You are on page 1of 4

Edukasyon sa Pagpapakatao 4

Ikalawang Linggo: Pagbabahagi ng Aking Sarili: Pagiging Bukas-Palad


Guro: Mrs. Jean Norma S. Orillo

Deskripsyon ng Aralin:
Naranasan mo na bang maging biktima ng isang natural na kalamidad? Ang pagbabahagi ng sarili
ay pagbibigay ng kung ano ang mayroon ka sa iyong kapwa. Ito ay ang pagbibigay, paglilingkod,
o pagtulong sa mga nangangailangan nang walang inaasahang anumang kapalit. Sa raling ito,
ating pag-uusapan ang kahulugan at kahalagahan ng pagiging bukas-palad. Ating alamin ang mga
kasanayan at mga gawain upang ating maipakita ang pagiging bukas-palad.

Mga Layunin:

Sa araling ito, inaasahan na malilinang ng mga mag-aaral ang sumusunod:

• Natutukoy ang mga paraan upang maipakita at maiparamdam ang pagiging bukas-palad sa
ating kapwa.
• Nasusuri ang mga kadahilanan upang masuri ang importansya ng pagiging bukas-palad sa
ating pamilya at kapwa.

ANO ANG PAGBABAHAGI NG SARILI?

Ang pagbabahagi ng sarili ay pagbibigay ng kung ano ang mayroon ka sa iyong kapwa. Ito ay
ang pagbibigay, paglilingkod, o pagtulong sa mga nangangailangan nang walang inaasahang
anumang kapalit.

Ano-ano ang Tatlong Paraan ng Pagbibigay o Pagbabahagi ng Sarili?

Ang pagkamapagbigay ay may tatlong anyo o paraan. Maaari kang magbigay ng iyong oras,
talento, at yaman. Nangangahulugan ito na ang lahat ay maaaring maging mapagbigay dahil ang
lahat ay makapagbabahagi ng kahit na isa kung hindi man lahat ng tatlong ito.

Sa kuwento, ibinahagi ng pamilya ang kanilang yaman sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain


at lumang mga damit dahil ang mga ito ang kailangan ng mga tao sa panahong iyon. Sa
pamamagitan ng paggugol ng kanilang oras sa relief center at pagtulong sa pagbabalot ng mga
pagkain, ibinabahagi nila ang kanilang oras.

Bayanihan

Ang bayanihan ay isang tradisyong Pilipino na nagpapakita ng pagiging mapagbigay o


pagbabahagi ng sarili. Ang bayanihan ay isang salitang Pilipino na galling sa salitang “bayan” na
katumbas ng bansa o pamayanan sa pangkalahatan. Sa gayon, ang bayanihan ay tumutukoy sa
diwa ng pagkakaisa at kooperasyon ng buong pamayanan.

Ito ay pinakamalinaw na ipinakikita sa lumang tradisyon kung saan ang mga magkakapitbahay
ay tumutulong sa paglilipat ng bahay ng isang pamilya sa pamamagitan ng pagkuha ng mga
boluntaryo upang dalhin ang buong bahay, at literal na ilipat ito sa bago nitong katatayuan.
Isinasagawa nila ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tikin o kawayan nang pahaba at pa-
ekis sa ilalim ng bahay. Pagkatapos, papasanin nila ang bahay sa pamamagitan ng mga balangkas
ng kawayang ito.

Ngayon, ang diwa ng bayanihan ay buhay pa rin at naipakikita tuwing ang nagkakaisang
pagpupunyagi ay kinakilangan lalo na pagkatapos ng mga natural na kalamidad.

Mga boluntaryong nagbabalot ng mga relief goods.

Mga kabataang nagtatayo ng mga bahay para sa mahirap.

Mga mag-aaral na lumalahok sa mga gawain para sa


pagtataguyod ng kagubatan o reforestation.

Paano Mo Maibabahagi ang Iyong Oras, Talento, at Yaman?

Pagbabahagi ng Iyong Oras

• Gugulin ang iyong oras sa pagpapasaya sa isang


kaibigan, pag-aalaga ng bata, o pagbisita sa
isang kamag-anak na nangangailangan ng
makakasama.
• Gugulin ang iyong oras sa paggawa ng
boluntaryong gawain tulad ng pagtatanim ng
mga puno, paglilinis ng mga dalampasigan, o
pagbabalot ng mga relief goods.

Pagbabahagi ng Iyong mga Talento


❖ Tulungan mo ang iba kung saan ka magaling, gaya ng pagtuturo sa ilang kamag-aral sa
mga mahihirap na asignatura at proyekto, o pagkukumpuni ng nasirang laruan ng iyong
kapatid.
❖ Ibahagi ang iyong talent sa pag-awit sa pamamagitan ng pagsali sa isang koro, o pagtuturo
sa mga bata na naglalaro ng iyong paboritong isport o pagsakay sa bisikleta.
❖ Magbigay ng libreng serbisyo bilang isang propesyonal kung ikaw ay isang doctor,
dentista, abogado, at iba pa.

Pagbabahagi ng Iyong Yaman

➢ Magbigay ng pera at iba pang gamit, gaano man kaliit, sa


mga biktima ng mga kalamidad.
➢ Ibahagi ang iyong pagkain sa isang nagugutom na
kaibigan o sa isang pulubi.
➢ Magbigay ng suportang pinansiyal sa mga organisasyon
tulad ng Philippine National Red Cross na
maisakatuparan ang kanilang misyon at mga layunin.

Kalidad ng Pagbibigay at Hindi Inaasahang mga Benepisyo Nito

Ang pagbabahagi ay nagiging makahulugan kapag ang


iyong ibinabahagi ay may kalidad, at tunay na humihingi
ng pagsasakripisyo mula sa iyo. Sa ganitong paraan, hindi
mahalaga kung gaano kaliit o kalaki ang iyong ibinibigay
kundi ang kalidad o uri ng iyong pagbibigay. Madali para
sa ilang tao na magbigay kung ibinibigay nila ay isa
lamang maliit na bahagi ng kung ano ang mayroon sila, o
isang bagay na hindi na nila kailangan. Ito ay hindi mali.
Subalit kapag nagbigay ka ng isang bagay na mahalaga sa
iyo, ang iyong pagbibigay ay nagiging mas makahulugan
sa iyo at ikaw ay aani ng mga benepisyong espirituwal.

Tingnan ang bolunterismo. Kapag ikaw ay nagboboluntaryo at nagbibigay ng iyong lakas at oras
para sa isang mahalagang proyekto tulad ng pagtatanim ng mga puno, mararamdaman mo na
nakagawa ka ng isang bagay para sa sangkatauhan. Mapapaunlad din nito ang iyong kasanayan
sa pagtatanim. Palalakasin nito ang iyong tiwala sa sarili, mapagbubuti ang iyong mga
kasanayang panlipunan, at magbibigay sa iyo ng pakiramdam na bahagi ka ng iyong mga kasama
sa paglilingkod at ng pamayanan na iyong pinaglilingkuran.

Tunay na Pagbabahagi ng Sarili

Isipin mo ito: May mga pagkakataon ba kung kailan ang pagiging mapagbigay ay hindi mabuti,
o kung kailan ang pagbibigay ay nakasasama? Ang pagbabahagi ng mga sagot sa pagsusulit o
takdang-aralin ay hindi isang halimbawa ng pagkamapagbigay. Ikaw ay tunay na nasasangkot sa
pandaraya at kinukunsinti o pinababayaan mo ang kawalang pananagutan ng iyong mga kamag-
aral. Kapag ang isang kamag-aral ay humihingi ng isang piraso ng papel araw-araw, pinapayagan
mo na siyang umasa sa iyo. Ang pagkamapagbigay ay dapat na laging gawin na may layon ng
paggawa ng mabuti para sa ibang tao sa sandaling iyon at sa hinaharap.

Ang tunay na pagkamapagbigay ay nagiging daan upang ang nagbibigay at ang tumatanggap ay
maging mas mabubuting tao. Nagbabahagi ka nang walang inaasahang kahit na anong kapalit.
Hindi mo nararamdamang pinipilit kang ibahagi ang iyong oras, talento, o yaman. Ginagawa mo
ang lahat ng ito ng mula sa iyong sariling pagkukusa, nang hindi sinasabihan o pinapaaalalahanan
ng iba. Ikaw ay mapagbigay sa iba dahil naniniwala kang ito ang tamang gawin.
- Wakas –

You might also like