You are on page 1of 26

PAMILIHAN

Iba ang kahulugan ng “pamilihan”


sa pormal na pag-aaral ng
ekonomiks kaysa sa kahulugan nito
sa pang-araw-araw na usapan.
Bagama’t nauugnay pa rin ito sa
pagpapalitan ng produkto at
serbisyo ay hindi ito
kasingkahulugan ng palengke, kung
saan nagaganap ang mismong
pagpapalitan.
KONSEPTO NG PAMILIHAN
Ang pamilihan ay hindi lamang isang
lugar kung saan nagtatagpo ang mga
mamimili at nagtitinda. Ito ay isang
mekanismo kung saan nagkakaroon ng
ugnayan ang mga mamimili at ang mga
manininda upang tukuyin ang presyo ng
mga kalakal at alamin kung gaano
karaming transaksiyon ng pagbili at
pagtitinda ang magaganap.
DALAWANG SUKDULANG
ANYO NG PAMILIHAN
Pamilihan na may ganap na
kompetisyon at monopolyo.
Samantala, may mga anyo ring
nagtataglay ng pinagsamang mga
katangian ng dalawang uri ng
pamilihang nabanggit.
PAMILIHAN NA MAY GANAP
NA KOMPETISYON
Sinasabing ang pamilihan ay may ganap na
kompetisyon kung tinatanggap ng mga bahay-
kalakal na wala silang kakayahang
impluwensiyahan ang umiiral na presyo sa
pamilihan. Kung ang isa ay magtaas ng presyo,
aagawin ng mga kakompetensiya nitong bahay-
kalakal ang bahagi nito sa kita ng pamilihan.
Kahit kaunti o malaki ang produksiyon niya, ang
produksiyon ng bahay-kalakal ay patuloy na
maipagbibili sa umiiral na presyo sa pamilihan.
Ang kompetisyon ay resulta ng pagkakaroon ng limang
kondisyon sa pamilihan.
1. Ang pamilihan ay may maraming
mamimili at manininda at kung gayon,
ang pagkonsumo ng isang mamimili at
produksiyon ng isang bahay-kalakal ay
napakaliit kung ihahambing sa kabuuang
pagkonsumo at produksiyon sa
pamilihan.
2. Ang produkto sa pamilihan ay pareho sa
lahat ng aspekto kung kaya’t mahirap
ibukod ang gawa ng isang bahay-kalakal
3. Ang impormasyon sa pamilihan ay
kompleto. Ang kompletong impormasyon
ay tumutukoy sa pagkakaroon ng bawat
kasapi ng pamilihan ng mga impormasyong
mahalaga sa pamilihan tulad ng presyo,
produkto, at teknonolohiya.
4.Walang karagdagang gastos na kailangang
buuin sa mga transaksiyon kaugnay ng
pamimili at pagtitinda.
5.Walang umiiral na hadlang sa pagpasok
ng mga bagong bahay-kalakal sa pamilihan.
Ang kabuoan ng mga kondisyong nabanggit
ay nagpapaalala sa mga bahay-kalakal na
ang pasalungat sa umiiral na presyo sa
pamilihan ay nangangahulugan ng
pagkawala ng bahagi sa kabuuang kita sa
pamilihan. Kung magtataas ng presyo,
mawawalan ito ng mamimili. Kung
magbababa ng presyo, bagamat darami
ang mamimili ay malulugi ang bahay-
kalakal dahil mas mataas ang halaga ng
karagdagang produksiyon kumpara sa
presyo nito sa pamilihan.
Ang demand curve na hinaharap ng bawat
bahay-kalakal sa pamilihang may ganap na
kompetisyon ay perfectly elastic o horizontal.
Kapag ang isang bahay-kalakal ay
sumasalungat sa umiiral na presyo sa
pamilihan ay tiyak ang pagkaubos ng bahagi
nito sa kabuoang kita ng pamilihan. Kung ito
ay magpapataw ng presyo na higit pa sa
presyo sa pamilihan, tiyak na wala itong
makukuhang kita dahil lahat ng mga
customer nito ay lilipat sa ibang mga
nagbebenta na handang mag-alok sa mas
mababang presyo.
Mabigat ang mga kondisyon ng ganap na
kompetisyon subalit may mga pamilihan na
humigit-kumulang ay nakasusunod sa mga
pamantayang ito. Pinakamahusay na
halimbawa ang pamilihan ng consumer
goods sa mga sari-sari store dito sa Pilipinas.
Laganap ang mga sari-sari store sa mga
komunidad, kung saan ang mga
impormasyon tungkol sa mga ito ay
nalalaman ng karamihan. Wala ring
masyadong hadlang sa pagpasok sa
negosyo. Dahil dito, ang presyo ng mga
bilihin ay hindi gaanong nagkakaiba.
Pamilihang walang
ganap na kompetisyon
Salungat sa pamilihan na may
ganap na kompetisyon, may mga
anyo kung saan ang mga bahay-
kalakal ay may kakayahang idikta
ang presyo. Nariyan ang
monopolyo, oligopolyo, at
monopolistikong kompetisyon.
Monopolyo
Ang sukdulang kabaliktaran ng ganap na
kompetisyon ay ang monopolyo. Sumakatuwid,
lahat ng limang kondisyon ng ganap na
kompetisyon ay sinasalungat ng monopolyo. Una,
mayroon lamang iisang bahay-kalakal sa pamilihan
at ang kalakal nito ay walang malapit na kapalit sa
pamilihan. Dahil dito, may kapangyarihan ang
monopolyo na idikta ang presyo ng kaniyang
kalakal sa pamilihan. Ito ay nangangahulugan na
ang presyo sa pamilihang monopolyo ay maaaring
anuman sa mga presyong katapat ng mga punto
sa kahabaan ng demand curve.
Ang pag-iral ng mga hadlang sa pagpasok
ng mga bagong bahay-kalakal sa pamilihan
ang pangunahing dahilan kung bakit may
monopolyo. Kapag ang monopolyo ay
nagtakda ng presyo na mas mababa pa sa
gastos ng pagbuo ng karagdagang kalakal
ng mga nais pumasok na bahay kalakal sa
pamilihan, pipigilan nito ang mga bagong
bahay-kalakal na kalabanin ang monopolyo
dahil wala silang kakayahang tapatan ang
mababang presyo.
Isang halimbawa ng monopolyo sa Pilipinas ay ang
pamilihan ng telecommunications service mula
1928 hanggang 1993. Noon ay mayroon lamang
isang bahay-kalakal sa pamilihang ito. Sa bisa ng
Commonwealth Act 3436 ay nabuo ang Philippine
Long Distance Telephone (PLDT) Company. Binigyan
ng batas ng eklusibong karapatan ang PLDT sa loob
ng 50 taon na magpundar ng telephone network sa
buong bansa. Sa pagdaan ng panahon, nangibabaw
ang structural barrier upang limitahan ang
pagpasok ng mga bagong manlalaro sa pamilihan
ng telecommunications service. Yaong mga
nakapasok sa industriya paglaon ay may limitadong
operasyon lamang.
Oligopolyo
Sa pagitan ng ganap na kompetisyon at
monopolyo ay ang oligopolyo. Kaunti lamang
ang bahay-kalakal sa pamilihang ito at ang
kalakaran sa negosyo ay sadyang
nangangailangan ng estratehiyong pag-iisip.
Kapag ganap ang kompetisyon, hindi kailangang
alalahanin ang pasiya sa produksiyon ng bahay-
kalakal dahil ito ay maliit lamang kung
ihahambing sa kabuoan. Sa monopolyo ay
madalas na wala namang kailangang alalahanin
na kompetisyon. Sa oligopolyo, ang pasiya ng
isang bahay-kalakal ay may makabuluhang
epekto sa kabuuan ng pamilihan.
Ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC)
ay isang cartel na binubuo sa kasalukuyan ng 12 bansang
may malakihang pagluwas ng produktong petrolyo. Ito ay
nagtatakda ng patakaran para sa mga kasapi tungkol sa
pagluluwas ng produktong petrolyo. Kung ang bawat
miyembro ay nakikipagtulungan, maituturing na isang
malaking monopolyo ang OPEC. Bilang isang monopolyo,
may kakayahan ang OPEC na magtakda ng presyo ng
petrolyo na hamak na mas mataas kaysa sa itinakda ng
pamilihan na may ganap na kompetisyon. Naisasakatuparan
ito sa pamamagitan ng pagsang-ayon na babaan ang
kanilang pangkalahatang pagluwas upang tumaas ang
presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Monopolistikong kompetisyon
Ang pamilihan na may monopolistikong
kompetisyon ay may katangian ng isang
monopolyo at bahay-kalakal sa isang pamilihan na
may ganap na kompetisyon. Sa pamilihang ito, ang
mga kalakal ay natatangi dahil sa uri, lokasyon,
kalidad. Ang mga bahay-kalakal ng bawat
natatanging kalakal ay masasabing isang
monopolyo. Subalit, ang bawat natatanging
produkto ay maraming substitute. Halimbawa ng
ganitong pamilihan ay ang sabon. Maraming
sabon sa pamilihan may pampaputi, pamprotekta
sa sikat ng araw, pangontra sa mikrobyo, at iba pa.
Panghihimasok at gampanin ng
pamahalaan
Ang pagkakaroon at paggamit ng kapangyarihan
upang maimpluwensiyahan ang presyo sa
pamilihan ay nagdudulot ng pagliit sa kabuoang
kabutihan sa ekonomiya. Ipinapakita na mas
maliit ang produksiyon at pagkonsumo sa mga
pamilihan na walang ganap na kompetisyon. Ang
maaaring gawin ng pamahalaan ay panalitihing
matatag ang pamilihan upang palaganapin ang
kompetisyon. Magagawa ito halimbawa sa
pamamagitan ng paglansag sa mga hadlang sa
pagpasok ng mga bagong bahay-kalakal sa
pamilihan.
Ang hindi pagsasaalang-alang sa mga
benepisyo o gastos sa pagtukoy ng presyo
sa pamilihan ay nag-uugat sa kakulangan
ng impormasyon tungkol sa kung sino ang
mga nagmamay-ari sa mga produkto o
serbisyo sa ekonomiya. Isang haimbawa
ay ang kalagayan ng mga pagkilos na
nagdudulot ng externality o mga panlabas
na benepisyo o gastos sa mga kaspi ng
lipunan na wala namang direktang
kaugnayan sa mga pagkilos na ito.
Positive externality
Ang tawag kung ang externality ay lumulikha ng
panlabas na benepisyo. Sa kalagayang ito, ang
pagkilos na may positive externality ay
nagdudulot ng pangkahalatang benepisyo sa
lipunan na mas mataas kung ihahambing sa
pribadong benepisyo na natatanggap ng
gumagawa ng pagkilos na ito. Halimbawa ng
mga pagkilos na may positive externality ay ang
pagbabakuna laban sa mga sakit na pumipigil sa
pagkalat ng mga nakakahawang sakit at research
and development na lumikha ng makabagong
teknolohiya.
Negative externality
Ang tawag sa externality na lumilikha ng
panlabas na gastos. Ang pagkilos na may
negative externality ay nagdudulot ng
pangkahalatang gastos sa lipunan na mas mataas
kung ihahambing sa pribadong gastos na bina-
balikat ng gumagawa sa pagkilos na ito.
Halimabawa ng mga pagkilos na may negative
externality ay ang paggamit ng coal fired power
plant sa produksiyon ng koryente na lumilikha n
polusyon sa hangin at pagmamaneho ng
sasakyan na lumilikha naman ng mabigat na
traffic at maging polusyon sa hangin.
Ang panghihimasok ng pamahalaan ay
dapat nakatuon sa pagpapalawig ng mga
pagkilos na may positive externality
habang binabawasan naman ang mga
pagkilos na may negative externality sa
pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa
mga labis na benepisyo at gastos sa
presyo sa pamilihan. Maaaring maglaan
ng subsidiya para sa mga pinagmumulan
ng pagkilos na may positive externality at
magpataw naman ng buwis sa mga
pinagmumulan ng pagkilos na may
negative externality.
THE END
ISULAT ANG TAMANG SAGOT SA PATLANG.
_______1.Ito ay mekanismo kung saan nagkakaroon ng uganayan ang mga mamimili at
manininda upang tukuyin ang presyo.
_______2.Ang sukdulang kabaliktaran ng ganap na kompetisyon.
_______3.PLDT
_______4.Kaunti lamang ang bahay-kalakal sa pamilihang ito at ang kalakaran sa
negosyo ay sadyang nangangailangan ng estratehikong pag-iisip. Ito ay pagitan ng
ganap na kompetisyon at monopolyo.
_______5. OPEC
________6.Ang mga bahay-kalakal ay may kakayahang idikta ang presyo. Ito ay salungat
sa pamilihan na may ganap na kompetisyon.
________7.May katangian ng isang monopolyo at bahay-kalakal sa isang pamilihan na
may ganap na kompetisyon.
________8.Ang tawag sa externality na lumilikha ng panlabas na benepisyo.
________9.Ang tawag sa externality na lumilikha ng panlabas na gastos.
________10.Tinatanggap ng mga bahay-kalakal na wala silang kakayahang
impluwensyahan ang umiiral na presyo sa pamilihan.
Sagot:
1.PAMILIHAN
2.MONOPOLYO
3.PHILIPPINE LONG DISTANCE TELEPHONE
4.OLIGOPOLYO
5.ORGANIZATIONS OF PETROLEUM EXPORTING COUNTRIES
6.PAMILIHANG WALANG GANAP NA KOMPETISYON
7.MONOPOLISTIKONG KOMPETISYON
8. POSITIVE EXTERNALITY
9. NEGATIVE EXTERNALITY
10.PAMILIHAN NA MAY GANAP NA KOMPETISYON

You might also like