You are on page 1of 2

ANG KAHON NI PANDORA (Isang Mitolohiyang Griyego)

Noong unang panahon, ang magkapatid na sina Epimetheus at Prometheus ay namuhay


'kasama ng mga diyos at diyosang Griyego. Ang magkapatid ay mga Titan subalit sumanib sila sa
mga Olimpian na pinamumunuan ng diyos na si Zeus dahil ang panganay na si Prometheus ay may
kakayahang makita ang hinaharap at nabatid niyang sa huli ay tatalunin ng mga Olimpian ang
mga Titan.

Dahil sa katapatang ipinakita ng magkapatid sa mga Olimpian noong una ay binigyan sila ni Zeus
ng kapangyarihang lumikha ng mga nilalang para manirahan sa daigdig. Binigyan din sila ng
kapangyarihang mabigyan ng kakayahang maproteksiyonan ng mga nilikha nila ang kani-kanilang
sarili subalit limitado lang ito sa mga mauunang malikha. Si Epimetheus ang lumikha ng mga hayop.
Binigyan niya ng natatanging kakayahan ang bawat isa sa mga ito kabilang na ang kakayahang
maprotektahan ang kani-kanilang sarili tulad ng pagbibigay ng pakpak, balahibo, tuka, at iba pa. Si
Prometheus naman ay lumikha ng mga tao subalit dahil naging mas matagal siya ay naubos at
wala nang naiwang pamprotekta sa kanila dahil naipamigay nang lahat ni Epimetheus sa mga
nilikha niya.

Dito naisip ni Prometheus na humiling ng isang bagay na tanging mga diyos at diyosa lamang ang
nakagagamit noong una. "Haring Zeus, maaari po ba nating ipagamit ang apoy sa mga tao?
Kakailanganin po nila ito para sa kanilang proteksiyon, sa paghahanda ng pagkain, at upang
mapanatili ang init sa panahon ng taglamig," ang pakiusap niya.

"Hindi maaaril" ang dumadagundong na sagot ni Zeus. "Ang apoy ay para lamang sa mga diyos at
diyosa! Huwag kang magkakamaling ipagamit ito sa mga tao dahil makakamit mo ang isang
matinding kaparusahan!" ang pagbabanta niya kay Prometheus.

Subalit umiral pa rin kay Prometheus ang pagmamalasakit sa mga tao dahil alam niyang labis nila
itong kakailanganin. Tinungo niya ang tirahan ni Hephaestos, ang diyos ng apoy at bulkan. Dito'y
kumuha siya ng apoy nang walang paalam at ibinigay sa mga tao. Itinuro din niya sa kanila ang
tamang paggamit nito. Dahil sa pagsuway na ito ay labis na nagalit si Zeus kaya't isang matinding
kaparusahan ang iginawad niya kay Prometheus. Ikinadena niya si Prometheus sa malayong
kabundukan ng Caucasus sa loob ng napakaraming taon. Araw-araw niyang pinapupunta ang
kanyang agila upang tukain ang atay ni Prometheus na muli rin namang bumabalik sa dati
pagkatapos. Natigil lamang ang labis na pagpapahirap na ito nang mapatay ni Herakles ang agila
sa pamamagitan ng kanyang palaso at mapalaya si Prometheus.

Subalit hindi dito natapos ang galit ni Zeus, Naniniwala siyang dapat ding maparusahan ang
sangkatauhan dahil sa pagtanggap nila ng handog na apoy mula kay Prometheus. Naisip niyang
gamitin ang kapatid ni Prometheus na si Epimetheus para sa kanyang plano.

Hiniling niya ang tulong ng diyos na si Hephaestos sa paglikha ng isang babae mula sa luwad.
Pagkalikha sa babae ay nagtulong-tulong ang mga diyos at diyosa sa pagbibigay ng mga hindi
pangkaraniwang katangian sa kanya. Ang diyosang si Athena ay nagbigay ng maningning niyang
kasuotang hinabi mula sa pinakamahuhusay na sutla at gintong sinulid. Ipinutong din niya sa ulo ng
babae ang tinuhog na pinakasariwang bulaklak gayundin ang koronang purong ginto na sadyang
ginawa ni Hephaestos para sa kanya. Ginawaran naman siya ng hindi pangkaraniwang
kagandahan ng Diyosang si Aphrodite.

Binalaan na dati pa ni Prometheus ang kapatid na huwag na huwag tatanggap ng anumang


handog mula sa mga diyos at diyosa dahil tiyak na kapahamakan lang ang dala nito. Batid din ni
Epimetheus na ang anumang manggagaling kay Zeus ay isang patibong subalit nang makita niya
ang napakaganda at kahali-kahalinang si Pandora ay agad siyang umibig sa dalaga. Galak ang
dulot sa kanya ng pagdating ng babae at hindi niya lubos maisip na ang isang nilalang na
kasingganda ni Pandora ay maaaring magdulot ng anumang bagay na makasasama sa iba.

Agad inihanda ang kasal nina Epimetheus at Pandora na ikinatuwa Zeus dahil nangyayari ang lahat
ayon sa kanyang mga plano. Bilang handog sa kanilang kasal, isang ginintuang kahon ang
ipinadala ni Zeus. May kalakip itong susi at babalang nagsasabing "huwag itong bubuksan."

Pinakiusapan ni Epimetheus si Pandora tungkol sa kahon "Pinakamamahal ko, maaari mong tingnan
ang kahon subalit nakikiusap ako sa iyong sundin ang babala ni Zeus na huwag na huwag itong
bubuksan." Sumang-ayon naman dito si Pandora. Itinago rin ni Epimetheus ang susi para hindi ito
magamit sa pagbubukas ng kahon.

Pinilit ni Pandorang sundin ang lahat ng tagubilin ni Epimetheus subalit dahil likás siyang mausisa ay
hindi siya mapakali hangga't hindi niya nababatid kung ano ang laman ng kahon. Sa tuwing
makikita niya ito ay napapaisip siya ng magagandang bagay na maaaring laman ng kahon, kung
may mga gintong alahas ba o naggagandahang sutla sa loob nito, at kung bakit ito ipinadala sa
kanya pero hindi naman niya puwedeng buksan.

Isang araw, maagang nagtungo si Epimetheus sa bukid at naiwang mag-isa si Pandora. Nakatitig
siya sa kahon at tulad ng dati ay natutukso na namang buksan ito. Naalala niya ang bilin ni
Epimetheus kaya't ginawa niya ang makakaya para mapaglabanan ang tuksong tila tumatawag sa
kanya. Hanggang sa pagtingala ay nakita niya ang susing isinabit pala ng asawa sa itaas na bahagi
ng dingding ng kanilang tahanan. Dali-dali niyang kinuha ang susi. Susubukan ko lang kung ito nga
ba ang susi. Hindi ko bubuksan ang kahon.

Ipinasok niya ang susi sa susian at agad itong kumasya. Nakarinig ng "click" na ibig sabihi'y puwede
na niyang iangat ang takip nito. Sisilipin ko lang. Nanginginig ang kamay, mabilis ang tibok ng puso,
at abot-abot ang paghinga, dahan-dahan niyang iniangat ang takip ng kahon at sinilin ang laman
nito.

"Whirl.... whiz.... whiz..." Huli na ang lahat! Pag-angat pa lang ng takip ay agad nagliparan palabas
ang langkay-langkay na mga itim na insektong kumakatawan sa iba't ibang uri ng kasamaan sa
mundo tulad ng galit, inggit, kasakiman, digmaan, panibugho, gutom, kahirapan, kamatayan, at
iba pa. Lahat ng bagay na makasasama sa mundo ay napaalpas niya.

Agad isinara ng nanlalambot na si Pandora ang kahon. Humahagulgol siya nang datnan ng asawa.
Isang tingin lang ni Epimetheus ay nahulaan na niya ang nangyari. Umiiyak na ipinakita ni Pandora
ang loob ng wala nang lamang kahon.

Subalit mula sa nakabukas na kahon ay lumipad ang isang maganda at maningning na munting
insekto. Ito ang espiritu ng pag-asa. Napakawalan man ni Pandora ang lahat ng masasamang
bagay sa mundo ay nagawa rin niyang palabasin ang pag-asa na siyang humihilom sa anumang
sakit na dulot ng mga naunang umalpas na masasamang bagay. Subalit dahil mas huli niya itong
napalabas, karaniwang laging sa huli rin dumaratingang pag- asa. Kaya naman magpahanggang
ngayon, kapag ang tao ay nakararanas ng sunod-sunod na problema o paghihirap, hindi
nagtatagal at dumarating ang pag-asa upang magbigay-lakas sa kanilang huwag magpatalo sa
mga pagsubok at ituloy ang laban ng buhay.

You might also like