You are on page 1of 21

Paikot na Daloy ng Ekonomiya

Ang paikot na daloy ng ekonomiya ay binubuo ng iba’t ibang modelo at


sektor na may magkakaugnay na gampanin. Sa iyong palagay, ano-ano
ang pagkakaiba-iba ng limang modelo at paano ito makatutulong sa
pag-angat ng ekonomiya?
Ang pag-aaral ng makroekonomiks ay sumasaklaw sa kabuuang
ekonomiya ng isang bansa. Hindi lamang isa o dalawang institusyon
ang kumakatawan sa paggalaw na ito kundi ang lahat ng tao at mga
pangkat ng tao na matatagpuan sa isang lipunan.

May iba’t ibang modelo ang pambansang ekonomiya. Ito ay


nagbibigay ng konteksto sa pagsusuri ng pambansang ekonomiya sa
makroekonomiks. Ang modelo ng pambansang ekonomiya ay
naglalarawan ng interdependence ng lahat ng sektor sa isang
ekonomiya. Sa pamamagitan nito, naipakikita nang simple ang
reyalidad.
Ang pagtataya sa buong gawi ng lipunan ay isang malawak na gawain.
Upang mailarawan ang galaw ng pambansang ekonomiya sa isang
simpleng kalagayan maipakikita ito sa pamamagitan ng Paikot na
Daloy ng Ekonomiya.

Unang Modelo. Payak na Ekonomiya. Ito ay nagpapakita ng isang


payak na ekonomiya na kung saan ang sambahayan at bahay-kalakal
ay iisa. Ang gumagawa ng produkto ay siya ring kumukonsumo.
Ikalawang Modelo. Ang Bahay-kalakal at Sambahayan. Sa modelong
ito, ang ekonomiya ay nahahati sa dalawang sektor: ang sambahayan
at bahay kalakal. Mayroong itong dalawang pamilihan: (1) ang
pamilihan ng salik ng produksiyon o factor markets (lupa, lakas-
paggawa, entreprenyur, kapital) at (2) pamilihan ng mga tapos na
produkto o commodity (kilala bilang goods market o commodity
market) at serbisyo.
Makikita sa Pigura 2, na ang nasa loob na daloy ay mga produkto at
serbisyo sa pagitan ng sambahayan at bahay-kalakal. Ipinagbibili o
pinapaupahan ng sambahayan ang paggamit ng kanilang lupa, lakas-
paggawa, kapital, pamamahala sa pamilihan ng salik ng produksiyon.
Binibili naman ito ng bahay kalakal na ginagamit sa paggawa ng mga
produkto at serbisyo na ipinagbibili sa sambahayan sa pamamamagitan ng
pamilihan ng mga tapos na produkto at serbisyo.

Ang nasa labas naman na daloy ay nagpapakita ng kita ng ekonomiya.


Ginagamit ng sambahayan ang salapi sa pagbili ng mga produkto at
serbisyo mula sa bahay-kalakal. Ang bahay-kalakal naman ay ginagamit
ang kanilang kinikitang salapi sa pagbabayad ng paggamit nila ng mga
salik ng produksiyon gaya ng sahod, renta, interes at ang matitira ay tubo
para sa may-ari ng bahay-kalakal.
May prinsipyong makukuha sa modelo ng paikot na daloy ng ekonomiya.
1. Ang paikot na daloy ay nasa ekwilibriyo. Dahil ito ay paikot, kung ano
ang dumadaloy palabas sa bawat sektor ay siya ring dadaloy papasok. 2.
Ang gastos sa pagbili ng mga produkto at serbisyo ay dumadaloy mula sa
sambahayan patungo sa bahay-kalakal at ang kita sa salik ng produksiyon
ay dumadaloy mula bahay-kalakal patungo sa sambahayan.
Ipinapakita dito ang kabuuang gastos at ang kabuuang kita ay masasabing
patas o tama lamang.
Ikatlong Modelo. Pamilihang Pinansyal. Makikita sa modelong ito kung
paano nagdudulot ng pagkakaroon ng palabas at paloob sa daloy ng
ekonomiya. Ipinakikita sa Pigura 3 na ginugugol ng sambahayan ang
kanilang kita sa pagbili ng mga produkto at serbisyo. Ngunit hindi lahat
ng kanilang mga kita ay kanilang ibinibili ng mga produkto at serbisyo,
ilang bahagi nito ay kanilang itinatabi sa mga bangko bilang pag-iimpok.
Ang pag-iimpok ay pagpapaliban sa paggastos ng sambahayan para sa
kanilang mga pangangailangan para sa hinaharap. Ito ay maaaring ilagay
sapamilihang pinansyal (bangko, kooperatiba, insurance, pawnshop at
stock market). Dahil dito, ang pag-iimpok ay isang palabas na daloy sa
paikot na daloy ng ekonomiya.
Ang bahay-kalakal naman ay nais na palakihin o palawakin ang
kanilang produksyon kung kaya’t mangangailangan sila ng
karagdagang puhunan. Ang mga may-ari ng bahay-kalakal ay
manghihiram sa sambahayan sa pamamagitan ng pamilihang pinansyal
upang gamitin sa pamumuhunan at makabili ng karagdagang salik ng
produksiyon. Ang paghiram ng bahay-kalakal sa mga pamilihang
pampinansyal ay may kapalit na kabayaran sa pamamagitan ng interes
sa hiram na puhunan. Samakatuwid, ang pamumuhunan ay isang
papasok na
daloy sa paikot na daloy ng ekonomiya.
Ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya ay nakabatay sa pagtaas ng
produksyon at paglaki ng pamumuhunan. Para maging matatag ang
ekonomiya,kailangan na may ipon ang sambahayan at bahay-kalakal na
handang mamuhunan. Inaasahan na sa pamumuhunan ng bahay-kalakal,
tataas ang produksyon. Inaasahan din na dadami ang oportunidad para sa
trabaho. Sa ganitong modelo, kinakailangang balanse ang pag-iimpok at
pamumuhunan.
Ikaapat na Modelo. Ang Pamahalaan. Sa modelong ito makikita kung
paanong ang pamahalaan ay lumalahok sa sistema ng pamilihan.
Isa sa mga mahahalagang gawain ng pamahalaan ay ang paniningil ng
buwis sa mga kinikita ng sambahayan at bahay-kalakal. Dahil dito, hindi
lahat ng kinikita ng bahay-kalakal at sambahayan ay naibibili ng mga
salik ng produksiyon at naibibili ng mga produkto at serbisyo. Ilang
bahagi ng kanilang kinikita ay ibinabayad sa pamahalaan sa
pamamagitan ng buwis. Sumisingil ng buwis ang pamahalaan upang
kumita. Public revenue ang tawag sa kita mula sa buwis. Ito ang
ginagamit ng pamahalaan para sa mga pampublikong paglilingkod.
Ang pamahalaan katulad ng sambahayan at bahay-kalakal ay
kinakailangan din na gumastos para maisakatuparan ang paglilingkod sa
mga mamamayan. Ang pamahalaan ay gumagastos para sa pagpapasahod
ng mga kawani nito, bumibili ng iba’t ibang produktong kailangan upang
patakbuhin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Dahil dito ang gastos
na ito ay isang papasok na daloy sa ekonomiya.
Ikalimang Modelo. Kalakalang Panlabas. Ang kalakalang panlabas ay
may kinalaman sa pag-aangkat at pagluluwas ng mga produkto at
serbisyo sa ibang bansa. Ang pag-aangkat (import) ay pagbili ng mga
produkto at serbisyo mula sa ibang bansa, samantalang ang pagluluwas
(export) ay pagbebenta ng mga produkto at serbisyong gawa sa ating
bansa.
Makikita sa modelong ito ang relasyon ng panlabas na kalakalan sa
paikot na daloy ng ekonomiya. Napapansin mo marahil na hindi lahat ng
mga itinitinda sa ating bansa ay dito ginawa. Marami sa mga produktong
ito ay gawa sa ibang bansa o inaangkat mula sa ibang bansa. Pumapasok
ang mga inaangkat na produktong ito sa ating ekonomiya at magiging
bahagi na ang mga produkto sa merkado. Ang pag-aangkat ay isang
papasok na daloy sa daloy ng mga produkto at serbisyo. Ang pag-
aangkat sa mga dayuhang produkto ay kinakailangang bayaran natin ito
kung kaya’t ang pag-aangkat ay palabas na daloy ng salapi sa
ekonomiya.
Hindi rin naman lahat ng mga nagawang produkto sa ating bansa ay dito
rin itinitinda. Malaking bilang ng mga produktong ito ay iniluluwas
natin sa ibang bansa. Dahil dito, marami tayong mga produktong binibili
ng mga mamamayan sa labas ng bansa. Bunga nito, kumikita ang bansa
sa pagluluwas, ito ay papasok sa daloy ng salapi sa ating bansa
KOPYAHIN AT SAGUTIN:
1.Bakit mahalagang malaman ang mga modelo sa paikot na daloy ng
ekonomiya?
2.Sa limang modelo, alin sa palagay mo ang pinaka angkop sa pag-
unlad ng isang bansa? Pangatwiranan ang iyong sagot.
3.Sa iyong palagay, ano ang maaaring mangyari kapag Nawala ang
eksport/import sa ika-limang modelo?pangatwiranan ang iyong
sagot.
4.Mainam ba ang unang modelo sa kasalukuyang sistema ng
pambansang ekonomiya? Pangatwiranan ang iyong sagot.
5.Ipaliwanag ang ginagampanang papel ng sambahayan at bahay
kalakalsa limang modelo ng paikot na daloy ng ekonomiya.

You might also like