng pondo tulad ng edukasyon, pangkalusugan, social welfare, at iba
pa. ang pagbabadyet ay maaaring ayon sa sumusunod:

o badyet ayon sa sektor


o badyet ayon sa expense class
o badyet ayon sa mga rehiyon
o badyet ayon sa iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan at special purpose fund

Paggasta ng Pamahalaan ayon sa Expenditure Program


Hindi maisasakatuparan ng pamahalaan ang napakarami nitong tungkulin kung walang perang gagastusin. Upang
lubos na maipagkaloob ng pamahalaan ang mga programa at proyektong makatutulong sa lahat, kinakailangang
maayos na maipamahagi ang perang gagastusin sa mahahalagang aspekto ng pamamahala.

Ang expenditure program ay tumutukoy sa ceiling o pinakamataas na gastusing nararapat upang matugunan ang
mga pananagutan o obligasyon ng pamamahala sa loob ng isang taon. Ang nasabing ceiling ay suportado ng mga
tinatayang pinagkukunang pinansiyal. Nahahati ito sa tatlo:

1. Current Operating Expenditures - nakalaang halaga para sa pagbili ng mga produkto at serbisyo upang
maayos na maisagawa ang mga gawaing pampamahalaan sa loob ng isang taon. Kabilang dito ang
Personal Services at ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
15

2. Capital Outlays - panustos para sa pagbili ng mga produkto at serbisyo kung saan ang kapakinabangang
makukuha mula rito ay maaaring magamit sa loob ng maraming taon at maaaring makadagdag sa mga
asset ng gobyerno. Kabilang dito ang mga pamumuhunan sa capital stock ng mga GOCCs at mga
subsidiyaryo nito.

3. Net Lending - paunang bayad ng gobyerno para sa mga utang nito. Kabilang dito ang mga utang na
nalikom mula sa mga programang kaugnay ng mga korporasyong pagmamay- ari ng gobyerno.

Ang Konsepto ng Patakarang Pananalapi

o Ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ay nagtatakda ng mga


pamamaraan upang masigurong matatag ang ekonomiya, higit ang pangkalahatang presyo. Ito ay bilang
katiyakan na ang mamamayan ay patuloy na magkaroon ng kakayahan na makabili at matugunan ang mga
pangangailangan gamit ang kanilang kinita mula sa pagtatrabaho.

o Ang patakaran sa pananalapi ay isang sistemang pinaiiral ng BSP upang makontrol ang supply ng salapi
sa sirkulasyon. Kaugnay nito, ang BSP ay maaaring magpatupad ng expansionary money policy at
contractionary money policy.

o Kapag ang layunin ng pamahalaan ay mahikayat ang mga negosyante na palakihin pa o magbukas ng
bagong negosyo, ipinatutupad nito ang expansionary money policy. Ibababa ng pamahalaan ang interes sa
pagpapautang kaya mas maraming mamumuhunan ang mahihikayat na humiram ng pera upang idagdag
sa kanilang mga negosyo.

o Subalit, kapag ang demand ay mas mabilis tumaas kaysa sa produksiyon, tataas ang presyo. Kapag tumaas
na ang presyo, ang mga manggagawa at mga empleyado ay hihingi ng karagdagang sahod. Magbubunga
ito ng pagtaas ng presyo ng mga salik ng produksiyon. Kapag ang pagtataas sa presyo ng mga bilihin at ng
mga salik sa produksiyon ay nagpatuloy, mas lalong tataas ang presyo at magpapatuloy ang mga
pangyayaring unang nabanggit.

o Upang maiwasan ang kondisyong ito, karaniwang nagpapatupad ng contractionary money policy ang BSP
upang mabawasan ang paggasta ng sambahayan at ng mga mamumuhunan. Sa pagbabawas ng puhunan,
nababawasan din ang produksiyon. Kasabay rin nito ang pagbabawas sa sahod ng mga manggagawa kaya
naman ang paggasta o demand ay bumababa. Sa pamamaraang ito, bumababa ang presyo at nagiging
dahilan sa pagbagal ng ekonomiya. Ang kalagayang ito ang ninanais ng pamahalaan upang mapababa ang
implasyon.

Ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Suplay ng Pera


Bilang tagapangasiwa ng salapi, pautang, at pagbabangko, ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay itinatag
upang mapangalagaan ang kabuuang ekonomiya ng bansa. Nagpapatupad ito ng mga estratehiya na magsisiguro
upang iwasan ang mga suliraning pang-ekonomiya.

Ang mga pamamaraan na ginagamit ng BSP upang mapangasiwaan ang suplay ng salapi sa sirkulasyon ay
ang sumusunod:
Estratehiya Paraan
Open Market Ginagamit ng BSP ang securities upang pangasiwaan ang dami ng salapi sa
Operation sirkulasyon. Bibili ang BSP kapag nais nito na magdagdag ng salapi sa sirkulasyon at
magbebenta naman kapag nais magbawas ng supply sa ekonomiya. Ang securities ay
papel na kumakatawan sa mga asset ng bansa at nagsisilbing garantiya sa
transaksiyon na ito.
Pagtatakda ng Bahagi ng operasyon ng mga bangko ang pagtatabi sa bahagi ng idinepositong pera
Kinakailangang Reserba sa kanila at ang nalabing bahagi ay maaaring ipautang upang lumago at kumita. Ang
BSP ang nagtatakda ng reserbang itinatabi ng bangko na ginagamit upang makontrol
ang dami ng perang lalabas at maaaring ipautang ng mga bangko. Kung ang layunin
ng BSP ay magdagdag ng pera sa sirkulasyon, ibababa nito ang kinakailangang
reserba ng mga bangko upang mas marami ang ipautang. Ang multiplier effect ay
inaasahang makagpapasigla sa ekonomiya. Ngunit kung kinakailangan naman na
bawasan ang sobrang dami ng salapi at maiwasan ang implasyon, itinataas ng BSP
16

ang mga kinakailangang reserba ng mga bangko.


Rediscounting Function Ang mga bangko ay nakahihiram din ng pera sa BSP bilang pandagdag sa kanilang
reserba. Discount rate ang tawag sa interes na ipinapataw sa pag-utang ng mga
bangko sa BSP. Kapag nais ng BSP na mabawasan ang salapi sa sirkulasyon, itinataas
nito ang discount rate. Sa ganitong sitwasyon, iiwas ang mga bangko na manghiram
sa BSP at magtago ng mas malaking reserba na lamang kaya hindi madaragdagan ng
salapi sa ekonomiya. Ngunit kung nais ng BSP na maging masigla ang ekonomiya,
ibinababa nito ang interes ng pagpapautang sa mga bangko.
Moral Suasion Sa paraang ito, hinihikayat ng BSP ang mga bangko na gumawa at kumilos ayon sa
layunin ng BSP. Ginagawa ito upang mapatatag ang kalagayang pananalapi ng bansa
nang hindi gumagamit ng anumang patakaran.

You might also like