aaral ay inaasahang nasusuri ang mga mahalagang pangyayari sa pamahalaan at lipunan mula sa sinaunang kabihasnan hanggang sa ika-16 na siglo. TRABAHO NG MGA DALIT O UNTOUCHABLES ANG PAGSUSUNOG NG MGA PATAY. Ang mga dalit o untouchable ay nasa pinakamababang pangkat sa lipunan ng kabihasnang Indus. Sila ang gumagawa ng madudumi at mahihirap na trabaho katulad ng pagsusunog ng mga patay. Ang sistemang caste ng kabihasnang Indus ang siyang naging batayan ng pagkakaayos ng lipunan. Ano kaya ang mga uri ng lipunan at pamahalaan ng ibang sinaunang kabihasnan sa Asya? Ating alamin sa araling ito. Hanggang sa kasalukuyan ay natutunghayan at nararanasan pa rin ang kabutihang dulot ng iba’t ibang tuklas, ideya, at mahahalagang pangyayari mula sa mga sinaunang kabihasnang Asyano. Hindi maikakaila na marami na rin ang naging pagbabago sa pamumuhay ng mga tao, subalit ang pagsusuri at pagpapahalaga sa mga pangyayaring humikayat at nagbigay daan sa mga pagbabagong ito ay kritikal na bahagi pa rin para sa ating patuloy na pag-unlad bilang isang kabihasnan. KABIHASNANG SUMER Ang kabihasnang Sumer o Sumeriano ay tinatayang umusbong at namukadkad sa pagitan ng 3,500-3,000 BCE (Before Common Era) sa mga lambak-ilog ng Tigris at Euphrates, sa matabang lupain ng Mesopotamia (Mesos = pagitan; Potamos = ilog) o “lupaing nasa pagitan ng dalawang ilog.” Ang Mesopotamia ay bahagi ng kasalukuyang Iraq. Ang pagsibol ng kabihasnang ito ay bunga ng pagtugon ng mga Asyano sa pangangailangan sa sistema ng patubig o irigasyon, na lubhang mahalaga upang tugunan ang mga gawaing agrikultural, lalo na sa panahon ng tagtuyot. Sa tulong ng bawat kasapi ng pamayanan o lungsod-estado (city-state) ay naging organisado at sistematiko ang pagsasaka na naging daan sa higit na maayos at matatag na kapamahalaan at higit pang maunlad na kulturang nagpatuloy sa paglago. Ang Kodigo ni Hammurabi ay mahalagang pamana ng mga Babylonian sa larangan ng batas at pagpapanatili ng kaayusan. Ito ay ang kalipunan ng batas na ipinairal sa lungsod ng Babylonia. Binubuo ito ng 282 batas tungkol sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay sa Mesopotamia. Nakapaloob dito ang mga paglabag sa batas at mga karampatang parusa para sa bawat paglabag. Ito ay nakasulat sa pinatuyong tabletang luwad na ipinapaskil sa bawat poste at mahahalagang bahagi ng kaharian na agad natutunghayan ng mga tao.
Pangunahing tema ng kodigong ito ang prinsipyong “mata sa mata,
ngipin sa ngipin” (an eye for an eye, a tooth for a tooth). Sa prinsipyong ito, kung ano ang kasalanang nagawa sa kapwa ay siya rin ang parusang ibibigay. Hindi maikakaila ang malulupit at mabibigat na kaparusahang itinatakda para sa bawat kasalanan, subalit sinasalamin din ng kodigong ito ang pagpapahalaga sa mga inosenteng naakusahan pa lamang at hindi pa itinuturing na may kasalanan hanggang hindi pa nalilitis at napatutunayan ang kaniyang nagawang mali. Makikita rin sa kodigong ito ang pagbibigay ng pagkakataon at karapatan sa mga akusado upang mangalap ng sarili nilang ebidensiya upang mapawalang sala ang kanilang sarili sa harap ng hari na siyang nagsisilbing taga-usig at tagapataw ng kaparusahang ayon sa kasalanan.
Ang kodigong ito ay nanatili at nagsilbing batayan ng mga
sumunod pang pangkat at kabihasnan. Dahil dito ay napanatili ang organisasyon at kaayusan sa buong kabihasnan. SISTEMANG PANLIPUNAN
Naging mahalagang bahagi rin ng kabihasnang Sumer ang
pagpapahalaga sa pamilya at relihiyon bilang mga sentro ng kanilang pamumuhay. Ito ay dahil sa paniniwalang ang pamilya at relihiyon ang nagpapatatag sa kanilang lipunan. Nagkaroon din ng pagpapangkat ng mga tao dito sang-ayon sa kanilang gampanin at katayuan sa lipunan. Nakaayon sa pangkat na kanilang kinabibilangan sa hirarkiya sa lipunan ang bahaging kanilang isinasagawa upang higit na mapaunlad ang kabihasnan. Ang paghahating ito ay isa sa mga hakbang upang masiguro ang kaayusan at aktibong pamumuhay ng bawat mamamayan. Sa estratipikasyon, ang mga pari at hari ang may pinakamataas na posisyon sa lipunang Sumer. Sinasalamin nito ang mataas at pantay na pagpapahalaga nila sa kanilang mga pinunong pulitikal at espirituwal. Sumunod naman ay ang mga nagpoprotekta sa mga mamamayan, at ang mga taong may mataas na antas ng kasanayan (artisano). Pangatlo, ang mga magsasaka na pinahahalagahan din sa lipunan, dahil sa pagpapahalaga nila sa agrikultura, at ang panghuli ay ang mga alipin na may gawaing maghabi at magbuhat. Ang mga alipin ay may mahalagang bahaging ginampanan sa patuloy na pagpapatatag sa kabihasnan ng mga Sumerian. Sila ay maaaring nahuli sa labanan o hindi kaya ay ipinambayad-utang.
Pagdating naman sa panahanan, kapansin-pansing
ang mga pinakamakapangyarihan ay nakatira sa loob ng siyudad, malapit sa mga templong tore. Ito ay upang maipakita ang kanilang taas at halaga sa lipunang Sumerian. Nasa labas ng siyudad, mas malayo sa mga templong tore, ang panahanan ng mga ordinaryong mamamayan. Pag-aralan ang grapikong pantulong KABIHASNANG INDUS
Ang mga natunaw na yelo mula sa kabundukan ng Himalayas ay
nagdala ng kaputikan tungo sa ilog ng Indus, Ganges, at Brahmaputra na nagpainam naman sa lupang malapit dito para sa agrikultura. Dahil sa kainaman ng lupa at tubig sa lugar para sa pangunahing pangangailangan noon sa agrikultura, nagsimulang manirahan nang pirmihan ang mga tao at doon na pinalago ang kanilang kabihasnan. Dito na umusbong ang kabihasnang Indus sa pagitan ng mga lambak-ilog ng Indus at Ganges. Sinasabing ang mga Dravidian (katutubong Indiano) ang bumuo ng kabihasnang ito. Ipinalalagay na umusbong ang kabihasnang Indus noong bandang 2,700 BCE. Batay sa mga naunang talakayan, nabakas na mayroong organisado at sistematikong pamamahala sa kabihasnang Indus kung saan ang pamahalaan ay pinangunahan ng mga maykaya sa lipunan batay sa mga desisyong kanilang isinagawa. Nang dumating na lamang ang mga mananakop na Aryan sa kabihasnang Indus, nagkaroon ng pagkakahati sa lipunan. Pinaniniwalaang nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Brahma ang mga tao at ito ang naging batayan ng pagkakahati ng lipunan. Ang pagkakahating ito ay nakilala bilang sistemang caste (caste : angkan). Kadalasang ang mga nasa una hanggang ikatlong pangkat ay nananatili sa kanilang posisyon o maaaring tumaas pa, subalit hindi para sa mga nasa huling dalawang pangkat. KABIHASNANG TSINA
Itinuturing ng marami ang Tsina bilang pinakamatandang
kabihasnang nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan, dahilan upang magkaroon ito ng libong taon ng nagpapatuloy na kasaysayan. Umusbong ito sa masaganang lupain sa mga lambak-ilog ng Huang Ho (Yellow River) at Yangtze, bagaman tunay na maraming pagsubok ang dala ng paninirahan malapit sa mga ilog na ito, piniling pahalagahan ng mga sinaunang Tsino ang mga bagay na maaari nilang mahubog upang tuluyang mapaunlad ang kanilang pamayanan hanggang maging isa itong matatag at kinikilalang kabihasnan, hindi lamang sa Asya, kung hindi sa mundo. Kilala rin ito sa tawag na kabihasnang Shang, na ipinalalagay na nagsimula noong 1600 -1046 BCE. Ang pamamahala sa kabihasnang Tsina ay sang-ayon sa pinuno ng bawat dinastiya. Kalalakihan lamang ang tinatanggap nila na mamuno sa lahat. Ang pinuno ay pinaniniwalaang itinalaga rin ng langit. Sila ay nagmula sa pinakamalalakas na dinastiya (pamilyang pulitikal) na patuloy na nakipaglaban upang maiangat at mapanatili ang mga sarili sa kapangyarihan. Ang mga desisyong isinasagawa ng mga pinuno ay isinasangguni nila sa pilosopiyang kanilang sinasaligan at sa paggabay mula sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng paggamit ng butong pang-orakulo o oracle bone. Katulad sa kabihasnang Sumer, ang pagkakaayos ng mga estruktura mula sa mga templo hanggang sa kabahayan ay ayon sa antas ng mga tao sa lipunan. Nasa sentro ng lungsod ang mga templo at palasyo, nasa paligid naman nito ang bahay ng mayayaman at makapangyarihang tao. Sa higit na malayong bahagi naman ng lungsod matatagpuan ang sa mga ordinaryong mamamayan at manggagawa. Sa mga labi ng ilang taong natagpuan, kasama na ang labi ng mga hari, mababakas na mayroong pang-aaliping naganap sa kabihasnang Shang. Kung ang alipin ay nanilbihan sa maharlika, siya ay isasama sa libingan nito kasama ang mga yaman at iba pang ari-arian ng hari. Ang mga artisano, magsasaka, at ordinaryong mamamayang nanirahan sa malayong bahagi ng lungsod ay hindi pinahintulutang gumamit ng mga tansong kagamitan sa kanilang mga ritwal. Ang kanilang mga gamit ay yari sa bato at hindi isinasama sa kanilang libingan. SALAMAT SA PAKIKINIG!