You are on page 1of 2

Modyul 10: PAGSUNOD AT PAGGALANG SA MGA MAGULANG, NAKATATANDA, AT MAY

AWTORIDAD
Ang pagkilala sa halaga ng tao o bagay ang nakapagpapatibay sa kahalagahan ng paggalang. At nagsisimula sa pamilya
ang kakayahang kumilala sa halaga.
Ang salitang “paggalang” ay nagmula sa salitang Latin na “respectus” na ang ibig sabihin ay “paglingon o pagtinging
muli,” na ang ibig sabihin ay naipakikita ang paggalang sa pamamagitan ng pagbibigay ng halaga sa isang tao o bagay.
Maraming aral ang nagsasabi na igalang ang lahat ng tao, igalang ang mga magulang at nakatatanda pati na ang mga taong
may awtoridad sa lipunan o estado. (Sa Bibliya: I Pedro 2:17; Efeso 6:2; Mateo 15:4; Levitico 19:32; Kawikaan 20:29;
Roma 13:7; Sa Koran, 17:23-24; Mga Tinipong Wikain ni K’ung Fu Tze, 1:2; 2:5-7).
Ang Pamilya Bilang Hiwaga
1. Nakasentro sa iyo ang mga ugnayan na maaaring ikinatutuwa mo o ikinaiinis mo.
2. Ang iyong pag-iral ay bunga ng pagtugon sa dalawang taong pinagbuklod ng pagmamahalan.
3. Ang iyong pagkatao ay nagiging hatol o husga sa mga taong nagpalaki sa iyo.
Ang mga kasalukuyang suliranin tulad ng kawalan o humihinang pagpapahalaga sa kabanalan, kawalan ng paggalang sa
buhay at kamatayan (na nagiging dahilan nang kayabangan, pagkukunwari, pagkabagot o kawalan ng interes o kawalan
ng pag-asa) ay ilan lamang sa mga patunay ng di pagkilala sa halaga ng pamilya sa paghubog ng iyong pagkatao.
Ang Pamilya Bilang Halaga
Ang nararamdamang karangalan (pride) at hindi kayabangan (vanity), ay isang tugon na bahagi ng iyong pag-iral.
Ang pagkilala sa halaga ng pamilya at mga kasapi nito ay naipakikita sa pagsusumikap na gumawa ng mabuti at umiwas sa
paggawa ng masama.
Kung ikaw naman ay bahagi ng isang pamilyang nagpapahalaga sa katarungan, pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa, at
namamalas ang pagsasabuhay ng batas ng malayang pagbibigay o 'law of free giving', kakikitaan ng kapayapaan at lalim ng
unawa ang ugnayan ng bawat kasapi.
Maipakikita rin ang paggalang sa pamamagitan nang nararapat at naaayon na uri at antas ng komunikasyon.
May marapat na antas ng komunikasyon para sa mga bagong kakilala at sa mga mahal mo sa buhay, at di kailanman marapat
ang magsalita nang masama, magmura o manglait ng kapwa.
Ang Pamilya Bilang Presensiya
Bilang presensiya, ang pamilya ang nagsisilbing proteksyon sa mga kasapi, duyan ng pagmamalasakit at pagmamahalan,
pinaglalagakan ng lahat ng mga karanasan, kalakasan, kahinaan, damdamin at halaga.
Itinuturing ang pamilya na isang tahanang nag-iingat at nagsasanggalang laban sa panganib, karahasan at masasamang banta
ng mga tao o bagay sa paligid at labas ng pamilya.
Napagtitibay ang presensiya ng pamilya ng mga nakasanayang gawi o ritwal, at pagkakaroon ng disiplina. Sa pamamagitan
ng karaniwang gawain ng pamilya sa araw-araw, nakakasanayan ang pagkakaroon ng mga gawi, tulad ng

• pagmamano o paghalik sa kamay ng mga magulang o nakatatanda,


• paggamit ng ‘po’ at ‘opo’,
• ang pagkain nang sabay-sabay,
• pagkakaroon ng diyalogo,
• pagtulong sa mga gawaing-bahay, at
• pakikibahagi sa mga pagdiriwang sa iba’t ibang okasyon.
Ang Hamon sa Pamilya
Maraming suliranin ang naidudulot nang pagkawala o unti unting paghina ng nakagisnang gawi o ritwal na dulot ng pagkawala
ng mahal sa buhay, paglipat ng tirahan o paghahanapbuhay ng magulang sa malayong lugar, at epekto ng teknolohiya at
industriyalisasyon.
Kadalasan, ito rin ang nagiging sanhi ng di pagkakaunawaan, paghihiwalay, at minsan ay humahantong pa sa pananakit, dahil
unti-unti nang nawawala ang paggalang at pagbibigay ng halaga sa pamilya at sa mga kasapi nito.
Ang Paggalang at Pagsunod sa May Awtoridad at ang Kahalagahan ng Pagsanggun
Natututuhan ng bata ang paggalang at pagsunod sa pamamagitan ng:
1. Pagmamasid sa kanilang magulang at ibang kasapi ng pamilya kung paano sila gumagalang sa ibang tao, sa
nakatatanda, sa mga may awtoridad, sa pamahalaan, mga opisyal nito at sa mga batas na kaniyang ipinatutupad; maging
ang paggalang sa Diyos at sa kinikilalang pananampalataya ng pamilya.
2. Pagkikinig at pagsasabuhay ng mga itinuturong aral ng mga magulang tungkol sa paggalang at pagsunod.
3. Disiplina at pagwawasto nang may pagmamahal at pagmamalasakit.
Paano maipakikita ang paggalang at pagsunod at sa mga magulang?
Ang paggalang at pagsunod sa magulang ay maipakikita sa pamamagitan ng sumusunod na gawain:
1. Pagkilala sa mga hangganan o limitasyon. Kapag ang magulang ay nagtakda ng hangganan, dapat itong igalang sa
pamamagitan ng di pag-abuso sa itinakda.
2. Paggalang sa kanilang mga kagamitan. Naipakikita mo ang paggalang kung naiingatan mo ang mga bagay na iyong
ginamit at hiniram.
3. Pagtupad sa itinakdang oras. Naipakikita mo ang paggalang kung umuuwi ka nang maaga at di na kung saan-saan pa
pupunta nang walang paalam.
4. Pagiging maalalahanin. Isa pang paraan ng pagpapakita ng paggalang sa kanila ay ang pag-alaala sa mga mahahalagang
okasyon sa buhay nila, tulad ng kaarawan, anibersaryo, at iba pa.
5. Pagiging mapagmalasakit at mapagmahal. Maipakikita ang paggalang sa pamamagitan ng paggamit at pagbigkas ng
mga magagalang na pananalita at pakikinig sa kanilang mga sinasabi o ipinapayo.
Paano maipakikita ang paggalang at pagsunod sa mga nakatatanda?
Ang pagpapakita ng paggalang sa nakatatanda ay isang magandang bahagi ng kultura ng mga Pilipino. Sa simula pa
lamang, ang mga bata ay tinuturuang gumamit ng ‘Po’ at ‘Opo’ sa kanilang pakikipag-usap at pagmamano sa mga
nakatatanda. Narito ang ilang paraan ng pagpapakita ng paggalang sa mga nakatatanda (ayon sa aklat ng Respect for the
Elderly: Implications for Human Service Providers ni Sling, 2004):

1. Sila ay arugain at pagsilbihan nang isinasaalang-alang ang maayos na pakikipag-usap.


2. Hingin ang kanilang payo at pananaw bilang pagkilala sa karunungang dulot ng kanilang mayamang karanasan sa buhay.
3. Iparamdam sa kanila na sila ay naging mabuting halimbawa lalo na sa pagiging matiisin at matiyaga sa maraming bagay.
4. Kilalanin sila bilang mahalagang kasapi ng pamilya sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa mga karaniwang gawain
ng pamilya at mga espesyal na pagdiriwang.
5. Tugunan ang kanilang mga pangangailangan at kahilingan na makabubuti sa kanila.

Paano maipakikita ang paggalang sa mga taong may awtoridad?


Narito ang ilan sa mga paraan upang maipakita ang paggalang sa mga taong may awtoridad (ayon kay Wolff, n.d.)
1. Magbasa at pag-aralan ang tunay na tagubilin ng Diyos sa paggalang sa mga taong may awtoridad
2. Lagi mong ipanalangin ang mga taong may awtoridad na ikaw ay pamahalaan.
3. Maging halimbawa sa kapwa.
4. Alamin at unawain na hindi lahat ng pagpapasiya at mga bagay na dapat sundin ay magiging kaaya-aya para sa iyo.

Paano mo maisasabuhay ang paggalang na ginagabayan ng katarungan at pagmamahal?


Maisasabuhay natin ang paggalang na ginagabayan ng katarungan at pagmamahal sa pamamagitan ng sumusunod na
mungkahi ayon kay David Isaacs (Character Building, 2001)
1. Panatilihin ang pagkakaunawaan, bukas na komunikasyon, at pagkilala sa halaga ng pamilya at ng lipunang
kinabibilangan.
2. Kilalanin ang kakayahan ng bawat tao na matuto, umunlad at magwasto ng kaniyang pagkakamali.
3. Pagtugon sa pangangailangan ng kapwa, sa pamamagitan ng patuloy na pagtulong at paglilingkod sa kanila.
4. Laging isaalang-alang ang damdamin ng kapwa sa pamamagitan ng maayos at marapat na pagsasalita at pagkilos.
5. Isaalang-alang ang pagiging bukod-tangi ng bawat tao sa pamamagitan ng pagpapakita ng angkop na paraan ng
paggalang.
6. Suriing mabuti ang kalagayan o sitwasyon ng kapwa upang makapagbigay ng angkop na tulong bilang pagtugon sa
kanilang pangangailangan.
7. Bilang bahagi ng katarungan, ibigay sa kapwa ang nararapat sa kaniya at ang nararapat ay ang paggalang sa kaniyang
dignidad.
8. Sa pakikipag-usap sa kapwa, iwasan ang madaliang panghuhusga at pagbibitiw ng masasakit na salita.
9. Laging isaisip ang kahalagahan ng tunay na paglilingkod sa kapwa na may kalakip na pagmamahal at pagpapatawad.

You might also like