You are on page 1of 6

ANG BUHAY NG PERYA, ANG BUHAY AY PERYA.

/Dulang May Iisang Yugto/

“Tingnan mo nang patagilid ang mundo.


Tanggalin ang takip ng tapayan. Hihintayin kita.”

Dekomposisyon 2

Ang dulang ito ay tungkol sa disgrasyadong si LEO at sa malabong identidad ni TOMAS. Sa kanilang
pagtatagpo ay ang gayunding pagkasagot sa mga tanong ng buhay, pagkabuo ng metapora, mga ‘di inaasahang
teorya at alamat.

Mga tauhan

LEO, 18, Kasalukuyan


TOMAS CRISOSTOMO, 30, Hinaharap

Tagpuan
Sa espasyong kinatitirikan ng narrang silya

Oras
Sa pagtatagpo ng panahong kasalukuyan at hinaharap

Eksena

EXT. SA ESPASYONG KINATITIRIKAN NG NARRANG SILYA - hapon

Madilim ang langit. Nagbabadya ng isang pagbuhos. Sa narra at yantok na silya ay nakaupo ang noong
tahimik na si LEO. Payapa. Tangan niya ang itim niyang kuwaderno na laman ang siguro’y ‘sandaan niyang
elehiya. Nakasingit sa loob ang isang pudpod na lapis, at maraming letra ng pamamaalam – indikasyon ng
kaniyang depresyon. Ang kuwaderno’y nakabuka na. Niluma na rin ng palagiang pagsusulat ng binata – sa
layong matapos ito at makuha ang materyal sa likod ng matigas nitong pabalat. Dadamputin ng kanyang
kaliwang kamay ang maikling lapis at muling mapapasulat. Matitigilan at babasahin ang nilalaman ng dyornal.
LEO
Sa Iyo, Diary. (tahimik na hinahagod ng paningin ang diary) Pangkaraniwang araw... (pagkuwa’y
mapapatingin sa blangkong espasyo ng kwaderno, isasara) Hays! Ang jeje na. Wala na akong mailagay dito.
Paulit-ulit. Konting oras na lang talaga, (buntong-hininga) tatapusin ko na ‘to.

Susuriin ng binata ang itim na kuwaderno. Mapapabuklat sa nalalabing pahina.

LEO
Oh! Tatlong pages na lang? Ha! Sa wakas.

Ekspresyong ‘di maipinta. Sa mukha niya ay nagtatalo ang kulay ng takot, galak, lungkot at siguro’y
pasasalamat. Tatlong huling pahina na lamang at makukuha na niya ang blade na ikinabit niya bago pa man
nagsimulang sumulat sa kuwadernong iyon. Tuwa bang tatlong pahina na lang at maaari na niyang tapusin
ang labingwalong taon niyang pamamalagi?

Pagkuwa’y dadatal si TOMAS. Sa silya’y mapapaupo rin siya. Maayos ang bihis. Payapa ang hitsura. Bakas
sa mukha na malapit na itong magtrenta, mula sa gusot na siguro’y dala ng pagkasubsob sa trabaho.

TOMAS
Hmm. (iuunat ang mga kamay sa likuran ng silya, sasandal) Buhay nga naman, o. (mapapaawit ang matanda)
Kay sarap mabuhay, punong-puno ng kulay…

Si LEO’y mapapatingin nang may init sa matanda. Taka ang trenta sa masid ng binata. Mapapausyoso ito

TOMAS
(mapapatingin sa kaliwa at kanan) O, bakit? Mali ba ang tono ko? O lyrics?
Tama naman ata ah. Kay sarap mabuhay, punong-puno ng kulay…
(mapapangiti)

Usig ang tingin. Walang imik si LEO. Waring kinakapa ang kakaibang akto ng matanda.
Sinusuri ang kapisikalan nito – mula ulo hanggang paa.

TOMAS
O, sandali nga lang, bata. Ano na naman iyon?

LEO
(ibabaling ang tingin mula kay TOMAS) Wala po. Kahawigin nyo lang ang
tatay. Parehas pa kayo ng pabangong ginagamit. No. 27 ng Afficionado ba
‘yun?

TOMAS
Ha! (mapapangiti) Matalinong bata. Marunong kumilala. Magandang
lalaki ba ‘yang tatay mo at sa akin mo pa nagawang ikumpara?
LEO
(dagling katahimikan) Medyo po.

TOMAS
‘Yun naman pala eh! (mapapangiti) Edi ayos.

Guguhit ang mga tandang-pananong sa utak ni Leo. Bakit naririto ang matandang ito?
Kung tutuusi’y siya lamang ang nakakaalam ng lugar na iyon. Siya mismo ang nagtirik sa silyang iyon, ang
naghanap ng lugar-seklusyon para sa sarili niyang kapasiyahan.

Ang lugar na sana’y pagkikitilan niya ng kaniyang buhay sa oras na matapos niya ang
diary, ayo’t hindi lang siya ang nakakaalam.

LEO
Teka lang din po. Pa’no kayo nakapunta dito? Tago ‘to at saka medyo
masukal ang daan sa baba.

TOMAS
Dito ako dinala ng paglalaog ko eh. (tatawa ang matanda) Hindi ko alam
pero malapit sa akin ang lugar na ito. Tanda ko’y lagi rin ako ritong
nakatambay, nagbabasa, nagsu—

LEO

(naguguluhan) —Ha! H’wag nyo naman po akong lokohin. Ako nakadiskubre sa lugar na ‘to eh. Saka, ako lang
ata tumatambay di—

TOMAS
(mapapatawa ito sa gitna ng pagpapaliwanag ni LEO) —Naku anak. Marami ka pang hindi alam. Ito nga’t
dala ko ang libro na kahit tapos ko na ay binabasa ko pa rin. Iba ang librong personal mong sinulat. At para
alam mo, dito ko rin ito naisu—

LEO
(may kunot sa noo, magugulat) Wait, h’wag nyo po sabihing—

TOMAS

(muli, ang pagtawa) —Oo, ako nga ang nagsulat nito. Pero saglit, ‘di ito biro ha. Ang dami ko munang naging
karanasan bago ko to nailabas at naipaprint. Binasa ko muna ng paulit-ulit ang draft ko no’n. Tiningnan kung
okay lang na malaman ng lahat ang story ko.

LEO
(mapapatayo, mapapahawak sa ulo dahil sa mangha) Grabe. Sana all na lang.

TOMAS
(mapapasulyap sa itim na kuwadernong pag-aari ni LEO) O, maiba naman. Ikaw? (kukuhanin ang dyornal)
Ano naman itong sinusulat mo?

Magigising ang noong depresadong diwa ni LEO. Makikipag-agawan siya sa matanda ngunit lupa ang
magwawagi. Sa lupa mapupunta ang sikreto ng kaniyang kuwaderno. Ang siguro’y ‘sandaan niyang elehiya,
ang pudpod na lapis, maraming letra ng pamamaalam at ang matalas na blade na nakasingit sa pabalat nito –
mananabog lahat.

Susubukan pa ring pulutin ni LEO ang mga nagsipanabog para itago sa matanda.

Burado ang ngiti sa mukha ni TOMAS. Waring hindi nagtataka sa kung ano ang laman ng kuwaderno ng binata.

TOMAS

(dadampot ng mga papel) Suicide notes? Naku kang bata ka. Kung bakit ba naman ga—

LEO

(nakatungo, patuloy na pinupulot ang mga nahulog niyang gamit) –Mas marami kayong hindi alam sa dala ko
ngayon. Eto na nga lang diary na ‘to ang nakakatulong sa’kin.

TOMAS

(buntong-hininga) Bakit ‘di ka magkwento sa mga kaibigan mo? Bagay na hindi ko rin naman nagawa noong
araw—

LEO
(tataas ang boses, mapapatayo) —Kwento? Kanino? Sa mga kaklase ko? Sasabihin lang nila, “Leo, kalalaki
mong tao, ang drama mo?” Saan pa? Kay mama? Naku, wala na ‘yong time para sa’kin. Lagi na lang syang
wala sa bahay. Laging nasa ibang lugar. Palibhasa, ang perya ang kaniyang palaruan. Asa sa pera ng color game
at cards na minsan naman ay lugi. (mapapatawa na lang) Laro na lang din sa kaniya ang lahat.

TOMAS
(ramdam ang bigat ng pakiramdam ni LEO) Sa tatay mo? Akala ko ba kamukha ko ‘yun?

Lalatay ang katahimikan sa paligid. Ang pag-uusisa ni Tomas tungkol sa ama ni LEO, kahit pa alam na niya
ang buong istorya ng binata, ay bumuo ng nakabibinging katahimikan.

LEO
(mapapaupong muli sa mahabang silya) Ang Tatay. S’ya na nga lang napagsasabihan ko ng lahat. Ayun,
sumunod na kay lolo at lola. Namatay po sya sa engkwentro ng pulis at mga drug dealer noon sa karnabal,
d’yan sa baba. Nabaril. Akala siguro ng mga pulis ay ang lahat ng mga tumatakbo noon ay criminal din. Mga
ungas. (mapapayuko) Sa dinami-rami ng pwedeng madamay noon, ang Tatay pa.

TOMAS
(hahaplusin ang likod ng noong nakaubob na LEO)

LEO
(tutunghay) Kaya siguro ayoko maging pulis, o kahit ano. Ayoko rin naman manahin ang peryahan ng nanay at
tatay. Hindi ako sanay sa tayaan. Gusto ko ay do’n sa malaya ako. Gusto ko maging writer, makapagsulat,
makapag express, gan’on –

TOMAS
– Bakit ‘di mo subukan?

LEO
(buntong-hininga) Nagsusulat naman po ako. Mga sucide notes nga lang. Bukod sa ayoko maging pulis o ano,
ayoko na rin po sigurong maghirap pa. (bubuklatin ang sirang kuwaderno) Kaya eto, nagsingit ako ng blade
dito. Para sakaling tapos ko na sulatin ‘tong diary na ‘to, pwede na.

TOMAS
Pwede na?

LEO
Pwede na.

TOMAS
Bakit, ‘di ba pwedeng “Pwede pa.”?

Muli, ang katahimikan. Ang mahigpit na kapit ni LEO sa kaniyang dyornal ay luluwag. Sing-luwag ng
kaniyang damdamin sa diskurong iyon.
Kukuhanin ni TOMAS ang kuwaderno mula sa binat at ibibigay naman dito ang libro niyang katha.

TOMAS

Ang buhay ay perya, bata. Gaya ng sinabi ko sa librong iyan, walang kasiguraduhan sa mga chances na
kinukuha natin. Taya tayo nang taya. Gan’on tayong mga tao. Saka lang tayo dapat titigil sa pagtaya ‘pag wala
na tayong itataya. (matitigilan) Pero hindi rin siguro. Ikaw, bata ka pa. Sa perya ng buhay, marami ka pang
pwedeng laruin – at pagtagumpayan.
LEO
(ibabaling ang atensyon sa pabalat ng libro ni TOMAS) Teka. Tomas Crisostomo? Paano – Bakit niyo
kapangalan ang tatay?

Sa puntong iyon ay mas binaha ang utak ni LEO ng mas marami pang katanungan. Mga katanungan sa
identidad ng matanda, katanungan tungkol sa relasyon nya sa kaniyang ama, katanungan sa mga posibilidad
ng buhay at marami pang iba.

LEO
At saka, itong laman ng libro nyo. Bakit – bakit kaparehas ng sa akin. Mga notes, elehiya at –

TOMAS
(seryoso) Ako ay ikaw, Leo.

LEO
(taka pa rin sa mga ganap, sa pagkatao ng matanda) Konsensya? Multo? O alien?

TOMAS
(mapapangiti) Ako ay ikaw, Leo. Ikaw, ang kalungkutan mo, ang lahat ng sakit -- kayo ang bumuo sa’kin.
Sayang ang biyaya, Leo. Tingnan mo nang patagilid ang mundo. Tanggalin ang takip ng tapayan. Hihintayin
kita.

Idadako ni LEO ang mga daliri at mata sa huling pahina ng kuwaderno. Malamig ang kamay. Sing-lamig ng
bahagyang simoy ng hangin sa paulaning hapong iyon.
Babasahin niya ang nakasulat rito. Pagkuwa’y wala na ang matanda.

LEO
(magbabasa) “Sa Iyo, Diary. (tahimik na hinahagod ng paningin ang diary) Salamat. Marami pa akong
mailalagay dito. Maraming oras pa para tumaya. Magkita tayo after five or ten- or twelve-years ha. Sa time na
‘yun, libro ka na -- Manunulat na ako.”

Tahimik na ang tensyonadong pook na iyon. Sa ikli ng pagtatagpo ng dalawa, maraming kaisipan na ang
nalikha. Ang metapora ng kasalukuyan at hinaharap, teorya ng perya, at palagay ng oras at pagbabago. Bago
matapos ang isang dekada at dalawang taon mula sa kasalukuyan, isisilang ang alamat ng isang tanyag na
manunulat. Si LEO. Gagamitin niya ang pangalan at apelyido ng kaniyang ama sa sariling katha at akda,
gayundin ang ‘sandaan niyang elehiya, maraming letra ng pamamaalam, at blade na kalauna’y
mangangalawang din. Pagkuwa’y mapapakinggan ng lahat ang kaniyang istorya. Pupunuin ng kaniyang libro
ang salansanan ng buhay – ANG PAGSUSUMAMO, 2030. Isinulat ni LEO (Tomas Crisostomo). WAKAS.

You might also like