\ Gawain 3
Sa Gitna ng Silid
Ang aking kaluluwa ay umiiyak, humahagulgol sa dilim,
Nasasadlak sa dusa, nag-iisang umaasa at nanalangin,
Hindi namamalayan ang oras kung ito’y mabagal o mabilis,
Napapalibutan ng takot at katahimikang nakakabingi.
Dasal ko’y sinagot sapagkat pinagpala ng liwanag ang silid,
Ang katahimikan ay pinalitan, kanta ng gitara at biyolin,
Amoy ng rosas dumating sa ‘kin, misteryoso, kapanapanabik,
May ngiti sa labi, ako’y tumayo’t sumayaw sa saya at himig.
Sa sobrang saya ay ‘di napagtanto mga paa’y namimilipit,
Dumadami ang mga rosas gayundin ang mga baging at tinik,
Nagiging hiyawan ang musika, ang ilaw bumubulag sa ‘kin,
Nawawalan na ng hininga, ang tawa’t sayaw di mapigil-pigil.
Dumating na ‘ko sa kasukdulan, nabigyan ng pagmumuni-muni,
Na kahit itong kwarto ay napuno ng yaman, tukso at mga piging,
Hindi magbabago na ako’y mananatili at dito’y nakapiit,
Nag-iisa na umiiyak, humahagulgol sa gitna ng silid.